Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 10/15 p. 8-11
  • Bagaman mga Takas, Maligayang Naglilingkod sa Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bagaman mga Takas, Maligayang Naglilingkod sa Diyos
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Pagtungo sa Mboki
  • Pakikipagtagpo sa mga Kapatid
  • Isang Maligayang Munting Kongregasyon
  • Naghihintay ng Isang Permanenteng Tahanan
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 10/15 p. 8-11

Bagaman mga Takas, Maligayang Naglilingkod sa Diyos

MGA digmaan, taggutom, kapahamakan, at kaguluhan. Para sa ilang tao ang mga ito ay mga ulong-balita lamang. Para naman sa maraming iba pa ang mga ito ay bahagi ng pang-araw-araw na pamumuhay. Palibhasa’y isang pambuong-daigdig na samahan ng mga Kristiyano, alam na alam ng mga Saksi ni Jehova na anumang oras magkaroon ng digmaan o kapahamakan, ang isang bahagi ng kanilang pandaigdig na kapatiran ay maaaring magdusa. At kapag ang mga tao ay kailangang tumakas upang iligtas ang kanilang buhay, maaring gayundin ang kailangang gawin ng ating mga kapatid.

Sa loob ng maraming taon ang mga Saksi sa ilang bansa sa Aprika ay nagbata ng gayong mga karanasan. Marami sa kanila ang napilitang magbalót ng anumang maaari nilang dalhin at humanap ng kanlungan sa ibang lugar. Bagaman ang ilan ay may masasakyan, marahil isang bisikleta, ang karamihan ay kinailangang maglakad nang maglakad nang maglakad​—sa loob ng mga araw, o maging ng mga sanlinggo​—​upang makarating sa kanilang patutunguhan.

Isa sa gayong patutunguhan ay ang munting bayan na pinanganlang Mboki, sa Central African Republic. Sa loob ng maraming taon, libu-libong lalaki, babae, mga bata at matatanda, ang nagsidating doon. Kabilang sa kanila ang ilan sa ating mga kapatid na Kristiyano, kasama ang mga interesado. Sabihin pa, ang kapuwa mga Kristiyano sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Bangui, ang kabisera ng Central African Republic, ay lubhang interesadong makita ang mga takas na ito upang maglaan ng tulong. Limang ulit na isang kinatawan ang isinugo na may dalang salapi, pagkain, damit, at gamot, na bukas-palad na inilaan ng mga Saksi mula sa Bangui, na mga 1,130 kilometro ang layo. Bagaman hindi naman nakaririwasa yaong mga nagbibigay ng ganitong malaking tulong, maligaya sila na gawin ang anumang makakaya nila.

Pagtungo sa Mboki

Ibig malaman ng mga kapatid sa tanggapang pansangay kung ano pa ang magagawa at kung papaano matutulungan sa espirituwal na paraan yaong mga takas. Kaya kami ng aking maybahay ay naglakbay sakay ng aming four-wheel-drive na Land Cruiser, kasama si Symphorien, isang special pioneer, at ang kaniyang maybahay. Kabisado ni Symphorien ang daan, at siya’y nakapagsasalita ng Zande, isang wika ng mga takas sa Mboki. Gumugol kami ng apat na araw upang makarating doon.

Sa huling 400 kilometro ay madaraanan ang isang magandang lugar ng maburol na lalawigan at may malalaking punong baobab. Sunud-sunod na nadaanan namin ang maliliit na nayon. Sa kahabaang ito ng daan, eksaktong 50 tulay ang nabilang ng aking maybahay​—marami ang sirang-sira na, ang ilan ay hindi na madaanan. Kinumpuni namin ang ilang tulay na gumagamit ng mga piraso ng kahoy at nabubulok na mga sepo, ikinambyo ang sasakyang four-wheel-drive upang kumapit ang mga gulong sa daraanan nito, nanalangin, at maingat na nagpatuloy sa aming paglalakbay. Kung may isang munting nayon sa di-kalayuan, hahangos ang mga bata upang tumulong​—kapalit ng maliit na halaga. Ipinagtataka namin na sa damuhan at sa ilalim ng mga palumpong sa di-kalayuan ay palagi silang nakasusumpong ng mga piraso ng kahoy at mga tabla buhat sa tulay. Naisip namin kung ang mga ito kaya ay tinanggal at itinago roon para sa mga parokyanong nangangailangan.

May tatlong pagkakataon na tinanggihan namin ang tulong ng mga kabataang iyon, dahil sa ang mga tulay ay waring lubhang mapanganib upang tawirin. Kaya umalis kami sa kalye, dumaan sa sapa, sa ibabaw ng mga bato, paakyat muli sa burol, at bumalik na naman sa kalye. Ang laki ng pasasalamat namin dahil noon ay tag-araw, sapagkat kung hindi ay maaaring wala nang ibang paraan upang kami’y makapaglakbay, maliban na lamang marahil kung sakay ng helikopter!

Ano kaya ang hitsura ng Mboki? Madalas naming maisip ito habang nagmamaneho sa walang katapusang “piste” na ito, isang salitang Pranses na ginagamit sa Central African Republic para sa isang kalye o daan na yari sa buhangin, mga bato, at mga eskombro​—at libu-libong butas.

Sa ikaapat na araw, nang bandang hapon, itinuro ni Symphorien ang ilang kubong yari sa pinatuyong damo na napaliligiran ng mga puno ng papaya at mga taniman ng balinghoy. “Voilà! Simula na ito ng Mboki,” ang sigaw niya. Medyo nagulat kami sa aming nakita. “Ito ba ang Mboki? Nasaan ang kampo?” ang tanong namin, dahil ang nakita namin ay hindi isang kampo, mga bahay lamang na kalát-kalát. Ang mga ito ay maliliit ngunit malilinis na kubo na may bubong na yari sa damo. Mayroon ding mga puno at mga palumpong sa lahat ng dako. May mga pananim ang mga tao sa tabi ng kanilang mga bahay. Ang Mboki ay hindi ang uri ng kampo na inaasahan naming makita; iyon ay isang malaking nayon, mga 35 kilometro ang haba.

Pakikipagtagpo sa mga Kapatid

Alam ng mga kapatid sa Mboki na kami ay darating, bagaman inisip nila na gugugol kami ng limang araw bago makarating doon. Nang marinig nila ang aming sasakyan, sila’y nagsitakbong papalapit sa amin. Lumabas ang mga lalaki, babae, at mga bata mula sa kanilang mga kubo at mga looban at mula sa kanilang mga bukid upang kami’y batiin. Lahat ay nakangiti, tumatawa, at nakikipagkamay, maraming beses hangga’t maaari. Karga-karga pa nila ang kanilang mga sanggol sa pagsalubong sa amin. Lahat ay nais bumati, at kami’y kanilang masiglang tinanggap.

Wala kaming gaanong magawa ng aking maybahay sa mga sandaling iyon dahil sa suliranin sa wika. Sinikap naming makipag-usap sa pamamagitan ng kaunting Pranses, kaunting Sango, kaunting Ingles, at Arabe. Karamihan ng ating mga kapatid ay nagsasalita, nakababasa, at nakasusulat ng wikang Zande. Kinailangang isalin at ipaliwanag ni Symphorien ang programa para sa aming pagdalaw.

Nagpatuloy kami ng ilan pang milya at nakarating sa Kingdom Hall. Iyon ang unang “simbahan” na itinayo ng mga takas ng anumang relihiyon sa Mboki. Marami pang mga kapatid at kanilang mga anak at mga interesado ang dumating upang makipagkamay. Kahit ang maraming bata na naninirahan sa malapit ay sumama sa mga kapatid upang makipagkamay sa amin.

Ang ating mga kapatid ay naghanda ng dalawang maliliit na bahay para sa amin, na kanilang mga bisita. Ang mga ito ay napakalilinis. Nakahanda ang mga timba ng malinis na tubig para sa amin. Nagdala kami ng sariling pagkain at tubig na inumin, palibhasa’y inaakala namin na may kakapusan ng mga bagay na ito at upang hindi kami maging pabigat sa ating mga kapatid. Habang nagdidiskarga kami mula sa sasakyan, isang batang babae ang dumating at itinanong kung papaanong luto ang ibig namin sa manok na ihahanda para sa amin sa gabing iyon, inihaw o niluto sa sarsa? Hindi namin inaasahan iyon at itinanong namin kung ano ang plano nilang kanin kasama nito. Ang sagot: balinghoy, o manioc. Kaya pinili namin ang manok na may maanghang na sarsa. Ang aming matinding gutom ay napawi nang gabing iyon. Ngunit kami ay patuloy nilang pinakain sa araw-araw​—sa tanghali at sa gabi. Hindi kami makapaniwala​—pinakakain at inaalagaan kami ng mga takas, bagaman kakaunti lamang ang tinataglay nila.

Isang Maligayang Munting Kongregasyon

Narito kami, sa isang malayong lugar ngunit kasama ng 21 sa ating mga kapatid. Dalawa lamang sa kanila ang bautisado nang dumating dito. Ang iba pa ay mga taong interesado nang sila’y naparito. Sila’y nagpatuloy sa pag-aaral at nabautismuhan sa nakalipas na dalawang taon. Apat pa ang nabautismuhan sa isang kalapit na ilog noong panahon ng aming pagdalaw.

Ang isang litaw na halimbawa ay si Faustino. Bago dumating sa Mboki, natuto siya ng saligang mga katotohanan sa Bibliya mula sa isang kaibigan. Pinahalagahan ni Faustino ang kaniyang natututuhan. Di-nagtagal siya at ang kaniyang kaibigan ay nagsimulang mangaral sa iba, subalit sila’y napaharap sa pagsalansang at ibinilanggo dahil sa “pagpukaw sa populasyon” sa pamamagitan ng kanilang relihiyon. Samantalang nasa bilangguan, sumuko ang kaibigan ni Faustino dahil sa takot at siya’y pinalaya. Makalipas ang dalawang buwan ay nilitis si Faustino. Gayunman, maliwanag na ang mga bintang laban sa kaniya ay walang batayan, kung kaya siya ay pinalaya. Nang magkadigma sa kaniyang lugar, si Faustino ay tumakas patungo sa Central African Republic, na kung saan nakilala niya ang mga kapatid at ipinagpatuloy niya ang pag-aaral ng Bibliya. Siya’y nabautismuhan noong Hulyo 1991, at noong 1992 ay pumasok sa buong-panahong ministeryo bilang isang regular pioneer.

Ang maligaya at palakaibigang munting kongregasyon sa Mboki ay binubuo ngayon ng isang special pioneer at 21 mamamahayag. Dalawang kapatid na lalaki na nagsasalita ng wikang Ingles ang naglilingkod bilang matatanda at nakikipagtalastasang mainam sa tanggapang pansangay sa Bangui. Inakala namin na ang ating mga kapatid na takas ay nasa napakahirap, malubhang kalagayan, ngunit hindi gayon. Bagaman dukha sa materyal na mga bagay, walang nagrereklamo, nababalisa, o nagbubulung-bulungan. Sapol nang sila’y dumating ang mga kapatid ay nagtayo ng kanilang mga kubo at mga bahay at nagsimulang magtanim ng kanilang makakain at mag-alaga ng mga manok. Ang taglay nila ngayon ay mas kakaunti kaysa dati, ngunit sila’y buháy at kasama ng kapuwa mga Kristiyano.

Yamang may 17,000 hanggang 20,000 takas sa Mboki, at marami pa ang dumarating bawat buwan, ang ating mga kapatid ay may malawak na larangan para sa kanilang ministeryo. Sumama kami sa kanila sa pangangaral, na talaga namang lubhang kawili-wili. Madalas nilang gamitin ang Bibliya sa wikang Zande, at ang saling ito ay may pangalan ng Diyos sa Hebreong Kasulatan at sa ilang bahagi sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa mga taong ito, ang Diyos ay hindi lamang ang “Mboli” (ang salitang Zande para sa “Diyos”) kundi si “Yekova,” na siyang paraan ng pagbigkas nila sa personal na pangalan ng Diyos. Ang “Mboli Yekova” ay isang pangkaraniwang pananalita. Ang ganitong wastong pagkasalin ay hindi sinusunod ng mga saling Protestante sa maraming iba pang wika sa Aprika; sa halip, pinapalitan nila ang “Jehova” ng “Nzapa,” “Nzambe,” o ibang Aprikanong pangalan para sa Diyos.

Bilang katuparan ng hula ni Jesus, ang mabuting balita ng Kaharian ay ipinangangaral ngayon sa buong daigdig, kahit sa Mboki. (Mateo 24:14) Ang kongregasyon ngayon ay may sapat na suplay ng mga Bibliya, aklat, magasin, buklet, at mga tract sa lahat ng wika na kailangan nila. Marahil sa hinaharap, higit pang mga publikasyon ang makukuha sa wikang Zande.

Naghihintay ng Isang Permanenteng Tahanan

Sa unang gabi, ipinalabas namin ang slide program ng Samahan na pinamagatang “Ang Maliligayang Kombensiyonista sa Silangang Europa ay Pumupuri kay Jehova.” Nang sumunod na gabi ang programa ay pinamagatang “Nagdadala ng Marami sa Katuwiran sa Panahon ng Kawakasan.” Ang pagpapalabas ng slide ay naganap sa labas, sa tabi ng Kingdom Hall, sa silong ng maliwanag na langit at pinilakang buwan. Anong gandang kapaligiran! Daan-daan ang dumating upang panoorin ang mga palabas na ito sa slide, at ang ating mga kapatid ay maligaya at ipinagkakapuring iharap ang isang natatanging bagay sa mga tao roon.

Pagsapit ng Lunes, naghanda na kami para sa paglalakbay pauwi. Iyon ay isa na namang apat-na-araw na paglalakbay sa gayunding mga kalye at mga pagtawid sa gayunding 50 tulay. Nagpumilit ang isang sister na maghanda ng pagkain para sa paglalakbay​—dalawa pang manok, inihaw na at tinimplahan ng bawang. Napakabango ng mga ito noong umaga sa Land Cruiser. Nang tanghali ay huminto kami sa parang upang tamasahin ang inihaw na manok samantalang iniisip ang ating mga kapatid sa Mboki. Bagaman napilitang maging mga takas, sila’y patuloy na naglilingkod kay Jehova nang may katapatan, hinihintay ang isang permanenteng tahanan na may kapayapaan sa ipinangakong bagong lupa ng Diyos. (2 Pedro 3:13)​—Isinulat.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share