Dominican Republic—Bukás Pa Upang Tuklasin
BILANG isang kabataan, sinimulan ni Christopher Columbus ang buhay sa dagat na sa wakas ay umakay sa pagkatuklas niya ng mga isla na kilala ngayon bilang ang West Indies. Noong Disyembre 1492, ang kaniyang pangunahing barko, ang Santa María, ay napasadsad sa hilagang baybayin ng isla ng Española, na kilala ngayon bilang ang isla ng Hispaniola, na pinaghahatian ng Haiti at Dominican Republic. Doon ay itinatag ni Columbus ang unang pamayanang Europeo, isang madaliang-itinayong kuta, at pinanganlan iyon na La Navidad. Ang islang ito ang naging sentro ng higit pa niyang panggagalugad.
Natuklasan ni Columbus na ang isla ay tinitirahan ng mga taong kapansin-pansin ang pagkamakisig, pagtitiwala, at pagkamapagpatuloy, ang mga Indiyang Taino. Tinatayang may 100,000 sila noong panahong iyon. Gayunpaman, dahil sa malupit na pagtrato ng mga mananakop, na ang pangunahing interes ay ang paghanap ng ginto, mabilis na umunti ang katutubong populasyon. Pagsapit ng 1570 iniulat na mayroon na lamang 500 Indiyang Taino na natitira.
Sa ngayon, naninirahan sa Dominican Republic ang mga taong buhat sa maraming lahi at kulay, na ang mga ninuno ay nandayuhan dito. Magkagayon man, waring taglay nila ang marami sa maiinam na katangian ng Taino, na karaniwan nang palakaibigan at mahinahong mga tao. Ito, lakip na ang taimtim na paniniwala sa Diyos at paggalang sa Bibliya, ang nagpangyaring maging matagumpay ang gawaing pangangaral at pagtuturo ng mga Saksi ni Jehova sa lupaing ito.
Naiibang Uri ng Tuklas
Dumating sa Dominican Republic ang unang mga misyonero ng Watch Tower, sina Lennart at Virginia Johnson, noong panahon ng diktador na si Trujillo. Sa kanilang kasiyahan, nasumpungan nilang marami ang tumugon kaagad at sumang-ayon sa kanilang mensahe sa Bibliya. Gayunman, ito’y hindi nagustuhan ng mga awtoridad at ng kanilang relihiyosong mga tagapayo. Di-nagtagal ay sumiklab ang daluyong ng pag-uusig, at mahigpit na nasubok ang pananampalataya ng unang mga Saksing iyon na Dominican. Magpahanggang sa ngayon, ang kanilang katapatan at pananampalataya—maging hanggang sa kamatayan—ay madalas pa ring pag-usapan.
Kilalang-kilala ang mga Saksi ni Jehova, na sa lupaing iyon ay may bilang ngayon na humigit-kumulang 16,000. Di pa natatagalan, ipinalabas ng limang istasyon ng telebisyon sa buong bansa ang video na Jehovah’s Witnesses—The Organization Behind the Name.a
Nagbigay ito ng malaking publisidad sa gawain ng mga Saksi hindi lamang sa mas malalaking lunsod kundi gayundin sa mas maliliit na bayan at ilang lugar sa kabukiran. Bilang pagsubaybay, sila’y nagtatag ng isang pantanging kampanya upang sikaping palawakin at dalhin ang mabuting balita ng Kaharian sa malalayong lugar na ito.
Mga Pagpapala Bunga ng Pagpapalawak
Maraming kabataan, masisigla, at masisigasig na Saksi ang nagboluntaryong gumugol ng mga dalawang buwan sa pangangaral sa malalayong teritoryong ito. Ginantimpalaang mainam ang kanilang mga pagsisikap. Sa isang lugar ay nakatuklas ang dalawang Saksi ng di-pangkaraniwang interes. Yamang panahon noon ng pagdiriwang ng taunang Memoryal ng kamatayan ni Jesus, sila’y gumawa ng mga kaayusan at nag-anyaya ng mga tao upang dumalo. Napunô ang bulwagan, at idinaos nila ang pulong. Kaylaki ng pagtataka nila nang matapos iyon at kanilang nasumpungan na may isa pang malaking grupo ng mga tao ang naghihintay sa labas ng bulwagan upang makapasok. Kaya sila’y inanyayahan nilang pumasok at inulit ang programa. May isa nang kongregasyon ngayon sa lugar na iyon.
Ang bukas-palad at palakaibigang katangian ng mga tao ang kadalasang nagpapakilos sa kanila na ibahagi sa mga miyembro ng kanilang pamilya at sa iba pa ang katotohanan ng Bibliya na kanilang natututuhan. Isang estudyante ng Bibliya ang nag-umapaw sa kagalakan nang sa wakas ay maging kuwalipikado siya upang makibahagi sa ministeryo sa bahay-bahay. Nagdaraos na siya ng limang pag-aaral ng Bibliya sa kaniyang lugar, ngunit maligaya siyang magkaroon ng higit pang bahagi sa ministeryo.
Dahil malaki pang teritoryo ang hindi nadadalaw nang regular ng mga mamamahayag ng Kaharian, gumagawa ng pagsisikap upang mangaral sa mga tao sa mga bus at doon sa mga nagpupunta sa mga lunsod upang magnegosyo o mamili. Ito’y umakay sa nakatutuwang mga resulta, gaya ng inilalarawan ng isang karanasan may kaugnayan sa isang liham na tinanggap ng tanggapang pansangay. Iyon ay galing sa dalawang lalaki buhat sa kabukiran, na humiling ng pag-aaral ng Bibliya. Nang dalawin sila ng isang Saksi, nasumpungan na ang “mga lalaki” pala’y may edad lamang na 10 at 11 taóng gulang. Subalit papaano nila nalaman ang tungkol sa kaayusan sa pag-aaral ng Bibliya? Buweno, isang lalaki buhat sa nayong iyon ang nagpunta sa kabisera upang asikasuhin ang ilang bagay. Nakatagpo siya ng isang Saksi sa lansangan, na nagbigay sa kaniya ng isang tract at nag-alok sa kaniya ng libreng pag-aaral ng Bibliya sa tahanan. Nang makabalik sa kaniyang nayon, ibinigay ng lalaki ang tract sa isang kapitbahay na 12-taóng-gulang na batang babae at sinabi sa kaniya ang tungkol sa kaayusan sa pag-aaral ng Bibliya. Ipinasa naman ng batang babae ang impormasyon sa dalawang batang lalaki, na agad sumulat ng liham. Nasimulan ang pag-aaral ng Bibliya sa mga batang lalaki, sa batang babae, sa lalaki, at sa kaniyang dalawang anak.
Mainam na Pagtugon ng mga Kabataan
Totoo, waring dinidibdib ng mga kabataan, kapuwa yaong pinalaki at hindi pinalaki sa katotohanan, ang kanilang pagsamba sa Diyos. Halimbawa, si Tamar at ang kaniyang kapatid na si Keila ay kapuwa nabautismuhan sa edad na 10 at pumasok sa buong-panahong ministeryo bilang payunir nang sumapit sa edad na 11. Si Wendy Carolina ay 12 anyos nang sagisagan niya ang kaniyang pag-aalay sa pamamagitan ng bautismo sa tubig, at pagkalipas ng dalawang taon, noong 1985, sinimulan niya ang pagiging regular pioneer. Sa ngayon ay isa siyang mabisang guro, na nasisiyahan pa rin sa buong-panahong ministeryo. Ang kabataang si Jovanny, na nabautismuhan sa edad na 10 at isang regular pioneer sa edad na 11, ay nagdaraos ng apat na pantahanang pag-aaral ng Bibliya. Nang matuklasan ng sampung-taóng-gulang na si Rey na ang isang tagapagbenta ng segunda-manong mga aklat ay may isang buklet na inilathala ng mga Saksi ni Jehova, nakiusap si Rey sa kaniyang ina na bilhin iyon para sa kaniya. Binasa niya ang buong aklat. Ang paghahanap niya ng higit pang literatura sa Bibliya ang sa dakong huli ay umakay sa kaniya sa tanggapang pansangay. Ngayon siya ay nasisiyahan sa buong-panahong paglilingkuran, at naglilingkod din sa Diyos ang kaniyang ina.
Ano ang nakatulong sa mga ito at sa iba pang kabataan upang pahalagahan ang espirituwal na mga bagay? Karaniwan nang gumaganap ng mahalagang bahagi ang wastong patnubay ng mga magulang. Ganito ang nangyari kay Josué, na ang Kristiyanong mga magulang ay mga guro sa paaralan. Nang iminungkahi ng isang naglalakbay na tagapangasiwa sa mga magulang na sikaping tulungan ang kahit isa sa kanilang mga anak upang pumasok sa buong-panahong ministeryo, sila’y nagbigay-pansin kay Josué. Palibhasa’y isang natatanging estudyante, si Josué ay pinagkalooban ng pamahalaan ng iskolarsip upang mag-aral ng inhinyeriya. Pagkatapos ng isa at kalahating taon sa unibersidad, tinanggap niya ang paanyaya na makibahagi sa proyektong pagtatayo ng pasilidad para sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Dominican Republic. Nagpahayag ang kaniyang mga magulang ng matinding kasiyahan dahil sa pagbibigay sa kanilang anak para sa paglilingkod kay Jehova.
“Mga Manggagalugad” Buhat sa Ibang Lupain
Ang mga salita ni Jesus na “ang pag-aani ay malaki, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti” ay tunay na maikakapit sa larangan dito. (Mateo 9:37) Ang malaking pangangailangan at ang mainam na pagtugon ay nag-udyok sa mga Saksi buhat sa ibang mga lupain upang pumarito at makibahagi sa panggagalugad sa teritoryo para sa tunay na modernong-panahong mga kayamanan—ang mga taimtim na humahanap ng katotohanan.
Buhat sa kalapit na isla ng Puerto Rico ay dumating ang mga pamilyang Saksi na nakasumpong ng tunay na kasiyahan sa paglilingkod sa iba’t ibang lugar sa Dominican Republic. Ganito ang sabi ng isang ulo ng pamilya: “Palibhasa’y naipahahayag ang iyong pananampalataya at pag-asa sa mga taingang nakikinig kung kaya talagang nagiging buháy ang katotohanan!” Nang malaman na may pangangailangan dito, si Cecilia buhat sa Sweden at si Nia buhat sa Estados Unidos ay dumating upang kapuwa gumawang kasama ng marami pang ibang kabataang buong-panahong mga ministro. Sila’y naglilingkod sa mga kasuluk-sulukang dako kung saan nakasumpong sila ng mas mataas na lugar at mas katamtamang klima. Gayundin naman, doon sa malamig at matataas na bundok na nababalutan ng pino, dalawang pamilyang taga-Canada ang nakisama sa isang pamilyang Dominican na nagbalik buhat sa Estados Unidos. Sila’y bahagi ng isang munting kongregasyon at nagagawang abutin ang mga tao na hindi pa nadadalaw ng mga Saksi ni Jehova sa loob ng hanggang sampung taon.
Sina Alfredo at Lourdes at ang kanilang limang anak ay bumalik buhat sa New York City at nakikisama sa isang munting kongregasyon sa isa sa magagandang bayang pangturista sa tabing-dagat. Sila’y nakasusumpong ng kagalakan sa pakikibahagi sa paghanap sa tapat-pusong mga tao at pagtulong sa kongregasyon upang sumulong. Nanirahan naman si Roland, isang computer operator buhat sa Austria, at ang kaniyang maybahay, si Yuta, sa mainit, tigang, na timugang bahagi ng bansa. Nagtamo sila ng kaligayahan sa pagkakitang isang bagong kongregasyon ang nabuo mula nang sila’y dumating. Sa isang karatig na bayan, isang grupo ng tatlong sister na payunir at isang mag-asawa buhat sa California ang nag-ulat na napakarami ang humihiling sa kanila para sa mga pag-aaral ng Bibliya anupat hindi nila maidaos lahat ang mga ito. Kaya pinasigla nila ang mga taong interesado na dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall sa lugar na iyon at mapalagay sa talaan ng mga naghihintay para sa pag-aaral ng Bibliya. Ang kapatid na lalaki ni Yuta na si Stefan ay may katapatang naglilingkod sa isang munting kongregasyon sa magandang bayan ng Samaná, na nasa gawing hilagang-silangan. Sa loob ng dalawang taon lamang, nadoble ang bilang doon ng mga mamamahayag ng Kaharian.
Tunay na kapuri-puri ang pag-ibig at sigasig na ipinamalas ng mga ito at ng iba pa na dumating upang tumulong. Tinanggap nila ang hamon hindi lamang ng paglipat sa isang bagong lupain na may ibang kultura at mga kaugalian kundi gayundin, karaniwan na, ng pag-aaral ng isang bagong wika upang mapangalagaan ang espirituwal na pangangailangan ng tulad-tupang mga tao. Ang kanilang mga pagsisikap ay nagbunga ng positibong pagtugon buhat sa mga tao sa lugar na iyon.
Iniwan ng ilang pamilyang Dominican ang kaginhawahan ng malalaking lunsod at lumipat sa mga kabukiran. Lahat ay saganang ginagantimpalaan ng kagalakan dahil sa pagkatuklas sa tunay na kayamanan ng mga taimtim na naghahanap ng katotohanan.
Ang mga naghanap ng kayamanan noong ika-15 siglo ay nagdulot, hindi ng mga pagpapala, kundi ng pagkaalipin at napakatinding pagdurusa sa mga katutubong Taino. Maging si Columbus mismo ay hindi nakinabang buhat sa mga kayamanan ng Bagong Sanlibutan. Nang dakong huli siya ay inaresto at inalis buhat sa isla na kaniyang tinuklas at siya’y ibinalik sa Espanya nang nakatanikala.
Sa ngayon isang naiibang uri ng panggagalugad ang nagaganap, at higit na mahalagang kayamanan ang natatagpuan. Abala ang bayan ni Jehova sa paghahanap ng tapat-pusong mga tao na tumutugon sa mabuting balita ng Kaharian. Ang resulta ay isang patuloy-na-lumalaking pulutong na nagtatamasa ng kalayaan na maidudulot lamang ng Salita ng Diyos. (Juan 8:32) Inaasam-asam nila ang panahon kung kailan ang lupaing ito ng mga bundok, kaakit-akit na mga talón, magagandang dalampasigan, at nakabibighaning mga kuweba ay magiging, hindi lamang isang islang paraiso, kundi bahagi ng isang bagong sanlibutan na lalaganap sa buong lupa.—2 Pedro 3:13.
[Talababa]
a Ginawa ng Watch Tower Bible and Tract Society.
[Mapa sa pahina 24]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Dominican Republic
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Natutuklasan ng mga kabataan ang halaga ng espirituwal na mga bagay sa pamamagitan ng pagpasok sa buong-panahong paglilingkuran