Natatandaan Mo Ba?
Maingat mo bang pinag-isipan ang kamakailang mga labas ng Ang Bantayan? Marahil masusumpungan mong kawili-wili na gunitaing-muli ang mga sumusunod:
◻ Papaanong ang isa ay ‘pumaparito kay Jesus’ kasuwato ng kaniyang paanyaya sa Mateo 11:28?
Sinabi ni Jesus: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuluyang sundan ako.” (Mateo 16:24) Samakatuwid, ipinahihiwatig ng paglapit kay Jesus na ipinasasakop ng isa ang kaniyang sariling kalooban doon sa kalooban ng Diyos at ni Kristo, anupat tinatanggap ang isang pasan ng pananagutan at ginagawa iyon nang patuluyan.—8/15, pahina 17.
◻ Bakit “kakaunti” lamang ang nakasusumpong sa ‘masikip na daan na umaakay patungo sa buhay’ na binanggit ni Jesus sa Mateo 7:13, 14?
Ang makipot na daan ay hinahanggahan ng mga batas at simulain ng Diyos. Kaya naman, makaaakit lamang ito sa isa na taimtim na nagnanais na iayon ang kaniyang buhay sa mga pamantayan ng Diyos. Bagama’t waring nanunupil, ang ‘masikip na daan’ ay nagpapalaya sa isang tao sa bawat mahahalagang paraan. Ang mga hangganan nito ay tinatakdaan ng “sakdal na batas na nauukol sa kalayaan.” (Santiago 1:25)—9/1, pahina 5.
◻ Papaano makapaglilinang ng kaunawaan?
Ang kaunawaan ay hindi dumarating kaagad o nang kusa. Subalit taglay ang pagtitiis, pananalangin, taimtim na pagsisikap, matalinong pakikipagsamahan, pag-aaral ng Bibliya at pagbubulay-bulay nito, at pag-asa sa banal na espiritu ni Jehova, malilinang ang kaunawaan.—9/1, pahina 21.
◻ Papaanong ang paninibugho ng tao ay maaaring maging isang puwersa sa ikabubuti?
Mapakikilos nito ang isang tao na ipagsanggalang ang isang minamahal buhat sa masasamang impluwensiya. Bukod dito, may kawastuang maipamamalas ng mga tao ang paninibugho ukol kay Jehova at sa pagsamba sa kaniya. (1 Hari 19:10)—9/15, pahina 8, 9.
◻ Ano ang kahulugan ng mga pananalita sa Genesis 50:23 may kinalaman sa mga apo ni Jose: “Sila’y ipinanganak sa tuhod ni Jose”?
Maaaring ito’y mangahulugan lamang na kinilala ni Jose ang mga bata bilang kaniyang mga inapo. Maaaring ipinakikita rin nito na siya’y buong-pagmamahal na nakipaglaro sa mga bata, na kinakalong pa man din sila. Mainam para sa mga ama sa ngayon na magpakita ng gayunding pagmamahal sa kanilang mga anak.—9/15, pahina 20, 21.
◻ Ano ang kailangang-kailangan sa isang matagumpay na pag-aasawa at buhay pampamilya?
Upang matamo ang gayong kanais-nais na mga resulta, kailangang laging unahin muna ng mga mag-asawa ang kalooban ng Diyos. Sa paggawa nito, sisikapin ng mga mag-asawa na manatiling magkasama at lutasin ang kanilang mga suliranin sa pamamagitan ng pagkakapit ng payo ng Salita ng Diyos. Sa gayon ay naiiwasan nila ang lahat ng uri ng hinagpis na nagiging bunga kapag ipinagwalang-bahala ang kalooban ng Diyos. (Awit 19:7-11)—10/1, pahina 11.
◻ Gaano kahalaga ngayon ang maka-Diyos na pagkadama ng pagkaapurahan?
Ang maka-Diyos na pagkadama ng pagkaapurahan ay isang mahalagang bahagi ng buong-kaluluwang paglilingkod kay Jehova. Hinahadlangan at binibigo nito ang mga pagtatangka ng Diyablo na pangyarihing ‘manghimagod at manghina ang mga kaluluwa’ ng mga lingkod ng Diyos. (Hebreo 12:3) Ipinagsasanggalang sila nito sa labis na pagkasangkot sa sanlibutan at sa materyalismo nito, anupat iniingatan ang kanilang isip sa mga bagay sa itaas—‘ang tunay na buhay.’ (1 Timoteo 6:19)—10/1, pahina 28.
◻ Sa talinghaga ng mga tupa at mga kambing, kailan uupo si Jesus sa kaniyang trono at bakit? (Mateo 25:31-33)
Hindi inilalarawan ng talinghaga na siya ay nakaupo sa diwa na naging Hari. Sa halip, siya ay umupo bilang Hukom. Ang gayong paghatol ay hindi isang bagay na aabot pa sa isang yugto ng maraming taon. Bagkus, ang talinghaga ay tumutukoy sa hinaharap kapag sa isang limitadong panahon ay ihahayag at ilalapat na ni Jesus ang hatol sa mga bansa.—10/15, pahina 22, 23.
◻ Ano ang “salinlahi” na malimit tukuyin ni Jesus?
Ikinapit ni Jesus ang terminong “ang salinlahing ito” sa karamihan ng mga tao noong panahong iyon kasama ang kanilang “mga bulag na tagaakay” na bumubuo ng bansang Judio. (Mateo 11:16; 15:14; 24:34)—11/1, pahina 14.
◻ Sa panghuling katuparan ng hula ni Jesus na nasa Mateo 24:34-39, sa ano tumutukoy ang pananalitang “ang salinlahing ito”?
Maliwanag na tinutukoy ni Jesus ang mga tao sa lupa na nakakakita ng tanda ng pagkanaririto ni Kristo ngunit hindi nagbabago ng kanilang landas.—11/1, pahina 19, 31.
◻ Papaano nakinabang ang mga tao sa sinaunang Israel sa kaayusan ng mga lunsod ng kanlungan lakip na ang mga pagbabawal dito?
Ikinintal nito sa mga Israelita na sila’y hindi dapat na walang-ingat o walang malasakit sa buhay ng tao. Idiniin din nito ang pangangailangang magpakita ng awa kapag angkop ang paggawa nito. (Santiago 2:13)—11/15, pahina 14.
◻ Ano ang antitipikong lunsod ng kanlungan?
Ito ay ang paglalaan ng Diyos upang ipagsanggalang tayo buhat sa kamatayan bunga ng paglabag sa kaniyang utos tungkol sa kabanalan ng dugo. (Genesis 9:6)—11/15, pahina 17.
◻ Papaano tayo matutulungan ng Kristiyanong kapatiran upang “makapagtamong-muli ng lakas”? (Isaias 40:31)
Sa gitna ng ating mga kapatid na Kristiyano, baka may ilan na nakaharap sa katulad na mga panggigipit at pagsubok at na may damdamin ding katulad na katulad ng sa atin. (1 Pedro 5:9) Nakapagpapatibay na malaman na ang dinaranas at nadarama natin ay pangkaraniwan.—12/1, pahina 15, 16.