Hindi Para sa Amin ang Magretiro!
“HINDI PARA SA AMIN ANG MAGRETIRO” ang mensahe na makikita mo kapag dumalaw ka sa isang di-pangkaraniwang tahanan sa Tokyo, Hapón. Nakatira roon ang isang pamilya na binubuo ng 22 lalaki at babae, na may aberids na 70 taóng gulang. Sila’y pinagbubuklod, hindi ng pampamilyang ugnayan, kundi ng iisang interes—pangmisyonerong paglilingkuran. Sila’y nagtiyaga sa buong-panahong gawaing pangangaral sa kabuuang 1,026 taon! Ang tatlong pinakamatatandang miyembro ay ipinanganak noong 1910. Pito sa kanila ang nagsimula sa buong-panahong paglilingkuran nang sila’y mga tin-edyer pa. Siyam sa kanila ang nakakita ng pagsulong ng gawaing pangangaral ng Kaharian sa Hapón buhat nang ito’y pasimulan matapos ang Digmaang Pandaigdig II.—Isaias 60:22.
Gayunman, itong anim-na-palapag na dating gusali ng sangay ng Watch Tower ay isang dako ng pampatibay-loob, lalo na dahil sa espiritu, ang nangingibabaw na katangian, ng mga misyonero na nakatira roon. Bagaman karamihan sa kanila ay mahihina na dahil sa katandaan at karamdaman, wala ni isa man sa espirituwal na mga mandirigmang ito ang handang tumigil. Lubusang inayos ng mga Saksing Hapones ang gusali para sa kanila, anupat naglaan ng isang Kingdom Hall sa silong at isang pampasaherong elebeytor.
Kung Bakit Sila Maliligaya
Palibhasa’y naroroon sa kanilang atas sa loob ng maraming taon, nadarama ng mga misyonerong ito na ito ang kanilang tahanan. “Nang bumalik ako sa Australia para sa pandistritong kombensiyon nitong nakaraang tag-araw,” sabi ng isa sa pinakamatatandang miyembro ng pamilya, “gustong-gusto ko nang umuwi pagkalipas ng dalawang linggo!” Mahal nila ang mga taong kanilang pinaglilingkuran at taimtim na nagmamalasakit sa kanila. Pinahahalagahan ng lahat ng misyonero ang mga liham at mga tawag sa telepono na nagpapaalaala ng mga gawain noong mga panahong nagdaan.
Iyan ay bunga ng isang masigasig na ministeryo. Palibhasa’y napakilos ng pag-ibig kay Jehova, apurahang ipinangangaral ng mga misyonero ang Salita ng Diyos sa iba’t ibang kalagayan. (Ihambing ang 2 Timoteo 4:2.) “Sinanay namin ang aming sarili na maging masayahin dahil lamang sa naglilingkod kami kay Jehova,” sabi ni Vera MacKay, na naglingkod sa Hapón sa loob ng 37 taon. “Kahit walang magbukas ng pinto, naroroon kami upang magpatotoo tungkol kay Jehova.”
Labindalawa sa mga misyonerong ito ang hindi kailanman nag-asawa, ngunit sila’y maligaya na makapaglingkod sa Panginoon nang walang abala. (1 Corinto 7:35) Isa sa kanila si Gladys Gregory, na naglingkod bilang isang misyonero sa loob ng 43 taon. Sabi niya: “Upang magkaroon ng higit na kalayaan sa paglilingkuran kay Jehova, nagpayunir ako, pagkatapos ay sa Gilead [Watchtower Bible School of Gilead], at nang dakong huli ay sa gawaing pagmimisyonero. Kahit hindi gumawa ng panata tungkol dito, ako’y nanatiling walang-asawa, at tulad ng ilang kaibigan, hindi ko pinagsisihan iyon.”
Handang Makibagay
Bagaman nagiging matigas ang kalooban ng ilang tao habang nagkakaedad, ang mga misyonero ay handang makibagay. Sina Lois Dyer, Molly Heron, at sina Lena at Margrit Winteler ay nasa isang mas maliit na tahanang pangmisyonero sa isang pamahayang pook sa Tokyo. Nanirahan sila roon nang mahigit sa 20 taon at napalapit sa mga tao sa lugar na iyon. Sa kanilang mga teritoryo, 40 katao ang ruta sa magasin ng magkapatid na Winteler, at 74 naman ang kina Molly at Lois. Pagkatapos, hiniling ng Samahan na sila’y lumipat sa anim-na-palapag na tahanang pangmisyonero sa gitna ng Tokyo. “Nasiraan ako ng loob at nalungkot noong una,” ang pag-amin ni Lena. Subalit gaya ng dati, nakibagay sila sa kanilang bagong atas. Ano ang nadarama nila ngayon? “Masayang-masaya,” sagot ni Lena. “Ngayon ay dalawang kapatid na lalaki sa Bethel ang naririto upang magluto para sa amin at maglinis ng tahanan. Alagang-alaga kami.” Lahat sila’y sang-ayon kay Lois, na nagsabi: “Ang maibiging pangangalaga na inilalaan sa amin ng organisasyon ni Jehova ang tumutulong sa amin upang makapagtiyaga.”
Nakibagay rin si Norrine Thompson sa bagong mga kalagayan. “Sa loob ng 15 taon,” sabi niya, “nagkapribilehiyo ako na sumama sa aking asawa [dating taga-New Zealand] sa pandistritong gawain nang ang buong Hapón ay iisang distrito lamang.” Gayunman, humina ang kalusugan ng kaniyang asawa, at kinailangan niyang makipagpunyagi sa pinakamalaking pagsubok sa kaniyang buhay—ang pagkamatay nito 18 taon na ang nakaraan. “Noon,” sabi niya, “ang nagpangyaring makapagpatuloy ako sa gawaing pagmimisyonero ay ang pag-ibig na ipinakita ng mga kapatid sa buong Hapón, lakip na ang panalangin at pananatiling abala sa paglilingkuran.”
Pagtitiis sa mga Suliranin sa Kalusugan
“Karamihan ay may suliranin sa kalusugan, subalit sila’y masayahin, at ang pagnanais nilang maglingkod ay isang katangi-tanging katangian,” sabi ni Albert Pastor, ang tagapangasiwa ng tahanang pangmisyonero. Upang mag-alaga sa mga misyonero, isang doktor at ang kaniyang maybahay, na isang nars, ang inatasan sa tahanan.
Isang araw mga tatlong taon na ang nakalipas, biglang nawalan ng paningin ang kaliwang mata ni Elsie Tanigawa, na nagtapos sa ika-11 klase ng Paaralang Gilead. Pagkaraan ng apat na buwan, naapektuhan na rin ang kaniyang kanang mata. “Kung minsan ay nawawalan ako ng pag-asa dahil hindi ako makapaglingkod na gaya ng dati. Subalit dahil sa may-kabaitang paglalaan ng Samahan at sa maibiging tulong ng aking kapareha at ng iba pa, patuloy akong nakasusumpong ng kagalakan sa paglilingkuran kay Jehova,” sabi ni Elsie.
Sina Shinichi Tohara at ang kaniyang maybahay, si Masako, na mga kaklase ni Elsie sa Gilead, ay dumanas ng maraming pagsubok may kinalaman sa kanilang kalusugan sa nakalipas na ilang taon. Para kay Shinichi, na isang mahusay na tagapagsalita, isang malaking suliranin ang kawalang-kakayahang basahin ang kaniyang mga nota dahil sa kaniyang lumalabong paningin. Bagaman dumaan na siya sa isang malaki at maliit na operasyon sa nakalipas na mga taon, nagniningning ang kaniyang mga mata kapag binabanggit niya ang tungkol sa isang 90-anyos na estudyante ng Bibliya na tinutulungan niya ngayon.
Sa kabila ng pagkakaroon ng “isang tinik sa laman,” minalas ng mga misyonerong ito ang kanilang mga kahinaan gaya ng pagkamalas ni Pablo, na nagsabi: “Kapag ako ay mahina, sa gayon ay makapangyarihan ako.” (2 Corinto 12:7-10) At talaga namang makapangyarihan sila! Handa sila para sa pang-umagang pagsamba araw-araw tuwing alas siyete. Pagkatapos ng almusal, yaong may kakayahan pa sa pisikal ay lumalabas sa ministeryo sa larangan sa umaga.
Kabilang sina Richard at Myrtle Shiroma sa mga regular na lumalabas sa larangan. Noong 1978 si Myrtle ay dumanas ng atake serebral sanhi ng pagsisimula ng arteriosclerosis sa utak, subalit sinamahan pa rin niya ang kaniyang asawa sa gawaing paglalakbay hanggang Nobyembre 1987. Ngayon si Richard, na 70 anyos na, ay tumutulong kay Myrtle sa lahat ng bagay. Gumigising siya ng alas 5:00 n.u., ibinabangon niya siya, pinaliliguan, binibihisan, nilalagyan ng make-up, at sinusubuan niya siya ng pagkain. Pagkatapos ay isinasakay niya siya sa wheelchair para sa paglilingkod sa larangan tuwing umaga, anupat nagbabahay-bahay sa loob ng humigit-kumulang isang oras at pagkatapos ay nagpapatotoo sa mga tao sa hintuan ng bus. Hindi na makapagsalita si Myrtle, ngunit ang huling mga salita na binigkas niya ay Dendo, dendo, ang wikang Hapones para sa “Pangangaral, pangangaral.”
Ang kanilang anak na babae, si Sandra Sumida, ay lumipat sa tahanang pangmisyonero upang tumulong sa kanila. Kamakailan lamang ay nawalan si Sandra ng minamahal na kabiyak dahil sa atake sa puso. Pinahahalagahan niya ang may-kabaitang kaayusan ng Samahang Watch Tower na ibalik siya sa Hapón mula sa kaniyang atas sa Guam, kung saan naglingkod siya bilang isang misyonera kasama ng kaniyang asawa. “Sa tuwina’y nadarama ko na hindi ako lubusang nakatulong sa aking mga magulang dahil ako ay nasa Guam,” sabi niya. “Ang kapatid kong si Joanne ang nag-alaga sa kanila sa tahanang ito. Kaya nang dumating ang pagkakataon, tuwang-tuwa ako. Ang pagkadamang ako’y kailangan dito ay naging isang therapy para sa akin mula nang biglang mamatay ang aking asawa.”
Nagpapahalaga Pa Rin
Bagaman nadarama na ng mga misyonero ang mga epekto ng katandaan, ayaw pa rin nilang talikuran ang kanilang espiritu ng pagmimisyonero. (Awit 90:10; Roma 5:12) Sina Jerry at Yoshi Toma, na kabilang sa unang mga nagtapos sa Gilead na dumating sa Hapón, ay pumupunta pa rin sa lugar ng mga negosyo sa downtown ng Shibuya. “Nang makarating kami sa dalawang-palapag na gusali na nakatayo rito noong 1949, pinupuntahan namin ang mga dugout. Ngayon ang Tokyo ay isa nang pangunahing lunsod. Matatanda na kami at hindi na makagawa na gaya ng dati. Ngunit kapag umuuwi kami buhat sa pangangaral, kami’y totoong nagiginhawahan,” sabi ni Yoshi.
Si Lillian Samson ay isang misyonera sa Hapón sa loob ng 40 taon at labis na nasisiyahan sa kaniyang ministeryo. “Tinutulungan ko ngayon ang isang 80-taóng-gulang na babae na nakipag-aral sa aking kapareha, si Adeline Nako, na bumalik sa Hawaii upang alagaan ang kaniyang may sakit na ina. Kamakailan lamang ay naging isang mamamahayag ng Kaharian ang babaing ito matapos mapagtagumpayan ang suliranin tungkol sa pagsamba sa ninuno. Pumaroon siya sa templo at sinabi sa asawa ng pari, ‘Ako’y nakumberte na sa Kristiyanismo!’ ” Taglay ang gayong mga kagalakan sa kaniyang buhay, hindi kailanman pinagsisihan ni Lillian ang araw nang siya, sa edad na 19, ay umalis sa sekular na trabaho at nagsimulang magpayunir.
Sina Ruth Ulrich at Martha Hess, magkaparehang misyonera sa loob ng mahigit na 45 taon, ay gumawa mula sa tahanang pangmisyonerong ito sa loob ng 35 taon. Nakilala silang mabuti sa kanilang teritoryo. Minsan ay tinanong si Martha ng isang tagapangasiwa ng sirkito: “Maaari bang hiramin ko ang iyong mukha sa pagpunta ko sa bahay-bahay?” Kilala na ng mga tao si Martha at agad inaabot ang mga magasin, samantalang nahihirapan naman ang tagapangasiwa ng sirkito na magpasimula ng usapan.
Isa sa mga ruta ng magasin ni Ruth ay isang babae na hindi makabasa dahil sa suliranin sa kalusugan. Gayunman, patuloy na tumatanggap ang babae ng mga magasin at kumuha pa nga ng matigas-ang-pabalat na aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos. Naisip ni Ruth kung dapat pa kaya niyang ipagpatuloy ang paghahatid ng mga magasin yamang waring wala namang bumabasa ng literatura. Ngunit isang araw ay lumapit kay Ruth ang asawa ng babae taglay ang aklat na Paghahanap, at ang sabi: “Napakagandang aklat nito! Dalawang ulit ko itong binasa.” Napasimulan ni Ruth ang pag-aaral ng Bibliya sa mag-asawang ito.
Ang mismong tahanang pangmisyonerong ito ang nakaaakit sa interesadong mga tao. Isang gabi, naparoon sa tahanan ang isang binata at nagsabi: “Ang alam ko kapag ako’y pumarito, matutulungan ako na matuto tungkol sa Bibliya.” Pinasimulan ang pag-aaral ng Bibliya sa kaniya. Bilang isang kusinero sa isang restoran ng Intsik, kasama niya sa trabaho ang isang babaing natiwalag sa loob ng maraming taon. Ang mga magasing ipinasakamay ng isang mamamahayag na dumalaw sa restoran ay nakarating doon sa kusina. Nagustuhan ng kabataang kusinero ang mga ito at sinimulang tanungin ang dating Saksi. Palibhasa’y hindi masagot ang mga tanong, sinabi ng babae sa kaniya na pumunta siya sa tahanang pangmisyonero. Siya ngayon ay naglilingkod bilang isang ministeryal na lingkod at payunir. Nang malaunan, nakabalik na rin ang babaing natiwalag, at nang bandang huli siya rin ay naging isang regular pioneer.
Pinahahalagahan ng lahat ng misyonero sa tahanan ang mga ginawa ni Jehova para sa kanila. Sila ay galing sa Australia, Canada, Hawaii, Switzerland, at sa Estados Unidos, at ang 11 ay buhat sa ika-11 klase o sa mas naunang mga klase ng paaralang pangmisyonero sa Gilead. Nakita nila ang pagsulong ng gawaing pang-Kaharian sa Hapón at nadarama ang gaya ng nadama ni Haring David, na nagsabi: “Ako’y naging bata, at ngayo’y matanda na, gayunma’y hindi ko nakitang pinabayaan ang sinumang matuwid, ni ang kaniyang supling man ay nagpapalimos ng tinapay.” (Awit 37:25) Bilang pagpapahalaga sa maibiging pangangalaga ng Diyos, determinado ang mga misyonerong ito na huwag magretiro kundi patuloy na maglingkod kay Jehova.