Isang Di-malilimot na Pangyayari sa Pransiya
“AYAW NAMIN NG LUNSOD NI JEHOVA!” ang sabi ng mga poster na nakadispley sa buong bayan. “Magsama-sama Tayo Laban sa Proyekto ng Jehova” ang paghimok ng isang grupong salansang. Literal na daan-daang artikulo sa pamahayagan ang nagtampok ng bagay na ito sa mata ng publiko. Ang mga petisyon ay nilagdaan, at isang talaksan ng mahigit na kalahating milyong pulyeto na bumabanggit tungkol sa proyekto ang bumaha sa mga buson ng tagaroon. Ano ba ang proyektong ito na nakagambala sa katahimikan ng dati’y tahimik na bayan ng Louviers, sa hilagang-kanluran ng Pransiya? Ang planong pagtatayo ng isang bagong tanggapang pansangay at tirahan ng mga Saksi ni Jehova.
Si Jehova ang Nagpapalago Nito
Ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Pransiya ay nagsimula noon pang pagtatapos ng ika-19 na siglo. Ang unang depo o bodega para sa literatura ng Bibliya ay nabuksan noong 1905 sa Beauvène, sa katimugan ng Pransiya, at noong 1919, isang maliit na tanggapan ang nangangasiwa sa Paris. Isang tanggapang pansangay ang opisyal na nabuksan sa lunsod noong 1930, at nang sumunod na taon ang mga kawani sa tanggapan ay nanirahan sa isang tahanang Bethel na nasa Enghien-les-Bains, hilaga ng Paris. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, ang pamilyang Bethel ay bumalik sa Paris, at noong 1959 ang sangay ay inilipat sa isang limang-palapag na gusali sa Boulogne-Billancourt, sa kanlurang hangganan ng kabisera.
Dahil sa paglawak ng gawaing pangangaral ng Kaharian, ang mga pasilidad sa palimbagan at shipping ay inilipat noong 1973 sa Louviers, 100 kilometro sa kanluran ng Paris, samantalang ang mga tanggapan ay nanatili sa Boulogne-Billancourt. Gayunman, dahil sa pagdami sa bilang ng mga mamamahayag sa Pransiya ang mga pasilidad sa Louviers ay hindi na sapat, sa kabila ng mga pagdagdag noong 1978 at 1985. Kaya naipasiyang palakihin at dalhin ang buong pamilyang Bethel na magkakasama sa isang lugar. Ang proyektong ito ay hindi naibigan ng lahat, gaya ng nabanggit sa pasimula. Sa kabila ng mga pagsalansang na iyon, isang dako ang nasumpungan isa’t kalahating kilometro lamang mula sa palimbagan. Anim na taon ng masikap na paggawa ang sumunod, at sa wakas, pagkaraan ng 23 taon na magkahiwalay, ang buong pamilyang Bethel ay nagkasama-sama sa Louviers noong Agosto 1996.
Kaya nga isang malaking kagalakan na nagkatipon ang isang maligayang karamihan na may bilang na 1,187, kasama na ang 300 miyembro ng pamilyang Bethel sa Pransiya, at 329 na delegado mula sa 42 ibang sangay, noong Sabado, Nobyembre 15, 1997, upang pakinggan ang pahayag ng pag-aalay na ibinigay ni Brother Lloyd Barry, miyembro ng Lupong Tagapamahala. Gayunman, dahil sa ang pag-aalay na ito ay nagaganap sa harap ng pakikipag-alit at ng matagal nang mapanirang-puring kampanya ng media laban sa mga Saksi ni Jehova sa buong Pransiya, naisip na ang lahat ng Saksi sa Pransiya ay dapat na makibahagi sa pagdiriwang ng tagumpay na ito. Dahil dito, noong Linggo, Nobyembre 16, isang pantanging miting na may temang “Manatili sa Pag-ibig ni Kristo” ay isinaayos sa Villepinte Exhibition Center, sa hilaga lamang ng Paris. Lahat ng mga Saksi ni Jehova sa Pransiya kasama ang mga Saksi na nagsasalita ng Pranses sa Belgium at Switzerland ay inanyayahan, gayundin ang mga kongregasyon sa Britanya, Alemanya, Luxembourg, at Netherlands.
Isang Napakahalagang Pagtitipon
Nagsimula ang mga paghahanda para sa pagtitipon mga anim na buwan patiuna. Pagkatapos, dalawang linggo na lamang bago ang pag-aalay, nagwelga ang mga tsuper ng trak sa Pransiya, anupat hinaharangan ang malalaking daan at ang mga pinagkukunan ng gasolina. Makarating kaya sa panahon ang mga silya at ang iba pang kagamitan? Mahadlangan kaya ng mga harang sa daan ang pagdating ng mga kapatid? Sa ginhawa ng lahat, ang welga ay natapos sa loob lamang ng isang linggo, at ang mga daan ay muling nabuksan para sa mga sasakyan. Noong Biyernes ng gabi bago ang pag-aalay sa dulo ng sanlinggo, 38 trak ang naghatid ng 84,000 silya sa dalawang maluluwang na bulwagang inupahan para sa okasyong iyon. Mahigit na 800 kapatid na lalaki at babae ang nagtrabaho sa buong magdamag hanggang ikasiyam at kalahati ng umaga ng Sabado upang ayusin ang mga silya, entablado, kagamitan sa sound, at siyam na pagkalalaking iskrin ng video.
Noong ika-6:00 n.u. ng Linggo ng umaga, binuksan ang mga pinto, at nagsimulang dumagsa ang mga pulutong. Lahat-lahat ay 17 pantanging inarkilang tren ang naghatid ng mahigit na 13,000 Saksi patungo sa kabisera. Mahigit na dalawang daang lokal na mga kapatid na lalaki at babae ang naroroon sa mga istasyon ng tren upang batiin ang mga naglakbay at samahan sila nang grupu-grupo patungo sa dako ng kombensiyon. Isang sister ang nagsabi na ang maibiging kaayusang ito ay nagbigay sa kanila ng “damdamin ng katiwasayan at kabutihan.”
Ang iba ay dumating sa Paris sakay ng eroplano o ng kotse. Subalit ang karamihan ay dumating sakay ng 953 bus, samantalang ginamit naman ng mga Saksi sa dako ng Paris ang pampublikong transportasyon upang magbiyahe patungo sa Exhibition Center. Marami ang naglakbay nang magdamag o umalis ng kanilang bahay ng madaling-araw, subalit ang kanilang katuwaan sa pagdalo sa miting na ito ay kapansin-pansin. Masasaksihan ang masasayang pagbati at mainit na pagyapos ng muling pagkikita ng mga magkaibigan na hindi nagkita sa loob ng mga taon. Ang makukulay na pambansang kasuutan ay nagbigay sa masayang karamihan ng internasyonal na katangian. Walang alinlangan, isang bagay na di-pangkaraniwan ang kasalukuyang isinasagawa.
Nang magsimula ang programa, noong ika-10:00 n.u., okupado na ang lahat ng upuan, gayunman, daan-daang tao pa ang dumarating sa bawat minuto. Saan ka man tumingin, makikita mo ang maraming mukhang nakangiti. Libu-libo ang nanatiling nakatayo o nakaupo sa kongkretong sahig. Sa diwa ng tema ng asamblea, maraming kabataan ang maibiging tumayo upang makaupo ang mga may edad. “Anong ligaya namin na ibigay ang aming upuan sa mga kapatid na hindi namin kilala, subalit mahal na mahal namin!” ang sulat ng isang mag-asawa. Marami ang nagpakita ng mainam na saloobin ng pagsasakripisyo-sa-sarili: “Nakatayo kami sa buong araw sa tabi ng mga silyang inayos namin noong magdamag ng Biyernes. Subalit ang pagkanaroroon lamang ay nagpangyari sa amin na mapuno ng pasasalamat kay Jehova.”
Sa kabila ng pagod o pagkaasiwa, ang mga delegado’y matamang nakinig sa mga ulat mula sa ibang bansa at sa mga pahayag ni Lloyd Barry at ni Daniel Sydlik, na isa ring miyembro ng Lupong Tagapamahala. Binigkas ni Brother Barry ang paksang “Pinasasagana ni Jehova ang Lubos na Kapangyarihan,” at kaniyang detalyadong itinampok kung paano pinagpala ni Jehova ang kaniyang bayan ng pagsulong sa kabila ng iba’t ibang pagsubok. Ang pahayag ni Brother Sydlik ay pinamagatang “Maligaya ang Bayan na ang Diyos ay si Jehova!” Ang dalawang pahayag ay lalo nang napapanahon dahil sa pagsalansang na nakakaharap ng mga Saksi ni Jehova sa Pransiya. Ipinakita ni Brother Sydlik na ang tunay na kaligayahan ay hindi depende sa panlabas na mga salik kundi sa ating kaugnayan kay Jehova at sa ating saloobin sa buhay. Ang tanong niya sa mga tagapakinig na “Maligaya ba kayo?” ay tinugon ng masigabong palakpakan.
Isang sister na “naiwala ang kaniyang kagalakan” ay sumulat pagkatapos: “Walang anu-ano ay natanto ko na ang kaligayahan ay abot-kamay ko lamang. Itinuon ko ang aking mga pagsisikap sa maling direksiyon, at sa pamamagitan ng pahayag na ito, ipinakita sa akin ni Jehova na kailangan kong magbago.” Isa pang kapatid ang nagsabi: “Ngayon ay nais kong makipagbaka upang pagalakin ang puso ni Jehova. Ayaw kong may anumang bagay na mag-aalis ng kagalakang nadarama ko.”
Habang papatapos na ang miting, taglay ang malaking kasiglahan na ipinahayag ng tsirman ang bilang ng dumalo: 95,888—ang pinakamalaking pagtitipon kailanman ng mga Saksi ni Jehova sa Pransiya!
Pagkatapos ng pansarang awit, na inawit ng marami na may mga luha ng kagalakan sa kanilang mga mata, at ng panghuling panalangin, ang mga kapatid ay umuwi taglay ang pinaghalong tuwa at lungkot. Ang masigla at palakaibigang kapaligiran ng pagtitipon ay napansin. Maraming positibong komento tungkol sa saloobin ng mga delegado ang sinabi ng mga tsuper ng bus. Humanga rin sila sa organisasyon na nagpangyari sa lahat ng 953 bus na umalis sa Exhibition Center sa loob lamang ng dalawang oras nang hindi man lamang nagsiksikan sa trapiko! Ang paggawi ng mga delegado ay labis ding pinasalamatan ng mga empleado ng tren at pampublikong transportasyon. Maraming maiinam na pag-uusap ang sumunod, at isang mabuting patotoo ang naibigay.
“Isang Oasis sa Disyerto”
Hinimok ni apostol Pablo ang mga kapuwa Kristiyano: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, . . . nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.” (Hebreo 10:24, 25) Tiyak, ang pantanging miting na ito ay isang pinagmumulan ng malaking pampatibay-loob sa lahat, “isang oasis sa disyerto” gaya ng paglalarawan dito ng isang sister. “Kami’y umuwing napalakas, napasigla, napatibay, at higit kailanma’y nagpasiyang magalak sa paglilingkod kay Jehova,” sulat ng mga kapatid mula sa sangay ng Togo. “Yaong mga nalulungkot ay umuwing maligaya,” sabi ng isang tagapangasiwa ng sirkito. “Ang mga kapatid ay napasigla at napalakas,” sabi ng isa pa. “Noon lamang namin nadama ang gayong napakalapit na kaugnayan sa organisasyon ni Jehova,” isang mag-asawa ang naudyukang sumulat.
“Ang aking paa ay tatayo nga sa patag na dako; sa gitna ng mga nagkakatipong karamihan ay pagpapalain ko si Jehova,” sabi ng salmista. (Awit 26:12) Ang mga pagtitipong Kristiyano na ito ay nagpapangyari sa lahat na mapanauli ang tiyak na espirituwal na katatagan sa harap ng mga hadlang. “Anuman ang mga kapighatian,” tiniyak ng isang sister, “ang di-pangkaraniwang mga sandaling ito ay nakintal nang malalim sa aming mga puso at mananatili roon upang aliwin kami.” Sa katulad na paraan, isang naglalakbay na tagapangasiwa ang sumulat: “Kapag bumangon ang mahihirap na panahon, ang alaala ng patikim na ito ng Paraiso ay tutulong sa amin na mabata ang mga ito.”
“Mag-ukol kayo kay Jehova, O kayong mga pamilya ng mga bayan, mag-ukol kayo kay Jehova ng kaluwalhatian at kalakasan,” ang payo ng Awit 96:7. Walang alinlangan, ang pag-aalay ng bagong mga pasilidad ng sangay sa Pransiya ay isang umaalingawngaw na tagumpay para kay Jehova. Siya lamang ang makapagdadala ng katuparan ng proyekto sa harap ng gayong determinado at malawakang pagsalansang. Ang mga Saksi ni Jehova sa Pransiya ay nagpasiya higit kailanman na ‘manatili sa pag-ibig ni Kristo’ at ‘pasikatin ang kanilang liwanag.’ (Juan 15:9; Mateo 5:16) Lahat ng dumalo sa programa ng pag-aalay ay tiyak na nakikiisa sa damdamin ng salmista: “Ito ay nagmula kay Jehova; kamangha-mangha ito sa aming mga mata.”—Awit 118:23.
[Larawan sa pahina 26]
Lloyd Barry
[Larawan sa pahina 26]
Daniel Sydlik
[Larawan sa pahina 26]
95,888 ang dumalo sa pantanging programa sa Villepinte Exhibition Center
[Mga larawan sa pahina 28]
Libu-libo sa mga dumalo ang tumayo o umupo sa sahig upang makinig