Bakit Sinabi ng Kautusang Mosaico na ang Pakikipagtalik at ang Panganganak ay ‘Nagpaparumi’ sa Isang Tao?
MAY mga batas kapuwa sa likas at di-normal na pag-agas buhat sa mga katawan ng kapuwa sekso, samakatuwid nga, pag-agas buhat sa mga ari. Kung ang isang lalaki ay may di-natural na pag-agas sa gabi, siya’y maliligo at maglalaba ng kaniyang kasuutan at mananatiling marumi hanggang sa susunod na gabi. Ang isang babae ay bibilang ng pitong araw bilang panahon ng karumihan para sa kaniyang regular na buwanang panahon.
Gayunman, kung ang babae ay may di-regular, di-normal, o patuloy na pag-agas, siya’y bibilang din ng pitong araw pagkatapos na huminto iyon. Ang lalaki ay bibilang din ng pitong araw pagkatapos na huminto ang pag-agas. (Ang gayong di-normal na kalagayan ng kaniyang mga sangkap sa pag-ihi ay hindi dapat ipagkamali sa kaniyang normal na paglalabas ng semilya.) Anumang hipuin ng lalaki o babae o maupuan (higaan, silya, siyá, kasuutan, at iba pa) sa panahon ng kanilang karumihan ay nagiging marumi rin, at sa gayon, sinumang humihipo ng mga ito o ang maruming tao ay kailangang maligo, maglaba ng kaniyang kasuutan, at manatiling marumi hanggang sa gabi. Bukod sa paliligo at paglalaba ng kanilang kasuutan, sa ikawalong araw, kapuwa ang lalaki at babae ay magdadala ng dalawang batubato o dalawang inakay na kalapati sa tolda ng kapisanan, at ang mga iyon ay ihahandog ng saserdote, ang isa bilang handog ukol sa kasalanan at ang isa pa ay bilang hain na susunugin, upang magsilbing pantakip para sa taong nilinis.—Levitico 15:1-17, 19-33.
Pagka ang isang lalaki at ang kaniyang asawa ay nagtalik na kung saan may lumabas na semilya, sila’y kailangang maligo at manatiling marumi hanggang sa gabi. (Levitico 15:16-18) Kung sa di-sinasadya’y nagsimula ang pag-agas ng asawang babae sa panahon ng pagtatalik, kung gayon ang asawang lalaki ay mananatiling marumi sa loob ng pitong araw, katulad ng sa kaniyang asawa. (Levitico 15:24) Kung sila’y kusang sumuway sa batas ng Diyos at nagtalik samantalang ang babae ay may buwanang panahon, ang parusang kamatayan ay ilalapat sa lalaki at babae. (Levitico 20:18) Sa nabanggit na mga dahilan, pagka ang seremonyal na kalinisan ay kailangan, gaya, halimbawa, pagka ang mga lalaki ay pinabanal ukol sa pakikipagdigma, sila ay obligado na huminto ng pakikipagtalik sa kani-kanilang asawa.—1 Samuel 21:4, 5; 2 Samuel 11:8-11.
Ang panganganak ay nangangahulugan din ng panahon ng karumihan para sa ina. Kung isang sanggol na lalaki ang isinilang niya, siya ay mananatiling marumi sa loob ng pitong araw, kagaya rin ng kaniyang buwanang panahon. Sa ikawalong araw ang sanggol ay tutuliin, subalit ang ina ay mananatiling marumi sa loob ng 33 araw pa kung tungkol sa paghipo ng anumang bagay na banal o pagpunta sa santuwaryo, bagaman hindi niya ginagawang marumi ang anumang bagay na kaniyang mahawakan. Kung ang sanggol ay babae, ang yugto ng panahong ito na 40 araw ay nagiging doble: 14 na araw daragdagan ng 66 na araw. Sa gayon, buhat sa pagsilang, ipinakikita ng Kautusan ang pagkakaiba ng lalaki at ng babae, anupat binibigyan itong huli ng nakabababang posisyon. Sa alinmang kaso, sa katapusan ng panahon ng paglilinis ang babae ay magdadala ng lalaking tupa na wala pang isang taóng gulang para gawing handog na susunugin at isang inakay na kalapati o isang batubato para gawing handog ukol sa kasalanan. Kung ang mga magulang ay totoong mahirap upang makabili ng lalaking tupa, gaya sa kaso nina Maria at Jose, kung gayon dalawang batubato o kalapati ang ihahain ukol sa paglilinis.—Levitico 12:1-8; Lucas 2:22-24.
Ang tanong na bumabangon ay: Bakit ang normal, nararapat na mga bagay gaya ng buwanang panahon, seksuwal na pagtatalik ng mag-asawa, at panganganak ay itinuturing sa ilalim ng Kautusan na ‘nagpaparumi’ sa isa? Unang-una, ito’y nagtataas sa pinakamatalik na ugnayan ng pag-aasawa sa antas ng kabanalan, tinuturuan ang kapuwa mag-asawa ng pagpipigil-sa-sarili, ng isang mataas na pagpapahalaga sa mga sangkap sa pag-aanak, at paggalang sa kabanalan ng buhay at dugo. Ang mga kapakinabangan sa kalinisan na resulta ng maingat na pagtupad ng mga tuntuning ito ay nakumentuhan na rin. Subalit mayroon pang isang aspekto ng bagay na iyon.
Sa pasimula ay nilikha ng Diyos ang mga simbuyo ng sekso at kakayahang mag-anak sa unang lalaki at babae at inutusan sila na magsama at magsilang ng mga anak. Samakatuwid ay hindi kasalanan para sa sakdal na mag-asawa ang magtalik. Gayunman, nang sina Adan at Eva ay sumuway sa Diyos, hindi tungkol sa pagtatalik, kundi sa pagkain ng ibinawal na prutas, biglaang mga pagbabago ang naganap. Biglang-bigla na ang kanilang mga budhi ay nagpadama sa kanila ng kanilang kahubaran, at agad na tinakpan nila buhat sa paningin ng Diyos ang kani-kanilang sangkap sa pag-aanak. (Genesis 3:7, 10, 11) Mula noon, hindi na makaganap ang mga tao ng utos na magpalaanakin sa kasakdalan, kundi, sa halip, ang minanang mantsa ng kasalanan at ang parusang kamatayan ay isasalin mula sa mga magulang tungo sa mga anak. Maging ang pinakamatuwid at may-takot sa Diyos na mga magulang ay nag-aanak ng mga makasalanan.—Awit 51:5.
Ang mga kahilingan ng Kautusan tungkol sa paggamit ng mga sangkap sa pag-aanak ay nagturo sa mga lalaki at mga babae ng pagdidisiplina sa sarili, pagpipigil ng silakbo ng damdamin, at paggalang sa isinangkap ng Diyos na paraan ng pagpaparami. Ang mga alituntunin ng Kautusan ay sapilitang nagpagunita sa mga nilalang ng kanilang makasalanang katayuan; ang mga ito ay hindi lamang mga utos pangkalusugan upang masiguro ang kalinisan o makapag-ingat laban sa paglaganap ng sakit. Bilang isang paalaala ng minanang pagkamakasalanan ng tao, angkop na kapuwa ang lalaki at babae na may inilalabas sa kanilang mga ari dahil sa normal na paggamit ng mga sangkap ng kanilang katawan ay gumanap ng isang panahon ng karumihan. Kung sakaling dumaranas ng di-normal na patuloy na pag-agas dahilan sa sakit, kailangan ang lalong mahabang panahon ng karumihan; at sa wakas, tulad din ng kung nanganganak ang isang ina, bukod sa paliligo, kailangan ang isang handog ukol sa kasalanan, upang ang saserdote ng Diyos ay makagawa ng pagtatakip sa kasalanan ng taong iyon. Ang ina ni Jesus na si Maria ay nagtapat ng kaniyang minanang pagkamakasalanan, na kinikilala na hindi siya sakdal, kalinis-linisan, sa pamamagitan ng paghahandog ng isang hain na nagtatakip ng kasalanan pagkatapos na isilang ang kaniyang panganay.—Lucas 2:22-24.
Ang Kalinisang Kristiyano
Ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng Kautusan at sa mga kahilingan nito na maglinis, kahit na ang gayong Kautusan at ang mga kaugalian tungkol doon ay ipinasusunod pa rin noong mga kaarawan na narito sa lupa si Jesus. (Juan 11:55) Ang Kautusan ay may “anino ng mabubuting bagay na darating”; ‘ang katunayan ay sa Kristo.’ (Hebreo 10:1; Colosas 2:17) Sa gayon, sumulat si Pablo tungkol sa mga paglilinis na ito: “Oo, halos lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo alinsunod sa Batas [niwisikan ni Moises ng dugo ang aklat, ang bayan, ang tolda, at ang mga sisidlan], at malibang dugo ang ibuhos ay walang kapatawarang magaganap. Samakatuwid ay kinakailangan na ang tipikong mga representasyon ng mga bagay sa mga langit ay linisin sa pamamagitan ng ganitong mga paraan.” “Sapagkat kung ang dugo ng mga kambing at ng mga toro at ang mga abo ng dumalagang baka na iniwisik doon sa mga nadungisan ay nakapagpapabanal hanggang sa punto ng kalinisan sa laman, gaano pa ngang higit ang dugo ng Kristo, na sa pamamagitan ng walang-hanggang espiritu ay naghandog ng kaniyang sarili nang walang dungis sa Diyos, ang maglilinis ng ating mga budhi mula sa patay na mga gawa upang makapag-ukol tayo ng sagradong paglilingkod sa Diyos na buháy?”—Hebreo 9:19-23, 13, 14.
Samakatuwid ang mismong dugo ng Panginoong Jesu-Kristo ang naglilinis sa mga Kristiyano buhat sa lahat ng kasalanan at kasamaan. (1 Juan 1:7, 9) “Inibig [ng Kristo] ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito, upang mapabanal niya ito, na nililinis ito sa paghuhugas ng tubig sa pamamagitan ng salita” upang ito’y maiharap niya na walang batik, banal, at walang dungis, “isang bayan na katangi-tanging kaniya, masigasig sa maiinam na gawa.” (Efeso 5:25-27; Tito 2:14) Bawat miyembro ng kongregasyong Kristiyanong ito, samakatuwid, ay hindi dapat ‘maging malilimutin sa kaniyang paglilinis mula sa kaniyang mga kasalanan noong matagal nang panahon’ kundi dapat na magpatuloy na magpakita ng bunga ng espiritu ng Diyos (2 Pedro 1:5-9), anupat tinatandaan na “bawat isa na namumunga ay nililinis niya [ng Diyos], upang mamunga iyon nang higit pa.”—Juan 15:2, 3.
Kung gayon, ang mga Kristiyano ay kailangang manatiling may mataas na pamantayan ng pisikal, moral, at espirituwal na kalinisan, nag-iingat laban sa “bawat karungisan ng laman at espiritu.” (2 Corinto 7:1) Sa liwanag ng sinabi ni Jesus, na ‘hindi ang pumapasok sa isang tao kundi ang lumalabas sa kaniya ang nagpaparumi,’ ang mga tumatanggap na ito ng naglilinis na dugo ni Kristo ay higit na nagdiriin sa espirituwal na kalinisan. Sila’y nananatiling may “isang malinis na puso” at “malinis na budhi” sa harap ng Diyos. (Marcos 7:15; 1 Timoteo 1:5; 3:9; 2 Timoteo 1:3) Sa gayong mga tao na may malinis na budhi “lahat ng mga bagay ay malinis,” kung ihahambing sa mga taong walang-pananampalataya na marurumi ang budhi, na sa kanila ay “walang anumang malinis.” (Tito 1:15) Yaong mga nagnanais manatiling malinis at dalisay ang puso ay nakikinig sa payo ng Isaias 52:11, na nagsasabi: “Huwag kayong humipo ng anumang marumi; . . . manatili kayong malinis, kayo na nagdadala ng mga sisidlan ni Jehova.” (Awit 24:4; Mateo 5:8) Sa paggawa nito, ang kanilang “mga kamay” sa makasagisag na diwa ay nilinis (Santiago 4:8), at sila’y pinakikitunguhan ng Diyos bilang mga taong malilinis.—2 Samuel 22:27; Awit 18:26; tingnan din ang Daniel 11:35; 12:10.
Minsan si apostol Pablo, bagaman wala na sa ilalim ng Kautusan, ay gumanap ng mga kahilingan ng Kautusan sa pamamagitan ng seremonyal na paglilinis ng kaniyang sarili sa templo. Hindi ba katugma niyaon ang ginawa niyang ito? Si Pablo ay hindi lumaban sa Kautusan o sa mga kaayusan nito; ipinakita lamang niya na ang pagsunod dito ay hindi kahilingan ng Diyos para sa mga Kristiyano. Pagka ang mga kaayusang iyon ay hindi labag sa bagong mga katotohanang Kristiyano, hindi naman talagang tinututulan ang paggawa ng itinakda ng Diyos sa ilalim ng Kautusan. Gayon ang ginawa ni Pablo upang hindi niya mahadlangan ang mga Judio sa pakikinig sa mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo. (Gawa 21:24, 26; 1 Corinto 9:20) Sa katulad na paraan nangatuwiran din ang apostol na ang mismong pagkain sa ganang sarili ay maaaring malinis, ngunit kung ang kaniyang pagkain niyaon ay nakatisod sa kaniyang kapatid, sa gayon siya ay hindi dapat kumain niyaon. (Roma 14:14, 15, 20, 21; 1 Corinto 8:13) Sa lahat ng ito, nagpakita si Pablo ng malaking pagmamalasakit sa ikaliligtas ng iba at ginawa niya ang lahat upang matupad ito. Kung gayon siya ay makapagsasabi: “Ako ay malinis sa dugo ng lahat ng tao.”—Gawa 20:26; 18:6.