Gaano ang Halaga ng Isang Bibliya?
KAMAKAILAN ay sumang-ayon ang The British Library na magbayad ng halos $1,600,000 para sa isang kopya ng salin sa Ingles ni William Tyndale ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Palibhasa’y inilathala 468 taon na ang nakaraan, tanging iyon ang kumpletong unang edisyon ng Bibliyang Tyndale na nakaligtas buhat sa determinadong pagsisikap na sirain iyon. Ang Bibliyang ito ay nakikita ng publiko sa London.
Binili ang Bibliyang Tyndale sa Bristol Baptist College sa Inglatera, kung saan naingatan iyon mula noong 1784. Ganito ang sabi ni Dr. Roger Hayden, vice-chairman ng komite ng kolehiyo: “Ito ay isang pambansa, pangkultura at maka-Kristiyanong dokumento na napakahalaga at ibig naming marami ang makabasa nito, yamang iningatan namin ito sa mga kaha de yero.”
Sa loob ng mga siglo karamihan ng Bibliya ay makukuha lamang sa wikang Latin at mababasa lamang ng klero at ng edukadong aristokrata. Gaya ni John Wycliffe na nauna sa kaniya, ibig ni Tyndale na magkaroon ng isang Bibliya na mababasa at mauunawaan ng lahat. Minsa’y sinabi niya sa isang klerigo na sumasalansang sa kaniya: ‘Kung pahihintulutan ng Diyos ang aking buhay nang maraming taon pa, pangyayarihin ko na ang isang batang nag-aararo ay makaalam nang higit tungkol sa Kasulatan kaysa sa iyo.’
Ito ay isang mapanganib na landasin, yamang mahigpit na sinasalansang ng klero ang anumang pagsisikap na ang Bibliya’y mabasa ng karaniwang mga tao. Dahil dito, tumakas si Tyndale mula sa Inglatera tungo sa Alemanya. Doon ay isinalin niya ang “Bagong Tipan” buhat sa orihinal na Griego. Humigit-kumulang 3,000 kopya ang inilimbag at ipinuslit sa Inglatera. Binili ng obispo ng London ang bawat kopyang masumpungan niya at sinunog ang mga ito sa harap ng madla sa bakuran ng simbahan ng St. Paul. Sa wakas, si Tyndale ay nahuli, nilitis, at nahatulan ng pagiging erehes. Noong 1536 siya ay binigti at sinunog sa tulos. Kapansin-pansin nga na ang Bibliyang labis na kinapootan ng klero ay gayon na lamang kalaki ang halaga ngayon!
Taimtim na nagsisikap ang mga Saksi ni Jehova na maibahagi ang tumpak na kaalaman sa Bibliya sa lahat ng humahanap nito. Bukod sa paglilimbag at pamamahagi ng ibang bersiyon, buhat sa mga orihinal na wika ay nakagawa sila ng isang salin ng buong Bibliya na kapuwa wasto at madaling basahin. Pagsapit ng 1995 mahigit sa 74,000,000 kopya ng New World Translation of the Holy Scriptures na ito ang inilathala sa 12 wika. Mangyari pa, ang nagbibigay-buhay na mensahe nito ang siyang tunay na halaga ng anumang Bibliya.
[Larawan sa pahina 32]
William Tyndale
[Credit Line]
Buhat sa isang lumang lilok sa Bibliothèque Nationale