Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 11/1 p. 23-27
  • Pagtulong sa Ating Sambahayan ng mga Mananampalataya sa Bosnia

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagtulong sa Ating Sambahayan ng mga Mananampalataya sa Bosnia
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Walang-Saysay na mga Pagsisikap?
  • Pagdating sa Travnik
  • Patungo sa Zenica
  • Ang Aming Pag-uwi
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 11/1 p. 23-27

Pagtulong sa Ating Sambahayan ng mga Mananampalataya sa Bosnia

ANG mga Saksi ni Jehova ay hindi nakikibahagi sa makapulitikang mga alitan. (Juan 17:16) Gayunman, bilang pagsunod sa payo ni Pablo na gumawa ng mabuti “lalung-lalo na sa ating sambahayan ng mga mananampalataya,” sila’y agad na tumutulong sa kanilang kapuwa mga Kristiyano sa mga lugar na may mga digmaan. (Galacia 6:10, Beck) Habang papalapit na ang taglamig ng 1993-94, isinapanganib ng mga Saksi buhat sa Austria at Croatia ang kanilang buhay upang tulungan ang kanilang sambahayan ng mga mananampalataya sa Bosnia. Iniulat nila ang sumusunod.

Mula noong Marso hanggang Oktubre 1993, hindi maaaring makapagpadala ng tulong sa Bosnia. Gayunman, noong pasimula ng Oktubre, ipinahiwatig ng mga awtoridad na posible nang makapaghatid ng mga paninda. Ito ay magiging isa pa ring mapanganib na hakbang, yamang may matinding paglalabanan sa lahat ng kilusan sa Bosnia.

Gayunman, noong Martes, Oktubre 26, 1993, nilisan ng ating mga trak ang Vienna sakay ang 16 na tonelada ng pagkain at panggatong para sa kapuwa mga Kristiyano sa Bosnia. Isinuot namin ang aming mga lapel card sa pandistritong kombensiyon para sa aming pagkakakilanlan.

Nang kami’y dumating sa hangganan ng Croatia at Bosnia, kami’y sinamahan patungo sa isang base militar na kung saan ang aming mga trak ay lubusang siniyasat. Tinanggihan ang aming kahilingan na maglakbay sa teritoryo ng Serbia. Ang paglalakbay ay pahihintulutan lamang kung doon daraan sa kalagitnaan ng Bosnia​—doon mismo sa lugar na kung saan nagaganap ang labanan!

Walang-Saysay na mga Pagsisikap?

Habang sinasamahan kami ng mga militar sa sunud-sunod na mga checkpoint, naririnig namin ang nakabibinging pagpapaputok buhat sa mga tangke at mga baril. Nang kinagabihan, naglakbay kami sa kagubatan habang kasabay ang dalawang tangke at isang dyip. Dahan-dahan ang takbo ng aming mga trak hanggang sa unahan ng labanan! Naging maayos naman ang lahat hanggang mag-uumagá nang biglang kami’y pinaputukan at kinailangang kami’y kumubli sa isang burol. Maya-maya ay tumigil ang pamamaril, at kami’y nagpatuloy sa aming paglalakbay.

Nang dumating kami sa isang kampo, tinanong ng namumunong opisyal kung sino kami at ano ang kailangan namin. “Kayo ay tiyak na mabibigo,” ang sabi niya pagkatapos na sabihin namin ang aming pakay. “Hindi kayo maaaring lumabas ng kampo, ni makalayo pa nang ilang yarda. Matindi ang taggutom sa bansa anupat sasalakayin kayo ng mga tao at nanakawin ang inyong mga dala-dalahan.” Hinimok niya kaming magbalik sa aming pinanggalingan.

Ang amin nga bang mga pagsisikap ay “tiyak na mabibigo”? Wala bang saysay ang umasang makatatawid kami sa mga lugar na sinalanta ng digmaan at taggutom at gayunma’y maingatan ang aming mga dala-dalahan at ang aming buhay? Kinailangang gumawa ng isang seryosong desisyon. Nakarinig na kami ng mga putok ng baril at nakabibinging pagsabog ng mga bomba. Habang nagpapalipas kami ng gabi kasama ng mga sundalo, nakikita namin na sila ay handa para sa mga hirap ng labanan. Sila’y nakasuot ng tsalekong di-tinatablan ng bala at lubhang armado. Kahit ang tagapagluto ay may nakasabit na machine gun sa kaniyang likod. At narito naman kami na nakasuot ng kamisadentro, kurbata, at mga lapel card! Isa bang katalinuhan ang kami’y magpatuloy?

Pagdating sa Travnik

Waring ang aming tanging pag-asa ay ang makipag-usap sa ikatlong panig sa digmaang ito. Kinabukasan ay tinanong namin ang isang kabataang babae kung alam niya kung saan matatagpuan ang punung-himpilan ng partido. “Hindi iyon kalayuan,” aniya. “Doon lamang sa kagubatan, matatagpuan ninyo ang isang gusali na dati’y isang ospital.” Kami’y sabik na pumaroon. Nagtaka ang mga sundalo na kami’y nangahas lumabas sa kampo nang walang sandata.

Ang dating ospital ay giba-giba na, subalit naroon ang isang opisyal. Siya’y pumayag na tumulong, na pinayuhan kaming makipag-usap muna sa kaniyang komander. Isinakay niya kami sa kaniyang yupi-yuping kotse at nagpatakbo nang mabilis sa unahan ng labanan. Huminto kami sa isang gusali na kung saan pumayag na makipag-usap sa amin sa isang madilim na silid ang namumunong opisyal.

“Kagabi ay pagbababarilin na sana namin kayo,” aniya. “Ano ba ang kailangan ninyo?”

“Kami po ay mga Saksi ni Jehova, at ibig naming maghatid ng tulong sa aming mga kapatid.”

Siya’y lubhang nabigla​—at humanga​—yamang sa may ilang linggo nang walang mga trak na may dalang tulong ang nangahas na pumasok sa Bosnia. Pagkatapos na lubusang siyasatin, kami’y binigyan ng nasusulat na katibayan. Nang nagdaang gabi ay inakala namin na kami ay wala nang pag-asang magpatuloy sa paglalakbay, at ngayon ay makapagpapatuloy kami nang walang bantay!

Nagbiyahe kami sa kagubatan, na dumaraan sa sunud-sunod na mga checkpoint, at kung minsan ay dumaraan kami sa mga unahan ng labanan. Sa kabila ng panganib, kami’y ligtas na nakarating sa Travnik. Isang sundalo na nakabalita tungkol sa aming pagdating ang humangos sa isang bahay na kung saan nagkakatipon ang ating mga kapatid. “Ang inyong mga kasama ay narito sakay ng mga trak!” ang sigaw niya. Maguguniguni mo ang kanilang kagalakan. Dinala namin ang pagkain sa bahay, bumigkas ng ilang pangungusap, subalit kinailangang umalis kaagad. Dumidilim na, at nakaharap kami sa isang mapanganib na 32-kilometrong paglalakbay.

Patungo sa Zenica

Sinamahan kami ng isang kotseng mabilis ang takbo patawid sa kagubatan. Sinabi ng ilan na hindi kami makararating sa Zenica, subalit nakarating kami. Waring tinatahanan ng dilim ang bayan. Walang mga ilaw at walang mga kotse sa kalye. Ang Zenica ay nakukubkob sa lahat ng panig, anupat nagbunga ng matinding taggutom at kawalang-pag-asa.

Habang tinatahak namin ang lansangan, nakita namin ang isang nakapagtatakang bagay​—dalawang Kristiyanong sister ang nagpapatotoo! Napag-alaman namin na noong nakaraang araw, sa kanilang pulong, napagpasiyahan na ang mga kapatid ay tutungo sa kagubatan upang humanap ng pagkain, yamang ang suplay ay naubos na. Tamang-tama ang aming pagdating! Ibinaba namin ang kargada buhat sa isa sa mga trak nang bandang alas-kuwatro ng madaling-araw, samantalang walang sinuman ang nasa kalye.

Nang sumunod na araw ay nakipag-ugnayan kami sa isang heneral, na lubhang ipinagtaka na kami’y nakarating sa Zenica. Ngayon ay nagtanong kami tungkol sa paglalakbay patungo sa aming susunod na destinasyon, sa Sarajevo.

“Mga ilang buwan nang walang nangangahas na pumaroon sa pamamagitan ng trak,” ang sabi ng heneral. Nang bandang huli ay binigyan niya kami ng pahintulot na maglakbay patawid sa mga bundok. “Ngunit sinasabi ko sa inyo, mahirap iyon,” ang babala niya. “Hindi ako nakatitiyak kung makakaya ng inyong trak ang makarating doon.”

Hindi nagsabi ng labis ang heneral. Nang 40 kilometro na lamang ang layo namin sa Sarajevo, kinailangan naming umikot sa kagubatan at maglakbay ng 140 kilometro! Hindi namin makalilimutan ang biyahe mula sa Zenica patungong Jablanica sa pamamagitan ng daan sa Sarajevo na umabot ng tatlong araw at dalawang gabi, kadalasan sa bilis na limang kilometro lamang bawat oras. Ang “daan” ay isang landas na likha ng paulit-ulit na pagdaraan ng mga tangke. Nagmaneho kami sa ibabaw ng nakatatakot na mga bato at mga lubak. Madalas na kami’y kinailangang magpatuloy nang walang ilaw, at may dalawang pagkakataon na ang aming mga trak ay halos mahulog sa di-matatag na mga burol. Isang trak ng hukbo na sumusunod sa aming grupo ng mga trak ang sandaling nagbukas ng ilaw at agad-agad itong pinaputukan. Kung minsan ay kinailangang kumpunihin namin ang mga nasirang tulay at ayusin ang mga gulong.

Nang dumating kami sa labas ng Sarajevo, hiniling naming makausap ang heneral na nangangasiwa. Habang naghihintay, nakita namin ang isang trak sa kalye na may sampung bangkay at isang sako ng mga ulo; ang mga sundalo ay nakikipag-areglo para sa pagsusuko ng mga bangkay​—isa ngang di-kanais-nais na tanawin, anupat nag-udyok sa aming asam-asamin ang araw na mawawala na ang digmaan.​—Isaias 2:4.

Nang alas 10:00 n.u., isa sa amin ang pinahintulutan sa wakas na makipag-usap sa heneral at sa kaniyang matataas na opisyal sa isang madilim na silid, na naiilawan lamang ng isang kandila.

“Sino kayo?” ang tanong ng heneral.

“Kami po ay mga Saksi ni Jehova. Ibig naming maghatid ng pagkain sa aming kapuwa mga Saksi sa Sarajevo.”

“Alam ba ninyo na maraming Saksi ni Jehova sa Sarajevo?”

“Opo, kaya naman naririto kami.”

Pagkatapos ay binanggit ng heneral ang pangalan ng isang Saksi. “Kilala ba ninyo siya?”

“Opo, kaibigan namin siya.”

“Kaibigan ko rin siya,” sabi ng heneral. “Magkasama kami sa paaralan. Mula nang siya’y maging isang Saksi, lalo ko siyang hinangaan. Marami siyang nagawa para sa inyo. Pakisuyong magsabi pa kayo sa amin nang higit tungkol sa mga Saksi ni Jehova.”

Sumunod ang isang oras na pag-uusap, pagkatapos niyaon ay nakapagpasakamay kami ng mahigit sa isang dosenang magasin at mga brosyur. Pagkatapos ng ikalawang pag-uusap, sumang-ayon ang heneral na gumawa ng pantanging kaayusan upang ang mga tulong ay maihatid sa mga kapatid na taga-Sarajevo.

Ito ay isang di-biru-birong gawain. Mga 30 katao, kasali na ang ilang di-Saksi, ang humila ng mga balutan na tumitimbang ng mga 27 kilo bawat isa. Sila’y nagpagal mula alas 8:00 n.g. hanggang alas 5:00 n.u. sa dalawang magkahiwalay na gabi​—isang kabuuang 18 oras. Inilahad ng isang matanda na ang kaniyang mga kapitbahay ay labis na humanga sa mga pagsisikap na makatulong anupat sila’y lumuhod kasama ng mga kapatid at nagpasalamat kay Jehova! Mangyari pa, tumanggap din sila ng pagkain.

Gunigunihin ang kagalakan ng ating mga kapatid nang sila’y tumanggap ng mga 11,000 kilo ng ibinigay na tulong! Malubha ang kalagayan. Sa lugar na iyon, ang halaga ng isang kilo ng harina ay nasa pagitan ng DM450 at DM1,000 ($300 at $660, E.U.). Ang isang sako ng kahoy ay nagkakahalaga ng mga DM400 ($260, E.U.), at ang isang litro ng krudo ay nagkakahalaga ng DM30 ($20, E.U.).

Waring sa bawat panganib na napaharap sa amin sa daan, kami ngayon ay ginagantimpalaan. Kami’y nasisiyahang pagmasdan ang kagalakan ng ating mga kapatid nang kanilang tanggapin ang tulong na kargamentong ito. Iyon ay isang karanasan na hindi nila​—at namin​—​malilimutan kailanman. Subalit ngayon ay kailangang pag-isipan na namin ang tungkol sa hamon ng pag-uwi.

Ang Aming Pag-uwi

“Papaano kami makababalik?” ang tanong namin sa heneral.

“Doon din sa inyong dinaanan nang kayo’y pumarito,” ang sagot niya.

Pagod na pagod kami, kaunti na lamang ang natitirang gasolina, at walang reserbang mga gulong. Nagsisimula nang umulan, at hindi kami makapagbibiyahe sa putikan. Tinanong namin ang heneral kung maaari kaming magbiyahe patungo sa timog.

“May mahihigpit na labanan doon,” aniya. “Kahit na ang isang daga ay hindi makadaraan.” Gayunman, paglipas ng ilang sandali, muli niyang isinaalang-alang ang bagay na iyon. “Subukin din ninyo,” sabi niya. “Tutal, nakarating kayo rito.”

Kinailangang iwan namin doon ang isang trak at paghati-hatiin ang gasolina nito sa iba pang tatlong trak. Lumisan kami nang hatinggabi at muling naglakbay sa kagubatan.

May mga suliranin ang aming paglalakbay pauwi. Nasumpungan namin ang isang nakabuwal na trak ng hukbo, bahagyang nakaharang sa isang tulay na kailangang tawirin namin. Nakita namin na kung matatanggal namin kahit isa lamang sa mga gulong nito, may sapat na lugar para kami makaraan.

Nakiusap kami sa isang armadong sundalo. “Maaari ba naming tanggalin ang gulong at ikabit muli iyon pagkatapos naming tawirin ang tulay?”

“Kung gagalawin ninyo ang gulong, gagamitin ko ang aking baril,” ang sagot ng sundalo, na iniuumang ang kaniyang sandata.

Naisip namin na mas mainam na magtimpla ng kape at alukin ng isang tasa ang sundalo. Sa loob ng ilang oras, inilahad namin sa kaniya ang tungkol sa 1991 internasyonal na mga kombensiyon, tulad ng ginanap sa Zagreb. Pagkatapos niyaon, humupa ang kaniyang galit, at pinayagan niya kaming tanggalin ang gulong.

Sa Jablanica, isa sa amin ang nakipag-usap sa komander tungkol sa ruta na ibig naming daanan. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang narinig. “Ibig ninyong dumaan sa Neretva Valley?”

Mauunawaan naman ang kaniyang pagkabahala. Ang mga gilid ng mga burol sa Neretva Valley ay hawak ng iba’t ibang hukbo. Sila’y palaging nagbabarilan. Sa halos labing anim na kilometro, ang daan ay mapanganib. “Ganiyan doon,” ang sabi ng heneral, “at gayunma’y ibig ninyong dumaan doon?”

Pagkatapos na matamang isaalang-alang ang bagay na iyon, sinabi ng heneral na maaari kaming pumaroon​—ngunit kung kami ay may kasamang mga opisyal. Gayunman, ang mga opisyal na ito ay atubiling sumama sa amin! Sa wakas, hiniling namin na makipag-ugnayan na lamang sila sa kabilang panig at ipatalastas ang aming pagdaan. Sa kinaumagahan ay tatawid kami nang walang bantay.

Sa pamamagitan ng malalaking titik, nilagyan namin ng marka ang aming mga trak bilang may dala ng tulong sa pagkakawanggawa. Pagkatapos manalangin, naglakbay na kami sa libis. Napagkasunduan namin na kung kami’y papaputukan, hindi namin bibilisan ang takbo upang di-lumikha ng hinala.

Tinawid namin ang tulay sa kabilang panig ng ilog at nagpatuloy hanggang sa susunod na libis, na dumaraan sa maraming bangkay ng mga hayop at wasak na mga trak at mga tangke. Biglang napansin namin sa daan ang mga minang sumasabog, anupat imposibleng kami’y makaraan. Bumusina kami hanggang sa dalawang sundalo ang sumilip buhat sa isang bato. “Sino kayo? Ano ang kailangan ninyo?” ang tanong nila.

Pagkatapos ipakilala ang aming sarili, hiniling namin kung maaari nilang alisin ang mga mina sa kalye, at sila’y pumayag. Sa wakas, nakarating kami sa kabilang ibayo.

Nagtaka ang mga sundalo nang kami’y makita. Dahan-dahan silang lumabas buhat sa kanilang pinagtataguan, na lumapit sa trak habang ang kanilang mga baril ay nakatutok sa amin. Ipinakita namin ang aming mga permiso kasama ng aming mga plaka ng sasakyan, na tinanggal namin sa mga kadahilanang panseguridad samantalang dumaraan kami sa lugar ng labanan.

“Hindi kayo inaasahan,” sabi ng isang sundalo. “Papaano kayo makadaraan?”

Salungat sa aming kahilingan, walang sinuman sa mga himpilang ito ang pinahiwatigan na kami’y darating! Sinabi pa ng opisyal: “Nakakasa na ang aming mga baril, at magpapaputok na sana kami.”

Itinanong namin kung bakit hindi nila ginawa iyon.

“Ewan ko,” ang sagot ng sundalo. “Nananalig akong iyon ang inyong kapalaran. Ngunit nang tingnan namin kayo sa pamamagitan ng aming largabista, nakita namin ang markang ‘tulong sa pagkakawanggawa’, at hindi namin alam kung ano ang gagawin sa inyo. Kaya nakarating kayo nang ligtas.” Nang dakong huli ay naghandog kami ng taos-pusong panalangin ng pasasalamat kay Jehova dahil sa kaniyang proteksiyon.

Bagaman mahirap ang kanilang mga kalagayan, nakapagpapasigla ang espiritu ng ating mga kapatid na taga-Bosnia. Ibinabahagi nila ang materyal na mga bagay na taglay nila gayundin ang mga salita ng pananampalataya at pampatibay-loob. Sa Zenica ay may 40 aktibong mga Saksi, kasali na ang 2 special pioneer, 11 auxiliary pioneer, at 14 na bagong bautisado. Ang 65 Saksi kasama ang 4 na auxiliary pioneer na nananatili pa sa lunsod ng Sarajevo ay nagdaraos ng 134 na pag-aaral sa Bibliya. Gumugugol ang mga Saksi ng aberids na 20 oras bawat buwan sa pakikipag-usap sa iba tungkol sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.

Totoo, ang mga Saksi ni Jehova ay bumubuo ng isang pambuong-daigdig na sambahayan ng mga mananampalataya. Handa nilang isapanganib ang kanilang buhay upang gumawa ng mabuti para sa mga kaugnay sa kanila sa pananampalataya​—kahit na doon sa mga hindi pa nila nakikilala. Bakit? Sapagkat sila’y kanilang minamahal. Sinabi ni Jesu-Kristo: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Tunay na ito ang nangyayari sa ating sambahayan ng mga mananampalataya sa Bosnia.

[Mapa/Mga Larawan sa pahina 24]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Adriatic Sea

AUSTRIA

SLOVENIA

HUNGARY

CROATIA

BOSNIA

Travnik

Zenica

Sarajevo

SERBIA

[Mga larawan]

Paghahatid ng tulong sa Bosnia at Herzegovina

[Larawan sa pahina 26]

Pagdaraan sa tabi ng isang tumaob na trak

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share