Mga Saksi Hanggang sa Pinakamalayong Bahagi ng Lupa
ETAH
THULE
GODHAVN
GODTHÅB
JULIANEHÅB
ANGMAGSSALIK
ANG Thule ay bahagi ng isang pangalan na ginamit sapol noong unang panahon upang ilarawan ang pinakahuling hantungan, tungkol man sa heograpiya o sa ibang bagay. Sa ngayon ang Thule ay pangalan ng isang pamayanan sa gawing dulong hilaga ng Greenland, ang pinakamalaking isla sa daigdig. Itinawag ang gayon sa pamayanan noong 1910, nang gamitin ito ng manggagalugad na taga-Denmark na si Knud Rasmussen bilang himpilan para sa mga ekspedisyon sa rehiyon ng polo. Maging sa ngayon, ang pagtungo sa Thule ay maituturing na isang ekspedisyon sa halip na pamamasyal.
Sa kabila nito, may apurahang pangangailangan ukol sa mga ekspedisyon sa Thule. Bilang pagsunod sa utos ni Jesus: ‘Maging mga saksi ko . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa,’ ang mga Saksi ni Jehova ay sabik na magdala ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa lugar na ito, isa sa mga permanenteng pamayanan ng tao na nasa dulong hilaga ng lupa.—Gawa 1:8; Mateo 24:14.
‘Kailan Tayo Makakapunta sa Thule?’
Noong 1955 ay dumating sa Greenland ang dalawang Saksing taga-Denmark na gustong magkabahagi sa pangangaral “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” Nang maglaon ay dumating ang iba, at unti-unti ay nasaklaw ng kanilang pangangaral ang timugan at kanlurang baybayin hanggang sa Melville Bay at patungo sa ilang bahagi ng silangang baybayin. Subalit ang malalayong lugar na gaya ng Thule ay naaabot lamang sa pamamagitan ng sulat o telepono.
Isang araw noong 1991, si Bo at ang kaniyang asawa, si Helen, dalawang buong-panahong ministro, ay nakatayo sa ibabaw ng isang malaking bato samantalang nakapanunghay sa Melville Bay. Habang nakatingin sa hilaga ay naisip nila, ‘Kailan kaya tayo makakapunta sa Thule upang maihatid ang mabuting balita sa mga tao roon?’
Noong 1993, si Werner, isa pang buong-panahong ministro, ay lakas-loob na tumawid sa Melville Bay sakay ng kaniyang 5.5 metrong lantsa na Qaamaneq (Liwanag). Nakapaglayag na siya ng 1,200 kilometro buhat sa Godthåb hanggang sa lugar ng Upernavik. Gayunpaman, ang pagtawid sa Melville Bay—400 kilometro ng malawak na tubig sa polong hilaga—ay iba na namang bagay. Sa kalakhang bahagi ng taon, ang look ay nahaharangan ng yelo. Nagtagumpay si Werner sa pagtawid sa look, bagaman nasiraan siya ng isang makina dahilan sa yelo. At nakapangaral siya nang kaunti bago kinailangan na siya ay bumalik.
Pagtungo sa Thule
Pagkatapos ng biyaheng iyon, nagsimulang magplano ng panibago si Werner. Kinausap niya sina Arne at Karin—na nagmamay-ari rin ng isang lantsa, isa na may habang 7 metro at may apat na kamarote at, higit sa lahat, may modernong kagamitan sa nabigasyon—tungkol sa magkasamang paglalakbay patungong Thule. Ang mga lantsa ay maglalaan ng matutuluyan, at dahil sa dalawang lantsa ang magkasamang bibiyahe, hindi gaanong mapanganib ang pagtawid sa Melville Bay. Upang masaklaw ang pangunahing bayan na may 600 naninirahan at ang anim na pamayanan doon, kailangan nila ng karagdagang tulong. Kaya inanyayahan nilang sumama sina Bo at Helen at sina Jørgen at Inge—pawang makaranasang mga ministro na sanáy sa paglalakbay sa bansang ito. Lima sa grupong ito ay nagsasalita rin ng Greenlandic.
Sila ay patiunang nagpadala ng mga suplay ng literatura sa Bibliya. Ang mga lantsa man ay kinargahan ng literatura, gayundin ng kinakailangang mga panustos na pagkain at tubig, gasolina, isang reserbang makina, at isang maliit na bangkang goma. Pagkatapos, noong Agosto 5, 1994, pagkalipas ng ilang buwan na paghahanda, ang grupo ay nagtipon at ang dalawang lantsa ay handa na at mayroon nang kargada sa daungan ng Ilulissat. Ang biyahe patungong hilaga ay nagsimula na. Sina Werner, Bo, at Helen ay naglayag sakay ng mas maliit na lantsa. “Ang tanging magagawa mo ay ang maupo o mahiga sa iyong kamarote at humawak sa isang bagay,” sulat ni Bo. Tunghayan natin ang talaarawan ng paglalayag.
“Napakalawak ng payapang dagat. Maririkit na mga tanawin ang tumambad sa aming mga mata—ang nangingislap na dagat, kimpal-kimpal na ulap, maningning na araw at bughaw na kalangitan, malalaking tipak ng yelo na may pinakakaakit-akit na mga hugis at kulay, isang kulay kayumangging walrus na nagpapaaraw sa ibabaw ng isang malapad na piraso ng yelo na nakalutang sa tubig, ang dalampasigan na may makulimlim na mga tagaytay ng bundok at maliliit na kapatagan—ang pagbabago ng tanawin ay walang katapusan.
“Sabihin pa, ang pinakakawili-wiling bahagi ay ang pagdalaw sa mga pamayanan na nadaraanan. Laging may mga tao, karaniwan na ay mga bata, doon sa pantalan upang tingnan kung sino ang mga bisita at upang salubungin sila. Namahagi kami ng literatura sa Bibliya at nagpahiram sa mga tao ng isang video tungkol sa ating organisasyon. Marami ang nakapanood nito bago kami umalis. Sa Timog Upernavik, maraming tao ang naglayag patungo sa aming mga lantsa bago pa man kami dumating. Kaya sa buong magdamag, kami ay may mga bisita sa lantsa at sumagot ng maraming tanong sa Bibliya.”
Ngayon, pagkatapos ng unang 700 kilometrong paglalakbay, ang dalawang lantsa ay handa nang tumawid sa Melville Bay.
Ang Mapanganib na Hamon
“Itinuturing ito ng karamihan bilang ang mapanganib na bahagi ng paglalakbay. At kailangan ay walang hinto ang aming pagtawid dahil ang pamayanan ng Savissivik (kung saan magsisimula ang teritoryo at kung saan makasusumpong sana kami ng kanlungan) ay nahaharangan pa rin ng yelo.
“Kaya nagsimula kaming tumulak. Yamang maraming yelo, naglayag kami sa bandang gitna ng dagat. Mabuti na lamang, payapa ang katubigan. Sa loob ng ilang oras ay walang anumang nangyari—anupat binabagtas nang milya-milya ang karagatan. Kinagabihan ay natanaw namin ang Cape York at kami’y dahan-dahang lumiko nang pahilaga, malapit sa katihan. Ngayon ay may yelo na naman—matagal na, makapal, at may natitibag na mga piraso sa lawak na hanggang sa matatanaw ng mata. Matagal kaming namaybay sa gilid ng yelo, kung minsan ay nagmamaniobra sa makikipot na daanan. Pagkatapos ay nandiyan din ang ulap, na parang abuhing sopas, na pantangi ang ganda sa liwanag ng papalubog na araw. At ang mga alon! Mga ulap, alon, at mga yelo ay sabay-sabay na naroon—alinman sa mga ito ay sapat nang hamon.”
Ang Pagtanggap sa Amin
“Nakarating kami sa payapang katubigan habang kami ay papalapit sa Pituffik. Ang paglalang ay malugod na tumanggap sa amin: ang araw na nasa isang bughaw na bughaw na kalangitan; sa harapan namin, ang malawak, nangingislap na katubigang tawiran, na nakakalatan ng lumulutang na mga bundok na yelo; at sa banda pa roon ay ang pambihirang hugis ng malaking bato ng Dundas—ang dating Thule!” Pagkatapos ng mga 100 kilometro pa patungong hilaga, narating ng mga manlalakbay ang kanilang huling destinasyon.
Ngayon ay sabik na silang magsimulang mangaral sa bahay-bahay. Ang dalawa sa kanila ay nakatanggap ng magaspang na tugon sa unang pintuan na kanilang pinuntahan. “Kami ay tinanggihan na gaya nang kami’y nasa Denmark,” ang sabi nila. “Subalit ang karamihan ay malugod na tumanggap sa amin. Ang mga tao ay palaisip at maraming nalalaman. Ang ilan ay nagsabi na narinig na nila ang tungkol sa amin at natutuwa sila na sa wakas ay dumating kami. Nakilala namin ang ilang kahanga-hangang tao, gaya ng mga nanghuhuli ng poka na naglalakbay sa Polong Hilaga, at mga katutubo, na kontento na at matitipid at sa wari ay may negatibong pananaw sa modernong sibilisasyon.”
Sa sumunod na ilang araw ay nagkaroon ng magagandang karanasan ang lahat. Saanman ay may pagpapahalagang tinanggap ang literatura sa Bibliya. Ang mga Saksi ay nakapagpasimula agad ng mga pag-aaral sa Bibliya sa maraming tahanan. Inilahad ni Inge ang tungkol sa isang tahanan kung saan nakasumpong siya ng interesado: “Yaon ay isang malinis at maalwang bahay na may iisang silid. Sa loob ng tatlong araw na sunud-sunod, dinalaw namin ang malumanay na lalaki na naninirahan doon at napamahal siya sa amin. Siya ay talagang nanghuhuli ng poka, anupat may kayak sa labas ng bahay niya. Nakabaril na siya ng maraming oso, walrus, at, siyempre pa, ng mga poka na naninirahan sa gawing polo. Sa aming huling pagdalaw, nanalangin kaming kasama niya, at namuo ang mga luha sa kaniyang mga mata. Ngayon ay kailangang ipaubaya namin ang lahat kay Jehova at umasa na magkaroon ng panahon at pagkakataon na makabalik.”
Ang Thule ay madalas na dalawin ng mga Eskimo na taga-Canada. Ganito ang sabi ni Inge: “Nakatagpo namin ni Helen ang maraming Eskimo na galing sa Canada. Kapansin-pansin na nakakausap nila ang mga taga-Greenland; waring magkakatulad ang mga wika ng mga tao sa polong Hilaga. Bagaman may sariling nasusulat na wika ang mga Eskimo na taga-Canada, nababasa nila ang ating literatura sa Greenlandic. Ito ay magbubukas ng kapana-panabik na mga pagkakataon para sa kanila.”
Ang mga pamayanan na nilalakbay nang mga 50 hanggang 60 kilometro sa pamamagitan ng lantsa ay dinalaw din. “Sa pagtungo namin sa pamayanan ng Qeqertat, naglayag kami malapit sa baybayin, anupat umaasa na makasusumpong ng mga tao na nanghuhuli ng narwhals. Gaya ng inaasahan, sa isang malaking bato na wari’y isla, nasumpungan namin ang isang grupo, na binubuo ng tatlo o apat na pamilya, may mabalahibong damit, kasama ng kanilang mga tolda at kayak. Hawak ang salapang, ang mga lalaki ay nagpapalitan sa pag-upo sa isang bato upang abangan ang totoong kanais-nais na mga narwhal. Palibhasa’y di-matagumpay ang kanilang maraming araw na pag-aabang, hindi sila natuwa sa pagkakita sa amin dahil baka maitaboy namin ang mga balyena! Para bang may sarili silang daigdig. Tumanggap ng literatura ang mga babae, subalit hindi iyon ang tamang panahon para sa higit pang pag-uusap. Sa wakas ay nakarating kami sa Qeqertat sa ganap na alas-11 ng gabi at natapos ang aming huling pagdalaw sa pamayanan sa ganap na alas-2 ng madaling araw!”
“Sa wakas ay nakarating kami sa Siorapaluk, ang pinakadulong-hilagang pamayanan sa Greenland. Iyon ay naroroon sa isang mabuhanging baybayin sa paanan ng ilang luntian, nababalutan-ng-damo na malalaking bato na kung hindi gayon ay isang tigang na kapaligiran.” Ang mga Saksi ay literal na nakarating sa pinakamalalayong bahagi ng lupa, kahit man lamang sa pahilagang direksiyon, sa kanilang pangangaral.
Natapos ang Paglalakbay
Natapos ng mga Saksi ang kanilang gawain. Nakapangaral sila sa bahay-bahay at sa tolda-tolda, anupat nakapagpasakamay ng literatura, nakakuha ng mga suskrisyon, nakapagpalabas ng mga video, nakipag-usap sa maraming taga-Greenland, at nakapagdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Panahon na ngayon upang umuwi. “Nang makasakay na kami sa aming maliit na bangka nang gabing iyon upang gumaod palayo sa pamayanan ng Moriusaq, may ilang tao na naroroon sa baybayin upang tunghayan ang aming paglisan, anupat iwinawagayway ang mga aklat o mga brosyur na kanilang nakuha.”
Di-nagtagal, sa isang iláng na bahagi ng dalampasigan, nagulat ang mga Saksi nang makita ang isang tao na kumakaway buhat sa isang malaking bato—doon sa gitna ng ilang! “Sabihin pa, nagtungo kami sa dalampasigan upang puntahan siya. Siya pala ay isang kabataang lalaki buhat sa Berlin, Alemanya, na lumilibot sa baybayin sakay ng kaniyang kayak at isang buwan nang naglalakbay. Siya ay palaging nakakausap ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanya at marami siyang aklat na galing sa kanila. Gumugol kami ng ilang oras sa kaniya, at siya ay totoong humanga nang makita ang mga Saksi sa gayong lugar.”
Sa pamayanan ng Savissivik, na nilampasan sa pasimula ng paglalakbay, ang mga naglalakbay na ministro ay malugod na tinanggap. Ang ilan doon ay tumanggap at bumasa ng literatura noong nakaraang taon, at sila’y nagnanais ng higit pang espirituwal na pagkain.
Ang pabalik na pagtawid sa Melville Bay ay gumugol ng 14 na oras. “Nasaksihan namin ang paglubog ng araw, na sa dakong ito ay nagaganap nang maraming oras, na may kahanga-hangang mga kulay na patuloy na nagbabago. Ang pagsikat ng araw, na kasunod agad nito, ay nagaganap din nang matagal. Samantalang ang naghahalinhinang pula at krimson na mga kulay ng papalubog na araw ay laganap pa rin sa hilagang-silangang kalangitan, ang araw ay sumikat na nang kaunti sa timog. Ito ay isang tanawin na imposibleng ilarawan—o kahit ilitrato—nang gayung-gayon.” Ang grupo ay magdamag na gising.
“Nang makarating kami sa Kullorsuaq, kami ay pagod na pagod. Subalit kami ay maligaya at nasisiyahan. Matagumpay naming natapos ang paglalakbay! Sa natirang bahagi ng biyahe, nakasumpong kami ng maraming interesado sa mga bayan at pamayanan na nasa kahabaan ng baybayin. Kadalasan ay inuulit ang tanong, ‘Bakit hindi na lang magpaiwan dito ang ilan sa inyo? Nalulungkot kaming makitang aalis na kayo kaagad!’ ”
Isang palakaibigang pamilya sa Qaarsut ang nag-anyaya sa lima sa mga bisita na kumain na kasama nila. “Gusto ng pamilya na doon kami magpalipas ng gabi. Subalit yamang ang mas mahuhusay na daungan ay nasa layong 40 kilometro pa, tumanggi kami at nagpatuloy sa paglalayag. Pagkaraan ay nabalitaan namin na isang malaking tipak ng yelo ang natibag maaga noong kinaumagahan, at isang daluyong ang nagtaob sa 14 na maliit na bangka na naroon sa pinanggalingan namin!”
Sa wakas, ang grupo ay nakabalik sa Ilulissat, anupat natapos ang kanilang ekspedisyon sa Thule. Halos kasabay ng panahong iyon, dalawa pang mamamahayag ang naglakbay patungo sa malalayong bahagi ng silangang baybayin ng Greenland. Sa dalawang paglalakbay na iyon, ang mga mamamahayag ay nakapamahagi sa kabuuan ng 1,200 aklat, 2,199 na brosyur, at 4,224 na magasin, at nakakuha sila ng 152 suskrisyon. Pinananatili ngayon ang pakikipag-ugnayan sa bagong mga interesado sa pamamagitan ng telepono at liham.
Bagama’t kasangkot ang panahon, lakas, at salapi, ang mga Saksi ni Jehova ay nakasusumpong ng malaking kagalakan sa pagtupad sa utos ng kanilang Panginoon na ‘maging mga saksi ko . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.’—Gawa 1:8.
[Kahon sa pahina 28]
Sa Silangang Baybayin ng Greenland
SA PANAHON na ang grupo ng mga mamamahayag ay nakarating sa Thule, halos noon din naglakbay ang mag-asawang Saksi, sina Viggo at Sonja, patungo sa isa pang di-nagagawang teritoryo—ang Ittoqqortoormiit (Scoresbysund) na nasa silangang baybayin ng Greenland. Upang makarating doon ay kinailangang maglakbay sila patungong Iceland, sumakay ng eroplano pabalik sa Constable Point na nasa baybayin ng Greenland, at pagkatapos ay bumiyahe sakay ng helikopter.
“Ito ang unang pagkakataon na pumunta rito ang mga Saksi ni Jehova,” ang sabi ng dalawang payunir na ito, na ang katutubong wika ay Greenlandic. “Bagaman sila ay nakahiwalay, nakapagtataka na ang mga tao ay maraming nalalaman. Gayunpaman, natutuwa pa rin silang matuto ng mga bagong bagay. Bilang likas na mahuhusay magkuwento, sabik na inilahad nila sa amin ang kanilang panghuhuli ng poka at iba pang karanasan sa kalikasan.” Paano sila tumugon sa gawaing pangangaral?
“Sa pangangaral sa bahay-bahay, nakilala namin si J——, na isang katekista. ‘Salamat sa inyong pagdalaw sa akin,’ ang sabi niya. Ipinakita namin sa kaniya ang aming literatura at kung paano ginagamit ito. Kinabukasan ay pumunta siya sa amin at nais niyang malaman ang tungkol sa pangalang Jehova. Ipinakita namin sa kaniya ang isang paliwanag sa isang talababa sa kaniyang sariling Bibliyang Greenlandic. Nang makaalis na kami, tinawagan niya sa telepono ang aming mga kaibigan sa Nuuk upang pasalamatan ang aming pagdalaw. Kailangang sikapin naming patuloy na tulungan ang lalaking ito.
“Nakilala rin namin si O——, isang guro na may alam tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Pinahintulutan niya kaming magsalita nang dalawang oras sa kaniyang mga estudyante na may mga edad na 14 hanggang 16 na taon. Kaya ipinapanood namin sa kanila ang aming video at sinagot ang kanilang mga tanong. Mabilis na naubos Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutasa at iba pang aklat. Di-nagtagal ay nakausap namin ang tatlo sa mga dalagita. Marami silang tanong, anupat ang isa sa kanila ay totoong interesado. Nagtanong siya, ‘Paano nagiging Saksi ang isa? Tiyak ko na kasiya-siya ang maging katulad n’yo. Gusto rin kayo ng tatay ko.’ Kami ay nangakong susulat.
“Sa isa sa mga pamayanan, nakilala namin ang isa pang katekista, si M——, at nagkaroon kami ng kawili-wiling pag-uusap. Sinabi niyang titiyakin niya na kukuha ng literatura ang mga lalaking nangaso sa oras na sila ay makabalik na. Kaya siya ngayon ang aming ‘mamamahayag’ sa liblib na lugar na iyon.”
Bagaman iyon ay paikut-ikot at nakapapagod na paglalakbay, nadama ng dalawang payunir na mayamang pinagpala ang kanilang pagsisikap.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.