Pag-akyat sa Bundok na Mas Mataas Kaysa sa Himalayas
ANG Himalayas! Ano ba ang naguguniguni mo sa mga salitang ito? Kahanga-hanga, mayelo bang taluktok ng kabundukan na doo’y pagkalakas-lakas ng hangin? Ang katuwaan kaya na maakyat iyon, anupat makatayo sa taluktok ng pinakamataas na bundok sa daigdig? Para sa karamihan sa atin, ang pag-akyat sa Bundok Everest, sa Kabundukan ng Himalaya sa Nepal, ay imposible. Gayunman, sa ngayon ay maraming tao sa Nepal ang umaakyat sa isang bundok na mas mataas kaysa sa Himalayas! Bago alamin ang tungkol sa paglalakbay na ito sa mataas na bundok, masdan natin ang maliit subalit magandang Kaharian ng Nepal.
Nepal—Ang Kaharian sa Bundok
Ang Kaharian ng Nepal ay kakaiba sapagkat isa ito sa iilang natitirang monarkiya sa daigdig at dahil sa ito’y hindi isang sekular, kundi isang relihiyosong kaharian. Ang Nepal ang tanging estadong Hindu sa daigdig. Ang karamihan sa 20 milyong mga mamamayan nito ay mga Hindu. Gayunman, ang mga mamamayan ay galing sa sari-saring lahi. Karamihan niyaong naninirahan sa kabundukang rehiyon sa hilaga ay nagmula sa Tibet-Burma, samantalang sa mga kapatagan sa timog, ang karamihan ng mamamayan ay may lahing Indo-Aryan. Nepali ang opisyal na wika ng bansa at siyang inang wika ng mga 60 porsiyento ng mga mamamayan. Ang natitirang bahagi ay nagsasalita ng mahigit pang 18 wikang etniko.
Ang Nepal ay medyo parihaba ang hugis, 880 kilometro mula silangan hanggang kanluran at 200 kilometro mula hilaga hanggang timog. Ang kagila-gilalas na Himalayas, na siyang hangganan sa hilaga, ang nakasasakop sa Bundok Everest, ang pinakamataas na taluktok sa daigdig sa taas na 8,848 metro, at walo pang ibang taluktok na mahigit na 8,000 metro. Sa gitna ng Nepal ay matatagpuan ang mabababang kabundukan at ang mga look at libis. Sa banda pa roon sa timog, abot sa hangganan ng India, ay naroon ang matabang lupa ng Tarai, ang pangunahing rehiyong pang-agrikultura.
Tunay na isang kasiya-siyang lugar para sa mga turista ang Kathmandu, ang kabisera, na naroroon sa gitnang rehiyon. May masasakyang mga eroplano na nagbibiyahe sa itaas ng mariringal na kabundukan, mga paglalakbay sa mga parke ng maiilap na hayop, at maraming magagandang tanawin. Ang Nepal kung minsan ay tinatawag na libis ng mga diyos yamang malaking bahagi ang ginagampanan ng relihiyon sa buhay ng mga tao roon. Relihiyon din ang dahilan kung bakit milyun-milyon sa buong daigdig ang naglalakbay patungo sa “bundok” na mas mataas pa kaysa Himalayas.
Mga 2,700 taon na ang lumipas, ang propetang Hebreo na si Isaias ay kinasihang humula na “sa huling bahagi ng mga araw . . . ang bundok ng bahay ni Jehova ay matatag na matatayo sa itaas ng taluktok ng mga bundok . . . Maraming bayan ang tiyak na paparoon at magsasabi: ‘Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova . . . Tayo’y kaniyang tuturuan sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.’ ” (Isaias 2:2, 3) Dito ang itinaas na dalisay na pagsamba kay Jehova, ang Maylikha at Soberanong Tagapamahala ng sansinukob, ay inihalintulad sa isang bundok, na itinaas sa ibabaw ng lahat ng iba pang tulad-bundok na anyo ng pagsamba. Iyon ang paksa ng isang pandaigdig na gawaing pagtuturo na tumutulong sa mga taong gutóm sa katotohanan upang matuto ng mga daan ni Jehova. Papaano nga nagsimula sa Nepal ang gawaing ito?
Maliliit na Pasimula
Isang kawal sa Hukbong Britano noong Digmaang Pandaigdig II ang naghahanap sa tunay na relihiyon. Ang kaniyang mga magulang na Nepali-Hindu ay nakumberte sa Katolisismo. Sa kaniyang paglaki, nakita niya ang kawalang-kabuluhan ng idolatriya, tinanggihan niya ang mga turo na gaya ng doktrina ng apoy sa impiyerno, at siya’y nagsimulang magsuri ng mga paniniwala ng mga simbahang Protestante. Ngunit hindi siya nasiyahan.
Nang siya’y mabihag ng mga Hapones sa noo’y Rangoon, Burma, ang kawal na ito ay nanalangin na maligtasan sana niya ang mga kalupitan sa mga kampong piitan upang maipagpatuloy niya ang paghahanap sa tunay sa pagsamba. Nang maglaon, siya ay nakatakas mula sa mga bumihag sa kaniya at natulungan siya ng isang guro na sa tahanan ay may buklet na Where Are the Dead?, isinulat ni J. F. Rutherford. Palibhasa’y napagkilala niya ang taginting ng katotohanan, may pananabik na pumayag siyang makipag-aral nang dalawin siya ng mga Saksi ni Jehova sa Rangoon noong 1947. Sa loob ng ilang buwan, siya’y nabautismuhan, at di-nagtagal ay nabautismuhan ang kaniyang kabataang maybahay. Sila’y nagpasiyang bumalik sa India, at nanirahan sa kanilang bayan ng Kalimpong, sa mga kabundukan sa hilagang-silangan. Dito isinilang at nag-aral ang kanilang dalawang anak. Noong Marso 1970, sila’y lumipat sa Kathmandu.
Ang Saligang-Batas ng Nepal ay nagbabawal sa pangungumberte. Sinumang mahuling nagpapalaganap ng isang umano’y banyagang relihiyon ay maaaring ibilanggo nang pitong taon, at ang isang taong umanib sa gayong relihiyon ay masisintensiyahan ng tatlong-taóng pagkabilanggo at pagmumultahin ng malaki. Kaya kailangan ang pag-iingat sa pagpapatotoo. Ang ministeryo sa bahay-bahay ay nangangahulugan ng pagdalaw sa isang tahanan, pagkatapos ay paglipat sa ibang lugar at pagdalaw roon. Mauunawaan naman, ang impormal na pagpapatotoo ay may malaking bahagi sa pagpapalaganap ng mabuting balita.
Mabagal ang pagsulong. Taglay ang populasyon na humigit-kumulang sampung milyon, ang bukid ay tila nakapanghihina ng loob. Napahasik ang mga binhi ng katotohanan habang ang iisang pamilyang ito ay nagpapatotoo sa mga kaibigan, kakilala, pinaglilingkuran, at mga kasamahang empleado. Sila’y nagdaos ng regular na pagpupulong sa kanilang tahanan at nag-anyaya ng mga interesado upang makisama sa kanila. Sa wakas, noong Marso 1974, pagkaraan ng apat na taon ng patuloy na pagtatanim at pagdidilig, ang unang bunga sa Nepal ay nakita—at iyon ay hindi sukat akalain!
Sa pagdalaw sa isang tahanan, nakausap ng mamamahayag ang isang taong mayaman na sekretaryo ng isang miyembro ng pamilyang maharlika. “Kausapin mo ang anak kong lalaki,” sabi ng taong iyon. Pumayag ang anak na aralan ng Bibliya. Makalipas ang isang panahon ay nagbago siya ng trabaho, sapagkat siya’y nagtatrabaho sa isang pasugalan. Siya’y sinalansang ng kaniyang ama, na isang saradong Hindu. Gayunman, ang lalaking ito ay nanindigan sa panig ni Jehova. Ang resulta? Nang bandang huli ay hindi na sumalansang ang kaniyang ama, isang grupo ng malapit na mga kamag-anak ang tumanggap sa katotohanan ng Bibliya. Siya ay naglilingkod ngayon bilang isang matanda sa kongregasyong Kristiyano.
Upang manatiling malakas sa espirituwal at makasunod sa maka-Kasulatang utos na huwag pabayaan ang pagtitipon, ang munting grupo sa Kathmandu ay nagdaraos ng regular na mga pulong sa isang pribadong tahanan. Subalit malimit na ang mga kapatid ay hindi nakadadalo sa mas malalaking pagtitipon. Ang mga may-kaya ay nagpupunta sa India para sa mga asamblea—isang mahaba at magastos na paglalakbay patawid sa mga kabundukan.
Anong sayá nga nang ang programa sa buong pandistritong kombensiyon ay ganapin sa tahanan na pinagdarausan nila ng mga pulong! Gunigunihin ang apat na kapatid na lalaki, kasali na ang isang miyembro ng sangay sa India, na nangasiwa sa buong programa! Maging ang drama sa Bibliya ay ginanap. Papaano? Gumamit ng mga slide na kuha sa isang dress rehearsal sa India. Sa Nepal, ang mga slide na ito ay ipinalabas sa puting-tabing, kasabay ng diyalogo sa cassette. Gustung-gusto ito ng mga nanood. Ilan ang nanood? Labingwalong katao!
Limitado ang tulong sa pangangaral na galing sa labas ng bansa. Ang gawaing misyonero ay imposible, at hindi madali para sa mga banyaga na makakuha ng trabaho. Gayunman, dalawang Saksing Indiyan ang nakakuha ng trabaho sa Nepal sa iba’t ibang panahon, anupat sila’y gumugol ng mga ilang taon sa Kathmandu at tumulong sa pagpapatibay sa bagong-tatag na kongregasyon. Pagsapit ng 1976 ay may 17 mamamahayag ng Kaharian sa Kathmandu. Nagtayo ang mga kapatid ng kanilang sariling Kingdom Hall noong 1985. Nang matapos iyon, ang taunang pandistritong mga kombensiyon, at pati iba pang asamblea, ay sinimulang ganapin doon nang regular. Ang bulwagan doon ay tunay na naging sentro ng dalisay na pagsamba sa malayong teritoryong iyon sa kabundukan.
Pagpapalawak sa Kabila ng mga Kahirapan
Noong maagang mga taóng iyon, ang pangangaral, na ginagawa nang maingat, ay hindi gaanong nakatawag-pansin ng mga awtoridad. Subalit, sa bandang katapusan ng 1984, nagsimula ang mga paghihigpit. Isang kapatid na lalaki at tatlong kapatid na babae ang inaresto at ikinulong sa loob ng apat na araw bago pinalaya matapos bigyan ng babala na huwag nang ipagpatuloy ang kanilang gawain. Sa isang nayon, siyam na katao ang inaresto samantalang nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa kanilang tahanan. Anim ang ikinulong sa loob ng 43 araw. Naganap ang marami pang ibang pag-aresto, ngunit walang kasong naisampa.
Noon lamang 1989, lahat ng kapatid na lalaki at babae sa isang Pag-aaral ng Aklat sa Kongregasyon ang naaresto, ikinulong nang tatlong araw, at saka pinalaya. Kung minsan, sila’y hinihilingan na lumagda sa isang pahayag na nagsasabing sila’y hindi na mangangaral. Sila’y tumanggi. Ang iba ay pinalaya pagkatapos lamang na lumagda sa isang pahayag na handa nilang harapin ang anumang kahihinatnan kung sila’y muling mahuling nangangaral.
Sa kabila ng gayong mga kahirapan, masigasig na ipinagpatuloy ng mga kapatid ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Halimbawa, noong 1985, pagkatapos magsimula ang pakikialam ng pamahalaan, sumulong nang 21-porsiyento ang bilang ng nangangaral. Ang 35 mamamahayag ay nakagugol ng aberids na 20 oras sa isang buwan sa pakikipag-usap sa iba tungkol sa dalisay na pagsamba.
Sa paglipas ng panahon, nagsimulang humihip ang hangin ng makapulitikang mga pagbabago sa Nepal. Nagsimulang matanto ng mga opisyal ng pamahalaan na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi isang banta. Sa katunayan, ang kanilang pagtuturo ng Bibliya ay may mainam, nakapagpapatibay na epekto sa mga tao, anupat ginagawa silang mas mabubuting mamamayan. Nakita ng mga opisyal na ang pagkamatapat, puspusang paggawa, at matuwid na paggawi ay idiniriin bilang saligang mga kahilingan sa mga mananamba kay Jehova.
Isang mainam na patotoo ang naibigay nang ang isang babae na dating debotong Hindu ay naging Saksi at tumangging magpasalin ng dugo. Ang mga doktor ay namangha sa kaniyang matatag, may-kabatirang paninindigan. Ang babaing ito ay natulungang matuto ng katotohanan sa tulong ng brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! Sa kabila ng pagsalansang at paglibak buhat sa kaniyang pamilya, siya’y nagpabautismo noong 1990 nang siya’y malapit nang maging 70 taóng gulang. Nang maglaon ay napinsala ang kaniyang binti at, palibhasa’y nagkaroon pa ng ibang komplikasyon, kinailangan ang operasyon. May dalawang linggo na pinaglabanan niya ang panggigipit ng mga doktor at mga kamag-anak na pasalin ng dugo. Sa wakas, ang pangkat ng mga siruhano ay matagumpay na nakapag-opera nang walang pagsasalin ng dugo. Bagaman di-gaanong makakilos, ang tapat na sister na ito ay nauupo sa kaniyang tarangkahan tuwing umaga at nag-aanyaya sa mga dumaraan na sila’y maupo sa tabi niya at makinig sa ilang nakalulugod na mabuting balita.
Ang Nepal sa Ngayon
Ano ba ang kalagayan sa Nepal ngayon? Ang mga Saksi ni Jehova ay nagtatamasa ng sapat na antas ng kalayaan upang sumamba katulad ng ginagawa ng kanilang mga kapatid sa buong daigdig. Mula nang isa o dalawang makasagisag na umaakyat sa bundok ang magsimulang sumama sa mga umaakyat sa bundok ng tunay na pagsamba, parami nang parami ang mga taong nagsabi, ‘Halikayo, umakyat tayo sa bundok ni Jehova.’ Noong 1989 ay may katamtamang bilang na 43 bawat buwan ang nakikibahagi sa gawaing pangangaral, at 204 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo nang taóng iyon.
Pagkatapos, ayon sa ipinangako, sinimulan ni Jehova na pabilisin ang pagtitipon sa mga humahanap ng katotohanan sa kaniyang bahay. (Isaias 60:22) Hindi pa natatagalan nang maitatag ang ikalawang kongregasyon sa Kathmandu, at ngayon ay may dalawang nabubukod na grupo sa labas ng kabisera. Noong Abril 1994, may 153 Kristiyano na nag-ulat ng gawaing pangangaral—isang 350-porsiyentong pagsulong sa loob ng wala pang limang taon! Sila’y nagdaos ng 386 na pantahanang mga pag-aaral ng Bibliya sa mga taong interesado. Sa Memoryal noong 1994, may nakatutuwang bilang ng mga dumalo na 580. Para naman sa pantanging araw ng asamblea, 635 ang naroroon sa bulwagan, at 20 ang nagharap ng kanilang sarili para pabautismo. Sa gayon ang malaking pagsulong na tinatamasa ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay nagaganap din sa munting Nepal.
Sa nakalipas na mga taon ang literaturang ginagawa sa wikang Nepali ay lubhang dumami, na tumulong sa mga mapagpakumbaba na humawak nang mahigpit sa katotohanan. Ang mga tagapagsalin na sinanay sa tanggapang pansangay sa India sa mga pamamaraan sa pagsasalin at paggamit ng computer ang naglilingkod ngayon nang buong-panahon sa Kathmandu. Palibhasa’y nasasangkapan para sa pagpapalawak, sumusulong ang teokratikong mga umaakyat sa bundok sa Nepal!
Pag-akyat na Mas Mataas Kaysa sa Himalayas
Ikaw man ay masisiyahan din sa pag-akyat sa bundok na mas mataas kaysa sa Himalayas. Sa paggawa nito, makakasama mo hindi lamang yaong mga taga-Nepal kundi ang milyun-milyon “mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” (Apocalipsis 7:9) Kasama nila, masisiyahan ka habang tinuturuan ng Maylikha ng mariringal na kabundukan na tulad niyaong nasa Nepal. Makikita mong ‘itinutuwid ng Maylikha ang mga bagay-bagay,’ at makaaasa ka sa pamumuhay magpakailanman sa isang nilinis at pinagandang lupa.—Isaias 2:4.
[Mapa sa pahina 24]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Kathmandu
Bundok Everest
[Larawan sa pahina 25]
Sa labas ng Kingdom Hall sa Kathmandu
[Larawan sa pahina 26]
Maraming taga-Nepal ang nakikinabang sa mga pag-aaral sa Bibliya