Itinadhana ba ng Diyos na Ipagkanulo ni Judas si Jesus?
ANG taksil na landasin ni Judas Iscariote ay tumupad ng hula ng Diyos at nagpakita ng patiunang kaalaman ni Jehova gayundin ng kaniyang Anak. (Awit 41:9; 55:12, 13; 109:8; Gawa 1:16-20) Gayunma’y hindi masasabi na patiunang itinalaga o itinadhana ng Diyos si Judas mismo sa gayong landasin. Sinabi ng mga hula na ang ilang matatalik na kakilala ni Jesus ang magiging kaniyang tagapagkanulo, subalit hindi tinukoy ng mga ito kung sino sa mga kakilalang ito ang magiging gayon. Muli, sinasalungat ng Bibliya ang idea na patiunang itinalaga ng Diyos ang mga pagkilos ni Judas. Ang pamantayan ng Diyos na ipinahayag ng apostol ay: “Huwag mong ipatong kailanman ang iyong mga kamay nang madalian sa sinumang tao; ni maging isang kabahagi sa mga kasalanan ng iba; ingatan mong malinis ang iyong sarili.” (1 Timoteo 5:22; ihambing ang 3:6.) Bilang katunayan ng kaniyang pagkabahala na ang pagpili ng kaniyang 12 apostol ay magawang may kapantasan at nararapat, ginugol ni Jesus ang magdamag sa pananalangin sa kaniyang Ama bago ipahayag ang kaniyang pasiya. (Lucas 6:12-16) Kung patiunang itinalaga ng Diyos si Judas upang maging isang taksil, gagawin nitong di-naaayon ang tagubilin at patnubay ng Diyos at, ayon sa tuntunin, gagawin siyang kabahagi ng kasalanang nagawa ng isang iyon.
Sa gayon, waring maliwanag na sa panahon ng pagkapili sa kaniya bilang isang apostol, walang malinaw na ebidensiya ng mapagkanulong saloobin sa puso ni Judas. Hinayaan niyang isang ‘ugat na nakalalason ang sumibol’ at parumihin siya, na nagbunga ng kaniyang paglihis at ng kaniyang pagtanggap, hindi ng tagubilin ng Diyos, kundi ng pag-akay ng Diyablo sa isang landasin ng pagnanakaw at paglililo. (Hebreo 12:14, 15; Juan 13:2; Gawa 1:24, 25; Santiago 1:14, 15) Nang panahon na ang paglihis na iyon ay umabot na sa isang antas, nabasa ni Jesus mismo ang nasa puso ni Judas at naihula ang kaniyang pagtataksil.—Juan 13:10, 11.
Totoo, sa ulat sa Juan 6:64, nang pagkakataon na matisod ang ilang alagad dahil sa ilang turo ni Jesus, mababasa natin na “mula sa pasimula [“mula sa umpisa,” JB] alam ni Jesus kung sino ang mga hindi naniniwala at kung sino ang isa na magkakanulo sa kaniya.” Samantalang ang salitang “pasimula” (Griego, ar·kheʹ) ay ginamit sa 2 Pedro 3:4 upang tumukoy sa pasimula ng paglalang, maaari rin itong tumukoy sa ibang mga panahon. (Lucas 1:2; Juan 15:27) Halimbawa, nang bumanggit si apostol Pedro tungkol sa banal na espiritu na ibinuhos sa mga Gentil “gaya ng ginawa rin nito sa atin nang pasimula,” maliwanag na hindi niya tinutukoy ang pasimula ng kaniyang pagiging alagad o pagkaapostol kundi ang isang mahalagang panahon sa kaniyang ministeryo, ang araw ng Pentecostes, 33 C.E., “ang pasimula” ng pagbubuhos ng banal na espiritu ukol sa isang tiyak na layunin. (Gawa 11:15; 2:1-4) Kapuna-puna kung gayon ang komentong ito ng Commentary on the Holy Scriptures (p. 227) ni Lange tungkol sa Juan 6:64: “Ang pasimula . . . ay hindi nangangahulugan, ng pasimula ng lahat ng bagay sa makahimalang paraan, . . . ni mula sa pasimula ng Kaniyang pakikipagkilala [ni Jesus] sa bawat isa, . . . ni mula sa pasimula ng pagtitipon Niya ng mga alagad sa paligid Niya, o sa pasimula ng Kaniyang Mesiyanikong ministeryo, . . . kundi mula sa unang lihim na mga binhi ng di-paniniwala [na nagbunga ng pagkatisod ng ilang alagad]. Kaya alam din Niya ang Kaniyang tagapagkanulo mula sa pasimula.”—Isinalin at pinamatnugutan ni P. Schaff, 1976; ihambing ang 1 Juan 3:8, 11, 12.