Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 11/15 p. 23-27
  • Pangangaral sa mga Nayon sa Espanya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pangangaral sa mga Nayon sa Espanya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kinilala ng Batas Kung Kaya Sumigla ang Pagpapatotoo sa Kabukiran
  • ‘Hanapin ang mga Karapat-dapat’
  • Ang mga Mambabasa ng Bibliya ay Agad Tumutugon
  • Napagtagumpayan ang mga Maling Akala
  • Pagsasaliksik sa Bibliya ng Katotohanan
  • Isang Napakainam na Pag-aani
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 11/15 p. 23-27

Pangangaral sa mga Nayon sa Espanya

SI Jesu-Kristo ay naglakbay “sa mga lunsod at sa mga nayon, nagtuturo at nagpapatuloy sa kaniyang paglalakbay patungo sa Jerusalem.” (Lucas 13:22) Upang maganap ang ministeryo, si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay nangaral hindi lamang “sa mga lunsod” kundi pati rin “sa mga nayon.” Bagaman mas madaling mangaral sa mga lunsod, hindi nila nakaligtaan ang maraming nayon sa kabukiran.a

Ang mga Saksi ni Jehova sa Espanya ay napaharap sa isang hamon na katulad ng napaharap kay Jesus. Hanggang noong 1970, may napakalalawak na lugar na hindi pa nagagalaw na teritoryo sa kabukiran na handa nang anihin. (Mateo 9:37, 38) Daan-daang nayon sa maulang kabundukan ng hilaga, sa tigang na gitnang mga kapatagan, at sa kahabaan ng baybayin ang hindi pa nararating ng pabalita ng Kaharian.

Ang mga Saksi ni Jehova na Kastila ay desididong puspusang magpagal upang madalhan ng mabuting balita ang mga rehiyong ito. Ngunit bakit ang mga tao sa mga lugar na ito ay kailangan pang maghintay nang napakatagal na panahon upang mapakinggan nila ang pabalita ng Kaharian? At papaano sila tumugon?

Kinilala ng Batas Kung Kaya Sumigla ang Pagpapatotoo sa Kabukiran

Ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Espanya ay ibinawal magbuhat nang matapos ang giyera sibil noong 1939. Nang mga dekada ng 1950 at 1960, ang masigasig na mga Saksi ay maingat na nangaral sa mga lunsod, na kung saan hindi sila gaanong kapansin-pansin. Nang ang kanilang gawain ay sa wakas kinilalang legal noong 1970, may humigit-kumulang 10,000 mamamahayag ng Kaharian sa Espanya. Halos lahat sa kanila ay naninirahan sa mga lunsod at malalaking bayan, subalit ang mga nayon ng Espanya ay nangangailangan ding makarinig ng pabalita ng Kaharian. Sino ang tutugon sa hamon?

Noong mga taon ng 1970 isang kampanya ang inilunsad upang madala ang mabuting balita sa lahat ng lugar ng peninsula. Halos buwan-buwan mula 1973 hanggang 1979, pantanging mga patalastas na bumabalangkas sa pangangailangan sa iba’t ibang rehiyon ng bansa ang inilathala sa Ating Ministeryo sa Kaharian, ang buwanang publikasyon sa paglilingkod para sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Maraming handa at sabik na mga pamilya ang tumugon sa panawagan at nagboluntaryong maglingkod kung saan lalong malaki ang pangangailangan.

Ang isang halimbawa ay si Rosendo at ang kaniyang maybahay, si Luci. Sila’y ipinadala bilang mga special pioneer (buong-panahong mga mangangaral ng Kaharian) sa isang nayon ng mga mangingisda sa hilagang-kanlurang Espanya at pagkatapos ay nagpasiyang mamalagi na roon nang sila’y naging mga magulang na. “Aaminin ko na kami’y dumaan sa napakagipit na mga panahon,” inamin ni Rosendo. “Napakahirap makatagpo ng trabaho, ngunit kami’y nagtiwala sa tulong ni Jehova at hindi kami kailanman nagutom o nawalan ng matitirahan. Tunay na sulit naman.” Sa paglakad ng mga taon, sila’y nakatulong sa pagtatatag ng apat na kongregasyon sa rehiyong ito ng Espanya.

‘Hanapin ang mga Karapat-dapat’

Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na “hanapin” ang mga karapat-dapat sa bawat lunsod o nayon. (Mateo 10:11) Sa mga lugar ng bukid ng Espanya, upang makahanap ay nangangailangan ng sipag at pagkukusa, gaya nang natuklasan ni Ángel, isang kapatid na taga-Alcoy (Alicante). Katatapos lamang niyang dumalaw sa ilang tahanan sa nayon ng Masías nang kaniyang marinig ang pagtilaok ng isang tandang. Naisip niya, “Kung may tandang doon, tiyak na may bahay roon​—isang bahay na nakaligtaan namin.” Pagkatapos na maghanap sa palibot, nakasumpong si Ángel ng isang landas na patungo sa tagiliran ng isang burol at sa wakas ay nakarating sa isang nag-iisang bahay.

Sa kubong ito naninirahan sina José at Dolores, magkapatid sa laman na kapuwa mahigit nang 60 taóng gulang. Sila’y nakinig na mainam at kaagad ay tumanggap ng iniaalok na pag-aaral sa Bibliya. Gayunman, hindi madali ang makipag-aral sa mga mapagpakumbabang ito, yamang sila ay hindi makabasa o makasulat, at lahat ay kailangang isalin mula sa Kastila tungo sa wikang ginagamit sa Valencia, ang tanging wika na kanilang naiintindihan. Isa pa, sila’y napaharap sa matinding pananalansang ng kanilang mga kapitbahay. Sa kabila ng mga balakid na ito, sina José at Dolores ay kapuwa sumulong sa katotohanan, kahit na ang pagdalo sa mga pulong ay nangangailangan ng mahabang paglalakbay sa kabundukan. Sa wakas, sila’y naging kuwalipikado sa bautismo, at silang dalawa ay nagpapatuloy ng paglilingkod kay Jehova nang may katapatan.

Sina Rosendo at Luci, na binanggit sa una, ay nagbibida kung papaano tumanggap ng katotohanan ang isang paralisado sa isang nabubukod na bahay malapit sa Moaña, hilagang-kanlurang Espanya. Ang kaniyang pangalan ay María. Nang unang makausap niya ang mga Saksi, hindi siya marunong bumasa ni sumulat man at kung ilang taon nang nakaratay sa banig ng karamdaman dahil sa polio nang siya’y bata. Ang kaniyang bahay ay mga dalawang kilometro ang layo sa pinakamalapit na daan. Gayunpaman, siya’y sabik na mag-aral ng Bibliya, at ang kaniyang pagkadesididong maglingkod kay Jehova ay nahayag. Si María ay natutong bumasa at sumulat at nagsimulang dumalo sa mga pulong, salamat na lamang sa puspusang pagsisikap ng kongregasyon. Siya’y binuhat ng mga kapatid sa distansiyang 200 metro mula sa kaniyang bahay hanggang sa isang daan na hindi sementado na kung saan maingat na ibinababa siya sa isang kotse. Sa kabila ng pananalansang sa pasimula ng kaniyang pamilya, siya’y sumulong hanggang sa punto ng bautismo. Dahilan sa pagtitiwala na dulot sa kaniya ng kaniyang espirituwal na pagsulong, natuto na siya ngayon na magmaneho ng isang pantanging kotse at nakatapos siya ng isang kurso sa saligang edukasyon. “Dahil sa pagtulong sa mga taong katulad ni María ay nagiging sulit ang anumang pagsasakripisyo,” ang paliwanag ni Rosendo.

Ang mga Mambabasa ng Bibliya ay Agad Tumutugon

Noong dekada ng 1970 ang Bibliya ay nakilala na ng madla sa Espanya sa unang pagkakataon. Maraming Kastila ang bumili ng isang sipi, at ang ilan ay nagsimulang magbasa ng Kasulatan. Si Pilar, na taga-Medina del Campo (Valladolid), ay nagbabasa na ng Bibliya nang ang mga Saksi ni Jehova ay unang dumating sa kaniyang bayan noong 1973. Palibhasa’y isang Katoliko, siya’y nagpakaingat sa pagtanggap ng mga literatura buhat sa mga Saksi, ngunit talagang ibig niyang maunawaan ang Bibliya. Kaya naman, siya’y pumayag na magkaroon ng lingguhang mga talakayan upang masagot ang kaniyang mga katanungan sa Bibliya.

Sa pamamagitan ng mainam na paggamit sa literaturang inilathala ng Watch Tower Society, ang sister na payunir na dumalaw kay Pilar ay nakasagot sa kaniyang maraming katanungan. Palibhasa’y humanga sa kaniyang natututuhan, makalipas ang mga ilang linggo si Pilar ay pumayag na mag-aral ng Bibliya na ginagamit ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Bago natapos ang kaniyang pag-aaral ng aklat na Katotohanan, natapos niya ang pagbabasa ng buong Bibliya at kumbinsido na kaniyang nasumpungan ang katotohanan. Siya ang naging unang Saksi sa Medina del Campo, na ngayon ay may isang magandang Kingdom Hall at isang kongregasyon na may 63 mamamahayag.

Ang mga Saksing Kastila ay nakasusumpong pa rin ng mga taong “palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan” at regular na nagbabasa ng Bibliya sa pagsisikap na maunawaan ang kalooban ng Diyos. (Mateo 5:3) Si Pepi, isang dating Katoliko na nagturo ng katesismo sa parokya ng Zumaia (hilagang Espanya), ay nangangaral noon sa karatig na nayon nang kaniyang masalubong ang pari ng parokya.

“Pepi, sinasayang mo ang iyong panahon,” ang sabi sa kaniya ng pari. “Sa nayong ito ng Itziar, may dalawa lamang katao​—mag-asawa​—na may hilig sa espirituwal. Ang iba ay nagsisimba lamang dahil sa nakaugalian na nila.”

“Buweno,” ang tugon ni Pepi, “kung may dalawang tao na may hilig sa espirituwal, sila’y magiging mga Saksi ni Jehova.”

Nagpatuloy si Pepi sa kaniyang bahay-bahay na pangangaral kasama ang iba pang Saksi hanggang sa natapos na pangaralan ang nayon. At gaya ng maaasahan, sa isang bahay na nakabukod, natagpuan ng mga kapatid ang mismong mag-asawa na binanggit ng pari. Binabasa nila ang Bibliya ngunit hindi nila naiintindihan iyon. Buong pananabik na sumang-ayon sila na mag-aral ng Bibliya, mabilis na sumulong, at nabautismuhan noong Abril 1991.

Ang ilang tapat-pusong mga tao ay nangatuto ng katotohanan sa pamamagitan lamang ng pagbabasa nito sa kanilang salig-Bibliyang mga babasahin na inilathala ng Samahang Watch Tower. Halimbawa, ang mga Saksing taga-Almadeń (Ciudad Real) ay nangangaral sa munting bayan ng Ciruelas (Badajoz) nang matagpuan nila ang isang babaing matamang nakinig sa kanilang pabalita. Sapagkat maliwanag na siya’y interesado, siya’y inalok nila ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Subalit, siya’y tumanggi at sinabing inaaralan na siya sa Bibliya ng isang ginoong may edad na. Maraming tao sa lugar na iyon ang ganoon din ang sinabi. Palibhasa’y napukaw ang kanilang pananabik, ang mga kapatid ay nag-usisa tungkol sa may edad nang ginoo. Inalam nila ang kaniyang direksiyon at pinuntahan siya.

Namangha sila nang matuklasan na sa Madrid ang taong ito, na nagngangalang Felipe, ay nakakuha ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Nang matapos niya ang pagbabasa ng buong aklat, kaniyang naunawaan na pananagutan niya na bahaginan ng mabuting balita ang kaniyang kapuwa. Kaya naman, ginagamit niya ang aklat upang aralan sila ng Bibliya. Ang mga kapatid ay nagsaayos na makipag-aral sa kaniya. Isang babae na kaniyang inaaralan ng Bibliya ang tumanggap din ng pag-aaral. Bagaman 80 taóng gulang na at hindi malusog ang pangangatawan, mainam ang pagsulong ni Felipe sa katotohanan.

Napagtagumpayan ang mga Maling Akala

Sa mga teritoryo sa bukid ay may kakatwang suliranin. Karaniwan nang mahigpit ang pagkakapit ng relihiyosong mga tradisyon at mga pamahiin sa gayong mga lugar, at nakatanim na sa maraming naninirahan sa kabukiran ang paghihinala sa isang “bagong relihiyon.” Ang ilang taganayon ay lalo nang sensitibo tungkol sa iisipin ng kanilang mga kapitbahay at mga kamag-anak kung magbago sila ng kanilang relihiyon. Subalit ang bisa ng Salita ng Diyos ay maaaring makapanaig sa gayong mga suliranin at bumago sa buhay ng isang tao. Ganiyan nga ang nangyari sa nayon ng mga mangingisda ng Cangas de Morrazo sa hilagang-kanlurang Espanya.

Si Roberto, isang taal na taganayong ito, ay naging marino sa edad na 14 dahilan sa hangarin niya ang magsarili. Ang kaniyang buhay bilang isang marino sa isang barkong pangkomersiyo ang nagbukas ng pagkakataon upang makasama niya ang ibang kabataang marino na malakas uminom at gumagamit ng bawal na gamot upang magpalipas-oras sa malungkot na mga sandali sa dagat. Hindi nagtagal, si Roberto ay naging isa ring malakas na manginginom at sugapa sa droga.

Sumapit ang panahon na si Roberto ay nakauwi subalit hindi makahinto at ayaw huminto sa kaniyang masamang bisyo. Upang matustusan ang kaniyang pagkasugapa sa bawal na gamot, siya’y nagnakaw at nabilanggo nang makaanim na beses. Nang siya’y 18, siya’y nakakonsumo ng halos nakamamatay na pinaghalong alak at mga tranquilizer. Nailigtas ng mga doktor ang kaniyang buhay, subalit hindi na niya magamit ang kaniyang mga braso at mga paa. Siya’y lumabas sa ospital na isang lumpo. Kahit na siya laging nakasilyang de gulong ay hindi niya naihinto ang bisyong bawal na gamot. Siya’y nawalan na ng tiwala sa relihiyon, at ang mga droga ang tila tanging nag-uudyok sa kaniya na mabuhay​​—hanggang makalipas ang tatlong taon nang dinalaw siya ng mga Saksi ni Jehova.

Ang pagkatuto tungkol sa natupad na mga hula sa Bibliya ay tumulong kay Roberto na madaig ang kaniyang pag-aalinlangan. Ang mainit na pagtanggap sa kaniya sa Kingdom Hall ay nakakumbinsi sa kaniya na ang tunay na relihiyon ay tumutulong upang maging lalong makabuluhan ang buhay ng mga tao. Sa loob ng siyam na buwan, napagtagumpayan ni Roberto ang kaniyang pagkasugapa sa droga at siya’y nabautismuhan. Sa kabila ng kaniyang matinding kapansanan sa pangangatawan, siya’y naglilingkod bilang isang payunir nang may walong taon na. Siya rin ay isang matanda sa kongregasyon nitong nakalipas na dalawang taon. Si Francisco, isa sa kaniyang dating kasamahan, ay lubhang humanga sa mga pagbabago sa buhay ni Roberto anupat siya man ay naging isa ring Saksi at ngayon ay isang ministeryal na lingkod. Ang kahanga-hangang pagbabago sa inakalang di-malulunasang sugapang ito ang tumulong sa mga tao sa nayong iyon na lalong maunawaan ang ating gawain. Isang babae ang nagdala pa nga sa Kingdom Hall ng kaniyang kabataang anak na sugapa sa droga upang alamin kung ito’y mapagagaling ng mga Saksi.

Pagsasaliksik sa Bibliya ng Katotohanan

Pangkaraniwan, ang mga tagabukid ay may gayon na lamang pagpapahalaga sa katotohanan anupat kadalasan ay napapahiya ang mga marurunong ng sanlibutan. (1 Corinto 1:26, 27) Si Adelina, isang mahiyaing babaing nasa katanghalian-gulang na, ay isa sa mga nagpapahalagang iyon. Siya’y nahirating maging seryoso sa kaniyang pananampalatayang Katoliko. Walang mintis tuwing umaga siya’y lumuluhod upang manalangin, kung ilang beses na inuulit-ulit ang Ama Namin at Aba Ginoong Maria. Siya’y nananalangin sa iba’t ibang “santo” bawat araw ng sanlinggo​—upang matiyak na kahit man lamang ilan sa mga panalangin ay dinggin.

Nang si Adelina ay magsimulang mag-aral ng Bibliya, ang ganito ring sigasig sa relihiyon ay ibinuhos niya sa kaniyang bagong katatagpong pananampalataya. Maging ang kaniyang pagkamahiyain ay hindi nakapigil sa kaniya, bagaman nang unang pagpunta nilang mag-asawa sa Kingdom Hall, kinailangan ang sampung minuto upang makatipon sila ng sapat na lakas ng loob upang pumasok. Subalit, minsang nasa loob na sila, siya ay puspusang nakinig. Minsan, napakinggan niya ang tungkol sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo. Nabighani siya sa paksang ito, at nang siya’y makauwi, ibig niyang patuloy na makabasa pa sa kaniyang Bibliya ng tungkol dito. Subalit hindi nila alam na mag-asawa kung saan matatagpuan ang impormasyon, bagaman naisip nila na iyon ay binanggit sa isang talata sa aklat ng Apocalipsis. Kaya sinimulan ni Adelina na magbasa ng Apocalipsis nang gabing iyon at patuloy na nagbasa hanggang sa narating niya ang kabanata 20 nang mag-uumaga na.

Minsan, natutuhan ni Adelina na angkop para sa isang asawang lalaki na kumatawan sa kaniyang maybahay sa pananalangin. Bagaman ang lalaki ay pumapayag na manalangin, hindi niya alam kung ano ang sasabihin sa pananalangin. Nang gabing iyon, minabuti ni Adelina na humanap sa Bibliya ng mga tagubilin tungkol dito. Nang alas-dos ng umaga, ginising niya ang kaniyang asawa at sinabing kaniyang natagpuan ang Mateo kabanata 6, na may detalyadong sinasabi tungkol sa panalangin. Pagkatapos basahin ang mga tagubilin ni Jesus, ang asawang lalaki ay nanalangin para sa kanilang dalawa. Ngayon, kapuwa si Adelina at ang kaniyang asawa ay mga Saksi ni Jehova.

Isang Napakainam na Pag-aani

Pagkaraan ng halos 25 taon ng pagpapatotoo sa kabukiran ng masigasig na mga lingkod ni Jehova, lahat ng panig ng Espanya ay nakarinig na ng mabuting balita. Gaya ng natupad sa Asia Minor noong unang siglo, ‘ang salita ni Jehova ay dinadala sa buong lupain.’ (Gawa 13:49) Kaya naman, libu-libong taganayon ang may magandang pagtugon.

Sa Espanya at saanman, ang lubusang pangangaral sa mga lugar ng kabukiran ay nangangailangan ng tiyaga at pagsasakripisyo sa sarili. Ngunit yamang kalooban ni Jehova na ‘lahat ng uri ng tao ay maligtas,’ ang mga Saksi ni Jehova ay naliligayahan na hanapin ang mga taong magpapahalaga. (1 Timoteo 2:4) At gaya ng ipinakikita ng binanggit nang mga karanasan, saganang ginantimpalaan ni Jehova ang pagsisikap na makapangaral sa mga nayon sa Espanya.

[Talababa]

a Tinaya ni Josephus na lahat-lahat ay mayroong 204 “mga lunsod at mga nayon” sa Galilea, at tinukoy niya ang rehiyon bilang may “napakaraming nayon.”

[Mapa sa pahina 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

PRANSYA

PORTUGAL

ESPANYA

BALEARIC ISLANDS

CANARY ISLANDS

[Picture Credit Line sa pahina 24]

Vilac, Lérida

[Picture Credit Line sa pahina 24]

Puebla de Sanabria, Zamora

[Picture Credit Line sa pahina 25]

Casarabonela, Málaga

[Picture Credit Line sa pahina 25]

Sinués, Huesca

[Picture Credit Line sa pahina 26]

Lekeitio, Vizcaya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share