Ang May Lakas-loob na Pananampalataya ng Ating mga Kapatid sa Rwanda
MAAGA noong 1994 ang daigdig ay nangilabot sa paglabas ng mga ulat tungkol sa malawakang pamamaslang sa bansang Rwanda sa Aprika. Sumiklab ang isang malupit na gera sibil—ang kasukdulan ng daan-daang taon ng pagkakapootan.
Palibhasa’y nakaharap sa lubusang pagguho ng batas at kaayusan, ang 2,000-at-higit pang mga Saksi ni Jehova sa Rwanda ay napilitang tumakas upang iligtas ang kanilang buhay. Mga 1,300 ang nakasumpong ng kanlungan sa mga refugee camp sa kalapit na Zaire at Tanzania, ngunit ang ilan ay hindi nakatakas nang maaga. Ikinalulungkot naming ibalita na humigit-kumulang 400 sa ating mga kapatid—kapuwa mga adulto at mga bata, sabihin pa pulos sibilyan—ang pumanaw sa baliw na karahasang iyon. Nagdadalamhati ang mga kapatid sa buong daigdig dahil sa pagkamatay ng may lakas-ng-loob na mga tagapag-ingat na ito ng katapatan at sila’y kumukuha ng kaaliwan buhat sa pangako ng Bibliya tungkol sa pagkabuhay-muli.—Juan 11:25.
Kumusta naman ang nakaligtas na mga kapatid na taga-Rwanda? Isinugo ang matatanda buhat sa ilang bansa upang suriin mismo ang mga bagay-bagay. Isang ulat ang nagsabi na hinarap ng mga kapatid na taga-Rwanda ang situwasyon “taglay ang buong dangal at lakas ng loob.” Halimbawa, isa sa mga unang hiniling ng mga kapatid ay ang mga literatura sa Bibliya. ‘Sila’y waring higit na nababahala tungkol sa pagtanggap ng espirituwal na pagkain sa halip ng materyal na tulong, bagaman matindi ang pangangailangan nila ng maraming bagay,’ ang pagtatapos ng ulat. At bagaman ang mga kalagayan sa mga kampo ay di-maalwan, ‘ang pinakamalinis na bahagi ay yaong tinitirahan ng ating mga kapatid.’
Naglaan ang Samahang Watch Tower ng mga pondo para sa pagbili ng pagkain, kumot, damit, sapatos, at mga gamot. Bukas-palad na nag-abuloy ang ating mga kapatid sa Pransya, at nang bandang pasimula ng Hunyo, halos dalawang tonelada ng panustos ang ipinadala sa nagigipit na mga kapatid natin sa Rwanda.
Hindi nakapagtataka, ang mga kalagayang ito ay nagbunga ng isang mainam na patotoo. Naantig ang damdamin ng mga nagmamasid sa bagay na ang ating mga kapatid na taga-Rwanda ay tumanggap ng gayong tulong at alalay buhat sa kapuwa mga Saksi, at naging posible na ibahagi sa iba ang tulong na ito. Ang ilan ay nagkomento na tanging ang mga Saksi lamang na nasa kampo ang dinalaw ng mga miyembro ng kanilang relihiyon!
Ang kalagayan ng ating mga kapatid na taga-Rwanda ay nagpapaalaala sa atin na sa “mga huling araw” na ito, ang mga tao ay magiging “mabangis” at “marahas.” (2 Timoteo 3:1-5; Today’s English Version) At bagaman si Jehova ay hindi nangangako sa kaniyang bayan ng makahimalang proteksiyon buhat sa pisikal na mga panganib, siya ay nangangako na iingatan ang kanilang espirituwalidad at kaugnayan sa kaniya at, sa panahon ng Sanlibong Taóng pamamahala ni Kristo, bubuhaying-muli yaong mga pumanaw ngayon. (Awit 91:1-10) Harinawang ang ating mga panalangin na alalayan at tulungan ni Jehova ang ating naulilang mga kapatid na taga-Rwanda sa panahong ito ng pagsubok ay patuloy na ihandog alang-alang sa kanila.—Awit 46:1.