Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Ang Pagbabata ay Umakay sa Pagpapala ng Diyos sa Malawi
SI Jose ay isang tapat na lingkod ni Jehova. (Hebreo 11:22) Siya ay isa ring taong nagbata sa natatanging paraan. Bagaman nilinlang siya ng kaniyang sariling mga kapatid, dalawang beses na ipinagbili sa pagkaalipin, at nang maglaon ay nabilanggo dahil sa mga maling paratang, hindi natinag si Jose. Sa halip, siya’y matiyagang nagbata ng mga taon ng kapighatian, anupat mapagpakumbabang hinintay ang pagpapala ni Jehova.—Genesis 37:23-28, 36; 39:11-20.
Gayundin sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova sa Malawi ay matiyagang naghintay sa pagpapala ng Diyos. Sa loob ng 26 na taon, tiniis ng mga Kristiyanong Saksing ito ang mga pagbabawal ng pamahalaan, matinding pagsalansang, at maraming kalupitan. Ngunit nagbunga ang kanilang pagbabata!
Nang bumangon ang pag-uusig sa Malawi noong bandang katapusan ng 1967, may humigit-kumulang 18,000 mamamahayag ng Kaharian. Gunigunihin ang kagalakan ng mga Saksi nang malaman nilang nagsimula ang 1997 taon ng paglilingkod na may bagong pinakamataas na bilang na 38,393 mamamahayag—mahigit sa dalawang beses ang dami kaysa noong magsimula ang pagbabawal! Isa pa, ang bilang ng dumalo sa 13 “Mga Mensahero ng Makadiyos na Kapayapaan” na Pandistritong mga Kombensiyon na idinaos sa Malawi ay umabot sa 117,000. Tunay na pinagpala ni Jehova ang kanilang pananampalataya at pagbabata.
Ang isang halimbawa ng pagpapalang ito ay ang karanasan ng 14-na-taong-gulang na batang lalaki na nagngangalang Machaka. Nang tanggapin ni Machaka ang alok na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, nagalit nang husto ang kaniyang mga magulang. Sabi nila: “Kung gusto mong maging isang Saksi, kailangang lumayas ka sa bahay.” Subalit ang bantang ito ay hindi nakapigil sa kaniya na ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral. Bunga nito, kinuha ng mga magulang ni Machaka ang lahat ng kaniyang damit. Tumugon ang mga kapatid sa pamamagitan ng pagbili ng ilang damit para sa kaniya. Nang malaman ito ng mga magulang ni Machaka, sinabi nila sa kaniya: “Kung susuportahan ka ng mga Saksi, kailangang lumayas ka at makitira ka sa kanila.” Pagkatapos isiping mabuti ang bagay na ito, umalis si Machaka sa kanilang tahanan, at kinupkop siya ng isang pamilyang Saksi sa lokal na kongregasyon.
Gayon na lamang ang pagkagalit ng mga magulang ni Machaka anupat nagpasiya silang umalis sa lugar na iyon upang maiwasan ang anumang pakikipag-ugnayan sa mga Saksi. Sabihin pa, ikinalungkot ito ni Machaka, ngunit nakasumpong siya ng malaking kaaliwan nang ipakipag-usap sa kaniya ng mga kapatid ang Awit 27:10, na nagsasabi: “Sakaling iwan ako ng aking sariling ama at sariling ina, tatanggapin ako ni Jehova.”
Sa kalaunan, lumambot ang kalooban ng mga magulang ni Machaka, at nagpasiya siyang bumalik sa kanilang tahanan. Maliwanag na ang determinasyon ng kanilang anak na maglingkod kay Jehova ay may matinding epekto sa kanila sapagkat ibig din nilang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova! Dinaluhan din nila ang tatlong araw na “Mga Mensahero ng Makadiyos na Kapayapaan” na Pandistritong Kombensiyon, na pagkatapos nito’y naganyak silang magsabi: “Tunay na ito ang organisasyon ng Diyos.”
Oo, maaaring napakahirap ang pagsalansang, ngunit hindi sumusuko ang matapat na mga mensahero ng Diyos. Lakas-loob silang nagpapatuloy, sa pagkaalam na “ang kapighatian ay nagbubunga ng pagbabata; ang pagbabata naman, ng sinang-ayunang kalagayan.” (Roma 5:3, 4) Wastong mapatutunayan ng mga Saksi ni Jehova sa Malawi na ang pagbabata ay umaakay sa pagpapala ng Diyos.