Proteksiyon Mula sa mga Pulis—Mga Inaasahan at Kinatatakutan
MARAMING tao sa Inglatera noong unang bahagi ng ika-19 na siglo ang tumutol sa mga mungkahi na magkaroon ng propesyonal at nakaunipormeng hukbo ng mga pulis. Takót sila na baka maging banta sa kanilang kalayaan ang sandatahang hukbo na hawak ng punong pamahalaan. Ang ilan ay takót na baka magkaroon sila ng isang sistema ng mga espiyang pulis na katulad niyaong sa Pransiya sa ilalim ni Joseph Fouché. Gayunman, napilitan silang itanong sa sarili, ‘Ano ang gagawin natin kung walang hukbo ng mga pulis?’
Ang London noon ang naging pinakamalaki at pinakamayamang lunsod sa daigdig; ang krimen ay dumarami at nagbabanta sa negosyo. Kahit ang mga boluntaryong bantay sa gabi o ang mga propesyonal na tagahuli ng magnanakaw, maging ang mga Bow Street Runner na pribadong tinustusan, ay hindi makapaglaan ng proteksiyon sa mga tao at sa kanilang ari-arian. Ganito ang sinabi ni Clive Emsley sa kaniyang aklat na The English Police: A Political and Social History: “Ang krimen at kaguluhan ay lalo pang itinuring na mga bagay na hindi dapat umiral sa sibilisadong lipunan.” Kaya ang mga taga-London ay umasa na makabubuti iyon at nagpasiya sila na magkaroon ng isang propesyonal na hukbo ng mga pulis sa ilalim ng pangangasiwa ni Sir Robert Peel.a Noong Setyembre 1829, ang mga nakaunipormeng pulis ng Metropolitan Police ay nagsimulang magpatrulya sa kanilang mga ruta.
Sa pasimula ng kanilang modernong kasaysayan, ang paksa tungkol sa pulisya ay nagbangon ng mga isyu hinggil sa inaasahan at kinatatakutan—ang inaasahan na maglalaan sila ng katiwasayan at ang kinatatakutan na baka abusuhin nila ang kanilang kapangyarihan.
Pinasimulan ng mga Amerikanong Pulis
Sa Estados Unidos, ang New York City ang kauna-unahang nagkaroon ng isang propesyonal na hukbo ng mga pulis. Habang dumarami ang kayamanan ng lunsod, dumarami rin ang krimen doon. Pagsapit ng dekada ng 1830, bawat pamilya ay makababasa na ng nakapanghihilakbot na mga kuwento tungkol sa krimen na inilimbag sa bagong inilathalang mumurahing pahayagan—ang penny press. Lumakas ang protesta ng publiko, at nagkaroon ng hukbo ng mga pulis ang New York noong 1845. Mula noon ay nalugod na ang mga taga-New York at ang mga taga-London sa kani-kanilang mga pulis.
Katulad ng mga Ingles, kinatakutan din ng mga Amerikano ang isang sandatahang hukbo na hawak ng pamahalaan. Subalit magkaiba ang solusyong napagpasiyahan ng dalawang bansang ito. Pinagsuot ng mga Ingles ng mataas na sombrero ang hukbo ng mga maginoong pulis, na nakauniporme ng matingkad na asul. Sila ay binigyan lamang ng maikli at nakatagong batuta bilang sandata. Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nagdadala ng mga baril ang mga Britanong pulis maliban na lamang sa gipit na mga situwasyon. Gayunman, gaya ng sabi ng isang report, “tumitindi ang pahiwatig sa di-maiiwasang pangyayari . . . na sa malapit na hinaharap ay magiging isang lubos na nasasandatahang hukbo ang mga Britanong pulis.”
Subalit sa Estados Unidos, ang takot na baka abusuhin ng pamahalaan ang kapangyarihan nito ay umakay sa pagpapatupad sa Ikalawang Susog sa Saligang-Batas ng Estados Unidos, na gumagarantiya sa “karapatan ng mga tao na mag-ingat at magdala ng mga Sandata.” Bunga nito, humiling ng mga baril ang mga pulis. Nang maglaon, ang kanilang paggamit sa mga ito ay nagbunga ng mga barilan sa lansangan na karaniwang nangyayari sa mga pagtugis ng mga Amerikanong pulis sa mga kriminal, na siya namang popular na impresyon. Ang isa pang dahilan ng saloobin ng mga Amerikano hinggil sa pagdadala ng mga baril ay sapagkat ang unang hukbo ng mga pulis sa Estados Unidos ay iniluwal sa isang lipunan na lubhang naiiba sa lipunan ng London. Naging magulo ang New York habang mabilis na lumalaki ang populasyon nito. Ang pagdagsa ng libu-libong dayuhan, na karamihan sa mga ito ay mula sa Europa at sa Aprika, pagkaraang sumiklab ang Digmaang Sibil noong 1861-65, ay humantong sa karahasang panlahi. Nadama ng mga pulis na kailangang gumamit sila ng mas mahigpit na mga pamamaraan.
Dahil dito, ang mga pulis ay kadalasang itinuturing na di-maiiwasang kasamaan. Ang mga tao ay handang magtiis sa paminsan-minsang pagmamalabis sa pag-asang makamit ang isang antas ng kaayusan at katiwasayan. Gayunman, sa ilang bahagi ng daigdig, isang naiibang uri ng hukbo ng mga pulis ang lumilitaw.
Nakatatakot na mga Pulis
Noong unang bahagi ng ika-19 na siglo, nang magsimulang mabuo ang modernong mga hukbo ng mga pulis, karamihan sa sangkatauhan ay nabubuhay sa ilalim ng pamamahala ng mga Europeong imperyo. Sa pangkalahatan, ang mga Europeong pulis ay inorganisa upang bigyan ng proteksiyon ang mga tagapamahala sa halip na ang mga tao. Maging ang mga Britano, na ayaw na ayaw sa ideya ng nasasandatahan at istilong-militar na mga pulis sa kanilang sariling bansa, ay waring nag-aatubili sa paggamit ng mga pulis-militar upang mapanatiling nagpapasakop ang mga kolonya. Si Rob Mawby, sa kaniyang aklat na Policing Across the World, ay nagsabi: “Ang mga insidente ng kalupitan, katiwalian, karahasan, pamamaslang, at pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga pulis ay halos nagaganap sa bawat dekada ng kasaysayan ng pananakop ng mga pulis.” Matapos ipakita na ang mga pulis na kontrolado ng mga imperyo ay nakapaglaan din ng ilang kapakinabangan, idinagdag ng aklat ding iyon na ito’y “ganap na nakaimpluwensiya sa pandaigdig na pangmalas na ang mga pulis ay hukbo ng pamahalaan at hindi naglilingkod sa publiko.”
Ang mapaniil na pamahalaan na natatakot sa mga paghihimagsik ay halos laging gumagamit ng mga sekreta upang tiktikan ang kanilang mga mamamayan. Ang gayong mga pulis ay kumukuha ng mga impormasyon sa pamamagitan ng pagpapahirap at nililipol ang inaakalang mga subersibo sa pamamagitan ng pataksil na pagpatay o sa pamamagitan ng pag-aresto nang walang kaukulang paglilitis. Ang mga Nazi ay may Gestapo, ang Unyong Sobyet ay may KGB, at may Stasi naman ang Silangang Alemanya. Ang nakapagtataka, gumamit ang mga Stasi ng 100,000 pulis at malamang na kalahating milyong impormante upang kontrolin ang mga 16 na milyong populasyon. Ang mga pulis ay buong araw na nakikinig sa mga usapan sa telepono at nag-iingat ng mga ulat hinggil sa ikatlong bahagi ng buong populasyon. “Ang mga pulis ng Stasi ay walang pakundangan at hindi nahihiya,” ang sabi ni John Koehler sa kaniyang aklat na Stasi. “Marami sa mga klerigo, pati na sa matataas na opisyal ng mga denominasyong Protestante at Katoliko, ay kinalap bilang mga lihim na impormante. Ang kanilang mga tanggapan at mga kumpisalan ay punô ng mga kagamitan para sa palihim na pakikinig.”
Gayunman, ang nakatatakot na mga pulis ay hindi lamang masusumpungan sa lugar ng mga mapaniil na pamahalaan. Ang mga pulis sa iba pang malalaking lunsod ay inaakusahan ng pananakot kapag gumagamit sila ng labis na agresibong istilo ng pagpapatupad sa batas, lalo na kapag pinupuntirya nila ang mga minorya. Sa pagkokomento sa lubhang napalathalang iskandalo sa Los Angeles, sinabi ng isang pahayagan na ito ay “nagpakita na ang masamang paggawi ng mga pulis ay umabot na sa bagong antas ng katampalasanan at nagbigay-daan sa isang bagong katawagan: ang sangganong pulis.”
Dahil dito, ang mga awtoridad ay nagtatanong, Ano ang magagawa ng mga departamento ng pulisya upang mapaganda ang kanilang reputasyon? Sa pagsisikap na maidiin ang kanilang papel sa paglilingkod sa publiko, maraming hukbo ng mga pulis ang nagsikap na bigyang-diin ang mga aspekto ng pagpupulis na kapaki-pakinabang sa pamayanan.
Ang Inaasahang Pagpupulis sa Pamayanan
Ang tradisyonal na istilo ng Hapon sa pagpupulis sa pamayanan ay umakit sa pansin ng ibang bansa. Noon pa man, ang mga Hapones na pulis ay nagtatrabaho sa maliliit na himpilan na pinangangalagaan ng mga labindalawang pulis na inorganisang maghalinhinan sa trabaho. Ganito ang sabi ng Britanong tagapagturo sa kriminolohiya at matagal nang residente sa Hapon, si Frank Leishman: “Kilalang-kilala ang saklaw ng palakaibigang paglilingkod na inilalaan ng mga pulis ng koban (maliit na presinto): pagbibigay ng impormasyon hinggil sa mga direksiyon ng mga lansangan sa Hapon na ang karamihan ay walang pangalan; pagpapahiram ng mga natagpuan ngunit hindi pa nababawing mga payong sa nauulanang mga pasahero; pagtiyak na makasasakay ng tren sa pag-uwi ang nalasing na mga sararimen (negosyante o nag-oopisina); at pagpapayo sa ‘mga nag-aaway na mamamayan.’” Ang mga pulis na nakahimpil sa pamayanan ay isang dahilan kung kaya nagkaroon ang Hapon ng nakaiinggit na reputasyon na ligtas na lakaran ang mga lansangan nito.
Ang ganito kayang uri ng pagpupulis ay magiging mabisa sa ibang lugar? Ang ilang nag-aaral hinggil sa krimen ay nakakuha ng aral dito. Inilalayo ng makabagong pagsulong sa komunikasyon ang mga pulis mula sa mga tao na kanilang pinaglilingkuran. Sa maraming lunsod sa ngayon, ang kadalasang trabaho ng mga pulis ay waring ang pagsaklolo na lamang kung may mga kagipitan. Lumilitaw kung minsan na nakaligtaan na ang orihinal na pagdiriin hinggil sa paghadlang sa krimen. Bilang reaksiyon sa kalakarang ito, ang pagbabantay ng mga nakatira sa pamayanan ay muli na namang naging popular.
Pagbabantay ng mga Nakatira sa Pamayanan
“Talagang mabisa ito; nakababawas ito sa krimen,” ang sabi ni Dewi, isang kustableng pulis, tungkol sa kaniyang trabaho sa Wales. “Ang pagbabantay ng mga nakatira sa pamayanan ay nangangahulugan ng paghimok sa mga tao na bantayan ang katiwasayan ng isa’t isa. Nag-oorganisa kami ng mga pulong upang magkakilala ang magkakapitbahay, magkaalaman ng mga pangalan at numero ng telepono, at mag-usap tungkol sa kung paano mahahadlangan ang krimen. Nasisiyahan ako sa proyektong ito dahil muli nitong pinasisigla ang pagmamalasakit sa isa’t isa sa mga pamayanan. Kadalasan, hindi pa nga alam ng mga tao kung sino ang kanilang mga kapitbahay. Mabisa ang panukala dahil pinauunlad nito ang kabatiran ng mga tao.” Pinabubuti rin nito ang mga ugnayan sa pagitan ng mga pulis at ng publiko.
Ang isa pang hakbang ay ang pagpapasigla sa mga pulis na maging higit na mahabagin sa mga biktima. Ang kilalang victimologist na Olandes na si Jan van Dijk ay sumulat: “Dapat turuan ang mga pulis na ang kanilang mga asal sa tabi ng mesang-dulugan ay mahalaga para sa mga biktima kung paanong ang mga asal ng doktor sa tabi ng higaan ng pasyente ay mahalaga para sa mga pasyente.” Sa maraming lugar, hindi pa rin itinuturing ng mga pulis na tunay na mga krimen ang karahasan sa tahanan at ang panghahalay. Subalit ganito ang sinabi ni Rob Mawby: “Ang paraan ng pagharap ng mga pulis sa karahasan sa tahanan at panghahalay ay sumulong nang malaki nitong nakalipas na mga taon. Gayunman, makagagawa pa rin ng mas malaking pagsulong.” Ang pang-aabuso ng mga pulis sa kapangyarihan ay isa pang larangan kung saan maaaring sumulong ang halos lahat ng hukbo.
Ang Takot sa Katiwalian ng mga Pulis
Ang pagkadama na nakapagbibigay ng proteksiyon ang mga pulis ay parang kawalan ng muwang kung minsan, lalo na kapag laganap ang mga balita hinggil sa katiwalian ng mga pulis. Mayroon nang gayong mga ulat mula nang magsimula ang kasaysayan ng mga pulis. Sa pagtukoy sa taóng 1855, inilarawan ng aklat na NYPD—A City and Its Police “ang impresyon ng maraming taga-New York na nagiging mahirap nang makilala ang pagkakaiba ng mga sanggano at mga pulis.” Ang aklat na Faces of Latin America, ni Duncan Green, ay nag-uulat na ang mga hukbo ng pulisya roon “ay malawakang pinaniniwalaan na nababahiran ng katiwalian, kawalang-kakayahan, at pang-aabuso ng mga karapatang pantao.” Ang hepe ng hukbo ng 14,000 pulis sa Latin Amerika ay nagsabi: “Ano ang aasahan mo kapag ang isang pulis ay kumikita nang wala pang [$100] sa isang buwan? Kung aalukan siya ng suhol, ano ang gagawin niya?”
Gaano kalubha ang problema sa katiwalian? Ang sagot ay depende sa kung kanino ka magtatanong. Isang pulis sa Hilagang Amerika na maraming taon nang nagpatrulya sa isang lunsod na may populasyon na 100,000 ang sumagot: “Tiyak na may ilang porsiyento ng mga di-tapat na pulis ang nasa tungkulin, subalit ang mas malaking bahagi ng mga pulis ay tapat. Ganiyan ang nakita ko.” Sa kabilang panig, isang imbestigador sa krimen, na may 26 na taon nang karanasan sa ibang bansa ang tumugon: “Sa palagay ko ay halos laganap ang katiwalian. Bihira na lamang sa mga pulis ang tapat. Kapag nagsisiyasat ang isang pulis sa isang niloobang bahay at nakakita siya ng pera, marahil ay kukunin niya ito. Kapag nabawi niya ang nanakaw na mahahalagang bagay, kukupit siya ng parte mula sa mga ito para sa kaniyang sarili.” Bakit nagiging tiwali ang ilang pulis?
Ang ilan ay nagsisimula nang may matataas na simulain subalit pagkatapos ay nadaraig ng impluwensiya ng tiwaling mga kasamahan at ng mabababang pamantayan ng daigdig ng mga kriminal na pinakikitunguhan nila. Sinipi ng aklat na What Cops Know ang sinabi ng isang pulis sa Chicago: “Tungkol sa mga pulis, pagdating sa kanilang karanasan sa kasamaan, napakalapit nila rito. Napalilibutan sila nito. Nahihipo nila ito . . . nalalasahan nila ito . . . naaamoy nila ito . . . naririnig nila ito . . . kailangan nilang hawakan ito.” Ang pagkahantad sa gayong kasamaan ay madaling magdulot ng negatibong epekto.
Bagaman ang mga pulis ay nagbibigay ng mahalagang paglilingkod, malayo ito sa pagiging huwaran. May maaasahan ba tayo na mas mabuti kaysa rito?
[Talababa]
a Ang mga Britanong pulis ay nakilala bilang mga bobby salig sa pangalan ng kanilang tagapagtatag, si Sir Robert (Bobby) Peel.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8, 9]
“Hindi ba’t Kahanga-hanga ang mga Britanong Pulis?”
Ang mga Britano ay kabilang sa mga unang nagkaroon ng kakayahang matustusan ang isang hukbo ng mga propesyonal na pulis. Nais nilang maging lubos na organisado ang kanilang lipunan—gaya ng kanilang mahusay na sistema sa biyahe ng karuwahe na laging nasa oras. Noong 1829, hinimok ng Home Secretary, si Sir Robert (Bobby) Peel, ang Parlamento na aprobahan ang London Metropolitan Police, na may punong-tanggapan sa Scotland Yard. Bagaman noong una ay kinayayamutan sila dahil sa pagsugpo sa paglalasing at pagsusugal sa lansangan, nang maglaon, ang mga pulis ay kinagiliwan na ng mga tao.
Noong 1851, buong-pagmamapuring inanyayahan ng London ang daigdig upang daluhan ang Great Exhibition at hangaan ang mga naisagawa ng industriya ng Britanya. Namangha ang mga panauhin sa maayos na mga lansangan at sa kawalan ng mga lasinggero, nagbibili ng aliw, at mga palaboy. Inakay ng mahuhusay na pulis ang mga pulutong, binuhat ang mga bagahe ng mga bisita, tinulungang tumawid sa daan ang mga tao, at kinarga pa nga ang matatandang babae upang isakay sa taksi. Hindi kataka-taka na marinig ang mga mamamayang Britano at ang mga banyagang bisita na magsabi, “Hindi ba’t kahanga-hanga ang mga Britanong pulis?”
Sila ay waring napakabisa sa pagsugpo sa krimen anupat nakini-kinita ng hepe ng mga pulis sa Chester noong 1873 ang panahon kapag halos napawi na ang krimeng likha ng mga propesyonal! Nagsimula ring organisahin ng mga pulis ang mga serbisyo ng ambulansiya at bombero. Gumawa sila ng mga kaayusan sa pagkakawanggawa na naglaan ng mga sapatos at damit sa mga mahihirap. Ang ilan ay nag-organisa ng mga samahan para sa mga batang lalaki, ng mga iskursiyon, at ng mga bahay-bakasyunan.
Sabihin pa, ang bagong kapulisan ay may mga problema rin tungkol sa pagdidisiplina sa mga pulis na nasangkot sa katiwalian at pagmamalupit. Ngunit ipinagkakapuri ng karamihan na napananatili nila ang kaayusan kahit di-gaanong gumagamit ng puwersa. Noong 1853, ang mga pulis sa Wigan, Lancashire, ay kinailangang humarap sa magulong welga ng mga minero. Ang matapang na sarhento, na namumuno sa sampung pulis, ay matatag na tumangging gamitin ang mga baril ng may-ari ng minahan. Ang saloobing nalikha nito ay inilalarawan ng isang liham na natanggap ni Hector Macleod noong 1886 nang siya, tulad ng kaniyang ama, ay naging pulis din. Gaya ng pagkakasipi sa The English Police, ganito ang sinabi: “Sa pagmamalupit, naiwawala mo ang simpatiya ng publiko . . . Inuuna ko ang kapakanan ng publiko dahil ikaw ang lingkod ng pamayanan, na sa gitna nila ay itinalaga ka sa kasalukuyan, at tungkulin mo na palugdan sila at ang opisyal na nakatataas sa iyo.”
Si Hayden, isang retiradong inspektor ng Metropolitan Police, ay nagsabi: “Kami ay tinuruan na laging kumilos nang may pagpipigil dahil kailangan sa matagumpay na pagpupulis ang suporta ng pamayanan. Ang aming maikling batutang kahoy ay ginagamit lamang kapag wala nang ibang paraan anupat karamihan sa mga pulis ay hindi gagamit nito sa kanilang buong panunungkulan.” Nakatulong din sa magandang reputasyon ng mga Britanong pulis ang isang popular na serye sa TV na pinalabas sa loob ng 21 taon hinggil sa isang tapat na pulis na nakakakilala sa lahat ng nasa kaniyang pinapatrulyahan, ang Dixon of Dock Green. Malamang na pinasigla nito ang mga pulis na kumilos ayon sa reputasyong iyon, ngunit tiyak na pinasigla rin nito ang Britanya na kagiliwan ang mga pulis.
Ang mga saloobin sa Britanya ay nagbago noong dekada ng 1960, at ang nakaugaliang pagmamapuri para sa sariling bansa ay nahalinhan ng kinaugaliang paghihinala sa awtoridad. Ang ulat tungkol sa katiwalian at pagtatangi ng mga pulis dahil sa lahi ay nakasira sa reputasyon ng mga pulis noong dekada ng 1970, sa kabila ng kanilang pagsisikap na makuha ang suporta ng publiko sa pamamagitan ng panukalang pagbabantay ng mga naninirahan sa kanilang pamayanan. Kamakailan lamang, matapos ang ilang akusasyon ng pagtatangi dahil sa lahi at pagkatha ng ebidensiya upang may mahatulan, ang mga pulis ay gumawa ng karagdagang taimtim na pagsisikap upang mapasulong ang kanilang paggawi.
[Credit Line]
Larawan sa itaas: http://www.constabulary.com
[Kahon/Larawan sa pahina 10]
Isa Bang Himala sa New York?
Kapag gumagawa ng pantanging pagsisikap ang mga pulis, maaaring maging kamangha-mangha ang mga resulta. Matagal nang itinuring ang New York bilang isa sa pinakamapanganib na lunsod sa daigdig, at sa bandang dulo ng dekada ng 1980, waring ang krimen ay hindi na makontrol ng nasiphayong hukbo ng mga pulis. Ang kagipitan sa kabuhayan ay nagtulak sa pamahalaang-lunsod na huwag taasan ang mga sahod at bawasan ang bilang ng mga pulis. Pinalawak naman ng mga nagtutulak ng droga ang kanilang gawain at dahil dito’y dumami ang karahasan. Ang mga naninirahan sa loob ng lunsod ay nakaririnig ng mga putok ng baril sa kanilang pagtulog. May malalaking kaguluhan noong 1991 dahil sa lahi, at ang mga pulis mismo ay nag-organisa ng maingay na pagpoprotesta upang ipahayag ang kanilang mga hinaing.
Gayunman, isang bagong hepe ng kapulisan ang nagsikap na mapasigla ang kaniyang mga pulis, anupat regular na nakikipagpulong sa kanila sa bawat presinto upang pag-aralan ang estratehiya. Ganito ang paliwanag nina James Lardner at Thomas Reppetto sa kanilang aklat na NYPD: “Ang hepe ng mga sekreta o ang pinuno ng Narcotics Bureau ay mga tao na nababasa lamang ng mga kumandante ng presinto sa mga pahayagan ngunit madalang na nakakatagpo. Ngayon ay magkakasama silang nagpupulong sa loob ng maraming oras.” Nagsimulang bumaba ang bilang ng krimen. Iniuulat na naging tuluy-tuloy ang pagbaba ng pamamaslang mula sa halos 2,000 noong 1993 tungo sa 633 noong 1998—ang pinakamababa sa loob ng 35 taon. Nagsimulang pag-usapan ng mga taga-New York ang tila himalang ito. Ang pagbaba ng mga iniuulat na krimen sa nakalipas na walong taon ay 64 na porsiyento.
Paano naisagawa ang mga pagsulong na ito? Sinasabi ng The New York Times ng Enero 1, 2002, na ang susi sa tagumpay ay ang Compstat, “isang sistema ng pagtalunton sa krimen na nagsasangkot ng linggu-linggong pagsusuri sa estadistika ng bawat presinto upang malaman at matugunan ang mga problema sa sandaling lumitaw ang mga ito.” Ang dating komisyonado ng kapulisan na si Bernard Kerik ay nagsabi: “Pinag-aaralan namin kung saan nagaganap ang krimen, kung bakit ito nangyayari at pagkatapos ay ipinadadala namin doon ang mga tropa [mga pulis] at ang mga impormante upang matiyak na mapagtutuunan ng pansin ang mga lugar na iyon. Sa ganitong paraan mo mababawasan ang krimen.”
[Larawan sa pahina 7]
Isang karaniwang himpilan ng pulisya sa Hapon
[Larawan sa pahina 7]
Mga pulis trapiko sa Hong Kong
[Larawan sa pahina 8, 9]
Pagkontrol sa pulutong sa isang laro ng “soccer” sa Inglatera
[Larawan sa pahina 9]
Kasali sa mga tungkulin ng pulis ang pagtulong sa mga biktima ng aksidente