Panahon ng Pag-aani!
BAKIT lubhang di maka-Kristiyano ang kasaysayan ng “Kristiyanismo”? Ito ang tanong ng maraming palaisip na mga tao, ngunit ito’y sinagot ni Jesus mahigit 2,000 taon na ang nakalipas sa isang talinghaga. Binanggit niya ang “isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kaniyang bukid.” Pagkatapos, “dumating ang kaniyang kaaway at naghasik naman ng mga pansirang damo sa pagitan ng trigo.” Nang tumubo ang mga binhi, napansin ng mga manggagawa ang mga pansirang damo at ibig nila na bunutin iyon. Subalit sinabi ng lalaki: “Hayaang magsilaking magkasama ang mga iyan hanggang sa pag-aani.” Sa panahon ng pag-aani, ang trigo ay ihihiwalay sa mga pansirang damo.—Mateo 13:24-30.
Sa pagpapaliwanag ni Jesus sa talinghaga, sinabi niya na siya mismo ang naghasik ng “mabuting binhi”—ang tunay na mga Kristiyano. Ang kaaway ay si Satanas, na naghasik naman ng “mga pansirang damo”—ang nakapuslit na imitasyong mga Kristiyano sa kongregasyon. Pinayagan ni Jesus na ang huwad at ang tunay na Kristiyano ay umiral na magkasama—subalit hanggang sa pag-aani lamang. Kung magkagayon sila ay paghihiwalayin.—Mateo 24:36-44.
Kung gayon, tayo’y hindi nagtataka pagka ating napag-alaman na ang mga organisasyong “Kristiyano” sa buong nakalipas na daan-daang taon ay lumapastangan sa Diyos sa pamamagitan ng pagyakap sa mga doktrinang pagano, hindi minamasama ang imoralidad, pagsuporta sa mga digmaan ng pananakop, at pagpapairal ng malulupit na inkisisyon. Nakikilala natin dito ang masamang binhi na itinanim ni Satanas. Gayunman, pagka nabasa natin ang tungkol sa mga tao na dumanas ng pagkabilanggo o kamatayan sa halip na ikompromiso ang mga prinsipyo ng Bibliya, nakikita natin na ang mabuting binhi ay naririto pa.
Sinabi ni Jesus na ang pag-aani ay “ang katapusan ng isang sistema ng mga bagay.” Yamang tayo’y namumuhay sa katapusan ng kasalukuyang pansanlibutang sistema ng mga bagay, tiyak na ito’y panahon ng pag-aani! Kaya isang pagbubukud-bukod ng tunay at ng huwad na mga Kristiyano ang tiyak na nagaganap. Sa ngayon, kinakailangang may umiiral na isang bayan, hindi lamang bukud-bukod na mga tao, na bumabagay sa paglalarawan ni Jesus ng tunay na mga Kristiyano—na napasasakop sa Kaharian ng Diyos at nangangaral ng mabuting balita tungkol dito, nagtataguyod ng salig-Bibliyang moralidad at tumatanggi sa paganong mga doktrina upang palitan ng katotohanan ng Bibliya, na nagpapahayag ng pangalan ng Diyos at hindi bahagi ng sanlibutan.—Mateo 6:33; 24:14; Juan 3:20; 8:32; 17:6, 16.
Tinitiyak namin sa inyo, may umiiral na gayong mga tao! Nais ba ninyong maglingkod sa Diyos sa paraang kinalulugdan niya? Kung gayon ay hanapin ang mga taong ito, at maglingkod sa Diyos na kasama nila.