Ang Krimen Ba ay Isang Tunay na Panganib sa Iyo?
Naranasan mo na ba na ikaw ay saktan sa pagtatangkang pagnakawan, o may nakikilala ka ba na naranasan ang gayon?
Natatakot ka bang lumabas sa mga lansangan minsang lumubog na ang araw? O kung ikaw ay natatakot, ikaw ba ay gumagawa ng mga pag-iingat?
Iniiwasan mo ba ang sumakay sa subwey o sa sasakyang pampubliko sa tiyak na mga oras sa araw?
Kung mayroon kang maliliit na anak, binabalaan mo ba sila tungkol sa pakikipag-usap sa mga estranghero?
Ikaw ba ay nag-aalala na ang iyong mga anak ay maaaring salakayin sa paaralan?
Mayroon ka bang mahigit sa isang kandado sa iyong pinto? Mayroon ka bang alarma sa magnanakaw o isang pantanging kandado sa iyong kotse? Ikinakandado mo ba ang iyong bisikleta kung ipinaparada mo ito sa kalye?
Kung ang mga sagot mo ay oo sa alinman sa mga tanong na ito, kung gayon nahihiwatigan mo na ang krimen ay isang tunay na panganib sa iyo.
SA NAKALIPAS na mga taon ang mga tao ay higit at higit na nabahala sa krimen. Bakit? Sapagkat naapektuhan nito ang kanilang lugar, mga kaibigan, pamilya, at sila mismo. Gaya ng paulong-balita rito ng The New York Times, “Takot sa Krimen ay Bahagi na Ngayon ng Pamumuhay sa Lunsod.” Ang artikulo ay nagpapatuloy sa pagsasabi: “Para sa mga maninirahan sa Lunsod ng New York, ang mayaman pati na ang mahirap, ang krimen ay hindi na isang bagay na nangyayari sa ibang tao. Laganap ito sa lunsod, at gumawa ng mga pagbabago—ang ilan ay bahagya, ang ilan ay matindi—sa pamumuhay ng mga tao.” At iyan ay hindi lamang kumakapit sa New York kundi sa maraming iba pang lunsod sa buong daigdig.
Krimen—Isang “Malaking Negosyo” sa Daigdig
INDIA: Ang krimen ay hindi lamang isang suliraning Amerikano. Ito ay isang salot sa daigdig. Halimbawa, binanggit ng magasing India Today ang tungkol sa hilagang estado ng Bihar bilang isang “Kaharian ng mga Kidnaper.” Sabi ng isang kapatid na lalaki ng isang biktima ng pangingidnap: “May ganap na malaking takot. Kami ay hindi na lumalabas ng aming mga bahay paglubog ng araw. Nabubuhay kami sa takot.” Ang paulong-balita ng isa pang pahayagan ay, “Ang Organisadong Krimen ay Isang Malaking Negosyo sa India.”
ITALYA: Ang Italya ay mayroon ding mga suliranin sa krimen—hindi lamang sa Mafia. Nariyan din “ang Camorra, isang kriminal na imperyo na itinatag mahigit na isang siglo ang nakalipas na kahawig ng Sicilian Mafia, isang estado sa loob ng isang estado,” sang-ayon sa The Washington Post. Ang kriminal na lipunang ito “ay pinaniniwalaang siyang may pananagutan sa halos 1,000 mga sadyang pagpatay sa nakalipas na tatlong taon,” sabi ng pahayagan ding iyon.
HAPON: Ang krimen ay isa ring suliranin sa lipunang Hapones. Isang pahayagan kamakailan ang nag-ulat na ang Hapon ay may 2,330 mga pangkat ng krimen na kilala ng mga pulis, na may kabuuang halos 100,000 mga maton.
TSINA: Ang pamahalaan ay gumawa ng mahigpit na mga paraan sa pagsisikap na bawasan ang “dumaraming problema [nito] sa krimen,” sang-ayon sa Far Eastern Economic Review. Kung minsan ang mga mamamatay-tao at mga manggagahasa ay binibitay sa publiko, at ang iba pang mga kriminal ay ipinaparada sa mga lansangan na may mga nakabiting plakard sa kanilang mga leeg na nagsasabi ng kanilang pangalan at ng kanilang mga krimen.
BRAZIL: Ipinakikita ng isang surbey na isinagawa sa São Paulo at Rio de Janeiro na 65 porsiyento ng populasyon ay sadyang iniiwasan ang kilalang mapanganib na mga dako; 85 porsiyento ang hindi na nagsusuot ng mga alahas o nagdadala ng mga mahahalagang bagay kapag sila ay umaalis ng bahay. Mahigit na 90 porsiyento ng mga tinanong ay nag-aakala na maaari silang salakayin sa anumang panahon.
NIGERIA: Ang krimen ay bahagi rin ng buhay sa mga bansang Aprikano. Sumusulat sa New Nigerian, ang kabalitaang si A. Adamu ay nagpaliwanag: “Ang panloloob, armadong pagnanakaw, panununog, sadyang pagpatay at paglumpo, ang nakatatakot na kalupitan sa pagsasagawa nito sa bansang ito ngayon ay nag-iiwan sa isa na tulala at litô kung paano mailalarawan ang katayuan ng malaking takot at pagkabalisa na nilikha ng krimen sa isipan ng marami.”
Ang katotohanan ay, ang takot sa krimen ay unti-unting lumalaganap sa karamihan ng malalaking lunsod. Ang malawakang pagkadama na ito sa krimen ay sumusugpo sa masunurin-sa-batas na bahagi ng lipunan. At ang mga tao ay sawà na sa pananakot at kakulangan ng proteksiyon. Kaya kapag ang isang mamamayan ay gumanti laban sa mga kriminal, marami ang nagkakaroon ng simpatiya sa kaniya.
Subalit bakit ba napakaraming tao ang bumabaling sa krimen? Maaari kaya na, salungat sa dating kasabihan, may napapala nga sa krimen?