Ang mga Nagtapos sa Gilead Sabik na Palaganapin ang Mabuting Balita
“ANG pinakamainam na bagay na mapapangarap natin.” Ganiyan ang nadama nina Anders at Amalia Groth tungkol sa kanilang pangmisyonerong pagsasanay. Ipinahayag nila ang damdamin ng lahat ng 48 nagtapos sa ika-97 klase ng Watchtower Bible School of Gilead sa pagsasabi pa: “Pinakilos at inihanda kami ng pagsasanay sa Gilead, kaya kami’y sabik na tumungo sa aming bagong mga atas.”
Nadarama namin ang kagalakang ito habang nagkokomento ang mga estudyante sa programa sa pagtatapos; 6,420 ang nagtipon noong Setyembre 4, 1994, para sa okasyong ito.
“Si Theodore Jaracz ng Lupong Tagapamahala ang nagbukas ng programa sa pamamagitan ng pahayag sa paksang ‘Pagiging Naturuan ni Jehova,’ ” sabi ni David Abel at ng kaniyang asawa, si Kelli. “Ang puntong hindi namin kailanman malilimutan ay nang sabihin ni Brother Jaracz: ‘Kailangan nating kilalanin ang ating kawalang-kabuluhan kung ihahambing kay Jehova,’ at inilarawan iyon sa pamamagitan ng mabisang aral na masusumpungan sa Job mga kabanata 38 at 39. Mariing binanggit ni Brother Jaracz na samantalang napalawak namin ang aming kaalaman sa Bibliya sa pamamagitan ng Paaralang Gilead, hindi namin alam ang sagot sa bawat tanong. Kailangang patuloy naming pag-aralan ang Salita ng Diyos.”
Nagsalita ngayon sina Christian at Angele Coffy: “Humanga kami sa pahayag na binigkas ni Max Larson sa paksang ‘Ano ang Halaga ng Isang Mabuting Pundasyon?’ Naibigan namin ang paghahambing niya sa amin sa isang gusali na nangangailangan ng malalim na pundasyon sa isang siksik na lupa upang manatiling matatag kahit na lumindol. Sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral, mapauunlad natin ang isang mas matalik na kaugnayan kay Jehova at maisasalig ang ating pananampalataya sa isang malalim na kaalaman upang manatili tayong matatag sa mga panahon ng kahirapan.”
“Magtatagal sa alaala ang pahayag ni Milton Henschel, ang presidente ng paaralan, sa paksang ‘Ang mga Bukid ay Mapuputi Na Para sa Pag-aani,’” ayon kina Gary at Lynn Elfers. “Ang susing kasulatan, Juan 4:35-38, ay nagdiin ng taglay naming pribilehiyo na pagpasok sa isang bukid na nahasikan na ng naunang mga manggagawa. Ito’y pupukaw sa amin na gumawa taglay ang pagkadama ng pagkaapurahan.” Bilang pagsang-ayon dito, ganito ang sabi nina Jan at Sirpa Vaahtola: “Pinatindi ni Brother Henschel ang aming pananabik hinggil sa gagawin pang pag-aani sa pamamagitan ng pagbibigay ng pinakahuling ulat mula sa Baltic States. Ang pagsulong sa Estonia ay 51 porsiyento, 106 na porsiyento sa Latvia, at sa Lithuania ay 51 porsiyento. Nakapananabik nga! Nakikiusap ang mga kapatid sa Panginoon upang magpadala ng higit pang mga manggagawa. Kami’y lalo nang maligayang marinig ito, sapagkat ang aming atas ay sa Estonia!”
“Si Joel Adams ang sumunod na nagpahayag sa paksang ‘Magtiwala kay Jehova,’” ang nagunita nina Kevin at Evelyn Cortina. “Pinayuhan niya kami na hindi kami kailanman dapat mag-isip na kung minsan ay makapagtitiwala kami kay Jehova at kung minsan naman ay makaaasa sa aming sariling pag-iisip. Haharapin namin ang maraming hamon sa aming atas—kalusugan, pagkain, wika, kaugalian, at marami pang iba. Lahat ng mga ito ay humihiling na magtiwala kami kay Jehova.”
Ang sumunod na nagsalita ay si Gerrit Lösch, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, na bumuo ng paksang “Patuloy na Ipaaninaw ang Awa ni Jehova.” Ganito ang sabi nina Alen at Ann Maria Gokavi: “Ipinakita niya na isang pagpapakilala ng Kristiyanong pagkamaygulang ang magpakita ng awa sa aming kapuwa mga misyonero at sa mga binabahaginan namin ng mabuting balita. Nasasangkot ang sakripisyo sa mga atas sa ibang lupain, ngunit kung hindi kasama ang awa, kung gayon ay magiging di-gaanong mahalaga ang ating pagsasakripisyo.” (Mateo 9:13) Idinagdag naman nina Peter at Fleur Hupston: “Sinabi ni Brother Lösch na dapat din kaming maging maawain sa aming mga kapatid, na minamalas sila sa pamamagitan ng kabilang dulo ng largabista, wika nga, upang ang kanilang mga pagkakamali ay lumiit sa halip na lumaki.”
“Si Jack Redford, isa sa aming mga instruktor sa Gilead, ang sumunod sa paksang ‘Matatanggap Mo ba ang Isang Saway?’” ang natandaan nina Mickey at Sherry Minsky. “Ipinakita niya na dahil sa pagpapalalo ay nagiging mahirap tanggapin ang saway at kung tayo’y labis na maramdamin sa payo, hindi natin kakamtin ang mga kapakinabangan nito. Pagkatapos ay nagbigay siya ng ilang praktikal na mga mungkahi sa pagtanggap ng saway batay sa Panaghoy 3:27-31.” Ganito naman ang idinagdag nina Charles at Joan Held: “Kadalasan ay bulag tayo sa ating mga pagkukulang; kung gayon, kailangang malasin natin ang saway bilang isang paraan ng pagbubukas ng ating mga mata sa mga bagay na hindi natin namamalayan. Ang saway o payo mula kay Jehova ay katunayan ng kaniyang pag-ibig sa atin.”
“Isa pang instruktor, si Ulysses Glass, ang nagsalita tungkol sa paksang ‘Magtamo ng Praktikal na Karunungan na Umaakay sa Buhay.’ Nagtanong siya: ‘Ano ang gagawin ninyo sa inyong natutuhan?’ ” ang sabi nina Kenneth at Lisbeth Ardkäll. “Pagkatapos ay nagbigay siya ng isang ilustrasyon batay sa Kawikaan 30:24-26 tungkol sa maliit na rock badger at kung papaano ito lubusang sinangkapan ni Jehova upang mabuhay. Tayo, sa kabilang panig, ay hindi likas na marunong, kaya kailangang magsikap tayo na magkamit ng karunungan. Sinasangkapan tayo ni Jehova ng lahat ng kailangan natin upang gawin iyan. Hangga’t napapalapit tayo kay Jehova at sa isa’t isa sa pag-ibig, marami tayong magagawa.”
Pangunahing Pahayag
“Masiglang isinaalang-alang sa amin ni Brother Karl F. Klein, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang ika-19 na Awit sa kaniyang pahayag na ‘Isang Hiyas sa Gitna ng mga Hiyas,’” sabi nina Jay at Gwen Abraczinskas. “Itinampok niya ang matinding pagpapahalaga ng salmistang si David para kay Jehova at ang pagkagiliw niya sa Salita ng Diyos.” “Hinati ni Brother Klein ang awit sa tatlong bahagi,” ang napansin nina Keith at Donna Hornback. “Ang bahagi 1 (Aw 19 talatang 1-6) ay nagpapakita ng pagpapahalaga ni David sa paglalang ng Diyos, ang bahagi 2 (Aw 19 talatang 7-10) ay nagpapahayag ng kaniyang pagpapahalaga sa mga batas ng Diyos, at ang bahagi 3 (Aw 19 talatang 11-14) ay nagpapaalaala sa atin na, gaya ni David, dapat nating naisin ang isang mabuting kaugnayan kay Jehova.”
“Nasiyahan kami sa punto na ang takot kay Jehova ay mahalaga kung ibig nating iwasan ang masama. Ito’y umaakay sa atin na gawin kung ano ang malinis sa kaniyang paningin,” sabi nina David at Raylene Long. Sumang-ayon naman sina Frank at Vibeke Madsen. “Ang mga komento ni Brother Klein tungkol sa kung gaano kapaki-pakinabang ang mga paalaala, batas, at mga kautusan ni Jehova ang angkop na kabuuan ng natutuhan namin sa Gilead,” anila. “Kami’y ginawa niyan na lalong determinado na sundin ang Salita ng Diyos sa hinaharap at malasin ito gaya ng isang kabang-yaman ng mga hiyas.”
Kasunod ng pangunahing pahayag, tinanggap ng mga estudyante ang kanilang mga diploma, at inihayag ang kanilang atas sa ibang bansa. Pansamantalang tinapos ang programa upang makapagpalamig, at lahat ay muling nagtipon para sa sesyon sa hapon. Nakibahagi ang mga nagtapos sa pagsagot sa mga tanong na tinalakay sa isang pinaikling Pag-aaral ng Bantayan.
“Pagkatapos ay sumunod ang programa ng mga estudyante na ‘Sinanay Upang Maging mga Tagapaghayag ng Kaharian sa Buong Lupa,’” ang naalaala naman nina Bob at Shannon Lakatos. “Iniharap sa unang bahagi ng programa ang mga karanasan ng mga estudyante sa paglilingkod sa larangan sa loob ng aming limang-buwang kurso. Ito’y nagtuon ng pansin sa may-kahusayang paggamit ng mga tanong sa aming ministeryo. Ipinakita ng isang bahaging panayam ang positibong mga paraan upang harapin ang mga hamon at nagbabagong mga kalagayan ng buhay misyonero. Ang tatlong pagpapalabas ng mga slide, ng Costa Rica, India, at Malawi, ay nagbigay sa amin ng isang sulyap sa pambuong-daigdig na organisasyon ni Jehova.”
“Ang sumunod na drama, Maging Teokratiko, Hindi Makasanlibutan, ay naglarawan ng masamang epekto na maaaring idulot ng ilang makasanlibutan, mapagsariling mga kamag-anak,” sabi nina Jesse at Michelle Duncan. “Ipinakita nito na dapat kilalanin ng mga Kristiyano ang mga alituntunin at direksiyon ng Teokrasya bilang mahalaga at kapaki-pakinabang,” sinabi pa nina Wenzel at Kelly Koula.
Natapos ang programa sa pamamagitan ng isang pangwakas na awit at panalangin. Habang papaalis ang mga nagtapos na may pananabik sa pagtungo sa kanilang mga atas sa 18 lupain, naipahayag na mabuti ang kanilang mga kaisipan sa pamamagitan ng pangwakas na komento nina Tommi at Jael Kauko: “Kami’y totoong nasasabik na magtungo sa aming atas at isagawa ang aming natutuhan. Labis-labis ang aming natanggap—ngayon ay pagkakataon naman namin upang magbigay.”
[Larawan sa pahina 26]
Ika-97 na Nagtapos na Klase ng Watchtower Bible School of Gilead
Sa nakatala sa ibaba, ang mga hanay ay may bilang mula sa harap palikod, at ang mga pangalan ay nakatala mula kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) Hong, J.; Hong, D.; Groth, A.; Cortina, E.; Lakatos, S.; Hornback, D.; Acevedo, L.; Coffy, A. (2) Elfers, L.; Gokavi, A.; Ardkäll, L.; Abraczinskas, G.; Knott, K.; Lizer, T.; Abel, K.; Abel, D. (3) Duncan, M.; Gokavi, A.; Held, J.; Hupston, F.; Lakatos, B.; Long, R.; Minsky, S.; Acevedo, E. (4) Ardkäll, K.; Kauko, J.; Vaahtola, S.; Cortina, K.; Carson, N.; Minsky, M.; Lizer, G.; Koula, K. (5) Duncan, J.; Abraczinskas, J.; Vaahtola, J.; Madsen, F.; Madsen, V.; Long, D.; Carson, C.; Elfers, G. (6) Kauko, T.; Hupston, P.; Held, C.; Groth, A.; Hornback, K.; Koula, W.; Knott, D.; Coffy, C.