Mga Pulis—Ano ang Kinabukasan Nila?
KUNG walang mga pulis, marahil ay makararanas tayo ng anarkiya. Subalit kahit na may mga pulis, ligtas na dako ba ang ating daigdig? Sa maraming lunsod sa ngayon, gaya sa maraming lugar sa lalawigan, may nararamdamang krisis hinggil sa katiwasayan. Maasahan ba natin na maililigtas tayo ng mga pulis mula sa organisadong krimen at mula sa pusakal na mga kriminal? Makaaasa ba tayo na magagawa ng mga pulis na maging ligtas na dako ang ating mga lansangan? Magtatagumpay kaya sila sa pakikipaglaban sa krimen?
Ganito ang opinyon ni David Bayley sa kaniyang aklat na Police for the Future: “Ang mga pulis ay hindi nakahahadlang sa krimen,” ang sabi niya. “Ang totoo, ang mga pulis ay pantapal lamang sa kanser. . . . Hindi tayo makaaasa na maililigtas ng mga pulis ang lipunan mula sa krimen, kahit sila ay taimtim sa paghadlang sa krimen.” Ipinakikita ng mga pagsusuri na ang tatlong pangunahing gawain ng mga pulis—pagpapatrulya sa mga lansangan, pagsaklolo sa mga nasa kagipitan, at pagsisiyasat sa mga krimen—ay hindi nakahahadlang sa krimen. Bakit?
Ang pagsisikap na hadlangan ang krimen sa pamamagitan ng labis na pagpaparami sa nakabantay na mga pulis ay masyadong magastos. Waring hindi pinapansin o inaalintana ng mga kriminal ang pagdami ng mga nagpapatrulya kahit kaya itong tustusan. Ang mabilis na pagtugon ay hindi rin nakapipigil sa maraming krimen. Iniulat ng mga pulis na malibang makarating sila sa pinangyarihan ng krimen nang wala pang isang minuto, malamang na hindi nila mahuhuli ang maysala. Waring alam ng mga kriminal na bihira ang gayon kabilis na pagtugon. Hindi rin nakatutulong ang pagsisiyasat sa krimen. Kahit na magtagumpay ang mga sekreta na mapasentensiyahan at maipabilanggo ang mga kriminal, lumilitaw na hindi ito nakahahadlang sa krimen. Mas maraming kriminal ang ibinibilanggo ng Estados Unidos kaysa sa alinmang bansa, ngunit dumaranas pa rin ito ng napakaraming krimen; samantalang ang Hapon, na doo’y kakaunti ang nakabilanggo, ay isa sa may pinakakaunting krimen. Maging ang mga panukala na gaya ng pagbabantay ng mga mamamayan sa pamayanan ay hindi nagkaroon ng namamalaging epekto, lalo sa mga lugar na madalas ang krimen. Ang mga pagsugpo sa espesipikong mga krimen, tulad ng pagbebenta ng droga o panloloob, ay may malaking epekto sa sandaling panahon, ngunit muli, ang mga epekto nito ay hindi nagtatagal.
“Ang kawalang-kakayahan ng mga pulis na hadlangan ang krimen ay hindi dapat labis na ikagulat ng mga palaisip na tao,” ang sabi ng Police for the Future. “Karaniwan nang nauunawaan na ang mga kalagayan ng lipunan na hindi kontrolado ng mga pulis, at hindi rin kontrolado ng sistema ng hustisya sa krimen sa kabuuan, ang siyang tumitiyak sa dami ng krimen sa mga pamayanan.”
Ano ang Mangyayari Kung Walang mga Pulis?
Paano ka kumikilos kapag walang nagmamasid na mga pulis? Sinasamantala mo ba na wala sila upang labagin ang batas? Nakagugulat na napakarami sa tinatawag na mga kagalang-galang na mga taong may kaya at nakaririwasa sa buhay ang magsasapanganib ng kanilang reputasyon at ng kanilang kinabukasan para sa kahina-hinalang mga pakinabang sa krimeng isinasagawa sa opisina. Iniulat kamakailan ng The New York Times ang ‘112 inakusahang nagpakana ng pandaraya, na sinasabing sangkot sa isang pakana na linlangin ang mga kompanya ng seguro sa kotse. Kabilang sa mga inakusahan ay mga abogado, doktor sa medisina, chiropractor, isang physical therapist, isang acupuncturist, at isang katulong na tagapangasiwa sa isang Departamento ng Pulisya.’
Ang isa pang kaso ng malakihang pandaraya ay nakagitla kamakailan sa mayayamang tagapagtaguyod ng daigdig ng sining nang ang dating nangungunang mga tagapangasiwa ng Sotheby sa New York at ng Christie sa London ay nahatulan sa salang paglabag sa batas ng pagpepresyo. Sila at ang kanilang mga bahay-subastahan ay kinakailangang magbayad ng $843 milyon bilang multa at bayad-pinsala! Kaya ang labis na kasakiman sa salapi ay nakaaapekto sa lahat ng antas ng lipunan.
Ang nangyari sa Recife, Brazil, noong 1997, nang magwelga ang mga pulis ay nagpapakita na maraming tao ang agad na bumabaling sa krimen kapag walang humahadlang. Ang anumang relihiyosong pananalig na maaaring taglay nila ay walang epekto sa kanilang paggawi. Madali nilang bantuan o talikuran ang etika at mga simulain. Hindi kataka-taka na ang mga pulis sa maraming bansa ay natatalo sa pakikibaka sa isang daigdig na nakahilig sa katampalasanan, maliit man o malaki.
Sa kabilang panig, ang ilang tao ay sumusunod sa mga batas dahil iginagalang nila ang awtoridad. Sinabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Roma na dapat silang magpasakop sa mga awtoridad na pinahihintulutan ng Diyos na umiral, yamang pinananatili ng mga ito ang isang antas ng kaayusan sa lipunan. Tungkol sa gayong awtoridad ay sumulat siya: “Ito ay lingkod ng Diyos, isang tagapaghiganti upang magpamalas ng poot sa nagsasagawa ng masama. Kaya nga may mahigpit na dahilan upang magpasakop kayo, hindi lamang dahil sa poot na iyon kundi dahil din sa inyong budhi.”—Roma 13:4, 5.
Pagbago sa mga Kalagayan ng Lipunan
Ang trabaho ng mga pulis ay tiyak na mayroon ding epekto sa pagpapabuti sa mga kalagayan ng lipunan. Kapag ang mga lansangan ay maliwanag na nalinis mula sa droga at karahasan, ang mga tao ay kadalasang nagsisikap na mamuhay kaayon ng umunlad na reputasyon ng pamayanan. Subalit ang totoo, ang pagbago sa lipunan ay hindi kaya ng anumang hukbo ng mga pulis.
Maguguniguni mo ba ang isang lipunan na doo’y gayon na lamang ang paggalang ng mga tao sa batas anupat hindi na nila kailangan ang mga pulis? Mailalarawan mo ba sa isipan ang isang daigdig na doo’y gayon na lamang ang pagmamalasakit ng mga tao sa isa’t isa anupat laging handang magtulungan ang magkakapitbahay at walang sinuman ang kailangang tumawag ng mga pulis para patulong? Marahil ay parang mahirap magkatotoo iyan. Subalit ang mga salitang ito ni Jesus, bagaman binigkas sa ibang konteksto, ay tiyak na kumakapit. Sinabi niya: “Sa mga tao ay imposible ito, ngunit sa Diyos ay posible ang lahat ng mga bagay.”—Mateo 19:26.
Inilalarawan ng Bibliya ang isang panahon sa hinaharap na doo’y ang buong sangkatauhan ay magpapasakop sa isang pamahalaan na itinatag ng Diyos na Jehova. “Magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian . . . Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito.” (Daniel 2:44) Sa pamamagitan ng pagtuturo sa lahat ng taimtim na tao hinggil sa daan ng pag-ibig ng Diyos, babaguhin ng bagong pamahalaang ito ang mga kalagayan ng lipunan na nagbubunga ng krimen. “Ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.” (Isaias 11:9) Ang Hari na hinirang ni Jehova, si Jesu-Kristo, ay makahahadlang sa lahat ng krimen. “Hindi siya hahatol ayon lamang sa nakita ng kaniyang mga mata, ni sasaway man ayon lamang sa narinig ng kaniyang mga tainga. At sa katuwiran ay hahatulan niya ang mga maralita, at sa katapatan ay sasaway siya alang-alang sa maaamo sa lupa.”—Isaias 11:3, 4.
Hindi na magkakaroon ng mga kriminal o ng krimen. Hindi na kakailanganin ang mga pulis. Ang lahat ay ‘uupo, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila.’ (Mikas 4:4) Kung gusto mong maging bahagi ng “bagong lupa” na inilarawan sa Bibliya, ngayon na ang panahon upang suriin kung ano ang ipinangako ng Diyos na nakasaad sa kaniyang Salita.—2 Pedro 3:13.
[Blurb sa pahina 12]
Maguguniguni mo ba ang isang lipunan na doo’y gayon na lamang ang paggalang ng mga tao sa batas anupat hindi na nila kailangan ang mga pulis?
[Blurb sa pahina 12]
Hindi na magkakaroon ng mga kriminal o ng krimen
[Kahon/Larawan sa pahina 11]
Mga Pulis Laban sa mga Terorista
Gaya ng inilarawan ng mga pangyayari noong Setyembre 11, 2001, sa New York City at Washington, D.C., ang mga hijacker, nangho-hostage, at mga terorista ay naghaharap ng ilan sa pinakamahihirap na hamon sa mga pulis sa pagbibigay ng proteksiyon sa publiko. Ang pantanging mga pangkat sa maraming bahagi ng daigdig ay sinasanay kung paano mabilis na mapapasok at makokontrol ang nakaparadang sasakyang panghimpapawid. Natutuhan din nila ang kasanayan sa biglaang pagpasok sa mga gusali—pagbaba mula sa bubong sa pamamagitan ng lubid, patalon na pagpasok sa mga bintana, at paghahagis ng mga concussion grenade at mga tear gas. Ang gayong sinanay na mga pulis ay madalas magtagumpay sa pagbigla at pagdaig sa mga terorista nang hindi gaanong naisasapanganib ang mga bihag.
[Credit Line]
James R. Tourtellotte/U.S. Customs Service
[Larawan sa pahina 12]
Mga bagay na hindi kailangan sa bagong sanlibutan ng Diyos