Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Nauunawaan ko na ang Griegong salitang “toʹte” (kung magkagayon, sa gayon o pagkatapos) ay ginagamit upang ipakilala kung ano ang kasunod. Kung gayon ay bakit mababasa sa Mateo 24:9 ang ganito: “Kung magkagayon [“toʹte”] ay dadalhin kayo ng mga tao sa kapighatian,” samantalang ang katulad na salaysay sa Lucas 21:12 ay nagsasabi: “Ngunit bago ang lahat ng mga bagay na ito ay isusunggab ng mga tao ang kanilang mga kamay sa inyo at pag-uusigin kayo”?
Wasto na maaaring gamitin ang toʹte upang ipakilala ang isang bagay na mangyayari pagkatapos, isang bagay na kasunod, wika nga. Subalit hindi natin dapat unawain na ito lamang ang gamit ng salita sa Bibliya.
Ipinakikita ng A Greek-English Lexicon of the New Testament and Other Early Christian Literature, nina Bauer, Arndt, at Gingrich, na sa Kasulatan ay ginagamit ang salitang toʹte sa dalawang saligang diwa.
Ang isang gamit ay “sa panahong iyon.” Ito ay maaaring ang “pangnagdaang kung magkagayon.” Ang isang halimbawang ibinigay ay ang Mateo 2:17: “Sa gayon ay natupad yaong sinalita sa pamamagitan ni Jeremias na propeta.” Hindi ito tumutukoy sa isang bagay na nasa isang serye kundi nagpapahiwatig ng isang partikular na panahon noong nakalipas, ng mga araw na iyon. Gayundin naman, ang toʹte ay maaaring gamitin “sa panghinaharap na kung magkagayon.” Ang isang halimbawa ay masusumpungan sa 1 Corinto 13:12: “Sapagkat sa kasalukuyan ay nakakakita tayo sa malabong balangkas sa pamamagitan ng salaming metal, ngunit pagkatapos ay magiging mukha sa mukha na. Sa kasalukuyan ay nakaaalam ako nang bahagya, ngunit pagkatapos ay malalaman ko nang may-katumpakan kung paanong ako ay may-katumpakang nakikilala.” Dito ay ginamit ni Pablo ang toʹte sa diwang ‘sa hinaharap na panahong iyon.’
Ayon sa leksikong ito, ang isa pang gamit ng toʹte ay “upang ipakilala ang kasunod na mangyayari.” Ang leksikong ito ay nagbibigay ng maraming halimbawa na masusumpungan sa tatlong salaysay hinggil sa sagot ni Jesus sa tanong ng mga apostol tungkol sa tanda ng kaniyang pagkanaririto.a Bilang mga halimbawa sa gamit ng toʹte “upang ipakilala ang kasunod na mangyayari,” sinipi ng leksikon ang Mateo 24:10, 14, 16, 30; Marcos 13:14, 21; at Lucas 21:20, 27. Ang pagsasaalang-alang sa konteksto ay nagpapakita kung bakit makatuwirang pagkaunawa ang isang bagay na kasunod na mangyayari. At ito ay nakatutulong sa pagkuha ng diwa ng hula ni Jesus na kinapapalooban ng kalalabasan ng mga pangyayari sa hinaharap.
Gayunman, hindi natin dapat ipalagay na sa bawat paglitaw ng toʹte sa mga salaysay na ito ay dapat na lagi itong nagpapakilala ng kasunod na mangyayari. Halimbawa, sa Mateo 24:7, 8, mababasa natin na inihula ni Jesus na ang bansa ay titindig laban sa bansa at na magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain at mga lindol. Ganito ang patuloy sa Mat 24 talata 9: “Kung magkagayon ay dadalhin kayo ng mga tao sa kapighatian at papatayin kayo, at kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.” Makatuwiran bang unawain na ang inihulang mga digmaan, kakapusan sa pagkain, at mga lindol ay kailangang maganap lahat, at marahil ay magwakas, bago magsimula ang pag-uusig?
Iyan ay hindi makatuwiran, ni pinatutunayan man iyan ng ating kabatiran sa unang-siglong katuparan. Ang salaysay sa aklat ng Mga Gawa ay nagsisiwalat na halos karaka-raka matapos magsimulang mangaral ang mga miyembro ng bagong Kristiyanong kongregasyon, naranasan na nila ang matinding pagsalansang. (Gawa 4:5-21; 5:17-40) Tiyak na hindi natin masasabi na ang lahat ng digmaan, taggutom, at lindol na sinalita ni Jesus ay nangyari bago ang unang pag-uusig na iyon. Sa kabaligtaran, ang pagsalansang na iyon ay naganap “bago” ang marami sa ibang bagay na inihula, na kasuwato ng paraan ng pagkakapahayag ni Lucas sa mga bagay-bagay: “Ngunit bago ang lahat ng mga bagay na ito ay isusunggab ng mga tao ang kanilang mga kamay sa inyo at pag-uusigin kayo.” (Lucas 21:12) Ipinahihiwatig nito kung gayon na sa Mateo 24:9, ang toʹte ay higit na ginamit sa diwang “sa panahong iyon.” Sa panahon na nagaganap ang mga digmaan, taggutom, at mga lindol, o sa panahong iyon, pag-uusigin ang mga tagasunod ni Jesus.
[Talababa]
a Ang magkakatulad na salaysay na ito sa Mateo, Marcos, at Lucas ay inayos sa mga tudling sa pahina 14 at 15 ng Ang Bantayan ng Pebrero 15, 1994. Ang mga paglitaw ng toʹte, na isinaling “kung magkagayon,” ay nasa makakapal na titik.