Nang Wala Pang Krimen
MAGUGUNIGUNI mo ba ang isang daigdig na walang krimen? Malamang na hindi kung nabasa mo na ang mga balita na gaya niyaong lumabas sa pahayagang Aleman na Süddeutsche Zeitung: “Ang mga dalubhasa sa krimen ay nag-uusap tungkol sa bagong saklaw ng krimen. Ang kanilang mga pahayag ay punô ng agam-agam at ang larawang ipinipinta nila ay kakila-kilabot.”
Ayon sa isang surbey noong 1995 sa libu-libong Europeo, halos lahat ay nag-aalala na mabiktima ng krimen. Sa Alemanya, Netherlands, Poland, Russia, at sa United Kingdom, ang krimen ang nangunguna sa listahan ng lubhang kinatatakutan ng mga tao. Ang takot sa krimen ay pumangalawa sa Denmark, Finland, at Switzerland at pumangatlo sa Pransiya, Gresya, at Italya. Sa 12 bansang sinurbey, ang Espanya lamang ang hindi nagtala sa krimen sa unang tatlong dahilan ng takot.
Ang dami ng krimen ay lubhang tumaas sa Silangang Europa. Sa ilan sa mga bansang ito, ang pagdami ay sa pagitan ng 50 at 100 porsiyento, samantalang sa iba pang bansa, ito’y mula pa nga sa 193 hanggang 401 porsiyento!
Gayunman, noon, may isang daigdig na walang krimen. Kailan iyon, at paano napahamak ang daigdig na iyon?
Saan Nagsimula ang Krimen?
Ang krimen, na binibigyang-kahulugan bilang “isang malubhang paglabag sa batas,” ay nagsimula sa dako ng mga espiritu. Ang unang mga tao, sina Adan at Eva, ay hindi nilalang na may hilig na gumawa ng krimen, ni sila man ang tanging may pananagutan sa pagpapasimula ng krimen sa lipunan ng tao. Pinahintulutan ng isang sakdal na espiritung anak ng Diyos ang maling mga kaisipan na mag-ugat sa kaniyang puso, na, nang lumaki, ay humantong sa krimen. Ang isang iyon ang may pananagutan sa pagpapasama sa daigdig na dati’y walang krimen. Sa pamamagitan ng paglabag sa batas ng Diyos, ginawa niya ang kaniyang sarili na isang kriminal, at siya’y ipinakilala sa Bibliya bilang si Satanas na Diyablo.—Santiago 1:13-15; Apocalipsis 12:9.
Palibhasa’y tumahak sa landasin ng pagsalansang sa Diyos sa di-nakikitang kalangitan, si Satanas ay determinadong palaganapin ang kaniyang kriminal na mga paraan sa mga tao sa lupa. Ang ulat ng Bibliya tungkol sa kung paano ginawa ito ng Diyablo ay maikli at payak, subalit totoo. (Genesis, kabanatang 2-4) Dahil sa nailigaw ng tuso at nakahihigit-sa-taong kriminal na ito, sina Adan at Eva ay hindi sumunod sa mga pamantayan ng Diyos. Naging mga kriminal sila nang suwayin nila ang Diyos. Nang maglaon, walang alinlangan na nasindak sila nang magpakalabis pa ang kanilang panganay na anak, si Cain, nang kunin niya sa kaniyang kapatid na si Abel ang pinakamahalagang pag-aari nito, ang buhay mismo!
Kaya nga, sa unang apat na taong nanirahan sa lupa, tatlo ang naging mga kriminal. Sa gayon ay naiwala nina Adan, Eva, at Cain ang kanilang pagkakataong mabuhay sa isang daigdig na walang krimen. Sa tinagal-tagal ng panahon, bakit tayo nakatitiyak na malapit na ngayon ang gayong daigdig?