Ang Paboritong Aklat-Awitan ni Irina
HINDI pa natatagalan, nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova si Irina, isang siyam-na-taóng-gulang na batang babaing buhat sa Sofia, Bulgaria. Mahilig siyang umawit at higit na kinagigiliwan ang mga awit sa aklat na Umawit ng mga Papuri kay Jehova. Kaya naman ginawang tunguhin ni Irina na magsaulo ng ilang awit bawat buwan.
Ang musika ay isa sa mga asignatura sa paaralan na paborito ni Irina. Kaya naman nagtaka ang kaniyang guro sa musika nang tanggihan ni Irina ang alok na umawit kasama ng koro ng paaralan. Bakit tumanggi si Irina? Natanto niya na karamihan sa mga musikang ipaaawit sa kaniya ay lumuluwalhati sa mga pambansang bayani at kapistahan na may mga paganong pinagmulan. Ang ilang awit ay nagrerekomenda pa nga ng paghihimagsik at karahasan upang maitaguyod ang mga pambansang mithiin. Hindi maunawaan ng guro ang paninindigan ni Irina sa ganitong bagay. Kinailangan ni Irina na padalhan ang kaniyang guro ng isang liham na nagpapaliwanag sa kaniyang mga relihiyosong paninindigan—subalit walang nangyari.
May naisip ang ama ni Irina. Binigyan niya ang guro ng isang sipi ng aklat na Umawit ng mga Papuri kay Jehova, na naglalaman ng mga awit na paboritong awitin ni Irina. Makalipas ang ilang araw, ipinatawag si Irina ng kaniyang guro sa loob ng silid-pangmusika. Hiniling niya na awitin ni Irina ang ilan sa kaniyang paboritong awit na galing sa aklat—sa harapan ng kaniyang mga kamag-aral—samantalang siya ay sinasaliwan ng guro sa piyano. Ang pagtatanghal ay nagtagal nang mahigit sa isang oras! Inamin ng guro na ang paboritong aklat-awitan ni Irina ay may magagandang himig.