Pupunta sa Langit o sa Impiyerno?
“ANO ang iyong mga posibilidad na mapunta sa langit o mapunta sa impiyerno?”
Sa maikli, ganiyan ang tanong sa isang bahaging kumakatawan sa mga Amerikano sa isang kamakailang surbey. Inilathala ng Princeton Religion Research Center ang mga resulta sa Religion in America 1992-1993.
Papaano mo kaya sinagot iyan? Ano ang mga pagkakataon na ang iyong kabiyak o iba pang mahal mo sa buhay ay mapunta sa langit pagkamatay? Sa palagay mo kaya ay posible na ikaw, o sila, ay sa wakas mapunta sa impiyerno?
Ipinakita ng surbey na 78 porsiyento ang may akalang ang kanilang pagkakataong mapunta sa langit ay mainam o ekselente, higit sa bilang ng mga sumagot nang ganiyan mga 40 taon na ang nakalipas. Impiyerno? Mga 77 porsiyento ang nagsabi na maliit lamang ang posibilidad na mapunta roon.
Ang kanila bang mga tugon ay batay sa tumpak na kaalaman sa Bibliya? Buweno, mga 4 sa 10 ang umamin na sila’y dumadalo sa mga serbisyong relihiyoso nang mas madalang kaysa noong limang taon na ang lumipas. Tanging 28 porsiyento ang nagsabing nakikibahagi sila sa mga grupong nag-aaral ng Bibliya at ang 27 porsiyento ay sa mga klase sa relihiyosong edukasyon.
Kung maingat na pag-aaralan mo ang Bibliya, makasusumpong ka ng ilang nakapagtatakang mga bagay. Halimbawa, buong diing sinasabi ng Bibliya na sa kamatayan si Jesus ay napunta sa “impiyerno,” ayon sa pagkasalin sa ilang bersiyon ng Bibliya. (Gawa 2:31, King James Version; “Hades,” New World Translation) Pinatutunayan din ng Salita ng Diyos na hindi napunta sa langit si Haring David ni si Juan Bautista nang sila’y mamatay. (Mateo 11:11; Gawa 2:29) Ang mga bagay na iyan ay katotohanan, hindi lamang mga opinyon buhat sa isang surbey sa relihiyon.
Ang iba pang bagay na maaaring makaapekto sa iyo: Itinuturo ng Bibliya na ang mga apostol ni Jesus at isang limitadong bilang ng mga iba pa ay dadalhin sa langit upang magharing kasama ni Jesus. Gayunman, ang karamihan ng mga tao na namatay ay nagtungo lamang sa karaniwang libingan ng sangkatauhan. Sila’y bubuhaying-muli ng Diyos, bibigyan ng buhay sa lupa na taglay ang pag-asang magtamo ng isang lubos, maligaya, walang-hanggang buhay sa isang isinauling makalupang paraiso.
Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang hanapin sa iyong sariling Bibliya ang mapanghahawakang saligan para sa pag-asang iyan.