Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 10/15 p. 25-29
  • Kapaligiran Para sa Paglago sa Equatorial Guinea

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kapaligiran Para sa Paglago sa Equatorial Guinea
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Paghahasik ng Binhi Noon
  • “Palaisip sa Kanilang Espirituwal na Pangangailangan”
  • Nagtataguyod ng Paglago sa Pamamagitan ng Pagtitipon
  • Matiyagang Nagdidilig ng Binhi
  • Pagtulong sa mga Tao Upang Mapabuti ang Kanilang Buhay
  • Naging mga Alipin ng Diyos
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 10/15 p. 25-29

Kapaligiran Para sa Paglago sa Equatorial Guinea

MAYABONG na paglago ang unang mapapansin ng isang manlalakbay kapag lumapag na ang kaniyang eroplano sa internasyonal na paliparan ng Equatorial Guinea. Ang runway ay napalilibutan ng matataas na punungkahoy, anupat pinapagmumukhang maliit ang mga gusali ng paliparan. Malalagong pananim ang tumutubo mula sa tabing-dagat hanggang sa taluktok ng mga bundok, na pinatataba ng saganang ulan at katamtamang temperatura na mga 30°C sa buong taon.

Nagaganap din sa Equatorial Guinea ang isa pang uri ng napakasiglang paglago, ang “paglaki na ibinibigay ng Diyos.” (Colosas 2:19) Tulad ng Etiopeng opisyal na humingi ng tulong kay Felipe, marami rito ang nasasabik na maunawaan ang Kasulatan. (Gawa 8:26-39) Karaniwan nang may lalapit sa isang Saksi ni Jehova sa lansangan at hihiling ng pag-aaral sa Bibliya. Nagdaraos ng mahigit sa isang libong pag-aaral sa Bibliya ang humigit-kumulang 325 Saksi sa Equatorial Guinea.

Paghahasik ng Binhi Noon

Ang Equatorial Guinea, na siyang pinakamaliit na bansa sa Aprika, ay matatagpuan sa gawing timog ng Nigeria at Cameroon. (Tingnan ang mapa.) Unang dinala rito ang mabuting balita ng mga Saksing taga-Nigeria na dumating upang humanap ng trabaho sa mga taniman ng kakaw. Bagaman nabuo ang ilang kongregasyon sa wikang Ingles, sa kalaunan ay nabuwag ang mga ito nang bumalik sa Nigeria ang mga kapatid na ito. Subalit di-nagtagal pagkatapos matamo ng bansa ang kasarinlan noong 1968, nag-atas dito ng tatlong mag-asawang misyonero ng Watchtower. Hindi sila nakapanatili nang matagal dahil sa mga suliraning pulitikal, ngunit nagkaroon ng maiinam na bunga ang kanilang pagpapatotoo.

Nakilala ni Santiago, isa sa mga misyonero, si Buenaventura, isang matangkad, matipunong lalaki na kilala ng mga tagaroon bilang superman. Siya ay isang relihiyosong tao na may paggalang sa Bibliya, ngunit magagalitin at marahas siya. Sapat na ang isang bahagyang pang-iinsulto upang siya’y manakit ng isang tao. Nang magalit siya sa loob ng isang bar, lahat ng naroroon ay nagtakbuhan, nagsiakyat pa nga sa mga bintana upang matakasan ang kaniyang mga suntok. Sa katunayan, habang nakikinig siya kay Santiago, binalak niyang gulpihin siya kung hindi ito makapagbibigay ng kasiya-siyang patotoo mula sa Kasulatan para sa mga sinabi niya. ‘Walang puwedeng manloko kay superman,’ ang sabi niya sa sarili. Nawili siya sa kaniyang narinig, lalo na ang tungkol sa pag-asa ng walang-hanggang buhay sa paraisong lupa, kaya pumayag siyang mag-aral ng Bibliya.

Habang sumusulong ang pag-aaral, lalong sumidhi ang pagnanais ni Buenaventura na manirahan magpakailanman sa Paraiso, at nalaman niya na kailangan niyang iayon ang kaniyang buhay sa mga pamantayan ng Diyos upang tamuhin ang gayong gantimpala. Palibhasa’y natanto na ang mga tunay na Kristiyano ay hindi dapat na “gumanti ng masama para sa masama,” taimtim siyang nagsikap na supilin ang kaniyang galit.​—Roma 12:17.

Ang matinding pagsubok ay dumating isang araw nang sa di-sinasadya’y nasagi at nabasag niya ang baso ng isang parokyano sa isang bar. Ang lalaki ay nagalit at sinuntok siya. Kapagdaka, nagtakbuhan ang iba pa sa bar, anupat inaasahang may bugbugang magaganap. Ngunit may kaamuang binayaran ni Buenaventura ang nabasag na baso, ibinili ang lalaki ng isa pang inumin, at humingi ng paumanhin sa kaniyang kawalang-ingat. Nang makita ng mga kapitbahay na ang pag-aaral ng Bibliya ay nakagawa ng gayong mga pagbabago sa kaniya, marami ang gustong makipag-aral sa kaniya. Nang panahong mabautismuhan si Buenaventura, nagdaraos na siya ng limang pag-aaral sa Bibliya. Naglilingkod siya bilang isang matanda sa nakalipas na limang taon, at bagaman superman pa rin ang tawag sa kaniya ng mga tao, ngayon ay nagbibiro na lamang sila.

“Palaisip sa Kanilang Espirituwal na Pangangailangan”

Noong dekada ng 1970 ang kakaunting Saksi roon ay patuloy na nangaral at nagpulong sa abot ng makakaya nila. Nang maglaon, dumating ang maraming mag-asawang Kastila na misyonero upang tumulong. Nagugunita ni Andrés Botella, na 12 taon nang naglilingkod sa Equatorial Guinea, na di-nagtagal pagkarating niya, hinangaan niya ang bagay na ang mga tao’y totoong “palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) “Isang malaking kasiyahan na makipag-aral ng Bibliya sa gayong mapagpahalagang mga tao,” sabi niya.

Si Mary, isang Kastilang kapatid na babae, ay nakikipag-aral ng Bibliya sa isang kabataang nagngangalang María na nagsabing ang kaniyang mga magulang, sina Francisco at Fausta, ay interesado ring makipag-aral. Yamang si Mary ay nagdaraos ng 15 pag-aaral at ang tinitirahan ng mga magulang ni María ay medyo may kalayuan, maraming linggo pa ang nakalipas bago niya nadalaw sila.

Nang sa wakas ay makausap ni Mary at ng kaniyang asawa, si Serafín, ang mga magulang, mayroon na silang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupaa at isang Bibliya, at sabik silang magsimulang mag-aral. Kaya agad silang nag-umpisa. Napansin ni Serafín na kabisado ng mga magulang ni María ang paksa. Ganoon din ang nangyari sa ikalawang pagdalaw nang saklawin nila ang ikalawang kabanata. “Iyon ay parang pakikipag-aral sa dalawang bautisadong Saksi,” nagunita ni Serafín. Sa ikatlong pagdalaw, yamang waring alam na alam na nila ang paksa, iminungkahi ni Serafín ang paraang tanong-sagot upang matiyak kung gaano kalawak ang kanilang talagang nauunawaan. Natuklasan niya na napag-aralan nina Francisco at Fausta ang buong aklat nang sila lamang!

Paano sila naapektuhan ng kanilang bagong nasumpungang kaalaman? Kasuwato ng kanilang natutuhan, huminto na sila ng pagdalo sa mga pulong ng mga espiritista at pinutol ang kanilang kaugnayan sa Simbahang Katoliko. Isa pa, inihinto na ni Francisco ang paninigarilyo, at hindi na sila kumakain ng karne na hindi wastong pinatulo ang dugo. Dahil sa maliwanag na ikinakapit nila ang lahat ng kanilang natutuhan, pinasigla silang ibahagi sa iba ang kanilang kaalaman. Agad silang nagsimulang mangaral sa kanilang mga kapitbahay. Sa loob lamang ng tatlong buwan, naging kuwalipikado na sila sa bautismo. Si Francisco ngayon ay isang ministeryal na lingkod, at salamat sa kanilang mainam na halimbawa at sigasig sa pangangaral, tatlo sa kanilang mga anak na babae ang Saksi na ngayon, dalawang anak na lalaki ang dumadalo sa mga pulong, at anim na iba pang kamag-anak ang nakikipag-aral.

Di-nagtagal pagkatapos na siya’y mabautismuhan, nakilala ni Francisco si Pablo, isang debotong Katoliko na naglilingkod bilang sakristan sa kaniyang simbahan. Si Pablo ang nagsesermon kapag wala ang pari. Kung may sakit ang isang miyembro ng simbahan, dinadalaw niya; kung may hindi nakapagsisimba, dumadalaw si Pablo upang magpatibay-loob; at kung may namatay, ginagawa niya ang makakaya niya upang aliwin ang pamilya. Mauunawaan naman, mahal na mahal si Pablo ng lahat ng taga-parokya.

Dahil sa totoong iginagalang ni Pablo ang Bibliya, malugod niyang tinanggap ang alok ni Francisco na makipag-aral sa kaniya. Agad na nakita ni Pablo ang pagkamakatuwiran ng mensahe ng Bibliya, at pagkaraan ng ilang pag-aaral, ipinasiya niyang gamitin ang ilang kasulatan na natutuhan niya sa isa sa kaniyang “mga pagdalaw bilang pastol” sa isang may-sakit na miyembro ng simbahan. Di-nagtagal pagkatapos niyaon, sa isa sa kaniyang mga sermong pang-Linggo, ipinaliwanag ni Pablo ang kahalagahan ng paggamit ng pangalan ng Diyos, na Jehova, at kung bakit hindi tayo dapat gumamit ng mga imahen.

Yamang madali niyang tinanggap ang katotohanan, inaasahan niya na gayundin ang magiging pagtugon ng ibang miyembro ng kaniyang simbahan. Subalit pagkatapos ng tatlo o apat na salig-sa-Bibliyang mga sermong ito, napansin ni Pablo na hindi nasisiyahan ang mga tao sa impormasyon na inihaharap niya. Kaya naipasiya niyang iwan ang simbahan at makisama nang regular sa mga Saksi ni Jehova. Sa loob lamang ng ilang buwan, naging kuwalipikado siya sa bautismo, at siya ngayon ay isa nang masigasig na mangangaral ng mabuting balita. Bagaman di-makapangaral nang buong panahon, siya ay nagdaraos ng sampung pag-aaral sa Bibliya sa kasalukuyan.

Nagtataguyod ng Paglago sa Pamamagitan ng Pagtitipon

Taimtim na sinunod ng mga Saksi sa Equatorial Guinea ang utos ng Bibliya na huwag pabayaan ang mga pagtitipon. (Hebreo 10:25) Sapol noong 1994 nang ang gawain ay muling opisyal na kinilala ng pamahalaan, sabik ang mga kapatid na makakuha ng angkop na mga Kingdom Hall. Sa katunayan, karamihan sa mga kongregasyon ay nagtayo ng kanilang sariling bulwagan o nagpapatayo pa lamang.

Sa Mongomo, kung saan ang bilang ng dumadalo sa mga pulong kung Linggo ay madalas na umaabot ng dalawa at kalahating ulit ng bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian, nagsisikap ang kongregasyon na makapagtayo ng isang malaking dakong pagpupulungan. Ang ibang relihiyon sa Mongomo ay karaniwan nang umuupa ng mga manggagawa upang ipatayo ang kanilang mga simbahan, kaya napansin ang gawain ng mga Saksi roon. Isang araw ay dumating ang pastor ng Iglesia Nueva Apostólica (New Apostolic Church) upang tanungin ang isa sa matatanda kung magkano ang ibinabayad niya sa masisipag na manggagawang ito. Sinabi ng pastor na bagaman umupa siya ng mga kanterong miyembro ng kaniyang sariling simbahan, mabagal pa rin ang takbo ng trabaho. Gusto niyang malaman kung maaari niyang upahan ang mga manggagawa na nagtatayo ng Kingdom Hall. Nang sabihin sa kaniya na ang lahat ng Saksi ay nagtatrabaho nang walang bayad, umalis siya na halos di-makapagsalita.

Ang pagdalo sa mga pulong ay maaaring mangahulugan ng malaking sakripisyo para doon sa mga malayo ang tirahan sa Kingdom Hall. Ganito ang situwasyon ni Juan, isang kabataan na nabautismuhan noong 1994. Narinig niya ang tungkol sa katotohanan sa Gabon, kung saan niya pinag-aralan ang unang kalahati ng aklat na Mabuhay Magpakailanman. Pagkatapos ay bumalik siya sa Equatorial Guinea, sa kaniyang tinubuang nayon na mga 100 kilometro buhat sa Mongomo. Nagharap ito ng hamon sa kaniya na ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral. Ngunit hindi siya nahadlangan. Buwan-buwan, walong oras siyang naglalakbay sakay ng bisikleta patungong Mongomo, kung saan si Santiago, isa sa matatanda roon, ang nagdaraos ng pag-aaral sa kaniya. Namamalagi siya sa Mongomo nang ilang araw at nag-aaral nang tatlo o apat na beses habang naroon siya. Sa ganitong paraan ay nakumpleto niya ang pag-aaral at naging kuwalipikado siya sa bautismo.

Paano nananatiling malakas sa espirituwal si Juan gayong maikli lamang ang panahon ng pakikisama niya sa ibang Kristiyano? Higit sa lahat, sa pamamagitan ng pagiging isang masigasig na mangangaral ng mabuting balita. Nangangaral siya sa lahat ng tao sa kaniyang nayon, at nang siya’y mabautismuhan, nagdaraos na siya ng 13 pag-aaral sa Bibliya. Anim sa kaniyang mga estudyante ang sumama sa kaniya sa araw ng pantanging asamblea sa Mongomo upang masaksihan ang kaniyang bautismo. Siya ngayon ay nangangasiwa ng isang regular na Pag-aaral sa Bantayan sa mga interesado sa kaniyang lugar, at madalas na mga 20 ang dumadalo.

Matiyagang Nagdidilig ng Binhi

Hindi lahat ng espirituwal na paglago ay mabilis. Kung minsan ay kailangan ang tiyaga upang makitang sa wakas ay nagbunga ang binhi. Totoo ito sa kalagayan ni Paca, na unang nakarinig ng mabuting balita noong 1984 nang si Edita, isang kapatid na payunir, ay nagpatotoo sa kaniya sa pamilihan. Nang dalawin ni Edita si Paca sa kaniyang tahanan nang sumunod na linggo, pumayag si Paca na mag-aral ng Bibliya. Bagaman mabagal ang pagsulong niya, nagtiyaga si Edita dahil nakita niya ang mabubuting katangian ni Paca. “Siya’y waring isang taong tulad-tupa,” ang paliwanag ni Edita, “at nanalangin ako kay Jehova na buksan Niya ang kaniyang puso.”

Ipinagpatuloy ni Paca ang kaniyang pag-aaral nang di-regular sa loob ng apat at kalahating taon ngunit mabagal pa rin ang pagsulong. Kaya nang matapos nila ang aklat na Mabuhay Magpakailanman, tapatang kinausap ni Edita si Paca tungkol sa kahalagahan ng pagsasapuso ng katotohanan. Sa kaniyang paghahangad na abutin ang puso ni Paca, napaluha pa nga si Edita.

“Talagang nakaantig sa akin ang taos-pusong payo na iyon,” ang naalaala ni Paca. “Buhat noon ay sinimulan kong gumawa ng mga pagbabago sa aking buhay. Nagpatala ako sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, at nang taon ding iyon ako ay naging di-bautisadong mamamahayag. Ang araw na sa wakas ako’y nabautismuhan ang siyang pinakamaligayang araw sa aking buhay!” Ang kasalukuyang kasiglahan ni Paca ay ibang-iba sa kaniyang dating kawalang-interes. Nagdaraos siya ngayon ng 13 pag-aaral sa Bibliya, at sabihin pa ay matiyaga siya doon sa mga mabagal ang pagsulong.

Pagtulong sa mga Tao Upang Mapabuti ang Kanilang Buhay

Sa pamumuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya, nakilala ang mga Saksi ni Jehova sa Equatorial Guinea bilang mga taong tapat at disente. Isang lalaki, na maliwanag na humanga sa kanilang paggawi, ay lumapit sa isang matanda sa Bata Congregation at nagtanong: Mayroon ka bang aklat na Nangangatuwiran?b Sawang-sawa na ako sa pagiging isang taong makasanlibutan. Gusto kong maging isa sa mga Saksi ni Jehova!”

Si Antonio, isang ministeryal na lingkod sa Malabo Congregation, ay isang tipikal na halimbawa ng isang taong makasanlibutan na naging isang Saksi. Bago siya mag-aral ng Bibliya, napakasama ang kaniyang pamumuhay. Halos inuubos niya sa alak ang salaping kinikita niya bilang tagakumpuni ng relo, at namuhay din siya nang may kahalayan. Ano ang tumulong sa kaniya na baguhin ang kaniyang istilo ng pamumuhay? Lubhang nakintal sa kaniya ang mariing sinabi sa 1 Corinto 6:9, 10: “Huwag kayong palíligaw. Hindi ang mga mapakiapid, . . . ni ang mga lasenggo, . . . ang magmamana ng kaharian ng Diyos.” Natanto niya na upang kamtin ang pabor ng Diyos, dapat niyang baguhin ang kaniyang paraan ng pamumuhay. Sa layuning ito ay sinimulan niyang bantayan ang kaniyang pakikipagsamahan. (Kawikaan 13:20) Kapag inaanyayahan siya ng mga dating kaibigan na maglasingan, tinatanggihan niya ang kanilang paanyaya at sa halip ay nagpapatotoo sa kanila. Di nagtagal at huminto sila sa pamimilit sa kaniya.

Sulit ba ang lahat ng pagsisikap? “Maligayang-maligaya ako sa pagbabago ng paraan ng aking pamumuhay,” paliwanag ni Antonio. “Mas mabuti ang aking kalusugan kahit ako ngayon ay mahigit nang 60, samantalang ang mga dati kong kaibigan ay alinman sa namatay na o dili kaya’y may sakit. Mayroon ako ngayong mga tunay na kaibigan sa halip na yaong gusto lamang ng kasama na handang magbayad ng kanilang susunod na inumin. Higit sa lahat, may mabuti akong kaugnayan sa Diyos. Ako ngayon ay isang regular pioneer, at nakikipag-aral ng Bibliya sa isang lalaking mayroon ding suliranin sa alak, kaya nagagamit ko ang aking karanasan upang matulungan siya.”

Naging mga Alipin ng Diyos

Mga 200 taon na ang nakalipas, ang mga tao sa kahabaan ng baybayin ng Equatorial Guinea ay tinipon at dinala sa mga lupain ng Amerika bilang mga alipin. Sa ngayon, marami ang boluntaryong nagiging mga alipin​—mga alipin ng Diyos. Ang anyong ito ng pagkaalipin ay nagdudulot sa kanila ng tunay na kalayaan, anupat pinalalaya sila mula sa maka-Babilonyang mga doktrina at espiritistikong gawain. Ito rin ay nagtuturo sa kanila kung paano magkakaroon ng kasiya-siya at mabungang pamumuhay. Nararanasan nila ang ipinangako ni Jesus: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”​—Juan 8:32.

Dahil sa 1,937 ang dumalo sa pagdiriwang ng Memoryal​—halos anim na ulit ng bilang ng mga mamamahayag sa bansa​—napakaganda ng maaasahan para sa higit pang espirituwal na paglago. Habang patuloy na nagtatanim at nagdidilig ng binhi ng katotohanan ang mga Saksi sa Equatorial Guinea, nakatitiyak sila na ‘ang Diyos ay patuloy na magpapalago nito.’ (1 Corinto 3:6) Walang alinlangan, napakainam ng kapaligiran para sa espirituwal na paglago sa Equatorial Guinea!

[Mga talababa]

a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

b Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share