Matibay na Saligan sa Pagiging Optimista Ngayon
ANG istoryador at sosyologong si H. G. Wells, na isinilang noong 1866, ay nagkaroon ng matinding impluwensiya sa kaisipan sa ika-20 siglo. Sa pamamagitan ng kaniyang mga isinulat, ipinaliwanag niya ang kaniyang pananalig na ang milenyo ay makakasuwato ng pag-unlad ng siyensiya. Kaya ginunita ng Collier’s Encyclopedia ang “pagiging labis-labis na optimista” ni Wells habang walang-humpay siyang nagpapagal para sa kaniyang layunin. Ngunit binanggit din nito na ang kaniyang pag-asa ay gumuho nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II.
Nang matanto ni Wells na “ang siyensiya ay maaaring gamitin ukol sa kasamaan gayundin sa kabutihan, naglaho ang kaniyang pananalig, at siya’y naging isang pesimista,” sabi ng Chambers’s Biographical Dictionary. Bakit nangyari ito?
Ang pananalig at pag-asa ni Wells ay nakasalalay lamang sa mga tagumpay ng tao. Nang matanto niyang hindi kaya ng sangkatauhan na matamo ang kaniyang Utopia, wala na siyang masulingan. Ang pagkabigo ay agad nauwi sa pagkasira ng loob.
Sa ngayon, maraming tao ang may gayunding karanasan sa parehong kadahilanan. Punung-puno sila ng pag-asa nang sila’y nasa kabataan pa ngunit biglang umurong sa pananahimik dahil sa pagkasira ng loob habang sila’y nagkakaedad. Mayroon pa ngang mga kabataan na tumalikod na sa tinaguriang normal na paraan ng pamumuhay at nagpakagumon sa droga, kahalayan, at iba pang nakapipinsalang istilo ng pamumuhay. Ano ang solusyon? Isaalang-alang ang sumusunod na halimbawa noong panahon ng Bibliya at tingnan kung ano ang saligan para sa pag-asa—noon, ngayon, at sa hinaharap.
Ginantimpalaan ang Pagiging Optimista ni Abraham
Noong taong 1943 B.C.E., si Abraham ay lumipat mula sa Haran, tumawid sa Ilog Eufrates, at pumasok sa lupain ng Canaan. Inilarawan si Abraham bilang ang “ama ng lahat niyaong may pananampalataya,” at anong inam ng halimbawang iniwan niya!—Roma 4:11.
Sumama kay Abraham si Lot, ang ulilang anak ng kapatid ni Abraham, at ang pamilya ni Lot. Pagkaraan, nang magkagutom sa lupain, ang dalawang pamilya ay lumipat sa Ehipto, at nang maglaon ay magkasama silang bumalik. Sina Abraham at Lot nang panahong iyon ay nakapagtipon na ng malaking kayamanan, gayundin ng mga kawan at mga bakahan. Nang mag-away ang kanilang mga tagapag-alaga ng kawan, si Abraham ay nagkusa at nagsabi: “Pakisuyo, huwag magpatuloy ang anumang awayan sa pagitan natin at sa pagitan ng aking mga tagapag-alaga ng kawan at ng iyong mga tagapag-alaga ng kawan, sapagkat tayong mga lalaki ay magkakapatid. Hindi ba ang buong lupain ay nakalaan sa iyo? Pakisuyo, humiwalay ka sa akin. Kung paroroon ka sa kaliwa, kung gayon ay paroroon ako sa kanan; ngunit kung paroroon ka sa kanan, kung gayon ay paroroon ako sa kaliwa.”—Genesis 13:8, 9.
Palibhasa’y nakatatanda, maaari sanang isaayos ni Abraham ang mga bagay-bagay nang pabor sa kaniya, at si Lot, bilang paggalang sa kaniyang tiyuhin, ay maaari namang pumayag sa kagustuhan ni Abraham. Sa halip, “itiningin ni Lot ang kaniyang mga mata at nakita ang buong Distrito ng Jordan, na lahat niyaon ay isang pook na natutubigang mainam bago wasakin ni Jehova ang Sodoma at Gomorra, tulad ng hardin ni Jehova, tulad ng lupain ng Ehipto hanggang sa Zoar. Nang magkagayon ay pinili ni Lot para sa kaniyang sarili ang buong Distrito ng Jordan.” Sa kaniyang pinili, si Lot ay may lahat ng dahilan upang maging positibo. Pero kumusta naman si Abraham?—Genesis 13:10, 11.
Naging padalus-dalos ba si Abraham, anupat isinapanganib ang kapakanan ng kaniyang pamilya? Hindi. Ginantimpalaan nang malaki ang positibong saloobin at pagiging mapagbigay ni Abraham. Sinabi ni Jehova kay Abraham: “Itingin mo ang iyong mga mata, pakisuyo, at tumanaw ka mula sa dako na kinaroroonan mo, pahilaga at patimog at pasilangan at pakanluran, sapagkat ang buong lupain na iyong tinitingnan, sa iyo at sa iyong binhi ay ibibigay ko iyon hanggang sa panahong walang takda.”—Genesis 13:14, 15.
May matibay na saligan ang pagiging positibo ni Abraham. Nakasalig iyon sa pangako ng Diyos na gagawa siya ng isang dakilang bansa mula kay Abraham nang sa gayo’y “pagpapalain ng lahat ng pamilya sa lupa ang kanilang sarili sa pamamagitan [ni Abraham].” (Genesis 12:2-4, 7) Tayo rin naman ay may dahilan upang magtiwala, sa pagkaalam na “pinangyayari ng Diyos na magtulungan sa isa’t isa ang lahat ng kaniyang mga gawa ukol sa kabutihan niyaong mga umiibig sa Diyos.”—Roma 8:28.
Dalawang Optimistang Espiya
Pagkaraan ng mahigit na 400 taon, ang bansang Israel ay handa nang pumasok sa Canaan, “isang lupain na inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” (Exodo 3:8; Deuteronomio 6:3) Nag-atas si Moises ng 12 pinuno upang ‘kilalanin ang lupain at magbigay-alam tungkol sa daan na dapat sampahin at mga lunsod na kanilang pupuntahan.’ (Deuteronomio 1:22; Bilang 13:2) Nagkaisa ang lahat ng 12 espiya sa kanilang paglalarawan sa kasaganaan ng lupain, ngunit ang 10 sa kanila ay nagbigay ng negatibong ulat na naghasik ng takot sa mga tao.—Bilang 13:31-33.
Sa kabilang panig, positibong mensahe ang iniharap nina Josue at Caleb sa bayan at ginawa nila ang lahat upang pawiin ang kanilang takot. Masasalamin sa kanilang saloobin at ulat ang ganap na tiwala sa kakayahan ni Jehova na tuparin ang kaniyang salita na ibabalik sila sa Lupang Pangako—ngunit nawalan ng saysay. Sa halip, “pinag-usapan ng buong kapulungan na pagpupukulin sila ng bato.”—Bilang 13:30; 14:6-10.
Hinimok ni Moises ang bayan na magtiwala kay Jehova, ngunit ayaw nilang makinig. Dahil nagpumilit sila sa kanilang negatibong saloobin, ang buong bansa ay nagpagala-gala sa ilang sa loob ng 40 taon. Sa 12 espiya, sina Josue at Caleb lamang ang nagkamit ng gantimpala sa pagiging positibo. Ano ba ang pangunahing suliranin? Ang kawalan ng pananampalataya, sapagkat bumaling ang bayan sa kanilang sariling karunungan.—Bilang 14:26-30; Hebreo 3:7-12.
Ang Pag-aatubili ni Jonas
Nabuhay si Jonas noong ikasiyam na siglo B.C.E. Ipinakikita ng Bibliya na siya’y isang tapat na propeta ni Jehova sa sampung-tribong kaharian ng Israel, noong naghahari si Jeroboam II. Gayunma’y tinanggihan niya ang isang atas na pumaroon sa Nineve upang bigyang babala ang mga tao. Sinabi ng istoryador na si Josephus na “naisip [ni Jonas] na mas mabuting lumihis ng daan” at sa halip ay magtungo sa Jope. Doon ay sumakay siya sa isang bangka patungong Tarshish, malamang na ang modernong-panahong Espanya. (Jonas 1:1-3) Ipinaliwanag sa Jonas 4:2 kung bakit naging negatibo ang pangmalas ni Jonas sa atas na ito.
Nang dakong huli ay pumayag si Jonas na tuparin ang kaniyang misyon, ngunit nagalit siya nang magsisi ang mga tao sa Nineve. Kaya tinuruan siya ni Jehova ng isang mainam na aral tungkol sa pagkamadamayin sa pamamagitan ng pagpapangyaring matuyo at mamatay ang halamang botelyang-upo na sinisilungan ni Jonas. (Jonas 4:1-8) Ang kalungkutan ni Jonas sa pagkamatay ng halaman ay mas dapat sanang iniukol sa 120,000 lalaki sa Nineve na hindi “nakaaalam ng kaibahan ng kanilang kanang kamay at ng kanilang kaliwa.”—Jonas 4:11.
Ano ang matututuhan natin sa karanasan ni Jonas? Walang dako ang pesimismo sa sagradong paglilingkod. Kung ating kikilalanin ang pangunguna ni Jehova at susundin iyon taglay ang lubos na pagtitiwala, magtatagumpay tayo.—Kawikaan 3:5, 6.
Positibo sa Kabila ng mga Kagipitan
“Huwag kang mag-init dahil sa mga manggagawa ng kasamaan,” sabi ni Haring David. “Huwag kang mainggit sa mga gumagawa ng kalikuan.” (Awit 37:1) Talaga namang matalinong payo ito, sapagkat napalilibutan tayo ngayon ng kawalang-katarungan at kalikuan.—Eclesiastes 8:11.
Subalit kahit na hindi tayo naiinggit sa mga di-matuwid, madaling masiphayo kapag nakikita nating nagdurusa ang mga inosenteng tao sa kamay ng mga balakyot o kapag tayo mismo ay pinakitunguhan nang di-makatarungan. Baka masiraan tayo ng loob o magkaroon ng negatibong saloobin dahil sa gayong mga karanasan. Kapag ganiyan ang nadarama natin, ano ang dapat nating gawin? Una, maaari nating tandaan na hindi maaaring maging kampante na lamang ang mga balakyot at isiping hindi na sila maparurusahan kailanman. Tinitiyak sa atin ng Awit 37 sa talatang 2: “Tulad ng damo ay agad silang [ang mga balakyot] matutuyo, at tulad ng bagong luntiang damo ay malalanta sila.”
Karagdagan pa, maaari tayong magpatuloy sa paggawa ng mabuti, manatiling positibo, at maghintay kay Jehova. “Lumayo ka sa masama at gumawa ka ng mabuti, at sa gayo’y manahan hanggang sa panahong walang-takda,” ang sabi pa ng salmista. “Sapagkat si Jehova ay umiibig sa katarungan, at hindi niya iiwan ang mga matapat sa kaniya.”—Awit 37:27, 28.
Nagtatagumpay ang Tunay na Pagiging Optimista!
Paano na, kung gayon, ang ating kinabukasan? Sinasabi sa atin ng aklat sa Bibliya na Apocalipsis ang tungkol sa “mga bagay na kailangang maganap sa di-kalaunan.” Kabilang sa mga ito, isang nakasakay sa kabayong kulay-apoy, na lumalarawan sa digmaan, ang isiniwalat na ‘mag-aalis ng kapayapaan mula sa lupa.’—Apocalipsis 1:1; 6:4.
Isang popular—at positibong—opinyon sa Britanya noong Digmaang Pandaigdig I ang bagay na ito’y magiging pinakahuling malaking digmaan. Noong 1916, mas makatotohanan ang Britanong estadistang si David Lloyd George. Sabi niya: “Ang digmaang ito, tulad ng susunod na digmaan, ay isang digmaan na tatapos sa digmaan.” (Amin ang italiko.) Tama siya. Pinabilis lamang ng Digmaang Pandaigdig II ang paggawa ng mas malulupit na pamamaraan sa lansakang pagpuksa. Pagkaraan ng mahigit na 50 taon, hindi pa rin matanaw ang pag-asang magwawakas ang digmaan.
Sa aklat ding iyon ng Apocalipsis, mababasa natin ang tungkol sa iba pang mangangabayo—sumasagisag sa taggutom, salot, at kamatayan. (Apocalipsis 6:5-8) Ang mga ito ay karagdagang bahagi ng tanda ng panahon.—Mateo 24:3-8.
Ang mga ito ba’y dahilan para masiraan ng loob? Hinding-hindi, sapagkat inilalarawan din sa pangitain ang “isang kabayong puti; at ang isa na nakaupo sa ibabaw nito ay may isang busog; at isang korona ang ibinigay sa kaniya, at humayo siyang nananaig at upang lubusin ang kaniyang pananaig.” (Apocalipsis 6:2) Dito ay nakikita natin si Jesu-Kristo bilang isang makalangit na Haring nag-aalis ng lahat ng kabalakyutan, anupat nakasakay siya upang magtatag ng kapayapaan at pagkakaisa sa buong daigdig.a
Bilang Haring-Hinirang, habang nasa lupa ay itinuro ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad na manalangin para sa Kahariang iyan. Marahil ay naturuan ka rin naman na bigkasin ang “Ama Namin,” o ang Panalangin ng Panginoon. Dito ay ipinapanalangin natin na dumating nawa ang Kaharian ng Diyos, na matupad ang kaniyang kalooban dito sa lupa kung paanong gayon sa langit.—Mateo 6:9-13.
Sa halip na sikaping ayusin ang kasalukuyang sistema ng mga bagay, lubusan itong aalisin ni Jehova, na kumikilos sa pamamagitan ng kaniyang Mesiyanikong Hari, si Kristo Jesus. Kahalili nito, sabi ni Jehova, “ako’y lumilikha ng mga bagong langit at ng isang bagong lupa; at ang mga dating bagay ay hindi maaalaala, o mapapasa-puso man.” Sa ilalim ng makalangit na pamahalaan ng Kaharian, ang lupa ay magiging isang mapayapa at maligayang tahanan para sa sangkatauhan, kung saan laging nakagagalak ang mabuhay at gumawa. “Magalak magpakailanman sa aking nililikha,” sabi ni Jehova. “Ang aking pinili ay makikinabang na lubusan sa gawa ng kanilang sariling mga kamay.” (Isaias 65:17-22) Kung isasalig mo ang iyong pag-asa sa kinabukasan sa pangakong ito na di-mabibigo, magkakaroon ka ng lahat ng dahilan upang maging optimista—ngayon at magpakailanman!
[Talababa]
a Para sa detalyadong pagtalakay sa pangitaing ito, pakisuyong tingnan ang kabanata 16 ng aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 4]
H. G. Wells
[Credit Line]
Corbis-Bettmann