Posible Kaya ang Kapayapaan?
“LAGING may isang lugar na may digmaan. Iyan ang malungkot na katotohanan tungkol sa sangkatauhan.” Ang ganitong negatibong pananaw ay lumabas kamakailan sa isang liham buhat sa isang mambabasa ng magasing Newsweek. Sang-ayon ka ba rito? Hindi nga ba maiiwasan ang digmaan at imposible naman ang kapayapaan? Kung ibabatay natin sa kasaysayan, mahirap na hindi sumagot ng oo sa dalawang tanong na ito. Sapol nang magsimulang mag-ingat ng mga rekord, nasangkot na ang sangkatauhan sa sunud-sunod na digmaan, at ang mga alitan ay naging higit at higit na mapangwasak habang nakatutuklas ang mga tao ng mabibisang paraan ng pagpapatayan.
Hindi naiiba ang ika-20 siglo. Sa katunayan, nasaksihan nito ang pinakamadudugong digmaan kailanman, ngunit nasaksihan din nito ang isang bagay na bago. Limampung taon na ang nakararaan nang ipakilala ng Estados Unidos ang panahong nuklear sa pamamagitan ng paghuhulog ng dalawang bomba atomika sa Hapón. Sa loob ng limang dekada mula noon, nag-imbak na ang mga bansa ng napakaraming nuklear na armas na maaaring pumuksa sa sangkatauhan nang maraming ulit. Ang pag-iral ba ng gayong nuklear na armas ay sa wakas pipigil sa mga tao sa pakikipagdigma? Ang mga pangyayari ang sumasagot. Mula noong 1945 ay milyun-milyon na ang namatay sa mga digmaan—bagaman hindi pa muling nakapaghuhulog ng mga bombang nuklear.
Bakit napakahilig ng sangkatauhan sa digmaan? Bumabanggit ang Encyclopedia Americana ng ilang katangian ng lipunan ng tao na sa kasaysayan ay humantong sa digmaan. Kasali sa mga ito ang di-pagpaparaya sa relihiyon, pagtatangi ng lahi, pagkakaiba ng kultura, nagkakaibang ideolohiya (tulad ng Komunismo at kapitalismo), nasyonalismo at ang doktrina ng pambansang soberanya, mga kalagayan sa ekonomiya, at ang popular na pagtanggap sa militarismo. Kapag binabasa mo ang talaang iyan, may nakikita ka ba na malamang ay magbago sa malapit na hinaharap? Mababawasan kaya ang determinasyon ng mga bansa na ingatan ang kanilang soberanya? Mababawasan kaya ang pagiging makalahi ng mga tao? Mababawasan kaya ang pagkapanatiko ng mga relihiyosong pundamentalista? Malamang na hindi.
Mayroon pa kayang pag-asa, kung gayon, na balang araw ang mga bagay-bagay ay bubuti at magkakaroon ng namamalaging kapayapaan? Oo, may pag-asa. Sa kabila ng kaligaligan sa sanlibutang ito, posibleng kahit ngayon ay makasumpong ng kapayapaan. Milyun-milyon ang nakasumpong nito. Hayaan ninyong sabihin namin sa inyo ang tungkol sa ilan sa mga taong ito at tingnan kung ano ang maaaring kahulugan ng kanilang mga karanasan para sa inyo.
[Picture Credit Line sa pahina 2]
Larawan sa pabalat at pahina 32]: Reuters/Bettmann
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Reuters/Bettman