Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 4/15 p. 22-27
  • Pagpapalawak na May Pagpapala ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagpapalawak na May Pagpapala ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Isang Programang Nakapagpapasigla ng Puso
  • Ang mga Gusaling Inialay
  • Bakit Kailangan ang Higit Pang Pabahay
  • Ang Kasaysayan sa Likod ng 90 Sands
  • Kitang-kita ang Pagpapala ni Jehova
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 4/15 p. 22-27

Pagpapalawak na May Pagpapala ni Jehova

BINIGYANG-DIIN ng isang programa sa pag-aalay noong gabi ng Setyembre 18, 1995 na tunay na pinagpala ng Diyos na Jehova ang pagpapalawak ng kaniyang mga Saksi sa kinaroroonan ng kanilang pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn, New York.

Mahigit na 6,000 ang nakinig sa programa ng pag-aalay. Nagtipon sila sa Brooklyn, kung saan nagpasimula ang programa, gayundin sa ibang lokasyon, kasali na ang malalaking pasilidad ng mga Saksi ni Jehova malapit sa Patterson at Wallkill, New York, at sa kanilang sangay na malapit sa Toronto, Canada. Yaong nasa mga lugar bukod sa Brooklyn ay nakarinig ng mga kaganapan sa pamamagitan ng kawing ng mga linya ng telepono.

Isang Programang Nakapagpapasigla ng Puso

Ang mga Bethelite, gaya ng tawag sa mga boluntaryong manggagawa, na nakikinig sa programa ay bumubuo ng malaking bahagi ng pandaigdig na pamilyang Bethel na may mahigit sa 16,400 miyembro. Ang gayong mga miyembro ay naglilingkod sa mga isang daang bansa, kung saan naglilimbag sila ng mga literatura sa Bibliya at naglalaan ng tulong na mga serbisyo para sa mahigit na 78,600 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa daigdig.

Matindi ang pananabik nang magsimula ang programa sa pag-aalay sa ganap na 6:30 n.g. sa pamamagitan ng isang awit, na sinundan ng panalangin ni Karl Klein. Ang lahat ay malugod na tinanggap ng chairman sa programa, si Lloyd Barry, sa pamamagitan ng maiikling komento sa kahalagahan ng okasyon. Nirepaso ni Albert Schroeder ang aralin sa Bantayan para sa linggong iyon, at saka nagsalita si Daniel Sydlik sa temang “Ang Ating Sagradong Paglilingkuran sa Bethel.” Ang mga naunang ito sa programa ay pawang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova.

Ang sumunod na dalawang bahagi ng programa​—“Pagtugon sa Ating Lumalaking Pangangailangan ng Tuluyan, 1974-​1995,” at “Mga Tampok na Pangyayari sa Pagpapaayos ng Bethel at Konstruksiyon sa Brooklyn”​—ay naglarawan ng mga tampok na pangyayari sa konstruksiyon at pagbili ng mga gusali na inialay. Ang mga pahayag ay nagtuon ng pansin sa katatapos na gusaling tirahan na tinutuluyan ngayon ng mga isang libong Bethelite. Ang 115-metro-ang-taas na tahanang ito sa 90 Sands Street ay karatig ng mga pasilidad sa paglilimbag.

Itinampok sa programa ang pahayag sa pag-aalay na ibinigay ni Milton Henschel, ang presidente ng Watch Tower Bible and Tract Society. Idiniin niya ang mga saligan sa Bibliya para sa pag-aalay ng mga gusali na gagamitin sa paglilingkuran kay Jehova. Pagkatapos ng isang awit ay tinapos ang programa sa pamamagitan ng panalangin ni Carey Barber, isa ring miyembro ng Lupong Tagapamahala. Subalit ano ang ilan sa mga tampok na bahagi ng programa?

Ang mga Gusaling Inialay

Ipinaliwanag ng tagapangasiwa ng Bethel Home, si George Couch, na 17 tirahan ang naidagdag na sapol noong huling ialay ang isang tirahan sa Bethel sa Brooklyn noong Mayo 2, 1969.a Ang mga ito ay alinman sa mga bagong tayóng tahanan o mga gusali na binili at inayos. Ang pag-aalay na ito ay talagang para sa 17 tirahang ito, sa dalawang maliit na gusali​—na binili noong dekada ng 1940 ngunit binago bilang mga tirahang Bethel​—gayundin sa mga pasilidad sa pagawaan at tanggapan na itinayo o binili mula nang ialay ang mga tanggapang pampangasiwaan ng mga Saksi ni Jehova noong Marso 15, 1982.b

Ang pinakamalaki sa mga gusaling inialay ay yaong nasa 360 Furman Street. Unang itinayo noong 1928, ito’y binili ng mga Saksi ni Jehova noong Marso 15, 1983, at lubusang inayos. Ito ay may 93,000 metro kudradong espasyo ng sahig, o halos 9 na ektarya. Ang iba pang gusali na kasali sa pag-aalay ay ang pagawaan sa 175 Pearl Street at ang malalaking garahe na itinayo noong mga nakaraang taon.

Bakit Kailangan ang Higit Pang Pabahay

Noong 1969, nang ialay ang huling tirahan sa Brooklyn Bethel, may pinakamataas na bilang na 1,336,112 Saksi na nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa buong daigdig. Ngunit noong 1995 ay may 5,199,895 na gumagawa nang gayon, dumami nang mahigit sa tatlo at kalahating ulit! Kaya, upang umalinsabay sa lumalaking pangangailangan para sa literatura sa Bibliya, ang pamilyang Bethel sa Brooklyn ay lumaki mula sa 1,042 regular na miyembro noong 1969 tungo sa mahigit sa 3,360, na ngayo’y nasa 22 tirahan!

Tinalakay ni George Couch kung papaano natugunan ang pangangailangan para sa karagdagang pabahay mula noong 1974 hanggang 1995. Maaga noong dekada 1970, ang ilang palapag sa karatig na Towers Hotel ay inupahan ng mga Saksi ni Jehova upang matirahan ng lumalaking pamilyang Bethel. Noong Disyembre 1973, si Nathan Knorr, na noo’y presidente ng Samahang Watch Tower, ay sumulat kapuwa sa Bethel Office at sa pangasiwaan ng Towers, anupat sinabing ang Samahan ay nagbabalak na ‘umalis sa Towers Hotel pagsapit ng Oktubre 1, 1974.’

Sinabi ni Brother Couch na nabigla siya sapagkat walang paglilipatan sa mga Bethelite na nakatira sa Towers. Nabigla rin ang pangasiwaan ng Towers, yamang umaasa sila sa salaping upa ng Samahan upang makabayad sila sa mga gastusin. Ang resulta ay na hinimok ng pangasiwaan ng Towers ang mga Saksi ni Jehova na bilhin ang hotel. “Dumarami kayo mula nang mapunta kami rito,” sabi nila, “at kailangan ninyo ang gusali.”

“Punô iyon ng mga nangungupahan,” ang sagot ng mga kinatawan ng Samahan. “Kung bibilhin namin iyon, gusto naming ilagay ang mga tauhan namin doon.”

“Ipababakante namin ang gusali para sa inyo,” ang pangako ng pangasiwaan ng Towers. Buweno, di-nagtagal pagkatapos ay binili ng mga Saksi ni Jehova ang gusali ng Towers sa angkop na halaga. “Bakit isinulat ni Brother Knorr ang liham na iyon?” ang tanong ni Couch sa kaniyang wiling-wiling mga tagapakinig. “Malamang na siya mismo ay hindi nakaaalam, pero dahil doon ay nabili ng Samahang Watch Tower ang Towers Hotel.”

Inilahad din ng tagapagsalita kung papaano nabili ng mga Saksi ni Jehova ang 97 Columbia Heights, ang dating lugar ng sikát na Margaret Hotel, na katapat lamang ng orihinal na Tahanang Bethel. Maganda ang lokasyon, yamang madali itong maiuugnay sa Bethel complex sa pamamagitan ng isang lagusan sa ilalim ng kalye. Noong Pebrero 1980, nang binabago ang ayos ng gusali, nasunog iyon. Pagkatapos, dahil sa ang may-ari ay nahihirapang makapagpatayo ng isang bagong gusali sa dakong iyon, ipinagbili niya ang pag-aari sa mga Saksi ni Jehova.

Sabi ni Brother Couch: “Halos lahat ng mga gusaling ito ay may kawili-wiling kasaysayan sa likod niyaon na nagtuturo ng isang bagay​—na ang Diyos na Jehova ang umaakay sa nakikitang organisasyon upang mabili ang partikular na gusaling iyon.”

Ang Kasaysayan sa Likod ng 90 Sands

Ang pinakabago at ang pinakamalaking tirahan ay ang 90 Sands Street. Nang mabili ng mga Saksi ni Jehova ang pag-aaring ito noong Disyembre 1986, ito ay kinatitirikan ng isang malaking pagawaan sa 160 Jay Street.c Giniba ang pagawaan, at noong Agosto 30, 1990, sinabihan ang pamilyang Bethel na ibinigay na ang permiso para magtayo ng isang 30-palapag na pasilidad na tirahan sa lugar na iyon.

Sa isang panayam na isinagawa ng miyembro ng Lupong Tagapamahala na si Theodore Jaracz, inilarawan ng factory overseer ng Samahan sa Brooklyn, si Max Larson, kung papaano ipinagkaloob ang permiso para sa pagtatayo ng tirahan sa 90 Sands Street. Ipinaliwanag ni Brother Larson na ang nangyari noong 1965 ay napakahalaga.

Noon ay ibig ng Samahan na magtayo ng isang sampung-palapag na pagawaan sa isang bloke na katabi ng iba pa nitong pagawaan, ngunit ang pagsona sa blokeng iyon ay nagpahintulot lamang sa pagtatayo ng dalawang palapag. Pumayag ang isang arkitekto na gumawa ng plano para sa pagtatayo ng bagong iminungkahing pagawaan, ngunit sinabi niya: “Hindi ako lalagay sa alanganin sa pamamagitan ng paghaharap niyaon sa lupon.” Kumbinsido siya na hindi babaguhin ng Board of Standards and Appeals ang kanilang mga regulasyon sa pagsosona para sa loteng iyon. Nang aprobahan ang mga plano para sa pagtatayo, naibulalas niya: “Papaano ninyo nagawa iyon!”

Ang dahilan, patuloy ni Larson, ay nang muling sonahin ang bloke para sa ating sampung-palapag na pagawaan, ang mga karatig na bloke ay muli ring sinona, kasali na yaong gusali sa 160 Jay Street. At, nakapagtataka, sa muling pagsosona ay nagkaroon ng dako para sa isang otel. Ngunit, sabi na Larson, walang nakapansin ng bagay na iyon​—sa papaano man hanggang sa makalipas ang 25 taon, pagkatapos na magsimulang humanap ng lugar para sa pagtatayo ng isang bagong tahanang Bethel. Nang magkagayon ay muling natuklasan ang regulasyon sa pagsosona!

Ipinaliwanag ni Brother Larson kung ano ang nangyari: “Nang ihanda namin ang plano para sa ating 30-palapag na tirahan at dalhin iyon sa kagawaran para sa mga gusali, sinabihan kami: ‘Hindi kayo puwedeng magtayo ng tirahan doon. Iyon ay para sa mga pagawaan, at hindi nila babaguhin ang sona para sa inyo.’

“ ‘Hindi nila kailangang baguhin iyon,’ ipinaalam namin sa mga opisyal. ‘Nasona na iyon para sa isang hotel.’ Nang tingnan nila ang mga rekord, hindi sila makapaniwala! Buweno, ganiyan natin naipatayo ang ating 30-palapag na gusali,” ang pagtatapos ni Larson.

Kitang-kita ang Pagpapala ni Jehova

Isang salmista ng Bibliya ang sumulat: “Malibang si Jehova mismo ang magtayo ng bahay, walang kabuluhan na ang mga nagtayo ay puspusang gumawa ukol doon.” (Awit 127:1) Maliwanag, pinagpala ni Jehova ang gawaing pagtatayo ng mga Saksi ni Jehova upang padaliin ang pambuong-daigdig na pangangaral at pagtuturo na iniutos ni Jesus na gawin ng kaniyang mga tagasunod.​—Mateo 24:14; 28:19, 20.

Yaong nagkapribilehiyo na marinig ang programa noong Setyembre 18, 1995, ay tuwang-tuwa sa katunayan ng gayong pagpapala sa paglawak ng pandaigdig na punung-tanggapan ng mga lingkod ni Jehova. Makatitiyak ang bayan ni Jehova sa kaniyang patuloy na pagpapala habang patuloy nilang ginagawa ang iniuutos niya.

[Mga talababa]

a Ang Bantayan, Disyembre 15, 1969, pahina 741-44.

b The Watchtower, Disyembre 1, 1982, pahina 23-31.

c Gumising! ng Disyembre 22, 1987, pahina 16-18.

[Larawan sa pahina 23]

90 Sands St. • 1995

[Mga larawan sa pahina 24, 25]

Ang ilan sa karagdagang tirahan na inialay

97 Columbia Hts. • 1986

Bossert Hotel, 98 Montague St. • 1983

34 Orange St. • 1945

Standish Hotel, 169 Columbia Hts. • 1981

67 Livingston St. • 1989

108 Joralemon St. • 1988

Towers Hotel, 79-99 Willow St. • 1975

[Mga larawan sa pahina 26]

175 Pearl St. • 1983

69 Adams St. • 1991

360 Furman St. • 1983

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share