Nagsisikap na Lutasin ang Krimen
“IGINIGIIT ng mga Kabataan na ang Pagkabagot ang Pangunahing Dahilan ng Krimen ng mga Kabataan,” sabi ng isang ulong-balita sa isang nangungunang pahayagan sa Britanya. “Alitan sa Tahanan ang Sinisisi sa Lumalagong Krimen,” sabi ng isa pang pahayagan. At ang ikatlo ay nagsabi: “Ang mga Pagkasugapa ang ‘Nag-uudyok sa Libu-libong Krimen.’ ” Tinataya ng magasing Philippine Panorama na 75 porsiyento ng lahat ng mararahas na krimen sa Manila ay ginawa ng mga sugapa sa droga.
Maaari ring udyukan ng iba pang mga salik ang napakasamang paggawi. “Ang malayong pagkakaiba ng kalagayan ng karalitaan at ng labis na kariwasaan” ang isa na binanggit ng inspector-general ng pulisya sa Nigeria. Binanggit din ang panggigipit ng mga kasama at kakaunting makukuhang trabaho, ang kawalan ng malakas na legal na mga panghadlang, ang karaniwang pagguho ng mga pamantayang pampamilya, ang kawalan ng paggalang sa awtoridad at sa batas, at ang labis-labis na karahasan sa mga pelikula at mga video.
Ang isa pang salik ay na maraming tao ang hindi na naniniwalang ang krimen ay hindi sulit. Napansin ng isang sosyologo sa Bologna University sa Italya na sa loob ng maraming taon, “ang bilang ng mga pagnanakaw na naiulat ay dumami samantalang ang bilang ng mga taong nahatulan dahil dito ay umunti.” Sinabi niya na “ang bilang ng mga paghatol kung ihahambing sa kabuuang bilang ng iniulat na mga pagnanakaw ay bumaba mula sa 50 tungo sa 0.7 porsiyento.”
Nakalulungkot subalit totoo ang mga salita ng The New Encyclopædia Britannica: “Ang lumalagong krimen ay wari bang isang bahagi ng lahat ng makabagong industriyalisadong mga lipunan, at walang mga pag-unlad sa batas o penology ang nakitang nagkaroon ng malaking epekto sa problema. . . . Para sa makabago’t urbanisadong lipunan, kung saan ang pag-unlad ng ekonomiya at personal na tagumpay ang nangingibabaw na mga pamantayan, walang dahilan na ipalagay na ang dami ng krimen ay hindi patuloy na tataas.”
Napakanegatibo ba ng Pangmalas na Ito?
Talaga bang ganiyan kasama ang kalagayan? Hindi ba’t iniuulat ng ilang lugar ang pag-unti ng krimen? Totoo, ang ilan ay nag-uulat, subalit ang mga estadistika ay maaaring makaligaw. Halimbawa, iniulat na ang krimen sa Pilipinas ay bumaba ng 20 porsiyento pagkatapos na ipatupad ang pagbabawal sa pagdadala ng baril. Subalit sinabi ng Asiaweek na naniniwala ang isang opisyal na ang mga magnanakaw ng kotse at mga nanloloob ng bangko ay huminto na sa pagnanakaw ng mga kotse at panloloob sa mga bangko at “bumaling sa pagkidnap.” Ang umunting panloloob sa bangko at mga pagnanakaw ng kotse ay nagpababa sa kabuuang mga kaso ng krimen, subalit ang pagbabang ito ay nawalan ng saysay dahil sa apat na ulit na dumami ang mga pagkidnap!
Nag-uulat tungkol sa Hungary, ang magasing HVG ay sumulat: “Kung ihahambing sa unang anim na buwan ng 1993, ang bilang ng krimen ay bumaba ng 6.2 porsiyento. Ang nakalimutang banggitin ng pulisya ay na ang pagbaba . . . ay pangunahin nang dahil sa mga pagbabago sa administrasyon.” Ang antas sa laki ng halaga sa salapi kung saan dating nakarehistro ang mga kaso ng pagnanakaw, pandaraya, o bandalismo ay tumaas ng 250 porsiyento. Kaya ang mga krimen tungkol sa mga ari-arian na nagsasangkot ng mga halagang mababa sa antas na ito ay hindi na inirerehistro. Yamang ang mga krimen na nagsasangkot ng ari-arian ay kumakatawan sa tatlong ikaapat ng lahat ng krimen sa bansa, ang pagbaba ay hindi talaga tunay.
Walang alinlangang mahirap makakuha ng tumpak na bilang ng krimen. Ang isang dahilan ay na maraming krimen—marahil hanggang 90 porsiyento sa isang kategorya—ay hindi iniuulat. Subalit ang pagtatalo kung baga ang krimen ay bumaba o tumaas ay talagang walang kaugnayan. Minimithi ng mga tao na mawala ang krimen, hindi lamang mabawasan.
Nagsisikap ang mga Pamahalaan
Isinisiwalat ng surbey ng United Nations noong 1990 na ang mas mayayamang bansa ay gumugugol sa katamtaman ng 2 hanggang 3 porsiyento ng kanilang taunang mga badyet sa pagsugpo sa krimen, samantalang ang nagpapaunlad na mga bansa ay gumugugol ng higit pa, sa katamtamang 9 hanggang 14 na porsiyento. Ang pagdagdag sa puwersa ng pulisya at paglalaan dito ng mas mahusay na mga kasangkapan ang naging pangunahin sa ilang lugar. Subalit ang mga resulta ay hindi pare-pareho. Ang ilang mamamayan sa Hungary ay nagreklamo: “Kailanman ay walang sapat na pulis upang hulihin ang mga kriminal subalit laging may sapat na mga pulis upang hulihin ang mga lumalabag sa trapiko.”
Nasumpungan kamakailan ng maraming pamahalaan na kailangang magpasa ng mas mahigpit na mga batas patungkol sa krimen. Halimbawa, yamang “lumalaganap ang pagkidnap sa Latin Amerika,” sabi ng magasing Time, ang mga pamahalaan doon ay tumugon sa pamamagitan ng mga batas na “kapuwa mabisa at walang saysay. . . Ang pagpapasa ng batas ay isang bagay,” ang sabi nito, “ibang bagay naman ang pagkakapit nito.”
Tinataya na sa Britanya mahigit na 100,000 programang bantay-purok, na sumasaklaw sa di-kukulanging apat na milyong tahanan, ang umiral noong 1992. Katulad na mga programa ang isinagawa sa Australia noong kalagitnaan ng mga taóng 1980. Ang kanilang layon, sabi ng Australian Institute of Criminology, ay bawasan ang krimen “sa pamamagitan ng higit na kabatiran ng mga mamamayan tungkol sa kaligtasan ng publiko, pagpapabuti sa mga saloobin at gawi ng mga residente sa pag-uulat ng krimen at kahina-hinalang mga pangyayari sa lugar at sa pagbabawas ng krimen sa tulong ng wastong pagkakakilanlan ng mga gamit at pagkakabit ng mabisang mga aparatong panseguridad.”
Ang closed-circuit na telebisyon ay ginagamit sa ilang lugar upang iugnay ang mga istasyon ng pulis sa komersiyal na mga gusali. Ginagamit din ng mga pulis, bangko, at tindahan ang mga video camera bilang isang panghadlang sa krimen o bilang isang gamit para kilalanin ang mga manlalabag-batas.
Sa Nigeria ang pulisya ay may mga checkpoint sa mga haywey sa pagsisikap na dakpin ang mga manloloob at mga magnanakaw ng kotse. Ang pamahalaan ay nagtatag ng isang task force sa mga maling gawain sa negosyo upang sawatain ang pandaraya. Ipinaaalam ng mga komite na nagtataguyod ng mabuting kaugnayan sa pagitan ng pulisya at ng pamayanan na binubuo ng mga lider ng pamayanan sa pulisya ang tungkol sa masamang gawain at sa mga tao na may kahina-hinalang pagkatao.
Napapansin ng mga dumadalaw sa Pilipinas na ang mga bahay ay karaniwang hindi iniiwan na walang tao at na maraming tao ang may mga bantay na aso. Ang mga negosyante ay nag-eempleo ng pribadong mga security guard upang pangalagaan ang kanilang mga negosyo. Mabiling-mabili ang mga aparato sa kotse na panlaban sa magnanakaw. Ang mga taong maykaya ay umuuwi sa mga subdibisyon o sa mga kondominyum na may mahigpit na seguridad.
Ganito ang komento ng pahayagang The Independent sa London: “Habang lumiliit ang tiwala sa pamamahala ng batas, dumarami naman ang mamamayan na nagsasaayos ng depensa sa kanilang sariling mga pamayanan.” At parami nang paraming tao ang nagsasandata sa kanilang sarili. Sa Estados Unidos, halimbawa, tinataya na singkuwenta porsiyento ng mga sambahayan ang nagmamay-ari ng hindi kukulanging isang baril.
Ang mga pamahalaan ay laging gumagawa ng bagong mga paraan ng pagsugpo sa krimen. Ngunit binabanggit ni V. Vsevolodov, ng Academy of Home Affairs sa Ukraine, na ayon sa pinagmumulan ng impormasyon ng UN, napakaraming mautak na tao ang nakasusumpong ng “natatanging mga paraan ng pagsasagawa ng masamang gawain” anupat hindi makaagapay “ang pagsasanay ng mga tauhan na nagpapatupad ng batas.” Inilalagay ng mautak na mga kriminal ang pagkalaki-laking halaga ng salapi sa mga negosyo at mga kawanggawa, nakikisama sa lipunan at “nagtatamo ng matataas na puwesto para sa kanilang mga sarili sa lipunan.”
Nawawalan ng Tiwala
Parami nang paraming tao sa ilang bansa ang naniniwala pa nga na ang pamahalaan mismo ay bahagi ng problema. Sinipi ng Asiaweek ang pinuno ng isang pangkat na laban sa krimen na nagsasabi: “Halos 90% ng mga pinaghihinalaan na nadakip namin ay alin sa mga tauhan ng pulisya o ng militar.” Sa totoo man o hindi, ang mga ulat na gaya nito ang umakay sa isang mambabatas na magkomento: “Kung yaong itinalagang magtataguyod sa batas ang mismong lumalabag sa batas, nanganganib ang ating lipunan.”
Mga iskandalo tungkol sa katiwalian na nagsasangkot sa matataas na opisyal ay yumanig sa mga pamahalaan sa iba’t ibang bahagi ng daigdig, na lalo pang sumisira sa pagtitiwala ng mamamayan. Bukod sa nawawalan ng tiwala sa kakayahan ng mga pamahalaan na sugpuin ang krimen, pinag-aalinlanganan ngayon ng mga tao ang kanilang determinasyon na gawin iyon. Isang guro ang nagtanong: “Paano masusugpo ng mga awtoridad na ito ang krimen kung sila mismo ang lubhang nasasangkot dito?”
Ang mga pamahalaan ay madalas na nagpapalit, subalit ang krimen ay nananatili. Gayunman, malapit nang dumating ang panahon kapag wala nang krimen!
[Mga larawan sa pahina 7]
Mga panghadlang sa krimen: Closed-circuit TV camera at monitor, roll-down steel gate, at guwardiya na may asong sinanay
[Larawan sa pahina 8]
Ginagawang bilanggo ng krimen ang mga tao sa kanila mismong mga bahay