Sila’y ‘Bumili ng Katotohanan’!
“BUMILI ka ng katotohanan mismo at huwag mo itong ipagbili.” (Kawikaan 23:23) Ganito ang tagubilin ng pantas na taong si Solomon. Bagaman sa pangkalahatan ay ganito ang masasabi tungkol sa katotohanan, lalo nang gayon pagdating sa katotohanan na masusumpungan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Ang gayong katotohanan ay maaaring umakay sa buhay na walang hanggan! (Juan 17:3, 17) Subalit pansinin na may kapalit na halaga ang pagkakamit ng gayong katotohanan. Ang isa ay kailangang handang “bumili” nito, samakatuwid nga, isakripisyo o talikuran ang isang bagay upang makamit iyon. (Ihambing ang Mateo 13:45, 46.) Sa pangkalahatan, hindi handa ang mga tao na gawin iyon. Ngunit sa maraming lupain, parami nang paraming malakas-ang-loob na indibiduwal ang bumibili ng katotohanan sa Bibliya—malimit na may kapalit na malaking halaga mula sa kanila.
Kuning halimbawa ang mga Saksi ni Jehova sa bansang Ghana sa Kanlurang Aprika. Pagsapit ng Hunyo ng 1989, may mahigit sa 34,000 indibiduwal sa lupaing iyan ang yumakap sa katotohanan sa Bibliya at aktibong namamahagi nito sa iba. Pagkatapos ay nagkaroon ng legal na mga paghihigpit sa kanilang gawaing pangangaral sa publiko. Gayunpaman, ang mga tapat-pusong tao ay patuloy na ‘bumibili ng katotohanan’—sa kabila ng legal na mga hadlang. Natapos ang paghihigpit noong Oktubre 31, 1991, at pagsapit ng kalagitnaan ng 1995, tatlo at kalahating taon lamang pagkatapos na alisin ang mga paghihigpit na iyon, ang bilang ng aktibong mga Saksi ni Jehova sa Ghana ay umabot sa 46,104! At sa taóng ito ay tumaas ang bilang tungo sa mahigit na 52,800.
Ano ang nakaakit sa mga tao sa katotohanan ng Salita ng Diyos? Anu-anong sakripisyo ang kinailangang gawin ng ilan upang ‘makabili ng katotohanan’? Bilang sagot, tingnan natin ang karanasan ng tatlong Kristiyanong taga-Ghana.
Naakit sa mga Turo ng Bibliya
Isaalang-alang muna natin ang isang babae na di pa natatagalang tumuntong sa beinte anyos. Ang kaniyang ama ay isang pastor, gayunma’y minabuti niyang iwan ang relihiyon ng kaniyang ama. Ang dahilan? Ang kaniyang pag-ibig sa katotohanan.
Minsa’y ipinaliwanag niya: “Pumupunta sa aming bahay ang mga Saksi kapag nagbabahay-bahay sila. Pagkatapos makipag-usap sa kanila nang ilang beses, natanto ko na ang itinuturo nila ay may matatag na saligan sa Bibliya. Nagbangon ako ng mga tanong sa mga paksang tulad ng Trinidad, apoy ng impiyerno, imortalidad ng kaluluwa, at lalo na ang tungkol sa pagpapagaling sa pamamagitan ng pananampalataya. Matibay ang paniniwala ko na ang mga doktrinang ito ay mula sa Bibliya. Ngunit tinulungan ako ng mga Saksi na maunawaang hindi gayon.”—Para sa ideya kung ano ang pangmalas ng Bibliya sa gayong mga paksa, pakisuyong tingnan ang Marcos 13:32; Roma 6:23; Gawa 10:40; at 1 Corinto 13:8-10.
Sinabi pa ng kabataang babae: “Sa kabila nito, matindi ang pagsalansang ng aking pamilya, lalo na ng aking ama. Inaakala niyang ako’y inililigaw. Gayunman, batid ko na katotohanan ang natututuhan ko sa mga Saksi ni Jehova. Sinikap kong ipakita sa aking ama ang mga bagay na ito mula sa Bibliya, pero ayaw niyang makinig. Sa katunayan, lalong tumindi ang pagsalansang.
“Ngunit hindi ako mapigilan. Alam ko na tanging ang tunay na kaalaman lamang ang umaakay sa buhay na walang hanggan sa Paraiso, at determinado akong manghawakan dito. Nang mabalitaan ng mga Saksi sa aming lugar ang mga suliraning kinakaharap ko, sila’y maibiging tumulong sa akin, anupat pinatibay ang aking loob at pinaglaanan ako ng ilang pangangailangan. Tumulong ito upang maunawaan ko ang mga salita ni Jesus na masusumpungan sa Juan 13:35: ‘Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.’ Tumibay ang aking pananalig na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova ang tunay na relihiyon. Pagkaraan, nang mapansin ng aking mga magulang na nakabuti sa akin ang mga pagbabago ko sa buhay, nagustuhan nila ang kanilang nakita, at nagbago ang kanilang saloobin sa akin—nang gayon na lamang anupat hiniling ng aking ama sa mga Saksi na aralan ng Bibliya ang aking nakatatandang kapatid na lalaki!”
Pinatutunayan sa Sarili ang Katotohanan
Ang ‘pagbili ng katotohanan’ ay isa ring hamon sa mga kabataang pinalaki ng mga magulang na Saksi. May hilig ang ilang kabataan na ipagwalang-bahala ang katotohanan ng Bibliya. Kapag hindi nila niyakap ang gayong katotohanan, nagiging mahina at mababaw ang kanilang pananampalataya. (Ihambing ang Mateo 13:20, 21.) Si Nathaniel, isang lalaking taga-Ghana na mahigit nang 30 anyos, ang naglahad kung paano siya ‘bumili ng katotohanan’ samantalang siya’y nasa kabataan pa.
“Itinuro sa akin ng aking mga magulang ang Bibliya mula pa nang ako’y sanggol,” nagunita niya. “Habang lumalaki ako, sinasamahan ko sila sa gawaing pangangaral, pero hindi pa ako talagang nakapagpasiya na maging isang Saksi. Sa kalaunan, natanto ko na kailangang suriin ko mismo ang mga bagay-bagay.
“Una, kailangang makumbinsi ako na ang Bibliya, hindi ang anumang ibang sagradong aklat ng relihiyon, ang siyang Salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng personal na pag-aaral, natutuhan ko na ito lamang ang sagradong aklat na naglalaman ng napakaraming maliwanag na mga hula na natupad nang buong-kawastuan. Nalaman ko rin na naglalaman ang Bibliya ng maraming siyentipikong katotohanan—halimbawa, na ang lupa ‘ay nakabitin sa wala.’ (Job 26:7) Ang mga salitang ito ay isinulat libu-libong taon bago nalaman ng mga siyentipiko ang tungkol sa ating sistema solar. Tanging ang Diyos lamang ang maaaring umakay sa mga tao upang sumulat ng gayong mga bagay!a
“Sumunod, ibig kong malaman kung aling relihiyosong organisasyon ang nagtuturo at nagsasagawa ng mga katotohanang itinuturo sa Bibliya. Karamihan sa mga relihiyon ay nagtuturo ng apoy ng impiyerno, Trinidad, at imortal na kaluluwang hindi namamatay. Ngunit hindi ko maunawaan ang mga doktrinang ito. Nangatuwiran ako: Hindi ba balakyot ang isang ama na maglalagay ng kamay ng kaniyang anak sa kumukulong tubig bilang isang parusa? Paano, kung gayon, mailalagay ng isang Diyos ng pag-ibig ang kaniyang mga anak sa isang maapoy na impiyerno at hayaan silang magdusa? Gayunman, ang itinuturo ng mga Saksi ni Jehova ay kasuwato ng mga teksto sa Bibliya tulad ng Roma 6:23, na nagsasabi: ‘Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan’—hindi isang maapoy na impiyerno. Naunawaan ko ito.
“Napansin ko rin na kahilingan sa mga Saksi ni Jehova na ang lahat ng miyembro ay mamuhay ayon sa mga pamantayan sa Bibliya at kanilang itinitiwalag ang lahat ng nagkakasalang hindi nagsisisi. Dahil sa lahat ng ito, nasabi ko na taglay ng mga Saksi ni Jehova ang katotohanan, at personal akong nagpasiya na maging isa sa kanila. Nagsikap ako upang maging kuwalipikado sa bautismo bilang isang Saksi.”—1 Corinto 5:11-13.
Mainam na isinisiwalat ng karanasan ni Nathaniel na maging ang mga kabataang pinalaki ng Kristiyanong mga magulang ay kailangang ‘bumili ng katotohanan.’ Hindi sila dapat basta dumadalo lamang sa mga pulong ng kongregasyon. Tulad ng sinaunang mga taga-Berea, dapat nilang ‘maingat na suriin ang Kasulatan sa araw-araw kung gayon nga ang mga bagay na ito.’ (Gawa 17:11) Nangangailangan ito ng panahon at pagsisikap, ngunit maaari itong magbunga ng matatag na pananampalataya at pananalig.—Ihambing ang Efeso 3:17-19.
Nasiphayo sa Huwad na Relihiyon
Isang lalaking taga-Ghana na nagngangalang Godwin ang halos 70 anyos na nang iwan niya ang Simbahang Presbiteryano at isang Masonic Lodge. “May mga bagay na nangyayari sa simbahan na hindi ko nagustuhan,” sabi ni Godwin. “Halimbawa, maraming hidwaan sa pagitan ng mga miyembro, at nagpapatuloy pa rin iyon. Kung minsan ay kailangang pumunta ang mga pulis upang ibalik ang kapayapaan at kaayusan! Sa palagay ko’y hindi ito nararapat para sa mga tagasunod ni Kristo. Pagkatapos ay bumangon ang isang suliranin sa pagitan ko at ng isang kapuwa Presbiteryano. Isang pampublikong hukuman ang duminig sa kaso at humatol na siya ang nagkasala. Gayunman, ang ministro ng simbahan ay di-makatarungang pumanig sa lalaking ito at nagtangkang sawayin ako sa harap ng buong kongregasyon! Sinabi ko sa kaniya ang nasa isip ko at umalis na ako ng simbahan—upang hindi na bumalik kailanman.
“Nagdaan ang ilang panahon, at dumalaw ang mga Saksi ni Jehova sa aking tahanan. Sa simula, nakikinig lamang ako dahil ayaw kong tanggihan ang mga taong nagsasalita tungkol sa Diyos. Ngunit nagsimula kong mapansin na kahit ako ay naging isang Presbiteryano sa loob ng maraming dekada, marami akong hindi alam tungkol sa Bibliya. Halimbawa, hindi ko kailanman nalaman na iniaalok ng Bibliya ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa.b At nang magsimula akong dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, lubha kong hinangaan ang pag-uugali, at lalo na ang pananamit at pag-aayos ng kanilang mga kabataan. Ito ang mga tao na talagang namumuhay ayon sa mga simulain sa Bibliya!”
Gayunpaman, sa ‘pagbili ng katotohanan’ ay kinailangan niyang gumawa ng ilang mahirap na pagbabago sa kaniyang buhay. Nagunita ni Godwin: “Dati akong miyembro ng isang Masonic Lodge. At bagaman kilala ito bilang isang pangkapatirang samahan na naglalaan ng tulong sa mga miyembro nito, nakakita ako ng mga ritwal na doo’y gumagamit ng mga bungo at buto at pananawagan sa mga espiritu. Ang mga espiritung ito ay inaakalang tumutulong sa mga nakikipag-ugnayan sa kanila upang sumulong sa espirituwal.
“Ang aking pag-aaral ay nakatulong sa akin na maunawaang kinasusuklaman ng Diyos na Jehova ang anumang pagkasangkot sa espiritismo dahil mailalagay nito ang isa sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas at ng kaniyang mga puwersa ng balakyot na espiritu.c Magpapatuloy ba ako bilang isang miyembro ng Masonic Lodge lakip na ang lahat ng kahiwagaan nito, o hihinto ako at palulugdan si Jehova? Pinili ko ang huli. Winasak ko ang lahat ng aking kagamitan sa pagiging isang Freemason, maging ang kasuutang ginagamit ko sa mga pulong ng Lodge. Naranasan ko ang katotohanan ng pangako ni Jesus nang sabihin niya, ‘Ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo’! (Juan 8:32) Ngayon ay maligaya kong ibinabahagi sa iba ang mga bagay na natutuhan ko. Wala akong anumang pagsisisi.”
Libu-libong tapat-pusong tao ang gumawa rin naman ng malalaking sakripisyo upang ‘makabili ng katotohanan.’ Tulad ng tatlong tapat na Kristiyanong tinalakay rito, hindi sila nagsisi sa mga pagbabagong ginawa nila. Ang katotohanan sa Bibliya ay nagbigay sa kanila ng “isang mainam na pundasyon para sa hinaharap, upang makapanghawakan sila nang mahigpit sa tunay na buhay.” (1 Timoteo 6:19) Ang “tunay na buhay” na iyan at ang lahat ng kaakibat nitong pagpapala ay maaari ring mapasaiyo magpakailanman kung ikaw ay ‘bibili ng katotohanan.’
[Mga talababa]
a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Halimbawa, tingnan ang Awit 37:9-11, 29.
c Tingnan ang Deuteronomio 18:10, 12 at Galacia 5:19-21.
[Larawan sa pahina 9]
Nathaniel
[Larawan sa pahina 9]
Godwin