Ginamit ba ng Sinaunang mga Kristiyano ang Pangalan ng Diyos?
ANG pangalan ng Diyos ay lumilitaw nang libu-libong beses sa Kasulatang Hebreo, na kung saan iyon ay kinakatawan ng apat na katinig יהוה (YHWH, ang Tetragrammaton). Ang natuklasan ng mga arkeologo ay nagpapahiwatig na sa Israel bago naganap ang pagkatapon, bago sumapit ang 607 B.C.E., ang pangalan ay karaniwang ginagamit, at lumilitaw ito nang malimit sa mga aklat ng Bibliya na Ezra, Nehemias, Daniel, at Malakias, na pawang isinulat matapos ang pagkatapon. Baytang-baytang, habang ang panahon para sa paglitaw ng Mesiyas ay papalapit, ang mga Judio ay naging mapamahiin at bantulot na gamitin ang pangalan.
Ang mga alagad ba ni Jesus ay gumamit ng pangalan ng Diyos (na ang karaniwang pagkasalin ay “Jehova,” o “Yahweh” sa Tagalog)? Ang ebidensiya ay sumasagot ng oo. Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalangin sa Diyos: “Pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” (Mateo 6:9) At sa katapusan ng kaniyang makalupang ministeryo, siya mismo ay nanalangin sa kaniyang Ama sa langit: “Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan.” (Juan 17:6) Bukod dito, ang sinaunang mga kopya ng Septuagint, ang Griegong salin ng Kasulatang Hebreo na ginamit ng mga alagad ni Jesus, ay may taglay na pangalan ng Diyos sa anyo ng Hebreong Tetragrammaton.
Kumusta naman ang mga Ebanghelyo at ang natitirang bahagi ng Kasulatang Griego Kristiyano (ang “Bagong Tipan”)? Ipinangangatuwiran na yamang ang pangalan ng Diyos ay nasa Septuagint, ito’y tiyak na nasa pinakamaagang kopya ng mga Kasulatang ito—kahit man lamang sa mga bahagi na kung saan sinipi ang Septuagint. Sa gayon, ang pangalang Jehova ay lumilitaw nang mahigit na 200 beses sa New World Translation of the Christian Greek Scriptures. Wala raw katuwiran ito ayon sa pintas ng ilan. Gayunman, waring may suporta para sa New World Translation buhat sa isang waring imposibleng mapagkukunan: ang Babylonian Talmud.
Ang unang bahagi ng Judiong relihiyosong kathang ito ay pinamagatang Shabbath (Sabbath) at naglalaman ng malaking kalipunan ng mga alituntunin na umuugit sa asal kung Sabbath. Sa isang seksiyon, tinatalakay kung tumpak ba na iligtas sa apoy kung Sabbath ang mga manuskrito ng Bibliya, at pagkatapos ay makikita ang sumusunod na talata: “Sinasabi sa teksto: Ang blangkong mga espasyo [gil·yoh·nimʹ] at ang mga Aklat ng Minim, maaaring hindi natin iligtas buhat sa apoy ang mga iyan. Si R. Jose ay nagsabi: Sa mga araw ng sanlinggo maliban kung Sabbath kailangang gupitin ang Banal na mga Pangalan na nilalaman ng mga ito, itago ang mga ito, at sunugin ang natitira. Si R. Tarfon ay nagsabi naman: Ilibing ko nawa ang aking anak kung hindi ko susunugin ang mga ito kasama na ang kanilang Banal na mga Pangalan kung sakaling mapasakamay ko ang mga ito.”—Salin ni Dr. H. Freedman.
Sino ba ang mga mi·nimʹ? Ang ibig sabihin ng salita ay “mga makasekta” at maaaring tumukoy sa mga Saduceo o sa mga Samaritano. Subalit ayon kay Dr. Freedman, sa talatang ito malamang na tumutukoy iyan sa mga Kristiyanong Judio. Kaya, ano ba yaong gil·yoh·nimʹ, na isinaling “blangkong mga espasyo” ayon kay Dr. Freedman? May dalawang posibleng kahulugan. Baka ang mga ito ay ang blangkong mga gilid ng isang balumbon o kahit na ang blangkong mga balumbon. O—sa isang balintunang pagkakapit ng salita—ang mga ito ay maaaring ang mga isinulat ng mi·nimʹ, na para bang ang ibig sabihin ay walang kabuluhan ang mga isinulat na ito na gaya ng blangkong mga balumbon. Sa mga diksiyunaryo ang ikalawang kahulugang ito ay ang “Mga Ebanghelyo.” Kasuwato nito, ang pangungusap na nasa Talmud bago sa sinipi sa itaas na bahagi ay kababasahan: “Ang mga Aklat ng Minim ay tulad ng blangkong mga espasyo [gil·yoh·nimʹ].”
Kaya, sa aklat na Who Was a Jew? ni Lawrence H. Schiffman, ang sinipi sa itaas na bahagi ng Talmud ay isinalin nang ganito: “Hindi natin inililigtas buhat sa apoy (kung Sabbath) ang Mga Ebanghelyo at ang mga aklat ng minim (‘mga erehes’). Bagkus, ang mga ito ay sinusunog sa kanilang dako, ang mga ito at ang kanilang Tetragrammata. Si Rabbi Yose Ha-Gelili ay nagsasabi: Sa panahon ng sanlinggo, dapat na gupitin ng isa ang kanilang Tetragrammata at itago at sunugin ang nalabing bahagi. Sinabi ni Rabbi Tarfon: Ilibing ko nawa ang aking mga anak! Kung sakaling mapapasakamay ko (ang mga aklat na ito), susunugin kong kasama ng kanilang Tetragrammata.” Si Dr. Schiffman ay nagpapatuloy na mangatuwiran na ang mi·nimʹ dito ay mga Kristiyanong Judio.
Ang bahagi bang ito ng Talmud ay talagang tumutukoy sa sinaunang mga Judiong Kristiyano? Kung gayon, ito ay isang matibay na ebidensiya na ang pangalan ng Diyos, ang Tetragrammaton, ay isinalin ng mga Kristiyano sa kanilang mga Ebanghelyo at mga isinulat. At malamang na malamang na ang Talmud ay tumatalakay sa mga Kristiyanong Judio rito. May paham na suporta ang gayong paniniwala, at sa Talmud ang konteksto ay waring nagdaragdag ng higit pang suporta. Ang seksiyong kasunod ng nasa itaas na sumipi sa Shabbath ay naglalahad ng isang kuwento tungkol kay Gamaliel at sa isang hukom na Kristiyano na kung saan may ipinahihiwatig na mga bahagi ng Sermon sa Bundok.
Noon lamang bandang huli, nang ang apostatang Kristiyanismo ay lumihis sa payak na mga turo ni Jesus, anupat hindi na ginamit ang pangalan ng Diyos ng nag-aangking mga Kristiyano at inalis pa sa mga kopya ng Septuagint at sa Mga Ebanghelyo at iba pang mga aklat ng Bibliya.
[Larawan sa pahina 31]
Noong kaarawan ni Jesus, ang pangalan ng Diyos ay nasa “Septuagint”
[Credit Line]
Israel Antiquities Authority