Narito! Isang Kingdom Hall sa Niue
ANG Niue ay isang munting isla ng korales sa Timog Pasipiko, 2,160 kilometro sa gawing hilagang-silangan ng New Zealand. Sang-ayon sa isang brosyur sa paglalakbay, ang pangalang Niue ay galing sa dalawang salita, Niu, na ang kahulugan ay “punong niyog,” at e, na ang kahulugan ay “tingnan,” o “narito.” Ganito ang sabi ng brosyur: “Ang alamat ay nagsasabi na binigkas ng mga unang nakipamayang mga Polynesian ang mga salitang ito nang sila’y dumating at makita ang mga punong niyog na tumutubo sa lupain.”
Sa ngayon, ikinararangal ng mga Saksi ni Jehova sa Niue na sabihin sa mga bisita, “E! Fale he Kautu ha mautolu!” na ang ibig sabihin, “Narito! Ang aming Kingdom Hall!” Bakit gayon na lamang ang pagmamalaki nila sa bulwagang ito? Ipinagmamalaki ng mga Saksi ni Jehova sa lahat ng dako ang kanilang mga Kingdom Hall, lalo na kung sila mismo ang nagtayo. Subalit ang pagtatayo ng isang Kingdom Hall sa isang malayong isla sa gitna ng malawak na Timog Pasipiko ay talaga namang ibang bagay. Kung sa bagay, ang lawak ng Niue ay 260 kilometro kuwadrado lamang, at 2,300 lamang ang tao sa buong isla.
Nariyan ang suliranin ng kung sino ang magtatayo ng Kingdom Hall. Ang kaisa-isang kongregasyon sa Niue ay mayroon lamang 32 Saksi. Lahat ng mga pangunahing kagamitan na kailangan, tulad ng mga trak, buldoser, at mga kreyn, ay pag-aari ng gobyerno. Isa pa, halos lahat ng kailangang materyales—bakal, kongkretong mga bloke, pambubong, elektrikal na mga materyales at mga tubo, gamit para sa sound, at mga upuan—ay kailangang ipadala mula sa New Zealand lulan ng komersiyal na transportasyon na bumibiyahe lamang tuwing ikalimang linggo. Pinakahuli, ang mabatong lupa sa isla ay magpapangyaring maging mahirap ang pagtatayo, at ang bulwagan ay kailangang maging matibay upang hindi masira ng malalakas na bagyo sa tropiko. Totoo, isa ngang di-biru-birong trabaho para sa kaninuman!
Gayunman, may malaking pagkakaiba rito. Para sa mga Saksi ni Jehova, ang Kingdom Hall ang siyang sentro ng tunay na pagsamba sa lugar na iyon, at sila’y umaasa sa Diyos na Jehova ukol sa patnubay at tulong. (Awit 56:11; 127:1) Ang Kristiyanong mga kapatid sa New Zealand, kasali na ang mga miyembro ng isang kongregasyong Niuean sa Auckland, ay tumulong sa maliit na grupo ng mga Saksi sa Niue, anupat nagbigay ng buong-pusong pagsuporta sa proyekto ng pagtatayo.
Ang Pasiya na Magsimula
Noong Hunyo 1994 sa lugar na pinagtatayuan ng isang Kingdom Hall sa Rotorua, New Zealand, nanawagan sa mga interesado na makibahagi sa proyekto sa Niue. Kamangha-mangha, 200 kapatid na lalaki at babae ang nagboluntaryo. Sa mga ito, 80 katao ang pinili, kasali na ang mga karpintero, manggagawa sa bakal, tubero, tagapaglagay ng bubong, tagamasilya, pintor, elektrisyan, teknisyan sa sound, mga manggagawa sa kongkreto, kantero, at mga obrero.
Ang mga kapatid ay gumuhit ng mga plano at nagpatuloy, na nagtitiwala kay Jehova. Isa sa dalawang matanda sa kongregasyon sa Niue, isang lokal na negosyante, ang nag-asikaso sa mga kaayusan para sa paglululan ng lahat ng kinakailangang materyales. Nakakuha ng isang pantanging halaga para sa pamasahe sa eroplano at tuluyan ng mga manggagawa buhat sa ibang bansa na nagboluntaryong bumalikat ng kanilang gastos, at itinakda ang petsa ng pagtatayo. Ang proyekto ay kailangang matapos sa loob ng 20 araw, mula Marso 4 hanggang Marso 23, 1995, ang petsa ng pag-aalay ng Kingdom Hall.
“Sa unang pagkakataon ay nakadama ako ng labis na pagkabalisa nang makita ko ang lugar,” sabi ng direktor ng proyekto, na dumating maaga nang isang linggo buhat sa New Zealand upang isaayos ang mga bagay-bagay. “Ang lupa ay pawang bato. Dalawang linggo ang kailangan upang humukay para sa pundasyon.” Ngunit hindi niya inaasahan ang kayang gawin ng mga Saksing tagaroon, inamin niya nang bandang huli. “Ang mga kapatid sa Niue ay pamilyar sa kayarian ng mga bato,” aniya. “Alam nila kung saan patatamaan ang isang bato upang mabiyak sa malalaking piraso.” Ang mga pundasyon ay nakumpleto sa loob ng dalawang araw!
Noong Marso 4 dumating ang unang eroplano na sinakyan ng mga Saksi na taga-New Zealand, at ginawa ang pagsesemento. Habang sunud-sunod na grupo ng mga manggagawa ang dumating, ang iba’t ibang bahagi ng proyekto ay natapos. Ang mga araw ng pagtatrabaho ay nagsisimula nang 7:00 n.u. sa pamamagitan ng maikling pagtalakay sa pang-araw-araw na teksto sa Bibliya. May mga araw na ang ilang kapatid na lalaki ay nagtrabaho nang 12 oras sa temperaturang 36 na digri Celsius. Sa wakas, pagsapit ng Marso 23, ang bakuran ay natamnan na ng mga halaman. Isang kaakit-akit na karatula na gawa sa punong mangga ang nagpapakilala sa gusali bilang “Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova.”
Espiritu ng Pagtutulungan at Pagkamapagpatuloy
Ang isang mahalagang salik na may bahagi sa tagumpay ng proyekto ay ang pakikipagtulungan ng mga mamamayan ng Niue. Ang lokal na mga taganayon, na nahawa sa diwa ng okasyon, ay nagdonasyon ng pagkain at salapi. Minalas ng marami ang pagtatayo ng bulwagan bilang kanilang proyekto. Ang mga opisyal ng pamahalaan at mga negosyante ay nagkaloob ng serbisyo na higit pa kaysa sa inaasahan sa kanila. Ipinagamit ang kinakailangang mga kasangkapan, tulad ng isang pagawaan ng mga muwebles na kahoy. Binago pa nga ng kompanya ng barko ang kanilang ruta upang masiguro na ang kinakailangang materyales ay darating sa tamang panahon.
Tunay na pinahalagahan ng mga bisita ang pagpapagal at pagkamapagpatuloy ng mga Saksi sa Niue, na nagbukas ng kanilang mga tahanan at mga pag-aari. “Ang mga kapatid na babae sa lugar na iyon totoong kahanga-hanga,” sabi ng isang manggagawa sa konstruksiyon. Bukod pa sa mainit na pananghalian araw-araw, ang mga kapatid na babae ay naghahain pa ng nilutong almusal tuwing umaga sa ganap na 6:30. Ang ilan ay bumabangon nang 4:30 n.u. upang maghanda ng pagkain. Sabi ng isang manggagawa sa konstruksiyon: “Sa palagay ko’y mas mainam ang buhay namin dito sa Niue kaysa sa aming sariling tahanan.”
Noong Marso 10 iniulat ng Niue Star ang pangyayaring iyon sa unang pahina ng pahayagan na may ulong-balita na “Ang Unang Kingdom Hall sa Niue” at isang larawan ng mga taga-New Zealand at mga taga-Niue na nagtatrabaho sa lugar ng pinagtatayuan. Sinabi nito na 280 metro kuwadrado ang laki ng bulwagan at may upuan para sa 70 hanggang 100 katao. Isinusog pa ng artikulo: “Ang trabaho ay maaaring aktuwal na matapos sa loob ng dalawang [linggo], subalit sa kasong ito ay palalawigin pa. Sa yugtong ito, dalawang araw pa lamang buhat nang magsimula ang trabaho, ang pundasyon, mga balangkas, tahilan at bubong ay naitayo na, maaga sa itinakdang panahon.”
Isang lokal na negosyante ang nagpahayag ng pagnanais na lahat sana sa Isla ng Niue ay magmasid sa proyekto at matuto ng aral mula roon. Sinabi niya na siya’y umaasang maipakikita nito sa lahat kung ano ang magagawa kapag may pag-ibig at pagtutulungan.
May 204 ang dumalo sa pag-aalay. Napatunayang isang nakaaantig na karanasan para sa lahat ng dumalo yaong natatanging pagtatanghal na kung saan inilarawan ng mga kapatid na lalaki, babae, at mga bata na taga-Niue, sa pamamagitan ng awit at sayaw ang pagtatayo ng Kingdom Hall. Pinasalamatan ang grupo sa konstruksiyon at si Jehova, na ang espiritu ang siyang nagpakilos ng mga isip, puso, at mga kamay upang matapos ang gawain.—Isaias 40:28-31.