Katuwiran ang Nagtataas sa Isang Bansa
PAGKARAANG umulan ng maraming araw, kalugud-lugod ngang gumising at pagmasdan ang araw na sumisikat sa maaliwalas na kalangitan! Ang lupa ay napanariwa, at ngayon ang mga tanim ay maaari nang magsiyabong. Minsan ay ginamit na ng Diyos na Jehova ang gayong tánáwin upang ilarawan ang mga pagpapala ng matuwid na pamamahala. Sinabi niya kay Haring David: “Kapag ang namamahala sa sangkatauhan ay matuwid, na namamahalang may pagkatakot sa Diyos, kung gayon ito ay gaya ng liwanag sa umaga, kapag ang araw ay sumikat, isang maaliwalas na umaga. Mula sa kaliwanagan, mula sa ulan, may damong sumibol buhat sa lupa.”—2 Samuel 23:3, 4.
Napatunayang totoo ang mga salita ng Diyos noong panahon ng matuwid na pamamahala ng anak ni David, si Haring Solomon. Ganito ang ulat ng Bibliya: “Ang Juda at ang Israel ay patuloy na tumatahang tiwasay, bawat isa sa ilalim ng kaniyang puno ng ubas at sa ilalim ng kaniyang sariling puno ng igos, mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba, lahat ng mga araw ni Solomon.”—1 Hari 4:25.
Ang sinaunang Israel ang siyang piniling bayan ng Diyos. Ibinigay niya sa kanila ang kaniyang mga batas at sinabihan sila na kung kanilang susundin ang kaniyang tinig, kaniyang ilalagay sila sa “itaas ng lahat ng ibang bansa sa lupa.” (Deuteronomio 28:1) Hindi ang sariling katuwiran ng Israel kundi ang katuwiran ni Jehova ang nagtaas sa kanila. Ang mga utos na ibinigay ng Diyos sa kanila ay lubhang nakahihigit sa mga batas ng mga bansang nasa palibot nila. Bilang isang bayan, sila man ay di-sakdal na gaya ng mga bansang iyon. Kaya naman, ang nakahihigit na batas ni Jehova at ang kanilang mahigpit na pagsunod dito ang siyang dahilan ng kanilang pagkakataas sa mga bansa. Nang sinunod nila ang mga batas ni Jehova, tinamasa nila ang kaniyang pagsang-ayon at pagpapala. Naranasan ito ni Haring Solomon noong panahon ng kaniyang paghahari. Masasabi nga niya: “Ang katuwiran ang siyang nagtataas sa isang bansa, ngunit,” nagbabala siya, “ang kasalanan ay isang bagay na kahiya-hiya sa mga bansa.”—Kawikaan 14:34.
Nakalulungkot, dahil sa malimit na mga gawang pagsuway, ang bansang Israel ay ibinaba. Nagdanas sila ng pambansang kahihiyan. Ito sa wakas ay umakay sa permanenteng pagtatakwil sa kanila kapalit ng isang bagong espirituwal na bansa.—Mateo 21:43.
Espirituwal na Israel
Sa isang pagpupulong ng Kristiyanong lupong tagapamahala sa Jerusalem, si Santiago, isinilang na isang Judio, ay nagsabi sa ilalim ng pagkasi na “nagbaling [ang Diyos] ng kaniyang pansin sa mga bansa upang kumuha mula sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” (Gawa 15:14) Tinawag ni apostol Pablo ang bagong Kristiyanong bansang ito na “Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16) May kinalaman sa layunin ng kanilang pagkatawag, sumulat si Pedro: “Kayo ay ‘isang lahing pinili, isang maharlikang pagkasaserdote, isang bansang banal, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari, upang maipahayag ninyo nang malawakan ang mga kamahalan’ ng isa na tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.” (1 Pedro 2:9) Bilang piniling bayan ng Diyos, kailangang lumiwanag sila na gaya ng mga ilaw sa sanlibutan. Itataas sila ng katuwiran ni Jehova.—Filipos 2:15.
Ang pagpili sa espirituwal na mga Israelitang ito ay maihahambing sa pagmimina ng brilyante. Kapag ang lupa na mayaman sa taglay na brilyante ay dinadala sa ibabaw, makakukuha lamang dito ng 1 karat (200 mg.) sa bawat 3 tonelada ng lupa. Ang isang paraan na ginamit na upang ihiwalay ang mga brilyante ay nagsasangkot ng paghahalo ng tubig sa lupa at pagpapaagos sa halo sa mga mesang may grasa. Ang mga brilyante ay hindi humahalo sa tubig, at ang mga ito’y nadidikit sa grasa samantalang ang hindi ninanais na mga bagay ay natatangay ng agos. Sa yugtong ito ay magaspang pa ang mga brilyante. Gayunman, kapag tinabas at pinakintab, ang mga ito ay nakapagpapaaninag ng liwanag sa lahat ng direksiyon.
Gaya ng mga brilyante na hindi humahalo sa tubig at hindi bahagi ng mga bagay na nasa palibot ng mga ito, ang bayan ni Jehova ay nakahiwalay buhat sa sanlibutan. (Juan 17:16) Nang unang dalhin sa liwanag, marahil hindi sila makinang. Subalit ang Salita at espiritu ni Jehova ay lumikha sa kanila ng isang bagong personalidad, at sila’y lumiliwanag na gaya ng mga ilaw sa sanlibutang ito. Ito’y dahil sa katuwiran ni Jehova kaya sila ay naitaas at nakapagpapaaninag ng maluwalhating liwanag ng katotohanan ng Kaharian sa lahat ng direksiyon, hindi dahil sa kanilang sariling katuwiran.
Gayunman, mula noong huling bahagi ng unang siglo C.E., ang apostasya ay nakapasok sa mga kongregasyon at nakaapekto sa marami. Ang naturingang mga Kristiyano ay naging bahagi ng mga bansa ng sanlibutan at hindi na makita ang kaibhan mula sa sanlibutan na nakapalibot sa kanila.
Sa ngayon isang tapat na nalabi ng espirituwal na mga Israelita ang ibinalik sa pagsang-ayon ni Jehova. Inihiwalay nila ang kanilang mga sarili mula sa sanlibutan at nilinis ang kanilang sarili sa “bawat karungisan ng laman at espiritu.” (2 Corinto 7:1) Yamang malinis at matuwid sa harap ni Jehova, kanilang itinataguyod ang kaniyang katuwiran. Ito ang nagtaas sa kanila sa isang matayog na kalagayan ng pagsang-ayon nang higit sa mga bansa ng sanlibutan. Sa pamamagitan ng kanilang masigasig na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian, isang malaking pandaigdig na pulutong ang nailapit kay Jehova at naging bahagi ng kaniyang bayan.—Apocalipsis 7:9, 10.
Nakikita ng Sanlibutan ang Pagkakaiba
Kung minsan ay pinupuri ng mga awtoridad ng sanlibutan ang paggawi ng mga lingkod ng Diyos. Kamakailan, ang punong opisyal sa seguridad ng Pretoria Show Grounds, Timog Aprika, ay nagkomento tungkol sa paggawi ng mga Saksi ni Jehova, mula sa lahat ng lahi, na gumagamit sa mga pasilidad na iyon para sa kanilang taunang kombensiyon. Liban sa iba pang bagay, ganito ang isinulat niya: “Bawat isa ay magalang sa tuwina, ang mga tao’y malugod na nakikipag-usap sa isa’t isa, iyan ang paggawi na ipinakita sa mga nakaraang araw—lahat ng ito ay nagpapatotoo sa kalidad ng mga miyembro ng inyong samahan, at na ang lahat ay namumuhay na magkakasama na katulad ng isang maligayang pamilya.”
Ang bayan ni Jehova ay maaaring makabahagi sa katuwiran ng kaniyang bansa hindi lamang sa gayong malalaking pagtitipon kundi maging sa kanilang pribadong pamumuhay. Halimbawa, ang sangay ng Samahang Watch Tower sa Timog Aprika ay tumanggap ng isang liham mula sa isang babae sa Johannesburg, na nagsasabi: “Noong nakaraang linggo nagmaneho ako na ang aking pitaka ay nasa ibabaw ng aking kotse. Nahulog iyon sa Jan Smuts Avenue at napulot kalakip ang lahat ng nilalaman nito ng isang miyembro ng inyong kongregasyon, si G. R—, na tumelepono at nagsauli nito sa akin. . . . Lubos kong pinahahalagahan ang ganitong pagkamatapat na naging bihirang katangian sa kasalukuyang panahon at pinapupurihan ang inyong kongregasyon sa pagtatakda ng mga simulain na sinusunod ng inyong mga miyembro.”
Oo, sa pagsunod sa matutuwid na simulain ni Jehova, ang kaniyang bayan ay napapaiba sa sanlibutan. Dahilan sa ipinamamalas ng mga ito ang katuwiran ni Jehova, ang tapat-pusong mga tao ay naaakit sa Kristiyanong kongregasyon. Likas lamang na maakit sa isang bagay na malinis at dalisay. Halimbawa, isang di-kilala ang minsan ay dumalo sa isang pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova sa Zurich, Switzerland, at nagsabi na nais niyang maging miyembro ng kongregasyon. Ipinaliwanag niya na ang kaniyang kapatid na babae ay natiwalag dahilan sa imoralidad at idinagdag na nais niyang umanib sa isang organisasyon na “hindi kumukunsinti sa masamang paggawi.” Kahit ang New Catholic Encyclopedia ay nagsasabi na ang mga Saksi ni Jehova ay kilala bilang “isa sa mga grupong may pinakamahusay na asal sa daigdig.”
Samantalang nagtataas ang katuwiran, magdudulot naman ng kahihiyan sa mabuting pangalan ng isa ang kasalanan, lalo na kung mahayag sa komunidad ang malubhang kasalanan. Kung minsan ang Kristiyanong kongregasyon ay kailangang magbata ng kahihiyan na naibubunton dito kapag ang indibiduwal na mga miyembro ay nakagagawa ng malubhang kasalanan. Sabihin pa, maipagtatanggol ng tapat na mga miyembro ng kongregasyon ang mabuting pangalan ng kongregasyon sa pamamagitan ng pagpapakita na ang nagkasala ay dinisiplina sa isang maawaing paraan, alalaong baga, kasuwato ng mga maka-Kasulatang simulain. Kung ang isa ay namimihasa sa kasalanan at hindi nagsisisi, siya ay ihihiwalay mula sa kongregasyon—ititiwalag.—1 Corinto 5:9-13.
Kung Bakit Itinitiwalag ang Ilan
Bagaman may ilang libo rin ang natitiwalag taun-taon mula sa Kristiyanong kongregasyon, ito’y isang maliit na porsiyento lamang ng halos limang milyong Saksi sa daigdig. Bakit dapat kunin ang gayong matinding hakbangin laban sa sinuman sa Kristiyanong kongregasyon? Ang uri ng pagkakasala ay isa sa mga salik sa pagtiyak. Subalit ang lalong mahalagang salik ay kung ang nagkasala ay tunay na nagsisisi sa malubhang pagkakasala na nagawa. Kung siya ay totoong nagsisisi, anupat bumaling kay Jehova sa pamamagitan ng taos-pusong pananalangin, na nagmamakaawa upang patawarin sa kasalanang nagawa laban sa Kaniya, at hinanap ang tulong ng mga responsableng lalaki sa kongregasyon, siya ay maaaring tulungan upang matamong-muli ang pagsang-ayon ng Diyos at manatiling kabilang sa kongregasyon.—Kawikaan 28:13; Santiago 5:14, 15.
Kapag ang isang anak na may mabuti at matibay na kaugnayan sa kaniyang ama ay nakagawa ng isang bagay na ikinapipighati ng ama, dapat ayusin kaagad ng dalawa ang mahalagang ugnayan. Sa katulad na paraan, nang ating ialay ang ating buhay kay Jehova, pumasok tayo sa isang napakahalagang pakikipag-ugnayan sa kaniya. Kaya naman, kapag nakagagawa tayo ng isang bagay na nakapipighati sa kaniya, dapat tayong kumilos agad sa pagsisikap na maibalik-muli ang kaugnayang iyan sa ating Makalangit na Ama.
Nakagagalak, isinapuso ng ilan na nasa kalagayang tiwalag ang ilustrasyon tungkol sa alibughang anak. Doon ay itinutulad si Jehova sa isang maibiging Ama na handang tanggaping muli ang isang nagsisising nagkasala kung ang isang iyon ay manunumbalik at hihingin ang kapatawaran ng Diyos. (Lucas 15:11-24) Ang tunay, taos-pusong pagsisisi at ang pagtalikod mula sa kung ano ang masama ay isang daan noon pa man upang mapabalik sa pagsang-ayon ni Jehova at sa Kristiyanong kongregasyon. Ang ilang nagsisising nagkasala na totoong nabibigatan sa kanilang nadaramang pagkakasala ay napakilos na magsisi at gumawa ng mga hakbang upang makabalik sa maibiging kapaligiran ng Kristiyanong kongregasyon. Sa gayon ay napahalagahan nila ang mga salita ni Jehova sa Isaias 57:15.
Upang huwag makabalik ang mga indibiduwal sa maibiging pangangalaga ni Jehova, nais ni Satanas na palitawing wala nang kapatawaran ang mga kasalanang nagawa. Subalit ang haing pantubos ni Kristo Jesus ay sapat upang takpan ang mga kasalanan ng sinuman na nagsisisi—oo, kahit ang namanang pagkamakasalanan ng “buong sanlibutan.” (1 Juan 2:1, 2) Ang tanging kasalanan na hindi natatakpan ng pantubos ay ang kasalanan sa banal na espiritu ng Diyos, na katumbas ng kusang paghihimagsik laban sa pagkilos ng espiritu ng Diyos, gaya niyaong malulubhang kasalanan ni Judas Iscariote at ng maraming eskriba at Fariseo.—Mateo 12:24, 31, 32; 23:13, 33; Juan 17:12.
Itinataguyod ang Katuwiran ni Jehova
Sapol nang ang nalabi ng espirituwal na mga Israelita ay naisauli sa pagsang-ayon ni Jehova noong 1919, sila ay lalong higit na itinaas mula sa sanlibutang nasa palibot. Ito ay hindi dahil sa anumang kabutihan sa kanilang bahagi kundi dahil sa kanilang kusang pagpapasakop sa mga batas at pamantayan ni Jehova. Bilang resulta, milyun-milyong “ibang mga tupa” ni Kristo ang nailapit sa pakikipagsamahan sa espirituwal na Israel bilang tapat na mga kasamahan. (Juan 10:16) Ang mga taong ito ay lumuluwalhati at pumupuri kay Jehova sa isang sanlibutan na napakalayo mula sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos. Ito’y gaya ng napansin minsan ng magasin sa Timog Aprika na Personality: “Ang mga Saksi ni Jehova ay waring hitik na hitik sa mabubuting katangian at halos malaya buhat sa masasama.”
Upang mapanatili ang ganitong itinaas na kalagayan sa isang hindi maka-Diyos na sanlibutan, bawat indibiduwal na miyembro ng Kristiyanong kongregasyon ay nangangailangang mamuhay nang malinis, matuwid na buhay sa harap ni Jehova. Sa Bibliya, ang makalangit na organisasyon ni Jehova ay inilalarawan sa pamamagitan ng malilinis na bagay. Ito ay ipinakikita na gaya ng isang magandang babae na nagagayakan ng araw at nakatuntong sa buwan. (Apocalipsis 12:1) Ang Bagong Jerusalem ay inilalarawan bilang isang banal na lunsod, maganda ang kaanyuan. (Apocalipsis 21:2) Ang tapat na mga miyembro ng kasintahang babae ni Kristo ay binibigyan ng “maningning, malinis, mainam na lino.” (Apocalipsis 19:8) Yaong kabilang sa malaking pulutong ay nakikitang “nadaramtan ng mahahabang damit na puti.” (Apocalipsis 7:9) Ang mga tao na nakahilig sa katuwiran ay naaakit sa isang malinis na organisasyon. Sa kabaligtaran, ang organisasyon ni Satanas ay hindi malinis. Ang kaniyang relihiyosong sistema ay inilalarawan bilang isang patutot, at yaong nasa labas ng banal na lunsod ay inilalarawan bilang marurumi, hindi malilinis.—Apocalipsis 17:1; 22:15.
Ipinapangako ang buhay na walang-hanggan sa mga matuwid. Ang mga taong tinipon na nagtataguyod ng katuwiran ni Jehova ay may pag-asang makaligtas sa katapusan ng balakyot na sistemang ito. “Ang isang nakikinig sa akin . . . ay tatahan sa katiwasayan at hindi mababagabag buhat sa takot sa kasakunaan,” ang pangako ng Diyos sa Kawikaan 1:33.
Tunay na kapana-panabik kapag ang Dakilang Solomon, si Kristo Jesus, ay mamahala sa bagong sanlibutang iyon sa katuwiran, na may pagkatakot kay Jehova! (2 Pedro 3:13) Iyon ay magiging gaya ng liwanag sa umaga kapag ang araw ay sumikat, isang umagang maaliwalas. Ang lahat ng nananahan sa lupa ay tatahan sa katiwasayan, bawat isa ay uupo sa ilalim ng kaniyang sariling punong ubas at punong igos, wika nga. Pagagandahin ng matuwid na lipunan ng tao ang lupa at tatahanan ang kaniyang matuwid na dako sa sansinukob sa walang-hanggang kapurihan ng ating Diyos, si Jehova.—Mikas 4:3, 4; tingnan din ang Isaias 65:17-19, 25.
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Garo Nalbandian