Pangangaral sa Lupain ng mga Pagkakaiba
MGA kangaroo, koala, wombat, at platypus, ang Ayers Rock at ang Great Barrier Reef—ito ang mga pangalan na nagugunita pagka nasasaisip ng mga tao ang Australia. Subalit nakapagtataka, ang karamihan ng mga taga-Australia ay malamang na hindi kailanman nakadalaw sa Ayers Rock o sa Great Barrier Reef o nakakita ng isang koala, wombat, o platypus sa labas ng isang zoo. Ang dahilan ay sapagkat 85 porsiyento ng populasyon ng bansa na 17.3 milyon ay sa mga siyudad naninirahan, sa limang malalaking lunsod sa baybaying-dagat.
Pagkatapos lisanin ang baybayin at maglakbay patungong interyor sa layong 200 kilometro humigit-kumulang, ang naglalakbay ay darating sa simula ng hangganan ng bantog na outback ng kontinente. Ang palibot ay nagbabago mula sa makapal na kagubatan at mabungang bukirin tungo sa mainit, tigáng, malawak na lupain, na kung saan ang tanging tumutubo ay mga palumpong at ligaw na damo. Subalit, may mga nabubuhay sa outback. Malalaking rantso ng tupa at baka ang sumasaklaw sa daan-daang milya kuwadrado. Sa dako pa roon ng interyor ay matatagpuan ang nakapapaso-sa-init na mga disyerto, na kung saan may namamatay na mga tao pagka hindi sila nag-ingat.
Umuunlad ang Mabuting Balita
Sa ganiyang kapaligiran ipinangangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa lupaing ito ng Australia. Libu-libo bawat taon ang tumutugon sa pangako ni Jehova na isang matuwid na bagong sanlibutan. Noong nakaraang taon ng paglilingkod, ang bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian ay umabot sa mahigit na 57,000, na halos doble sa bilang noong sampung taon na nakalipas. Samantalang karamihan sa mamamahayag, tulad ng malaking bahagi ng populasyon, ay natitipon sa mga lunsod sa baybayin, ang mabuting balita ay umuunlad din sa interyor.
Upang masilayan kung papaano nangangaral sa malawak na lupaing ito ng mga pagkakaiba, sumama tayo sa isa sa ating limang tagapangasiwa ng distrito at sa kaniyang maybahay sa kanilang pagdalaw sa ilan sa mga kongregasyon sa malalayong kabukiran. Saklaw ng kanilang paglalakbay ang estado ng Kanlurang Australia, kalahati ng estado ng Queensland, at ang Hilagang Teritoryo, na may lawak na mahigit na 4.7 milyon kilometro kuwadrado. Iyan ay halos kasinlaki ng Europa, puwera ang dating Unyong Sobyet.
Ang ating paglalakbay ay nagsisimula sa Perth, ang kabiserang lunsod ng Kanlurang Australia. Sa lubhang modernong lunsod na ito na may 1.2 milyong katao, ngayon ay mayroon nang 49 na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Bukod sa Ingles, may mga kongregasyon na Griego, Italyano, Portuges, at Kastila, at mayroon ding mas maliliit na grupo sa ibang mga wika. Mayroon ding isang kongregasyon na binubuo ng Katutubo lamang na mga kapatid, na doon tanging nangangaral sa mga taong katutubo sa kontinente. Marami sa mapagpakumbabang mga taong ito ang tumutugon na ngayon sa balita ng Kaharian. Subalit kumusta naman ang mga bagay-bagay sa malalaking lunsod?
Mula sa Perth tayo’y naglalakbay nang 1,800 kilometro pahilaga patungo sa Port Hedland, na kung saan magdaraos ng isang pansirkitong asamblea. Karamihan sa 289 na dumalo ay naglakbay nang 200 hanggang 700 kilometro upang makarating dito. Sila’y galing sa malalayong lugar na kung saan ang pinakamalalapit na kongregasyon ay baka 250 kilometro ang layo kung maglalakbay sa di-sementadong mga kalye na punô ng matatalas na bato at kadalasan tumutusok sa mga gulong ng kotse. Tatlong kongregasyon sa lugar na ito ang nagtayo kamakailan ng mga Kingdom Hall, na ang ginamit ay yaong paraang mabilisang pagtatayo.
Mabilisang Itinayong mga Kingdom Hall sa Malalayong Lugar
Anong laking pagkakaiba ng pagtatayo ng isang Kingdom Hall sa mga lugar na ito at ng pagtatayo naman sa mga lunsod at mas malalaking bayan! Karamihan ng materyales sa pagtatayo ay kailangang hakutin ng trak buhat sa Perth, may layong 1,600 kilometro sa timog. Daan-daang kapatid ang naglalakbay nang ganitong kalayo at ang mas marami pa sa itinakdang dulo ng sanlinggong dumarating upang itayo ang Kingdom Hall samantalang ang init ay 40 hanggang 45 antas Sentigrado. Ang gayong pagdagsa sa maliliit at nabubukod na mga komunidad ay isang mahalagang patotoo sa ganang sarili. Nang isang Kingdom Hall ang itayo sa Tom Price, isang munting bayang pinagmiminahan ng bakal, sa unang pahina ng lokal na pahayagan ay may pagbati: “Isang mainit na pagtanggap sa boluntaryong mga manggagawa at mga katulong nila na gumawa nang may tatlong araw sa ‘quick build’ Kingdom Hall of Jehovah’s Witnesses sa Tom Price.”
Waring halos lahat sa bayan ay sabik na makipagtulungan. Sa halip na ang normal na halagang $11,000 ang ipabayad sa paghakot ng 50 tonelada ng materyales, isang bukas-palad na may-ari ng trak ang humiling na mag-abuloy na lamang ang mga kapatid para sa nagastos sa gasolina. Ang lokal na mga kontratista sa pagpipinta ay nagbigay ng donasyon na 26 na galon ng pintura. Ipinagamit ng mga kontratista ang kanilang mga makina sa paghuhukay ng lupa, at ipinagamit nang libre ng kompanya ng pagmimina ang isang kreyn. Ang paghanap ng matutuluyan para sa 300 panauhin ay naging isang suliranin, subalit kahanga-hanga ang pakikipagtulungan ng mga mamamayan. Ang ilan ay tumilepono at nag-alok ng mga katre. Isang lalaki ang tumilepono upang ipaalam na siya’y aalis ng bahay sa dulo ng sanlinggo ngunit ang pinto sa likod ng kaniyang bahay ay iiwan niyang hindi nakakandado. Sinabi niya: “Ang aking bahay ay magagamit ninyo hanggang sa matapos ang proyekto.”
Nakakatawa ang nangyari nang ilang kapatid na lalaki ay bigyan ng isang direksiyon na doon ay kukunin nila ang isang trailer na pag-aari ng lokal na sirkito. Sila’y nagtaka nang makita ang isang karatula sa trangkahan na nagsasabi, “Bawal ang Relihiyosong mga Dumadalaw.” Subalit naroon ang trailer. Kaya kanilang sinabi sa ginang ng tahanan na kukunin nila ang trailer, na punô ng basura. Samantalang kanilang nililinis iyon, biglang natanto nila na hindi pala iyon ang trailer ng sirkito! Nang ang may-ari ng trailer ay makauwi na, sinabi ng kaniyang maybahay na kinuha ng mga Saksi ni Jehova ang kaniyang trailer. Hindi nagtagal at bumalik ang mga kapatid dala na ngayon ang walang-lamang trailer, anupat ipinaliwanag ang pagkakamali. Nagkaroon ng magandang usapan, at ang dating mga mananalansang na ito ay nagharap ng maraming katanungan tungkol sa atin at sa ating gawain. Ngayon ay sabik sila na pumaroon at tingnan ang bagong Kingdom Hall.
Upang maipangaral ang mabuting balita sa lugar na ito, kailangan ang pagtitiis. Una, napakalalayo ng mga lugar. Isang sister na payunir at ang kaniyang asawa ang regular na naglalakbay nang papunta at pabalik sa layong mahigit na 350 kilometro sa di-sementado, maalikabok na mga daan, mula sa Port Hedland hanggang Marble Bar, upang dumalaw na muli at magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Ang Marble Bar ay isa sa pinakamaiinit na lugar sa Australia, ang temperatura ay kalimitang umaabot sa 50 antas Sentigrado mula Oktubre hanggang Marso.
Pagpunta sa “Top End”
Ang Darwin, 2,500 kilometro sa gawing hilaga, ang susunod na bayan na pagdarausan ng isang pansirkitong asamblea. Sinasamantala ng tagapangasiwa ng distrito at ng kaniyang maybahay ang matagal na pagbibiyahe upang magamit sa personal na pag-aaral. Una sila ay nagbabasa at nagsasaalang-alang ng pang-araw-araw na teksto. Pagkatapos sila ay nakikinig sa pagbabasa ng Bibliya na nasa tape. Samantalang sila ay naghahalili sa pagmamaneho, sila’y naghahalili rin sa pagbabasa ng mga artikulo buhat sa Ang Bantayan at Gumising!
Isang karatula sa daan ang nag-aabiso sa kanila na maging listo sa mga “roadtrain” (bagol sa daan). Ito ay malalaking trak na humihila ng tatlo o apat na trailer na may kabuuang haba na 55 metro. Kaya malaking espasyo ang kailangan upang malampasan ang mga ito. Ang mga ito’y ginagamit upang humakot ng mga baka at iba pang bagay sa malalayong bayan.
Ang lagay ng panahon ay laging mainit at ang mga lugar na malalayo sa siyudad ay laging tuyo. Ang tigang na kapaligiran ay pagkakamalan marahil na isang malawak na sementeryo sapagkat ang lupa ay punô ng mga bahay-langgam na pare-pareho ang pagitan. Ang mga bahay-langgam na ito ay sari-sari ang kulay, depende sa lupa na ginamit ng mga langgam, at maaaring mula sa isa hanggang sa dalawa at kalahating metro ang taas ng mga ito. Pagkatapos, habang ang ating mga manlalakbay ay tumatawid sa Victoria River, kanilang napapansin ang maraming karatulang gawang-bahay. “Mapanganib: Bawal Dito ang Lumangoy. May Kumakain-ng-Taong mga Buwaya sa mga Ilog na Ito!” ang sinasabi ng isa. Matalino naman sila, kaya sila’y nagpasiyang humanap ng mga mapagpapaliguan at nang mapreskuhan!
Sa wakas, sila’y dumating sa hilagang dulo ng Australia, karaniwang kilala bilang ang “Top End” (Dulong-dulo). Sa Darwin, ang kabiserang lunsod ng Hilagang Teritoryo, ay may dalawang malalaking kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Madaling makikita kung dumadalo ka sa pansirkitong asamblea na sa Darwin ay may maraming kultura. Makipagkilala ka sa 30-taóng-gulang na si Charles, na tubo sa sinalanta-ng-digmaang Silangang Timor sa Indonesia. Pinalaki siya ng kaniyang mga magulang na Intsik at tinuruan ng pagsamba sa mga ninuno. Siya’y puspusang nasangkot din sa mga isports na gaya ng judo at karate. Hindi madaling huminto rito dahilan sa matibay na kaugnayan nito sa espiritismo. Gayunman, dahilan sa pagsasaisip sa pangako ni Jesus na “ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo,” siya’y nakaalpas sa ganitong paraan ng pamumuhay. (Juan 8:32) “Sa ngayon,” aniya, “ako’y may malinis na budhi sa harap ni Jehova, at sa kasalukuyan ay naglilingkod ako bilang isang ministeryal na lingkod. Ang tunguhin ko ay ang makapag-aral sa Ministerial Training School.”
Sumunod, makipagkilala tayo kay Beverly na buhat sa Papua New Guinea. “Sa simula ako ay walang lakas ng loob na magpatotoo sa mga puti,” ang pagtatapat ni Beverly, “sapagkat ang Ingles ay aking pangalawang wika at may mga salita, kasali na ang diing Australiano, na mahirap para sa akin na unawain. Subalit sa pagtatanda sa sinasabi sa atin ng Bibliya na magtiwala kay Jehova at lasapin at patunayan na siya’y mabuti, ako’y nagsimula sa buong-panahong ministeryo ng pagpapayunir noong Enero 1991. Ang aking unang inaralan sa Bibliya ay isa nang payunir ngayon. Dalawa sa kaniyang anak na babae ang tumanggap na rin ng katotohanan, at isa sa kanila ang nagpapayunir, kasama ang kaniyang asawa.”
Bago lumisan sa Darwin, tayo ay madaliang magbiyahe nang may 250 kilometro sa gawing silangan upang pumunta sa Kakadu National Park, bantog sa kaniyang maraming ibon. Dito ay makikilala natin si Debbie, ang kaisa-isang mangangaral ng mabuting balita sa buong lugar. Tinanong namin siya kung papaano siya nakapananatiling matatag sa espirituwal sa gayong pagsosolo. Siya’y tumugon: “Una, sa pamamagitan ng panalangin. . . . At ako’y inaaliw ng mga teksto na gaya ng Isaias 41:10, na nagsasabi: ‘Huwag kang matakot, sapagkat ako’y sumasaiyo. Huwag kang manlupaypay, sapagkat ako’y iyong Diyos. Palalakasin kita. Talagang tutulungan kita. Talagang aalalayan kita ng aking kanang kamay ng katuwiran.’ ”
Sa Jilkmigan, 450 kilometro sa timog ng Darwin, nakilala natin ang isang munting grupo ng mga Katutubo. Maraming taon din na ang pamayanang ito ng mga Katutubo ay itinuring na isang pamayanan ng mga Saksi ni Jehova sapagkat napakarami ang regular na dumadalo sa mga kombensiyon at mga asamblea, kahit na wala sa kanila na nabautismuhan. Ang pamayanang ito ay kilala sa kalinisan. Nakatutuwa naman, ang ilan ay matatag na naninindigan na ngayon sa katotohanan at nabautismuhan. Sila’y kabilang sa unang mga Katutubo sa kabukiran na gumawa ng gayon. Nangangailangan ng tunay na tibay ng loob at pagtitiwala sa banal na espiritu ni Jehova ang mapagpakumbabang mga taong ito upang makaalpas buhat sa daan-daang taon nang mga tradisyon at kinaugaliang espiritismo ng kanilang mga katribo.
Pagpunta sa Alice Springs at Paglisan sa Outback
Ngayon ay panahon na upang lisanin ang “Top End” at magbiyahe nang 1,600 kilometro sa timog patungong Alice Springs, sa “Red Center” ng kontinente, malapit sa tanyag na Ayers Rock. Dito sa air-conditioned na Kingdom Hall, komportable ang mga upuan para sa isang asamblea, na may 130 o higit pang nagsisidalo buhat sa dalawang kongregasyon sa lugar na ito. Muli, nakikita natin ang maligayang tanawin na binubuo ng mga Polynesian, Europeo, at mga Katutubo na nakikihalubilo sa isa’t isa sa pagtitipong Kristiyano.
Sa wakas ating lisanin ang Alice Springs at pasimulan ang huling bahagi ng paglalakbay kasama ang ating naglalakbay na tagapangasiwa ng distrito at ang kaniyang maybahay. Dito tayo ay nakapaglakbay ng mga 2,000 kilometro sa pagtawid sa kontinente, pahilaga at pasilangan. Samantala, tayo’y namamaalam sa outback, sapagkat sa wakas dumating tayo sa makapal na tropikong kagubatan ng Queensland. Dito, sa baybayin ng hilagang Queensland—ang lupain ng Great Barrier Reef—ay maraming kongregasyon na may mataas na katumbasan ng mga Saksi kung ihahambing sa populasyon.
Gayunman, hindi pa tapos ang ating paglalakbay dahil tayo’y dadalo sa isa pang pansirkitong asamblea. Pagkatapos lumulan sa isang eroplano sa Cairns—ang tropikong bayan sa Queensland na tanyag dahil sa Barrier Reef—ating lilisanin ang kontinente ng Australia upang mag-eroplano patungo sa hilagang dulo ng Cape York Peninsula, patawid sa Torres Strait, sa pagpunta sa Thursday Island. Dito’y may munting kongregasyon na mayroon lamang 23 mamamahayag. Anong laking kagalakan na makitang may 63 na dumalo sa ating huling asamblea sa paglalakbay na ito!
Inaasahan namin na nasiyahan kayo pagkatapos masilayan ang gawaing pangangaral ng Kaharian sa lupaing ito ng mga pagkakaiba. Marahil balang araw ay inyong madadalaw kami sa nakabibighaning lupaing ito ng Australia at tuwirang makikilala ang mga kapatid na gumaganap ng kanilang ministeryo sa kanilang pambihirang atas.
[Mapa/Larawan sa pahina 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Port Hedland
Canberra
Tom Price
Marble Bar
Newman
Darwin
Katherine
Alice Springs
Ayers Rock
Thursday Island
Cairns
Adelaide
Melbourne
Hobart
Sydney
Brisbane
Perth
[Larawan sa pahina 24]
Ang Perth, kabisera ng Kanlurang Australia
[Larawan sa pahina 25]
Ang pagpapatotoo sa lansangan ay umaani ng mabubuting resulta