Pastulan Para sa mga Taong Tulad-Tupa sa Lupain ng Navajo
ANG hózhóní, sa wika ng mga Indiang Navajo, ay nangangahulugang “maganda,” at ganiyan ang paglalarawan ng mga taong Navajo sa kanilang lupain. Mula noong 1868 ay ibinahagi ng pamahalaan ng Estados Unidos sa mga Navajo ang mga 62,000 kilometro kuwadrado ng reserbadong lupain sa hilagang-silangang Arizona, sa palibot ng tinatawag na apat na panulukan, kung saan nagtatagpo ang apat na estado ng Arizona, Colorado, New Mexico, at Utah. Ang Monument Valley, na pinasikat ng mga Kanluraning pelikula, ay iniingatan ngayon bilang isang Navajo Tribal Park at bumibighani ng mga turista mula sa palibot ng daigdig. Makikita sa libis ang pambihirang tatlong-daang-metro-ang-taas na mga dambuhalang pulang batong buhangin na buong-karingalang naroroon nang nakabukod sa malalawak na disyertong kapatagan. Angkop naman, ang salitang Navajo para sa libis ay nangangahulugang “ang puwang sa pagitan ng mga bato.”
Ang mga taong Navajo sa kabuuan ay kilala sa kanilang kapakumbabaan, magiliw na pagkamapagpatuloy, at pagiging malapit sa mga kamag-anak. Ang karamihan sa 170,000 residente sa reserbadong lupain ay nakatira sa nabubukod na mga pamayanan, anupat sumusunod sa tradisyonal na mga kaugalian. Ang ilan ay nag-aalaga pa rin ng mga tupa at naninirahan sa mga kubong yari sa putik at troso na tinatawag na mga hogan. Kilalang-kilala ang sining at kasanayan ng mga Navajo. Lalo nang pinahahalagahan ang kanilang mga alpombra at mga kumot na may makukulay na disenyong heometriko o tradisyonal, na hinabi mula sa lana ng tupa. Kilalang-kilala rin ang alahas na pilak ng Navajo na may turkesa at iba pang likas na materyales.
Pagdadala ng Mabuting Balita sa Lupaing Navajo
Sa loob ng mahigit sa 30 taon, pumupunta ang mga Saksi ni Jehova sa lupaing Navajo hindi lamang upang mamasyal kundi upang dalhin din ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa mga tao sa malayong lugar na ito. (Mateo 24:14) Ang regular at special pioneer na mga ministro ng mga Saksi ni Jehova ay nangunguna sa gawaing pangangaral. Marami sa kanila ang dumating bilang tugon sa mga panawagan ng naglalakbay na mga tagapangasiwa at mga Saksi sa lugar na iyon upang tumulong kung saan mas malaki ang pangangailangan. Ang ilan ay nanggaling sa mga kalapit na kongregasyon, samantalang ang iba, kasali na ang mga miyembro ng iba’t ibang tribo ng mga Katutubong Amerikano, ay nanggaling sa iba’t ibang bahagi ng Estados Unidos.
Inihahambing ng mapagsakripisyo-sa-sariling mga lalaki at babaing ito ang kanilang ministeryo rito sa isang atas pangmisyonero. Bakit? Una sa lahat, ang katutubong mga wika ay totoong mahirap matutuhan dahil sa masalimuot na mga tunog, balangkas, at mga salita nito. Pagkatapos, ang mga katutubo, sa kabuuan, ay nangungunyapit sa kanilang tradisyonal na mga paraan sa relihiyon, kaayusan ng pamilya, at pamumuhay na umaasa sa lupain. Karagdagan pa, kakaunti ang mga pabahay at trabaho para sa mga hindi Indian, anupat mahirap para sa mga lumipat ang manatili rito. Panghuli, dahil sa mahabang kasaysayan ng masamang pagtrato ng mga puti sa mga taong ito kung kaya mauunawaan naman kung bakit hindi sila gaanong nagtitiwala sa mga tagalabas.a
Sa pasimula, nang magbahay-bahay ang mga Saksi na nakasuot ng terno at kurbata, sila’y napagkamalang mga Mormon, at marami ang ayaw magbukas ng pintuan. Nang magsuot sila ng di-gaanong pormal na damit, sila’y pinatuloy, malimit sa loob ng isang oras o higit pa. Ngayo’y kilala na ng mga tao ang mga Saksi ni Jehova, bagaman muli na namang nagsusuot ng terno sa ministeryo.
Ang pagpunta lamang sa mga tao na naninirahan sa reserbadong lupaing Navajo ay isang totoong hamon. Karaniwan na ang pagmamaneho nang milya-milya sa mga walang-palatandaang daan na maaaring mabato, mabuhangin, at maputik. Natural lamang, madaling masira ang mga sasakyan at mapagod ang mga pasahero. Maaari ring mapabalahò ang mga sasakyan, ngunit laging handang tumulong ang mga nagdaraan. Ang pagdalaw sa mga interesado, pagpunta sa isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya, o pagdadala sa isang tao sa isang Kristiyanong pagpupulong ay malimit na nangangailangan ng paglalakbay nang balikan sa loob ng ilang oras. Ngunit handang gawin ito ng mga Saksi, sa gayo’y nagpapamalas ng kanilang pag-ibig sa mga katutubo.—Ihambing ang 1 Tesalonica 2:8.
Nasisiyahan ang mga Navajo na pag-usapan ang Bibliya. Karaniwan nang tinitipon nila ang buong pamilya—ang mga bata, mga magulang, at mga lolo’t lola—upang mapakinggan ang tungkol sa pag-asa na paraisong tahanan para sa sangkatauhan sa hinaharap. Nang tanungin kung ano ang iniisip niya tungkol sa Paraiso, sumagot ang isang lalaking Navajo, “Luntian, na may maraming tupa,” anupat nagpapaaninaw ng kanilang pag-ibig sa lupa at sa kanilang mga kawan. Pinahahalagahan din nila ang mga literatura sa Bibliya, anupat ipinakikita ito kung minsan sa pamamagitan ng pag-aabuloy ng mga abaloryo, isang bareta ng sabon, gatas na de-lata, at mga gaya nito bilang pagtangkilik sa ministeryong pang-Kaharian. Isang special pioneer ang nakakuha ng mga 200 suskrisyon sa mga magasing Bantayan at Gumising! sa loob ng isang taon, kasali na ang dalawa mula sa isang lalaking nakasakay sa kabayo.
Pagtatayo ng “Kampo Para sa mga Tupa”
Kapag tag-araw, panahon na para ilipat ng isang pastol na Navajo ang kaniyang kawan sa isang kampo para sa mga tupa. Ang pantag-init na tahanang ito ng mga tupa, na pinili dahil sa pagiging malapit nito sa mga luntiang pastulan at saganang tubig, ay tumutulong upang mapalusog ang kawan. Sa makasagisag na diwa, ang isang Kingdom Hall ay maihahalintulad sa gayong kampo—isang espirituwal na pastulan at bukal ng tubig ng katotohanan. Ang mga taong pumaparoon ay makasusumpong ng espirituwal na pagkain na magpapalusog at magpapalakas sa kanila sa espirituwal.
Sa loob ng ilang panahon, ang mga pulong ay idinaraos sa isang silid-aralan sa Kayenta, Arizona. Pagkatapos noong Agosto 1992, sa tulong ng daan-daang boluntaryong Saksi mula sa ilang estado, naitayo ang isang bagong Kingdom Hall sa Kayenta. Ang Kingdom Hall na ito at ang iba pa na nasa rehiyon ay nagpapahiwatig ng pagkapermanente ng gawaing pangangaral sa kaisipan ng mga tagaroon. Kasali sa iba pang Kingdom Hall na nagagamit sa malawak na teritoryong ito ay yaong nasa Tuba City at Chinle, kapuwa nasa reserbadong lupain, isa sa Keams Canyon sa lupain ng tribong Hopi na nasa loob ng reserbadong lupaing Navajo, at ilan pa na nasa mga bayan sa hangganan ng reserbadong lupain. Ano ang naging resulta?
Napakaraming Tumutugon sa Mensahe ng Kaharian
Mga labindalawang taga-Kayenta ang nabautismuhan sapol nang itayo ang Kingdom Hall, anupat nagpapahiwatig ng pagpapala ni Jehova sa dakong ito ng tunay na pagsamba. Ang bulwagan ay nagpapatotoo na ang mga Saksi ni Jehova ay narito upang mamalagi at magpatibay ng pagtitiwala sa mabuting balita ng Kaharian na ipinangangaral nila. Kamakailan ay ipinahayag doon ang unang pangmadlang diskurso sa Bibliya sa wikang Navajo. Nalugod na tanggapin ng 40 miyembro ng kongregasyon ang 245 dumalo sa pahayag tungkol sa mga pananagutan ng pagiging mga magulang. Taglay ang pagpapahalaga, isang pamilya na may walong miyembro ang naglakbay ng tatlong oras papunta at tatlong oras pabalik upang marinig ang pahayag na ito—ang kanilang kauna-unahang pagdalaw sa isang Kingdom Hall.
Isa pang kapaki-pakinabang na kasangkapan na inilaan ni Jehova ay ang brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! sa wikang Navajo. Naging isang malaking hamon ang pagsasalin ng brosyur sa wikang Navajo, isang lubhang masalimuot na wika. Ang mga tagapagsalin ay gumugol ng pinagsama-samang 1,000 oras upang tiyakin na wastong inihahatid ng brosyur ang mensahe ng Kaharian. Mula nang ilabas ito noong bandang katapusan ng 1995, libu-libong kopya nito ang naipasakamay ng mga Saksi roon, anupat humantong sa maraming pag-aaral ng Bibliya sa mga naghahanap ng katotohanan.
Lumalawak ang paggamit ng wikang Navajo sa ministeryo habang natututuhan ito ng mga mamamahayag ng Kaharian. Ang mga kongregasyon sa lugar na iyon ay nagsimula nang gumamit ng Navajo sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, at nagdaraos ng mga klase sa wikang Navajo upang sanayin ang mga mamamahayag. Karagdagan pa, isinasalin din sa wikang Navajo ang programa sa lokal na mga asamblea. Ang lahat ng pagsisikap na ito ay tiyak na aakay sa higit pang pagtugon mula sa reserbadong lupain.
Hindi dapat kaligtaan na kabilang sa mga bunga ng Kaharian sa reserbadong lupaing ito ng mga Indian ay ang napakahusay na mga katangiang ipinamamalas ng ating mga kapatid na Navajo. Sa loob ng pitong taon, ibinibiyahe nina Jimmy at Sandra ang kanilang limang anak nang 120 kilometro papunta at 120 kilometro pabalik upang dumalo sa lingguhang mga pulong. Maganda ang mga alaala ng pamilya sa kanilang sama-samang pag-awit ng mga awiting pang-Kaharian at pag-aaral ng Bibliya sa panahon ng kanilang mahahabang paglalakbay. Ang pag-ibig at sigasig ng mga magulang sa katotohanan ay gumanyak sa mga anak na sundin ang kanilang halimbawa sa pagiging nakaalay na mga tagapuri kay Jehova. Apat sa kanila ang naglilingkod ngayon bilang mga regular pioneer, at si Jimmy ay isang matanda. Dagdag pa sa kagalakan ng pamilyang ito, kamakailan ang kapatid ni Jimmy na si Elsie ay naging ang kauna-unahang nabautismuhan na nagsasalita lamang ng Navajo.
Ang mga pastol na tagaroon at ang kanilang mga kawan ay nagdaragdag ng diwa ng katahimikan ng kabukiran sa naglalakihang mga bato na nagsisilbing palamuti sa reserbadong lupain ng mga Navajo. Ganito ang inihula ni propeta Isaias noong unang panahon tungkol kay Jehova: “Tulad ng isang pastol ay magpapastol siya sa kaniyang sariling pangkat ng hayop. Titipunin niya sa kaniyang bisig ang mga tupa; at dadalhin niya sila sa kaniyang sinapupunan. Yaong sumususo ay maingat niyang papatnubayan.” (Isaias 40:11) Sa pamamagitan ng kaniyang Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo, tinitipon ni Jehova sa kaniyang espirituwal na pastulan ang lahat niyaong nasa reserbadong lupain ng Navajo na nagnanais makarinig ng mabuting balita ng Kaharian at makatanggap ng kaniyang walang-hanggang mga pagpapala.
[Talababa]
a Tingnan ang Mayo 8, 1948; Pebrero 22, 1952; Hunyo 22, 1954 na isyu ng Awake! at Setyembre 8, 1996 na isyu ng Gumising!
[Larawan sa pahina 24]
Nakikinig sa mabuting balita ang isang babaing-pastol na Navajo