Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Pag-uusigin ang Tunay na mga Kristiyano
BUHAT ng mga kaarawan ni Abel, maraming lingkod ni Jehova ang nagbata ng relihiyosong pag-uusig. (Lucas 11:49-51) At hindi naman kataka-taka, sapagkat nagbababala ang Bibliya na “lahat niyaong mga nagnanasang mabuhay na may maka-Diyos na debosyon may kaugnayan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin din”! (2 Timoteo 3:12) Kaya naman, sa ngayon sa mahigit na 25 bansa, ang mga Saksi ni Jehova ay pinagbabawalan at nagtitiis ng pag-uusig.
Sa isang bansa na kung saan ang mga Saksi ni Jehova ay hindi lamang ipinagbabawal kundi pinag-uusig din ng mga relihiyonista, mahigit na 12,000 mamamahayag ng mabuting balita ang patuloy na gumagawang masigasig, nakikipag-aral ng Bibliya sa mahigit na 15,000 katao. Mangyari pa, ang kanilang pangangaral ay ginagawa nang maingat. Pangkaraniwan nang ang kanilang mga pulong Kristiyano ay ginaganap sa mga pribadong tahanan, at sila’y maingat sa pag-aanyaya sa mga taong interesado sa gayong mga pulong.
Kamakailan ang pamahalaan ay naging mas maluwag sa mga Saksi, na ngayon ay nakagaganap ng malaking bahagi ng kanilang gawain nang walang nakikialam sa kanila. Gayunman, ang iba’t ibang grupong relihiyoso ay gumamit ng kanilang impluwensiya upang magsimula ng gulo.
Sa isang lunsod isang pangkat ng nagagalit na mga mang-uumog na binubuo ng mga 200 relihiyosong panatiko ang sumugod sa isang bahay na pinagdarausan ng mga 50 Saksi ni Jehova ng isang pulong ng kongregasyon. Ang ilan sa mga mang-uumog ay may dalang mga bato at sumisigaw ng mga relihiyosong islogan. Maliwanag na ang layunin nila ay lusubin ang mga Saksi at sirain ang bahay. Lumilitaw rin na matagal nang nagmamasid ang relihiyosong mga lider sa mga pagpupulong na nagaganap at naghintay lamang ng angkop na panahon ng pag-atake. Papasók na lamang sa bahay ang mga mang-uumog nang 15 pulis ang dumating at ipinag-utos sa mga mang-uumog na maghiwa-hiwalay na. Nagtaka rito ang mga Saksi, yamang walang sino man sa kanila ang nagkaroon ng panahon na ipagbigay-alam sa pulisya ang pangyayaring iyon.
Datapuwat sa mga ilang pagkakataon ay naging mas matagumpay ang mga mananalansang. May ilang Saksing nilitis at nahatulang mabilanggo. Isang kaso sa hukuman ang nabinbin nang kung ilang taon, at marahil ang mga piskal ay nawalan na ng interes doon. Gayunman sa sulsol ng lokal na klero, ang kaso ay ibinalik sa hukuman, at ang Saksi ay sinentensiyahang mabilanggo.
Sa isa pang lugar isang grupo ng mga Saksi ang nagtipon sa isang pribadong tahanan upang alalahanin ang Hapunan ng Panginoon. Nang dakong huli ng gabing iyon ay inaresto ng mga pulis ang maybahay at ang elder na nangasiwa sa pulong. Sa istasyon ng pulisya, sila’y binugbog nang gayon na lamang katindi. Isang malupit na pagsisiyasat ang isinagawa nang mga ilang oras. Isa sa mga Saksi ang nagtiis din ng paghihirap nang ihulog sa balon ng malamig na tubig.
Bakit ang pulisya ay nagsagawa ng gayong pag-atake? Muli, isa na namang grupo ng relihiyosong mga panatiko, sa tulong ng lokal na klero, ang nasa likod ng aksiyon ng pulisya. Nang bandang huli, ang hepe ng pulisya ay nagsiwalat na ang mga pag-aresto ay isinagawa nang wala siyang pagsang-ayon. Nagpalabas ng isang pahayag na humihingi ng paumanhin, at ang mga taong kasangkot sa kaguluhan ay dinisiplina.
Sa buong daigdig ang mga Saksi ni Jehova ay patuloy na nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, kahit na sa harap ng marahas na pananalansang. Kanilang sinusunod ang payo ni Jesus: “Narito! Isinusugo ko kayo gaya ng mga tupa sa gitna ng mga lobo; samakatuwid patunayan ninyong kayo ay maingat gaya ng mga serpiyente at gayunma’y inosente gaya ng mga kalapati.”—Mateo 10:16.
[Larawan sa pahina 31]
Si Abel ang unang pinag-usig