“Ano ang Katotohanan?”
ANG dalawang lalaking magkaharap ay magkaibáng-magkaibá. Ang isa ay isang pulitikong mapang-uyam, ambisyoso, mayaman, handang gawin ang anuman upang mapaunlad ang kaniyang propesyon. Ang isa naman ay isang gurong nagtakwil ng kayamanan at katanyagan at nakahandang isakripisyo ang kaniyang buhay upang iligtas ang buhay ng iba. Walang-alinlangan, hindi pareho ang pangmalas ng dalawang lalaking ito! Sila’y lubusang hindi nagkasundo, lalo na hinggil sa isang bagay—ang tungkol sa katotohanan.
Ang mga lalaki ay sina Poncio Pilato at Jesu-Kristo. Si Jesus ay nakatayo sa harap ni Pilato bilang isang nahatulang kriminal. Bakit? Ipinaliwanag ni Jesus na ang dahilan nito—sa totoo, ang pinakadahilan ng kaniyang pagparito sa lupa at pagganap sa kaniyang ministeryo—ay nauuwi sa isa: ang katotohanan. “Dahil dito ako ipinanganak, at dahil dito ako dumating sa sanlibutan,” sabi niya, “upang ako ay magpatotoo sa katotohanan.”—Juan 18:37.
Ang tugon ni Pilato ay isang kapansin-pansing tanong: “Ano ang katotohanan?” (Juan 18:38) Talaga bang nais niya ng sagot? Marahil ay hindi. Si Jesus ay isang uri ng tao na makasasagot sa alinmang tanong na may kataimtimang ibinangon sa kaniya, subalit hindi niya sinagot si Pilato. At sinasabi ng Bibliya na nang siya’y makapagtanong na, si Pilato ay agad-agad na lumabas sa silid-pampubliko. Ang Romanong gobernador ay malamang na nagtanong taglay ang mapang-uyam na di-paniniwala, na para bang sinasabing, “Katotohanan? Ano iyon? Walang gayong bagay!”a
Ang nag-aalinlangang pangmalas ni Pilato sa katotohanan ay pangkaraniwan na ngayon. Naniniwala ang marami na ang katotohanan ay relatibo—sa ibang pananalita, kung ano ang totoo sa isang tao ay maaaring di-totoo sa iba, sa gayo’y kapuwa sila maaaring maging “tama.” Ang ganitong paniwala ay totoong palasak anupat may salita para dito—“relativism.” Ganito mo ba minamalas ang tungkol sa katotohanan? Kung gayon, posible kaya na iyong tinanggap ang ganitong pangmalas nang hindi lubusang sinuri ito? Kahit na kung hindi pa, alam mo ba kung gaano kalaki ang epekto ng pilosopiyang ito sa iyong buhay?
Isang Pag-atake sa Katotohanan
Hindi si Poncio Pilato ang unang taong nag-alinlangan sa idea ng ganap na katotohanan. Ang pagtuturo ng gayong mga pag-aalinlangan ay ginawang pambuong-buhay na propesyon ng ilang sinaunang pilosopong Griego! Limang siglo bago si Pilato, si Parmenides (na itinuring na ama ng metapisiko sa Europa) ay nanghawakan na ang totoong kaalaman ay hindi matatamo. Si Democritus, na ibinunyi bilang “ang pinakadakila sa sinaunang mga pilosopo,” ay naggiit: “Ang katotohanan ay nakabaon nang malalim. . . . Tiyak na wala tayong alam.” Sinabi ni Socrates, marahil ang pinakaiginagalang sa kanilang lahat, na ang lahat ng talagang alam niya ay na wala siyang alam.
Ang pag-atakeng ito sa idea na maaaring malaman ang katotohanan ay nagpapatuloy hanggang sa panahon natin. Halimbawa, sinasabi ng ilang pilosopo na yamang nakararating sa atin ang kaalaman sa pamamagitan ng ating mga pandamá, na maaaring dayain, walang kaalaman ang mapatutunayang totoo. Ang pilosopo at matematikong Pranses na si René Descartes ay nagpasiyang suriin ang lahat ng bagay na inaakala niyang tiyak na alam niya. Iniwaksi niya ang lahat maliban sa isang katotohanan na sa palagay niya ay hindi mapag-aalinlanganan: “Cogito ergo sum,” o, “Ang iniisip ko, kung gayon iyon ako.”
Isang Kultura ng Relativism
Ang relativism ay hindi limitado sa mga pilosopo. Ito ay itinuturo ng mga relihiyosong lider, itinuturo sa mga paaralan, at ipinalalaganap ng media. Ang obispong Episkopal na si John S. Spong ay nagsabi mga ilang taon na ang nakalipas: “Dapat tayong . . . magbago mula sa pag-iisip na taglay natin ang katotohanan at ang iba ay dapat na tumulad sa ating pangmalas tungo sa pagkatanto na ang sukdulang katotohanan ay hindi maaabot ng sinuman.” Sa relativism ni Spong, gaya sa napakaraming klerigo sa ngayon, ay napakadaling tumalikod sa moral na mga turo ng Bibliya kapalit ng pilosopiya na “kaniya-kaniya lang naman iyan.” Halimbawa, sa pagsisikap na gawing higit na “panatag” ang mga homoseksuwal sa loob ng Simbahang Episkopal, si Spong ay sumulat ng isang aklat na nag-aangkin na si apostol Pablo ay isang homoseksuwal!
Sa maraming lupain ang mga sistema sa paaralan ay waring nagbubunga ng nakakatulad na uri ng kaisipan. Sumulat si Allan Bloom sa kaniyang aklat na The Closing of the American Mind: “May isang bagay na lubusang matitiyak ng isang propesor: halos bawat mág-aarál na pumapasok sa unibersidad ay naniniwala, o nagsasabing siya’y naniniwala, na ang katotohanan ay relatibo.” Nasumpungan ni Bloom na kung kaniyang hahamunin ang paninindigan ng kaniyang mga estudyante sa bagay na ito, sila’y tutugon nang may pagtataka, “na para bang kaniyang pinag-aalinlanganan ang 2 + 2 = 4.”
Ang gayunding kaisipan ay itinataguyod sa napakaraming ibang paraan. Halimbawa, ang mga tagapag-ulat sa TV at sa pahayagan ay kadalasang waring higit na interesado na aliwin ang kanilang mga manonood kaysa iharap ang katotohanan ng isang kuwento. Dinoktor pa nga o dinaya ng ilang programa sa pagbabalita ang isinapelikulang pag-uulat upang magmukhang madula ito. At sa libangan naman ay inilunsad ang isang matinding pag-atake sa katotohanan. Ang kagalingan at moral na mga katotohanan na ikinapit ng ating mga magulang at mga ninuno ay malawakang minalas bilang lipas na at ang mga ito’y kadalasang tuwirang kinukutya.
Mangyari pa, ang ilan marahil ay mangangatuwiran na karamihan sa relativism na ito ay nagpapahiwatig ng pagkabukas-isip at kung gayo’y may positibong nagagawa sa lipunan ng tao. Subalit, talaga nga kayang gayon? At ano naman ang epekto nito sa iyo? Naniniwala ka ba na ang katotohanan ay relatibo o hindi umiiral? Kung gayon, ang paghahanap ukol dito ay maaaring mangahulugan sa iyo na isang pag-aaksaya ng panahon. Ang gayong pangmalas ay makaaapekto sa iyong kinabukasan.
[Talababa]
a Ayon sa iskolar sa Bibliya na si R. C. H. Lenski, ang “pananalitâ [ni Pilato] ay katulad niyaong sa isang di-interesadong taga-sanlibutan na sa pamamagitan ng kaniyang tanong ay nagpapahiwatig na anumang bagay na nauuring relihiyosong katotohanan ay isang walang-kabuluhang kaisipan.”