Espirituwal na Pagpapalaya sa mga Bilanggo
“MATAGAL na kaming naghihintay sa inyo.” “Nitong ilang gabing nakaraan, napanaginipan ko ang inyong pagdating.” “Salamat sa pag-aatas ng tao na dadalaw sa amin nang regular.” “Nais naming pasalamatan ang lahat ng pagpapala na di-sana-nararapat para sa amin subalit natatanggap namin buhat kay Jehova at sa kaniyang organisasyon at sa espirituwal na pagkain na ibinibigay sa tamang panahon.”
Ano ang dahilan ng mga kapahayagang ito ng pagpapasalamat? Ang mga ito ay galing sa mga bilanggo sa iba’t ibang piitan sa Mexico. Pinahahalagahan nila ang atensiyon na kanilang natatanggap buhat sa mga Saksi ni Jehova, na nagdudulot ng espirituwal na kalayaan sa kanila bagaman nakabilanggo. Sa Mexico ay may 42 bilangguan na regular na pinaglilingkuran ng mga Saksi ni Jehova para sa espirituwal na mga pangangailangan ng mga bilanggo. Ang mga lugar na ito ay tinatawag na Centro Readaptación Social (Social Rehabilitation Center). Regular pa man ding idinaraos ang mga Kristiyanong pagpupulong sa ilan sa mga bilangguang ito taglay ang mabubuting resulta. Halimbawa, sa isang kamakailang pagbilang, mga 380 katao ang dumadalo sa mga pulong sa mga lugar na ito. Sa panahong iyon ay may aberids na 350 pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos. Tatlumpu’t pito ang naging kuwalipikadong mangaral, at 32 ang nag-alay ng kanilang buhay kay Jehova, anupat sinagisagan ito sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.
Kung Paano Ginaganap ang Gawain
Paano ginagawa ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pangangaral sa mga lugar na ito? Una ay pinupuntahan nila ang mga nangangasiwang opisyal upang humiling ng nasusulat na awtorisasyon para makapasok sa bilangguan, anupat ipinaliliwanag ang layunin ng mga pagdalaw—upang turuan ang mga bilanggo kung paano pauunlarin ang kalidad ng kanilang buhay at paglilingkuran ang Diyos sa paraang kalugud-lugod sa kaniya.
Sa bawat pagkakataon naman ay pinahihintulutan sila ng mga awtoridad. Pinahahalagahan ng mga opisyal na ito ang pagtuturo sa Bibliya na iniaalok sa mga bilanggo. Napansin ng mga awtoridad sa bilangguan na sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang tuntunin sa seguridad na ipinaiiral para sa ganitong mga lugar. Pinayagan nila ang mga dumadalaw na ministrong ito na gumamit ng mga opisina, silid-kainan, at mga pagawaan upang pagdausan ng kanilang mga pulong. Sa isang lugar ay pinahintulutan pa man din ang mga Saksi na magtayo ng isang maliit na Kingdom Hall, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na karanasang inilahad ng isang naglalakbay na tagapangasiwa sa timog-silangang Mexico.
“Maaga noong 1991 ay sinimulan namin ang pagdalaw sa bilangguan ng Tehuantepec, Oaxaca, na doo’y nasumpungan namin na marami ang nagugutom sa espirituwal. Di-nagtagal ay nakapagpasimula kami ng 27 pag-aaral sa Bibliya. Dahil sa interes ng mga bilanggo, limang pulong ng kongregasyon ang isinaayos. Isa sa mga bilanggo, na nagpamalas ng masidhing pag-ibig kay Jehova, ay nagpasiyang magtayo ng isang maliit na Kingdom Hall sa loob ng bilangguan upang may dako na mapagpupulungan. Nagtungo siya sa direktor ng bilangguan at humingi ng pahintulot, at totoong matulungin ang mga awtoridad. Sa pasimula ng Disyembre 1992, anim na bilanggo ang naging kuwalipikado bilang mga mamamahayag ng mabuting balita. Dahil sa nakitang pagsulong, isinaayos na idaos ang Memoryal sa loob ng bilangguan. Humingi kami ng pahintulot sa direktor ng bilangguan upang maipasok ang mga emblema—ang tinapay at ang alak—at pagkatapos ng apat-na-oras na usapan, pinayagan kami.
“Nagkataon naman na noong Abril 3, 1993 (tatlong araw bago ang pagdiriwang ng Memoryal), pinalaya ang ilang bilanggo. Nang matanggap ng isang mamamahayag ang kaniyang mga papeles sa paglaya, hiniling niya na makausap ang direktor ng bilangguan upang humingi ng pahintulot na manatili hanggang sa maipagdiwang ang Memoryal. Talagang ikinamangha ito ng direktor, yamang ito ay pambihirang kahilingan, subalit dahil sa malaking interes ng bilanggo sa pagdalo sa Memoryal doon sa bilangguan, pinagbigyan niya ang kahilingan. Ang Memoryal ay dinaluhan ng 53 katao, na nagsiluha sa galak sa katapusan ng programa. Napagkaisahan naming tawaging ‘Kalayaang Cereso’ ang grupong ito, dahil sila’y malaya sa espirituwal na diwa.”
Lubos na pinahahalagahan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa mga lugar na ito. Sa isa sa mga bilangguang ito, hayagang inirerekomenda ng tagapangasiwa ang pagdalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova bilang “therapy” para sa mabilis na pagbabagong-buhay ng mga bilanggo.
Isang Matagumpay na Programa sa Pagbabagong-Buhay
Ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay nagbunga ng lubos na pagbabagong-buhay ng maraming bilanggo. Bagaman kadalasan ay totoo na nagbabalik sa paggawa ng krimen yaong mga nabilanggo minsang sila’y palayain, yaong tunay na tumanggap ng mensahe ng Salita ng Diyos ay lubusang nagbago. Ang kanilang pagbabago ay nagpapaalaala sa atin sa mga salita ni apostol Pablo: “Hindi ang mga mapakiapid . . . , ni ang mga magnanakaw, ni ang mga taong sakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga manlalait, ni ang mga mangingikil ang magmamana ng kaharian ng Diyos. At gayunma’y ganiyan ang ilan sa inyo dati. Ngunit nahugasan na kayong malinis, ngunit pinabanal na kayo, ngunit naipahayag na kayong matuwid sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at sa espiritu ng ating Diyos.”—1 Corinto 6:9-11.
Ang kapansin-pansing pagbabago sa kanilang personalidad ay mahahalata kapag ipinahahayag nila ang kanilang niloloob. Ganito ang pagkasabi ni Miguel, na nasa bilangguan ng Campeche sa Campeche City: “Sa ngayon nagagalak akong sabihin na ibinibilang ko ang aking sarili sa mga ibang tupa na may pag-asa na nakaulat sa 2 Pedro 3:13 at Mateo 5:5.” Ganito naman ang komento ni José, na nasa Koben, sa bilangguan ng Campeche: “Bagaman ako ay isang bilanggo at maaaring mabigat ang aking kasalanan, nauunawaan ko na si Jehova ay napakamaawain at nakikinig sa aking mga panalangin at pagsusumamo. Mapatatawad niya ang aking mga pagkakasala at maibibigay sa akin ang pagkakataong magugol ang nalalabing bahagi ng aking buhay sa pamamahagi ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Nagpapasalamat kami sa aming matatanda sa panahong ginugugol nila sa pagdalaw sa amin sa bilangguan upang makinabang kami sa mga pangako ng Kaharian ng Diyos. Ano ngang kasiya-siyang pagpapala! Masasabi ko pa bang ako ay bilanggo? Hindi, ibinigay sa akin ni Jehova ang espirituwal na kalayaang kailangan ko.”
Ano ang nagpapabago sa mga mamamatay-tao, manghahalay, arsonista, magnanakaw, at sa mga iba pa para maging mga Kristiyanong may matuwid na pamumuhay? Ayon sa mga lalaking ito mismo, iyon ay ang nagpapabagong kapangyarihan ng Salita ng Diyos at ang mabuting pakikipagsamahan sa mga taong tunay na nakaalay. Inilalarawan ng karanasan ni Tiburcio, na nakabilanggo sa Mazatlán, Sinaloa, ang tagumpay ng programang ito sa pagpapanibagong-buhay. Siya ay nabilanggo sa Concordia, Sinaloa, na doo’y may mga suliranin siya dahil sa siya’y masamang magalit. Ang kaniyang kabiyak ay isa sa mga Saksi ni Jehova, at madalas niya itong minamaltrato, kahit na kapag ito ay dumadalaw sa kaniya sa bilangguan. Matiisin ito at patuloy na dumadalaw sa kaniya, kaya hiniling niya rito na dalhin ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, na sinimulan niyang pag-aralan nang sarilinan.a Pagkatapos ay hiniling niya na may dumalaw sa kaniya sa bilangguan upang makipag-aral sa kaniya. Nagsimula siyang sumulong sa espirituwal, at ang kaniyang kaugnayan sa iba ay nagsimulang bumuti. Inilipat siya sa bilangguan sa Mazatlán kung saan may isang grupo na nag-aaral ng Bibliya, at ngayon siya ay isang mamamahayag na. Sinabi niya: “Ngayon, kasama ng aking asawa at mga anak at ng aking mga kasamahang bilanggo, lubos akong nagpapasalamat na napakinggan ko ang mga katotohanan sa Bibliya sa lugar na ito, taglay ang pag-asa na sa malapit na hinaharap, mapalalaya ako at makadadalo sa lahat ng mga asamblea at mga pulong ng kongregasyon.”
Nandiyan din naman si Conrado, na lubos na nagpapasalamat dahil sa mga pagbabago na nagawa niya sa kaniyang buhay. Gayon na lamang kaproblema ang kaniyang pag-aasawa anupat iniwan siya ng kaniyang kabiyak. Kaya humanap siya ng kaginhawahan sa droga. Nang maglaon siya ay naging tagapagbenta ng droga. Inaresto siya at sinentensiyahang mabilanggo dahil sa pagpapadala ng kargamentong marihuwana at cocaine. May isang grupo sa bilangguan na nag-aaral ng Bibliya kasama ng mga Saksi ni Jehova, at siya ay inanyayahan upang makipag-aral sa kanila. Ganito niya ipinahayag ang kaniyang damdamin: “Humanga ako sa maayos na paraan ng pangangasiwa sa pulong, sa programa ng pag-aaral sa pamamagitan ng mga publikasyon, at sa bagay na ang lahat ay salig sa Bibliya. Agad akong humiling ng pag-aaral sa Bibliya at nagsimulang dumalo sa mga pulong.” Iyon ay noong Enero 1993. Ngayon ay malaya na si Conrado at patuloy na sumusulong sa Kristiyanong kongregasyon.
Ang Islas Marías
May isang kinatatakutang bilangguan sa Mexico na binubuo ng apat na isla na tinatawag na Islas Marías. Ang mga bilanggo ay maaaring maglakbay sa mga isla na siyang pinagbilangguan sa kanila. Ang ilan ay naninirahan doon na kasama ang kanilang asawa at mga anak.
Naitatag ang isang maliit na kongregasyon. Tatlong kapatid na lalaki buhat sa Mazatlán ang nagtutungo roon nang minsan sa isang buwan, anupat tumutulong sa pangangasiwa sa mga pulong, naglalaan ng literatura, at nagbibigay ng pampatibay-loob. Kung minsan ang tagapangasiwa ng sirkito ay dumadalaw din sa kanila. Ang aberids na dumadalo ay nasa pagitan ng 20 at 25. May apat na bautisado at dalawang di-bautisadong mamamahayag. Iniulat ng tagapangasiwa ng sirkito na “nilalakad ng ilan ang 17 kilometro [10 milya] upang makadalo sa mga pulong tuwing Linggo at kinakailangang umalis kaagad sa pulong upang makabalik para sa roll call. Sa mabilis na paglakad, nakababalik sila sa loob ng mahigit sa dalawang oras.” Isa sa mga kapatid, na nakaalam ng katotohanan sa bilangguang iyon, ang nagsabi kamakailan: “Dati ay interesado lamang akong makalaya agad, subalit ngayon ay depende ito sa kung kailan loobin ni Jehova, tutal marami akong dapat na gawin dito sa loob.”
Natutuwa tayong makita na kumikilos ang kapangyarihan ng katotohanan upang palayain ang mga taimtim na tao na naghahanap ng paraan upang mapalugdan si Jehova. Mahigit sa labindalawa sa mga ito, na natuto ng katotohanan sa bilangguan, ang napalaya na, nabautismuhan, at ngayon ay namumuhay nang marangal bilang mga lingkod ng Diyos, anupat naging matatanda pa nga sa kongregasyon ang ilan. Ang kapangyarihan ng Bibliya na mapagaling ang mga puso at mabago ang mga tao ay kamangha-manghang naipamalas. Sa sandaling makapasok sa landas ng liwanag ng Salita ng Diyos ang mga taong ito na nabilanggo dahil sa pagkakasala, nararanasan nila ang tunay na kalayaan na ipinangako ni Jesus nang sabihin niya: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”—Juan 8:32; Awit 119:105.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 23]
Marami ang nakinabang sa Kristiyanong mga katotohanan na natutuhan nila sa bilangguan