Ang Aking Panghabang-Buhay na Inaasam—Ang Hindi Mamatay Kailanman
AYON SA PAGKALAHAD NI HECTOR R. PRIEST
“Di na magagamot ang kanser,” sabi ng doktor. “Wala na kaming magagawa para sa iyo.” Iyan ang diyagnosis na ginawa sa akin sampung taon na ang nakararaan. Gayunma’y nananatili pa rin sa akin ang salig-Bibliyang pag-asa na mabuhay magpakailanman sa lupa nang hindi na kailangan pang mamatay.—Juan 11:26.
ANG aking mga magulang ay taimtim na mga Metodista na regular na nagsisimba sa isang munting bayan sa lalawigan, malapit sa bukid ng aming pamilya. Ipinanganak ako sa isang magandang bukiring libis ng Wairarapa, mga 130 kilometro sa gawing hilagang-silangan ng Wellington, New Zealand. Doon ay natatanaw namin ang mga bundok na nababalutan ng niyebe, mga malilinis na ilog sa kabundukan, maliliit na burol, at matatabang kapatagan.
Sa Simbahang Metodista, tinuruan kami na lahat ng mabubuting tao ay pupunta sa langit ngunit ang masasama ay pupunta sa impiyerno, isang dako ng maapoy na pagpapahirap. Hindi ko maunawaan kung bakit sa pasimula ay hindi na lamang inilagay ng Diyos sa langit ang mga tao gayong ibig naman niya na doon sila mabuhay. Palagi kong kinatatakutan ang kamatayan at madalas akong mag-isip kung bakit tayo kailangang mamatay. Noong 1927, nang ako’y 16 na taóng gulang, dumanas ng trahedya ang aming pamilya. Iyon ang umakay sa aking paghahanap ng sagot sa aking mga katanungan.
Bakit Namatay si Reg?
Nang 11 taóng gulang ang kapatid kong si Reg, nagkasakit siya nang malubha. Hindi matiyak ng doktor kung ano ang kaniyang sakit at siya’y hindi matulungan. Tinawag ni Inay ang ministrong Metodista. Ipinanalangin niya si Reg, pero hindi ito nakaaliw kay Inay. Sa katunayan, sinabi niya sa ministro na walang-bisa ang kaniyang mga panalangin.
Nang mamatay si Reg, kahit sino ay kinakausap ni Inay upang matugunan ang kaniyang pagkauhaw sa makatotohanang sagot hinggil sa kung bakit kinailangang mamatay ang kaniyang anak. Samantalang nakikipag-usap sa isang negosyante sa bayan, itinanong niya kung may nalalaman itong anuman tungkol sa kalagayan ng mga patay. Wala siyang alam, pero sinabi niya: “May nag-iwan dito ng isang aklat na maaari kong ibigay sa iyo.”
Iniuwi ni Inay ang aklat at sinimulang basahin iyon. Hindi na niya mabitiwan iyon. Unti-unting nagbago ang kaniyang saloobin. Sinabi niya sa pamilya, “Ito na; ito na ang katotohanan.” Ang aklat ay ang The Divine Plan of the Ages, ang unang tomo sa Studies in the Scriptures. Sa simula’y nag-aalinlangan ako at tinangka kong salungatin ang sinasabi ng aklat tungkol sa layunin ng Diyos. Nang bandang huli ay naubos na ang aking pangangatuwiran.
Pagyakap sa Katotohanan
Naisip ko, ‘Gunigunihin ang buhay na walang-hanggan, na hindi na kailangang mamatay pa!’ Ang gayong pag-asa ang talaga namang aasahan ng isang tao mula sa isang maibiging Diyos. Isang paraisong lupa! Oo, ito na nga ang gusto ko.
Pagkatapos malaman ang mga kahanga-hangang katotohanang ito, si Inay at ang tatlong Kristiyanong sister mula sa Wellington—sina Sister Thompson, Barton, at Jones—ay aalis kung minsan sa loob ng ilang araw, anupat ikinakalat ang binhi ng Kaharian saanmang dako sa mga lalawigan. Bagaman hindi taglay ni Itay ang espiritu ng pagmimisyonero ni Inay, kaniyang sinuportahan siya sa kaniyang gawain.
Kumbinsido ako sa katotohanan, ngunit may panahon na halos wala akong ginawa tungkol sa aking paniniwala. Noong 1935, pinakasalan ko si Rowena Corlett, at dumating ang panahon na kami ay pinagpala ng isang anak na babae, si Enid, at ng isang anak na lalaki, si Barry. Nagtrabaho ako bilang isang mámimili ng mga alagang hayop, anupat bumibili ng libu-libong hayop mula sa mga magsasaka sa palibot. Kapag pinag-uusapan ng mga magsasakang ito ang pulitika, masaya ako kapag sinasabi ko sa kanila: “Wala ni isa sa mga pagsisikap na ito ng mga tao ang magtatagumpay. Ang Kaharian ng Diyos lamang ang tanging pamahalaan na magtatagumpay.”
Nakalulungkot, naging sugapa ako sa tabako; madalas akong may sigarilyo sa bibig. Sumapit ang panahon na humina ang aking katawan, at ako’y naospital dahil sa sakit sa tiyan. Sinabihan ako na malala na ang aking gastroenteritis, bunga ng aking paninigarilyo. Bagaman inihinto ko na ang bisyo, pangkaraniwan na sa akin ang managinip na ako ay humihitit ng hindi nauupos na tabako o sigarilyo. Talaga namang kayhirap ang maging sugapa sa tabako!
Pagkatapos huminto sa pagtatabako, gumawa ako ng iba pang mahahalagang pagbabago. Noong 1939, nang ako’y 28 anyos, nabautismuhan ako sa Ilog Mangatai na malapit sa aming tahanan sa nayon. Si Robert Lazenby, na nang maglaon ay nangasiwa sa gawaing pangangaral sa New Zealand, ay naglakbay buhat pa sa Wellington upang magbigay ng pahayag sa aming tahanan at bautismuhan ako. Mula noon, ako’y naging isang may tibay-loob na Saksi ni Jehova.
Pag-oorganisa ng Gawaing Pangangaral
Kasunod ng aking bautismo ay nahirang ako na maging tagapangasiwa ng Eketahuna Congregation. Hindi pa niyayakap ng aking asawa, si Rowena, ang katotohanan ng Bibliya. Gayunman, ipinaalam ko sa kaniya na aanyayahan ko si Alf Bryant buhat sa Pahiatua upang ipakita sa akin kung papaano magpapatotoo sa bahay-bahay sa tamang paraan. Ibig kong organisahin ang gawaing pangangaral at sistematikong saklawin ang aming teritoryo.
Sinabi ni Rowena: “Hector, kung magpapatotoo ka sa bahay-bahay, hindi mo na ako madaratnan dito pagbalik mo. Iiwan na kita. Narito ang iyong responsibilidad—sa tahanan kasama ng iyong pamilya.”
Hindi ko alam ang gagawin. Bagaman nag-aatubili, ako’y nagbihis. ‘Kailangan kong gawin iyon,’ palagi kong iniisip. ‘Nakasalalay roon ang aking buhay, at gayundin ang buhay ng aking pamilya.’ Kaya tiniyak ko kay Rowena na hindi ko siya ibig masaktan sa anumang paraan. Sinabi ko sa kaniyang mahal na mahal ko siya, ngunit dahil sa ang pangalan at soberanya ni Jehova, gayundin ang aming sariling buhay ay nasasangkot, kailangan kong mangaral sa gayong paraan.
Pumunta kami ni Alf sa unang pintuan, at siya ang nauna sa pagsasalita. Ngunit nasumpungan ko na lamang na ako na ang nagpapatuloy ng pakikipag-usap, anupat sinasabi sa maybahay na ang nangyari noong panahon ni Noe ay larawan ng nangyayari sa ating kaarawan at na kailangan nating gumawa ng isang bagay upang tiyakin ang ating kaligtasan. (Mateo 24:37-39) Nakapag-iwan ako ng ilang buklet doon.
Pag-alis namin, sinabi ni Alf: “Saan mo nakuha ang lahat ng kaalamang iyan? Hindi mo ako kailangan. Makapag-iisa ka na, at doble ang masasaklaw nating teritoryo.” Kaya ganoon ang ginawa namin.
Habang papauwi na kami, hindi ko alam kung ano ang naghihintay sa amin. Sa aking pagkagulat at kagalakan, naghanda si Rowena ng tsa para sa amin. Pagkaraan ng dalawang linggo ay sumama na sa akin ang aking asawa sa pangmadlang ministeryo at naging isang mainam na halimbawa ng Kristiyanong kasigasigan.
Kabilang sa mga unang naging Saksi ni Jehova sa aming bukiring libis ay sina Maud Manser, ang kaniyang mga anak na sina William at Ruby. Ang asawa ni Maud ay isang mabagsik na lalaki na may mabalasik na anyo. Minsan ay dumating kami ni Rowena sa kanilang bukid upang isama si Maud sa ministeryo. Isinaayos ng kabataang si William na gamitin namin ang kaniyang kotse, pero iba ang nasa isip ng kaniyang ama.
Maigting ang situwasyon. Hiniling ko kay Rowena na kargahin ang aming anak na si Enid. Sumakay ako sa kotse ni William at mabilis na pinaandar ang kotse palabas ng garahe samantalang nagmamadali si G. Manser na isara ang pinto ng garahe bago kami makalabas. Pero nabigo siya. Pagkatapos na makalayo nang kaunti buhat sa labas ng garahe, huminto kami, bumaba ako sa kotse upang harapin ang galit na galit na si G. Manser. Sinabi ko sa kaniya: “Pupunta kami sa ministeryo sa larangan, at sasama sa amin si Gng. Manser.” Nakiusap ako sa kaniya, at medyo humupa ang kaniyang galit. Sa paggunita, dapat sana’y hindi ganoon ang aking ginawa, ngunit nang maglaon siya ay naging mas maamo sa mga Saksi ni Jehova, bagaman hindi siya naging Saksi.
Iilan lamang ang mga lingkod ni Jehova nang mga taóng iyon at talaga namang nasiyahan at nakinabang kami buhat sa mga pagdalaw ng buong-panahong mga ministro na nakituloy sa amin sa bukid. Kasali sa mga panauhing ito sina Adrian Thompson at ang kaniyang kapatid na si Molly, na kapuwa nag-aral sa naunang mga klase ng Watchtower Bible School of Gilead para sa mga misyonero at naglingkod sa mga atas sa ibang bansa tulad ng Hapón at Pakistan.
Mga Karanasan sa Panahon ng Digmaan
Noong Setyembre 1939, nagsimula ang Digmaang Pandaigdig II, at noong Oktubre 1940, ipinagbawal ng pamahalaan ng New Zealand ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Marami sa ating Kristiyanong mga kapatid ang napilitang humarap sa mga hukuman ng bansa. Ang ilan ay dinala sa mga kampong bilangguan at inilayo sa kani-kanilang asawa at mga anak. Habang nagpapatuloy ang digmaan, bagaman kami ay may bakahan, naiisip ko kung ako ay ipatatawag para sa serbisyo militar. Pagkatapos ay ipinatalastas na wala nang mga magsasaka ang kukunin mula sa kanilang lupain para sa serbisyo militar.
Nagpatuloy kami ni Rowena sa aming Kristiyanong ministeryo, bawat isa sa amin ay gumugugol ng mahigit 60 oras sa isang buwan sa gawaing pangangaral. Sa panahong ito, nagkapribilehiyo ako na tulungan ang mga kabataang Saksi na nag-iingat ng kanilang Kristiyanong neutralidad. Humaharap ako para sa kanila sa mga hukuman ng Wellington, Palmerston North, Pahiatua, at Masterton. Karaniwan nang may mga miyembro ng klero sa lupong tagakalap, at isang kasiyahan na ilantad ang kanilang di-maka-Kristiyanong suporta sa digmaan.—1 Juan 3:10-12.
Isang gabi nang kami ni Rowena ay nag-aaral ng Ang Bantayan, pinasok kami ng mga detektib. Sa paghahalughog ay natuklasan ang mga literatura sa Bibliya sa aming tahanan. “Mabibilanggo kayo dahil dito,” ang sabi sa amin. Nang ang mga detektib ay sumakay na sa kanilang kotse upang umalis, natuklasan nila na ang mga preno ay naipit at hindi mapaandar ang kotse. Tumulong si William Manser na kumpunihin ang kotse, at hindi na nagbalik ang mga lalaking iyon.
Noong panahon ng pagbabawal, itinatago namin ang mga literatura sa Bibliya sa isang gusali sa liblib na bahagi ng aming bukid. Sa hatinggabi, pumupunta ako sa tanggapang pansangay ng New Zealand at pinupuno ko ng literatura ang aking kotse. Pagkatapos ay iniuuwi ko iyon at itinatago sa aming liblib na lugar. Isang gabi nang ako ay dumating sa sangay upang kunin ang isang lihim na kargada, bigla na lamang nagliwanag ang buong paligid! Sumigaw ang mga pulis: “Nahuli ka namin!” Subalit nakapagtataka, pinakawalan nila ako nang walang gaanong pagtutol.
Noong 1949, ipinagbili namin ni Rowena ang bukid at kami’y nagpasiyang magpayunir hanggang sa maubos ang aming pera. Lumipat kami sa isang bahay sa Masterton at nagpayunir kasama ng Masterton Congregation. Hindi natapos ang dalawang taon at naitatag ang Featherston Congregation na may 24 na aktibong mamamahayag, at ako’y naglingkod bilang punong tagapangasiwa. Pagkatapos, noong 1953, tinamasa ko ang pribilehiyo na maglakbay sa Estados Unidos upang dumalo sa walong-araw na internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Yankee Stadium sa New York City. Hindi nakasama sa akin si Rowena dahil kinailangang alagaan niya ang aming anak na si Enid, na may cerebral palsy.
Pagkabalik ko sa New Zealand, kinailangan kong kumuha ng sekular na trabaho. Bumalik kami sa Masterton Congregation, kung saan ako ay nahirang na punong tagapangasiwa. Nang panahong ito ay binili ni William Manser ang Little Theater sa Masterton, at ito ang naging unang Kingdom Hall sa Wairarapa. Noong dekada ng 1950, tinamasa ng aming kongregasyon ang mahusay na pagsulong sa espirituwal at sa bilang. Kaya naman, kapag dumadalaw ang tagapangasiwa ng sirkito, malimit niyang pasiglahin ang mga may-gulang na lumipat sa ibang bahagi ng bansa upang tumulong sa gawaing pangangaral doon, at marami ang gumawa ng gayon.
Ang aming pamilya ay nanatili sa Masterton, at nang sumunod na mga dekada, hindi lamang ako nagkaroon ng maraming pribilehiyo sa kongregasyon kundi nagkaroon din ng mga atas kapuwa sa mga nasyonal at internasyonal na kombensiyon. Si Rowena ay masigasig na nakibahagi sa paglilingkod sa larangan, sa tuwina’y tumutulong sa iba na gawin din ang gayon.
Pagbabata ng mga Pagsubok sa Pananampalataya
Gaya ng binanggit sa pambungad, noong 1985, nasuri na ako ay may di na magagamot na kanser. Talagang gustung-gusto ko at ng aking asawang si Rowena, kasama ng aming mga anak, na makabilang sa milyun-milyong nabubuhay ngayon na hindi na mamamatay kailanman! Subalit pinauwi ako ng mga doktor upang mamatay. Gayunman, tinanong muna nila ako kung ano ang pangmalas ko sa naging diyagnosis.
“Magiging mahinahon ako at positibo,” ang sagot ko. Sa katunayan, ang kawikaan sa Bibliya ang siyang naging pangkalmante sa akin: “Ang kalmadong puso ang siyang buhay ng organismong laman.”—Kawikaan 14:30.
Pinuri ng mga espesyalista sa kanser ang payong iyan ng Bibliya. “Ang ganiyang kaisipan ang siyang 90 porsiyento ng lunas sa mga pasyenteng may kanser,” ang sabi nila. Inirekomenda rin nila ang pitong sanlinggo ng paggamot sa pamamagitan ng radyasyon. Nakaliligaya naman, nang dakong huli ay naging matagumpay ako sa pakikipagpunyagi sa kanser.
Sa mahirap na panahong ito, matinding dagok ang tumama sa akin. Ang aking maganda at tapat na asawa ay nagkaroon ng pagdurugo sa utak at siya’y namatay. Nakasumpong ako ng kaaliwan sa halimbawa ng mga tapat na nakaulat sa Kasulatan at kung papaano nilutas ni Jehova ang mga bagay-bagay para sa kanila hangga’t sila’y nananatiling tapat. Sa gayon, nanatiling maaliwalas ang aking pag-asa sa bagong sanlibutan.—Roma 15:4.
Gayunpaman, ako’y nanlumo at ibig ko nang huminto sa paglilingkod bilang isang matanda. Pinasigla ako ng lokal na mga kapatid hanggang sa magkaroon ako ng lakas upang magpatuloy. Bunga nito, nakapaglingkod ako ng patuluyan bilang isang Kristiyanong matanda at tagapangasiwa sa nakalipas na 57 taon.
Nakaharap sa Kinabukasan Taglay ang Pagtitiwala
Isang di-matutumbasang pribilehiyo ang paglilingkod kay Jehova sa lahat ng mga taóng ito. Ano ngang daming pagpapala ang tinamasa ko! Waring hindi pa natatagalan nang, bilang isang 16-anyos, narinig ko ang ibinulalas ng aking ina: “Ito na; ito na ang katotohanan!” Nanatiling tapat at masigasig na Saksi ang aking ina hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1979, nang siya’y mahigit nang 100 taóng gulang. Ang kaniyang anak na babae at anim na anak na lalaki ay naging tapat na mga Saksi rin naman.
Ang aking matinding hangarin ay ang mabuhay upang makitang ang pangalan ni Jehova ay malaya buhat sa lahat ng upasala. Makakamtan ko kaya ang panghabang-buhay kong inaasam na hindi mamatay kailanman? Mangyari pa, hindi natin alam. Gayunman, may tiwala ako na marami, oo, milyun-milyon ang sa bandang huli ay makararanas ng pagpapalang iyan. Kaya hangga’t ako’y nabubuhay, pahahalagahan ko ang pag-asa na makabilang doon sa mga hindi na mamamatay kailanman.—Juan 11:26.
[Larawan sa pahina 28]
Ang aking ina
[Larawan sa pahina 28]
Kasama ang aking kabiyak at mga anak