Ang Pamilya—Nasa Kagipitan!
“AT SILA’Y namuhay nang maligaya mula noon.” Umuunti na ang mga pagsasamang pinagkakapitan ng ganiyang pagtatapos ng kuwentong alamat. Ang pangako sa panahon ng kasal na sila’y mag-iibigan ‘sa hirap at ginhawa habang sila’y nabubuhay’ ay madalas na kasabihan na lamang. Ang posibilidad na magkaroon ng isang maligayang pamilya ay waring isang sugal na laging talo.
Sa pagitan ng 1960 at 1990, higit pa sa doble ang bilang ng diborsiyo sa halos lahat ng industriyalisadong bansa sa Kanluran. Sa ilang lupain naman ay dumami ang mga ito nang apat na ulit. Halimbawa, taun-taon, 35,000 kontrata ng kasal ang inirerehistro sa Sweden, at halos kalahati sa mga ito ang maghihiwalay na nagsasangkot ng mahigit na 45,000 bata. Mas maraming nagsasama nang di-kasal ang naghihiwalay, anupat apektado ang sampu-sampung libo pa na mga bata. Ganito rin ang nangyayari sa mga bansa sa buong daigdig, gaya ng makikita sa kahon sa pahina 5.
Totoo, ang pagkawasak ng mga pamilya at pagputol sa tali ng pag-aasawa ay hindi na bago sa kasaysayan. Ang Kodigo ni Hammurabi noong ika-18 siglo B.C.E. ay naglakip ng mga batas na nagpapahintulot ng diborsiyo sa Babilonya. Maging ang Batas Mosaiko, na pinasinayaan noong ika-16 na siglo B.C.E., ay nagpahintulot ng diborsiyo sa Israel. (Deuteronomio 24:1) Gayunman, nitong ika-20 siglo ang buklod ng pamilya ay humina nang gayon na lamang. Mahigit na isang dekada na ang nakararaan, sumulat ang isang kolumnista sa pahayagan: “Limampung taon mula ngayon, maaaring mawalan na tayo ng anumang pamilya sa tradisyunal na diwa nito. Maaaring mapalitan ito ng mga grupong may iba’t ibang uri.” At ang kalakaran mula noon ay wari ngang nagpapatunay ng kaniyang palagay. Napakabilis na humina ang institusyon ng pamilya anupat ang tanong na, “Makaliligtas kaya ito?” ay nagiging lalong angkop.
Bakit kaya napakahirap para sa maraming mag-asawa na manatiling nagsasama at nagkakaisa bilang isang pamilya? Ano kaya ang lihim niyaong mga nakapananatiling magkasama sa mahabang panahon, na masayang nagdiriwang ng kanilang ika-25 at ika-50 taon ng anibersaryo ng kasal? Siyanga pala, iniulat na noong 1983 ay nagdiwang ng kanilang ika-100 anibersaryo ng kasal ang isang mag-asawa sa dating Sobyet na republika ng Azerbaijan—sa edad na 126 ang lalaki at 116 ang babae.
Ano ba ang Panganib?
Ang ilan sa mga dahilan ng legal na diborsiyo sa maraming bansa ay ang pangangalunya, mental o pisikal na pagmamalupit, pagpapabaya, alkoholismo, impotensya, pagkasira ng isip, bigamya, at pagkasugapa sa droga. Gayunman, ang mas karaniwang dahilan ay ang malaking pagbabago sa saligang saloobin sa pag-aasawa at tradisyunal na buhay-pampamilya, lalo na nitong nakalipas na mga dekada. Ang paggalang sa isang institusyon na itinuring na sagrado sa napakahabang panahon ay nawala na. Pinaganda ng mga gahamang gumagawa ng musika, pelikula, mga drama sa TV, at sikat na mga literatura ang di-umano’y kalayaan sa sekso, imoralidad, mahalay na paggawi, at makasariling istilo ng buhay. Itinaguyod nila ang isang kulturang nagpasamâ sa isip at puso ng kapuwa mga bata at matatanda.
Ipinakita ng isang surbey noong 1996 na 22 porsiyento ng mga Amerikano ang nagsasabi na ang pakikipagrelasyon ay nakatutulong kung minsan sa pag-aasawa. Isang pantanging isyu ng isa sa pinakamalaking pahayagan sa Sweden na Aftonbladet, ang humihimok sa mga kababaihan na makipagdiborsiyo sapagkat “ito ay makabubuti.” Inisip pa man din ng ilang modernong sikologo at antropologo na ang tao ay “nakaprograma na” ayon sa ebolusyon na magpalit ng kapareha tuwing lilipas ang ilang taon. Sa ibang salita, ipinahihiwatig nila na ang pakikipagrelasyon at diborsiyo ay likas lamang. Ikinakatuwiran pa nga ng ilan na ang pagdidiborsiyo ng mga magulang ay maaaring makabuti sa mga anak, anupat naihahanda sila upang maharap ang kanilang sariling pagdidiborsiyo balang araw!
Maraming kabataan ang hindi na nagnanais na mamuhay sa isang tradisyunal na pamilya, na may tatay, nanay, at mga anak. “Hindi ko maubos-maisip na sa buong buhay ko’y iyon at iyon na lamang ang aking kasama,” ang naging popular na pangmalas. “Ang pag-aasawa ay parang Pasko, isa lamang kuwentong alamat. Hindi ko iyon pinaniniwalaan,” sabi ng isang 18-anyos na lalaking taga-Denmark. “Pakiramdam ko, bakit ako makikisama sa [mga lalaki] para maglaba lamang ng kanilang mga medyas,” sabi ni Noreen Byrne ng National Women’s Council sa Ireland. “Magsaya ka at makipaglaro lamang sa kanila . . . Maraming kababaihan ang nagpapasiyang hindi nila kailangan ang mga lalaki upang mabuhay.”
Dumarami ang mga Sambahayang May Nagsosolong Magulang
Ang saloobing ito ay humantong sa mabilis na pagdami ng nagsosolong ina sa buong Europa. Ang ilan sa mga nagsosolong magulang na ito ay mga tin-edyer na naniniwalang hindi isang pagkakamali ang wala-sa-planong pagdadalang-tao. Ang ilan ay mga babaing gustong solohin ang pagpapalaki sa kanilang anak. Karamihan ay mga inang nakisama sa ama nang ilang panahon, na wala namang planong pakasalan ito. Pinalawak ng magasing Newsweek ang isang artikulo sa pabalat noong isang taon hinggil sa tanong na “Lipas Na ba ang Pag-aasawa?” Binanggit nito na mabilis na tumataas ang porsiyento ng pag-aanak sa pagkadalaga sa Europa at na waring wala man lamang nababahala rito. Ang Sweden ang nangunguna sa talaan, anupat ang kalahati sa lahat ng sanggol doon ay ipinanganganak sa pagkadalaga. Sa Denmark at Norway ay halos kalahati, at sa Pransiya at Inglatera naman, mga 1 sa 3.
Sa Estados Unidos, mabilis na umunti ang mga pamilyang may dalawang magulang nitong nakalipas na ilang dekada. Sabi ng isang ulat: “Noong 1960, . . . 9 na porsiyento ng lahat ng mga bata ay nakatira sa mga tahanang may nagsosolong magulang. Nang sumapit ang 1990, ang bilang na iyan ay umabot sa 25 porsiyento. Sa ngayon, 27.1 porsiyento ng lahat ng batang Amerikano ay ipinanganganak sa mga tahanang may nagsosolong magulang, isang bilang na tumataas pa. . . . Mula noong 1970, ang bilang ng mga pamilyang may nagsosolong magulang ay higit pa sa doble. Tunay na nanganganib ang tradisyunal na pamilya sa ngayon anupat ito’y maaaring nasa bingit na ng pagkaubos, sabi ng ilang mananaliksik.”
Sa mga bansa na kung saan ang Simbahang Romano Katoliko ay nawalan na halos ng awtoridad sa moral, nagpapatuloy ang pagdami ng mga pamilyang may nagsosolong magulang. Wala pang kalahati sa mga sambahayan sa Italya ang may ina, ama, at mga anak, at ang tradisyunal na pamilya ay pinapalitan ng mga mag-asawang walang anak at mga sambahayang may nagsosolong magulang.
Ang mga sentro ng kawanggawa sa ilang bansa ay humihimok mismo sa mga tao na huwag mag-asawa. Ang mga dalagang ina na tumatanggap ng pampublikong tulong ay mawawalan nito kapag sila’y nag-asawa. Ang mga dalagang ina sa Denmark ay tumatanggap ng karagdagang tulong na salapi para sa pangangalaga sa bata, at sa ilang komunidad, ang menor-de-edad na mga ina ay tumatanggap ng dagdag na salapi at pang-upa sa bahay. Samakatuwid, salapi ang nasasangkot. Sinasabi ni Alf B. Svensson na ang binabayaran sa buwis para sa diborsiyo sa Sweden ay nagkakahalaga sa pagitan ng 250 libo o 375 libong dolyar para sa mga tulong na salapi, upa sa bahay, at kawanggawa.
Ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan ay waring hindi halos kumikilos o walang ginagawa upang baguhin ang mapangwasak na kalakarang ito sa gitna ng mga pamilya. Maraming pastor at mga klerigo ang nakikipagtunggali sa krisis ng kani-kanilang sariling pamilya, kung kaya pakiramdam nila’y wala silang kakayahang tumulong sa iba. Ang ilan naman ay parang itinataguyod pa ang diborsiyo. Iniulat ng Aftonbladet ng Abril 15, 1996, na si pastor Steven Allen na taga-Bradford, Inglatera, ay lumikha ng isang pantanging seremonya sa diborsiyo, na iminungkahi niyang dapat na magsilbing isang opisyal na serbisyo sa lahat ng simbahan sa Britanya. “Ito’y isang serbisyo na panlunas upang tulungan ang sinuman na matanggap ang nangyari sa kanila. Tumutulong ito upang mapagtanto nila na mahal pa rin sila ng Diyos at pinalalaya sila upang di-masaktan.”
Saan na kaya papunta kung gayon ang institusyon ng pamilya? May pag-asa pa kaya itong makaligtas? Maiingatan kaya ng indibiduwal na mga pamilya ang kanilang pagkakaisa sa ilalim ng ganitong malawakang panganib? Pakisuyong isaalang-alang ang susunod na artikulo.
[Chart sa pahina 5]
PAGHAHAMBING NG TAUNANG PAG-AASAWA AT MGA DIBORSIYO SA ILANG BANSA
BANSA TAON PAG-AASAWA DIBORSIYO
Australia 1993 113,255 48,324
Canada 1992 164,573 77,031
Cuba 1992 191,837 63,432
Czech Republic 1993 66,033 30,227
Denmark 1993 31,507 12,991
Estonia 1993 7,745 5,757
Pransiya 1991 280,175 108,086
Alemanya 1993 442,605 156,425
Hapon 1993 792,658 188,297
Maldives 1991 4,065 2,659
Norway 1993 19,464 10,943
Puerto Rico 1992 34,222 14,227
Russian Federation 1993 1,106,723 663,282
Sweden 1993 34,005 21,673
United Kingdom 1992 356,013 174,717
Estados Unidos 1993 2,334,000 1,187,000
(Batay sa 1994 Demographic Yearbook, United Nations, New York 1996)