Singapore ang Yumurak sa Kalayaan ng Pagsamba
NOONG gabi ng Pebrero 24, 1995, apat na tahanan sa lunsod ng Singapore ang sinalakay ng mga pulis. Animnapu’t siyam na lahat ang inaresto.a Kabilang sa kanila ay isang 71-taóng-gulang na babae at dalawang 15-taóng-gulang na kabataang babae. Bakit? Iyon ba’y dahil sa sila’y mga kriminal o subersibo? Hindi. Wala isa man sa kanila ang nakikisali sa anumang bagay na ni sa guniguni man ay maituturing na mapanganib, imoral, o antisosyal. Sila’y hindi banta sa mga pamantayang moral, kaligtasan, at kapakanan ng kanilang kapuwa mga taga-Singapore. Gayunman, pagkatapos halughugin ang apat na bahay, dinala ng mga pulis sa istasyon ng pulisya ang 69 katao na nagtitipon upang pag-aralan ang Bibliya at upang masiyahan sa kanilang pagsasama-sama. Doon ay magdamag silang pinigil, pinagtatanong, kinunan ng fingerprint, at nilitratuhan—oo, tinrato sila na parang tunay na mga kriminal! Sa loob ng panahong ito—hanggang 18 oras na nasa di-mabuting kalagayan—sila’y hindi pinahintulutang makipag-usap sa abogado at pinagbawalan pa ngang tumawag sa telepono para sabihin sa kanilang pamilya kung nasaan sila. Isip-isipin na lamang ang epektong idinulot ng gayong mabilis na pagkilos sa mapapayapa at masunurin-sa-batas na mga mamamayang ito!
Ang senaryo ay nagpapagunita ng mga kalagayan noong pusikit na mga araw sa Alemanyang Nazi at ng panahon ng Komunista sa Unyong Sobyet at Silangang Europa. Hindi ito ang aasahang makita ng isang napadayong bisita sa Singapore sa napakalinis, mayaman at modernong lunsod-estadong ito. Nakapagtatag na ang Singapore ng isang reputasyon bilang ang ika-20 siglong kababalaghan sa kaunlarang pang-ekonomiya at panlipunan. Ito ay isang deklaradong demokrasya na may konstitusyon na gumagarantiya sa mga mamamayan nito ng saligang karapatang pantao, kasali na ang kalayaan ng pagsasalita, relihiyon, at asamblea.
Ngunit, yaong inaresto noong Pebrero ay nilusob dahil lamang sa sila’y mga Saksi ni Jehova na nagtitipong sama-sama upang pag-aralan ang Bibliya at makisalamuha sa kapuwa nila mga Kristiyano. Ang paratang laban sa kanila ay ang “pagdalo sa pulong ng isang bawal na samahan.”
Sa katunayan, ipinagkait na sa mga Saksi ni Jehova ang legal na pagkilala mula pa noong 1972 nang alisin sa listahan ang Singapore Congregation at ipagbawal ang mga literatura, kasali na ang mga Bibliya, na lathala ng Watch Tower Bible and Tract Society. Walang ibinigay na pagkakataon upang hamunin ang pala-palagay na pinagsaligan ng aksiyong iyon. Kamakailan lamang, ang legalidad ng opisyal na pagtatanging ito ay hinamon sa mga hukuman ng Singapore sa kaso ng apat na Saksi na nahatulan noong Pebrero 1994 dahil sa pagtataglay ng ipinagbabawal na mga literatura sa Bibliya. Dininig ang apelasyon laban sa ginawang hatol sa kanila noong Agosto 1994 at mabilis na pinawalang-saysay. Ipinalabas ni Chief Justice Yong Pung How ng Mataas na Hukuman ang kaniyang opinyon nang sumunod na buwan. Naniniwala siya na walang nilalabag kung tungkol sa kalayaan ng relihiyon at na ang hatol ay makatarungan sa dahilang ang mga Saksi ni Jehova ay isang banta sa pambansang seguridad sapagkat ang mga miyembro nito ay ayaw makilahok sa serbisyo militar. Noong Pebrero 17, 1995, humingi ng pahintulot ang apat na Saksi upang maghabol sa Singapore Court of Appeal dahil sa salungat na desisyong ito. Tinanggihan ang kahilingan.
Ang huling desisyong ito ay inilantad sa pahayagan ng Singapore na kontrolado ng pamahalaan. Walang alinlangan na ang desisyong ito ng hukuman at ang lumabas na publisidad ay nagpahiwatig sa sumunod na mga pangyayari. Nang linggong iyon ay naganap ang pag-aresto sa 69 na Saksi. Ang mga paratang laban sa apat sa kanila—mga mamamayan ng Britanya, Pransiya, at Luxembourg—ay pinawalang-saysay pagkaraan. Gayunman, maging sa kanila, ang naging karanasan ay nakapanghihilakbot. Ang isang lalaki ay maraming taon nang naninirahan at nagtatrabaho sa Singapore kasama ang kaniyang asawa. Nawalan sila ng trabaho at ng kanilang inuupahang bahay at sapilitang pinapagpaalam sa marami nilang matatalik na kaibigan.
Ang 63 natitira pang adulto ay pinaratangang kasapi ng bawal na samahan, at ang ilan naman ay pinaratangan pang nagtataglay ng ipinagbabawal na mga literatura. Sila’y napapaharap sa pinakamahabang tatlong taóng pagkabilanggo o multang S$3,000 ($2,100, U.S.) o sa dalawang ito. Ang dalawang 15-taóng-gulang na kabataang babae ay magkahiwalay na humarap sa hukuman para sa mga kabataan.
Hindi Banta sa Pambansang Pagkakakilanlan at Pagkakaisa
Sa buong daigdig, sa mahigit na 200 lupain na tinitirhan nila, kilala ang mga Saksi ni Jehova bilang mga taong disente, tapat, at masunurin-sa-batas. Sila’y kilala sa kanilang matatag na pagtangging makibahagi sa anumang uri ng mapaghimagsik at laban sa pamahalaang gawain—di-maka-Kristiyanong paggawi na maaaring magbunga ng kanilang pagkatiwalag, o pagkahiwalay. Tunay, walang dapat ikatakot ang pamahalaan ng Singapore sa kanila. Sila’y talagang hindi isang banta sa pambansang seguridad ng Singapore o sa pambansang pagkakakilanlan at pagkakaisa. (Roma 13:1-7) Ito’y maliwanag na binanggit sa isang liham na may petsang Marso 21, 1995, mula kay Milton G. Henschel, presidente ng Watch Tower Bible and Tract Society, para kay Prime Minister Goh Chok Tong ng Singapore. Ang liham na iyon ay kinopya rito para sa kapakinabangan ng ating mga mambabasa.
Ang mahilig-sa-kalayaang mga tao na nasa negosyo, pamahalaan, at pribadong sektor ay naghihintay taglay ang interes na makita kung ano ang mangyayari sa kalagayang ito sa Singapore. Kikilos kaya ang pamahalaan ng Singapore ayon sa mga saligang karapatang pantao at mga kalayaang sinusuportahan ng mismong konstitusyon nito at ng internasyonal na komunidad ng mga bansa? Mangyari pa, ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay labis na nababahala sa kanilang kapuwa mananamba sa Singapore. Inaalaala nila sila sa kanilang mga panalangin at tinatandaan nila ang katiyakang masusumpungan sa Bibliya: “Si Jehova ay isang mangingibig sa katarungan, at hindi niya pababayaan ang mga tapat sa kaniya.”—Awit 37:28.
[Talababa]
a Sa loob ng mga buwan sapol nang arestuhin ang 69 na ito, 11 pang Saksi ang inaresto at pinaratangang nagtataglay ng ipinagbabawal na literatura.
[Kahon sa pahina 30]
Marso 21, 1995
Goh Chok Tong
Prime Minister
Istana Annexe
Singapore 0923
Republic of Singapore
Lee Kuan Yew
Senior Minister
Prime Minister’s Office
460 Alexandra Road
37-00 PSA Bldg
Singapore 0511
Republic of Singapore
Mahal na mga Ginoo:
Ang balita ng Reuters mula sa Singapore na may petsang Pebrero 25, 1995, ay totoong nakababalisa. Iniulat nito na ang mga pulong sa pag-aaral ng Bibliya ng mga Saksi ni Jehova ay pinahinto ng mga pulis at 69 katao ang inaresto. Ang ulat na ito ay naging dahilan upang magtuon ng pansin ang buong daigdig sa kalagayan ng mga Saksi ni Jehova sa Singapore, na doo’y ipinagbabawal ang kanilang mga gawain at mga literatura sa loob ng mahigit nang 20 taon.
Napakahirap unawain kung bakit ang isang relihiyosong organisasyon na lantarang umiiral sa mahigit na 200 bansa taglay ang ganap na proteksiyon ng batas ay ipinagbabawal sa Singapore, isang bansa na sumusuporta sa mga simulain ng demokrasya. Lalo pa nga itong nakababalisa kung isasaalang-alang ang konstitusyonal na garantiya ng Singapore sa kalayaan ng pagsamba para sa mga mamamayan nito.
Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi kailanman naging banta sa pambansang seguridad saanmang dako. Ang totoo, sa buong daigdig sila’y may reputasyon bilang mapapayapa, masisipag, may mabuting moral, at masunurin sa batas—mga katangiang natitiyak kong siyang itinataguyod ninyo sa inyong bansa.
Totoo na dahil sa kanilang istriktong pagsunod sa mga pamantayan ng Bibliya para sa mga Kristiyano, ang katayuan ng mga Saksi ni Jehova ay hindi nauunawaan o napagkakamalan kung minsan. Ngunit, hindi ba ganiyan din ang nangyari sa tagapagtatag ng Kristiyanismo na napagkamalan ding laban kay “Cesar,” ang gobyerno noong kaniyang kaarawan? Sinusunod lamang ng mga Saksi ni Jehova ang halimbawa ni Jesus at ng sinaunang mga Kristiyano. Iginagalang nila ang pamahalaan saanman sila naninirahan, nagbabayad ng kanilang buwis, at nagtataguyod ng mabuting moral. Sila’y mga tapat at mabubuting mamamayan. Hindi kailanman nakilahok ang mga Saksi ni Jehova sa anumang uri ng gawang paghihimagsik saanmang bansa at tinitiyak ko sa inyo na ang kanilang pagkanaririyan sa Singapore ay hindi banta sa pambansang kapakanan ng inyong bansa.
Dahil sa kamakailang ulat ng media, ang panunupil na ginawa ng inyong pamahalaan sa mga Saksi ni Jehova sa Singapore ay hindi na lingid sa kaalaman ng madla. Ito’y isang pantanging bagay na ikinababahala ng kanilang 12 milyong kasamahan sa buong daigdig. Hinihiling ko pong gamitin ninyo ang inyong matulunging panunungkulan upang malunasan ang kalagayan at dulutan ang mga Saksi ni Jehova sa inyong bansa ng kalayaan ng pagsamba at ng budhing ginagarantiyahan ng Konstitusyon.
Naniniwala ako na ang isang tapatang pakikipag-usap sa mga kinatawan ng mga Saksi ni Jehova ay makatutulong upang mapawi ang anumang maling pagkaunawa tungkol sa aming organisasyon at gawain at upang matiyak sa inyo na walang dapat ikatakot ang pamahalaan ng Singapore sa mga Saksi ni Jehova. Nalulugod po akong maisaayos ang pagpupulong na ito.
Umaasa po ako sa inyong sagot.
Gumagalang,
Milton G. Henschel
Presidente
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Nik Wheeler/H. Armstrong Roberts