Pamumuhay at Pangangaral sa Anino ng Isang Bulkan
“NAKAKATAKOT ang karanasang iyon. Para bang iyon na ang katapusan ng mundo na sinasabi ng Bibliya. Dapat kaming manatiling alisto at may mabuting katayuan sa harap ng Diyos na Jehova sa bawat sandali.” Ito ang mga salita ni Víctor, isa sa mga Saksi ni Jehova, nang inilalahad ang kaniyang karanasan tungkol sa paninirahan na napakalapit sa bulkang Popocatépetl, na lalong kilala bilang Popo, sa Mexico.
Ang dumadagundong na bulkang ito ay napapabalita na sa buong daigdig mula pa noong 1994.a Sinabi ng mga awtoridad na ang lahat ng nasasaklaw ng distansiyang 30 kilometro paikot mula sa bunganga ng bulkan ay nasa isang totoong mapanganib na lugar. Ang timugang panig ng bulkan ay lalo nang mapanganib dahil nakapaling ang bunganga ng bulkan sa direksiyong iyan at maraming matatarik na bangin ang maaaring daanan ng maibubugang lava at putik mula sa bunganga ng bulkan.
Natural lamang na isipin ng marami kung ano ang mangyayari sa Mexico City sakaling magkaroon ng malakas na pagsabog ang bulkang ito. Nanganganib ba ang lunsod na iyon? Pagkatapos ay nariyan din ang lahat ng tao sa estado ng Morelos sa gawing timog ng bulkan. Nanganganib din ba ang lahat ng nakatira sa lugar na iyon? At paano kaya ang buhay sa anino ng bulkan, na hindi nalalaman kung ano ang maaaring mangyari sa araw-araw?
Ang Banta ng Bulkan
Ang sentro ng Mexico City ay mga 70 kilometro sa gawing hilagang-kanluran ng Popocatépetl, bagaman ang ilan sa mga karatig-pook ay umaabot ng 40 kilometro ang lapit. Sa teknikal na diwa, ang buong pangunahing lunsod, na may populasyong 20 milyon, ay nasa labas ng lugar ng panganib. Gayunman, depende sa direksiyon ng hangin, maaaring maapektuhan ang lugar na ito kung magbubuga ng maraming abo ang bulkan.
Karaniwan nang mas matindi ang mga epekto ng abo sa mga lugar na nasa silangang panig ng bulkan. Kasali sa lugar na ito ang lunsod ng Puebla at ilang maliliit na lunsod at bayan, na may mga 200,000 naninirahan sa loob ng lugar na totoong mapanganib. Noong Linggo, Mayo 11, 1997, ang bulkan ay nagbuga ng tone-toneladang abo sa himpapawid at kumalat iyon sa lugar na ito, anupat naabot ang estado ng Veracruz, na mahigit na 300 kilometro sa gawing silangan. Sa gawing timog ng bulkan, sa estado ng Morelos, may ilang lunsod at bayan na may kabuuang populasyon na mga 40,000 na maaari ring lubhang nanganganib.
Sa gitna ng lahat ng ito ay naninirahan at nagtatrabaho ang mga Saksi ni Jehova. Sa Mexico City, mahigit na 90,000 sa kanila ang kabilang sa 1,700 kongregasyon. Ang sangay ng Samahang Watch Tower ay nasa labas ng Mexico City sa gawing hilagang-silangan, na mga 100 kilometro ang layo mula sa bulkan. Mahigit sa 800 boluntaryong naglilingkod sa sangay, bukod pa sa 500 boluntaryo ang gumagawa sa malaking proyekto sa pagtatayo. Silang lahat ay nasa labas ng lugar ng panganib.
Sa estado ng Morelos, mga 50 ang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na may mahigit sa 2,000 mamamahayag ng Kaharian. Ang ilan sa mga ito, na naroroon sa Tetela del Volcán at Hueyapan, ay may distansiyang 20 kilometro lamang mula sa bunganga ng bulkan. Karagdagan pa, sa gawing silangan sa estado ng Puebla, may mga kongregasyon na binubuo ng mga 600 mamamahayag na naninirahan saklaw ng distansiyang mga 20 hanggang 30 kilometro mula sa bulkan. Sabihin pa, maaaring nanganganib din nang husto ang mga ito.
Nananatiling Aktibo ang mga Saksi ni Jehova
Sa kabila ng nagbabantang panganib, hindi humihinto ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang gawaing pangangaral sa lugar na ito. Sinusunod din nila ang kanilang iskedyul ng mga pulong Kristiyano, na nagpapadama sa kanila ng pagkakaisa at pagtitiwala sa ganitong masamang kalagayan. (Hebreo 10:24, 25) Ganito ang ulat ng isa sa mga kongregasyon: “Malaki ang ipinagbago ng saloobin ng mga tao sa mabuting balita ng Kaharian. Halimbawa, sa isang munting nayon, 18 katao ang tumanggap kamakailan ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya.”
Nag-ulat ang isa pang kongregasyon, na may layong 20 kilometro mula sa bulkan: “Pambihira ang naging pagsulong. Naitatag ang kongregasyong ito noong Nobyembre 1996. Nang sumunod na anim na buwan, 10 indibiduwal ang naging kuwalipikadong makibahagi sa ministeryo sa larangan. May ilang mamamahayag na naninirahan ng mga 20 kilometro lamang mula sa bunganga ng bulkan. Idinaraos doon ang mga pulong Kristiyano, at mga 40 ang dumadalo.”
Si Magdalena, na nakatira sa San Agustín Ixtahuixtla, Puebla, na 25 kilometro lamang ang layo mula sa bulkan, ay lubhang aktibo sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Inilahad niya ang nangyari matapos ang isang malaking pagsabog.
“Inabisuhan kami na dapat naming lisanin ang aming tahanan, na sinunod naman namin—habang umuulan ng abo. Sa kabila ng apurahang situwasyon, naisip ko ang pamilyang Dorado na inaaralan ko ng Bibliya. Ako at ang ilang kapatid ay nagpunta sa bahay ng mga Dorado upang tulungan silang makalipat sa isang ligtas na dako. Sa kalapit na lunsod ng Puebla, nasimulan na ng komite sa pagtulong ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang gawain. Hangang-hanga ang pamilyang Dorado sa paraan ng pakikitungo sa aming lahat doon. Mayroon kaming matutuluyan sa iba’t ibang lugar, na patiunang inihanda ng ating mga kapatid na Kristiyano. Hindi kami nagkulang ng anuman, bagaman malayo kami sa aming tahanan. Ang pamilyang ito ay nakadalo na sa ilang pulong sa Kingdom Hall, pero namangha sila sa pag-ibig na ipinakita sa kanila ng mga kapatid na noon lamang nila nakilala. Pagkaraan ng ilang linggo matapos makauwi sa aming tahanan, sinimulan ng pamilyang ito ang regular na pagdalo sa lahat ng pulong. Di-nagtagal at sila’y naging kuwalipikado na maging mamamahayag ng mabuting balita. Dalawa sa kanila ang bautisado na ngayon. Ilang buwan na silang naglilingkod bilang mga ministrong auxiliary pioneer at nagpaplanong pumasok sa paglilingkuran bilang regular pioneer.”
Hindi pinahintulutan ni Martha, isang 20 anyos na babaing nakatira mga 21 kilometro mula sa bunganga ng bulkan, na mahadlangan siya ng kapansanan para samantalahin ang bawat pagkakataong mangaral. Natutuhan niya ang katotohanan tatlong taon na ang nakalipas nang muling maging aktibo ang bulkan. Sa halip na gumamit ng silyang de gulong, na magiging mahirap gamitin sa matarik na lugar na kaniyang tinitirahan, sumasakay siya sa isang asno upang makibahagi sa gawaing pangangaral. Sumasakay rin siya sa asnong iyon patungo sa mga pulong. Lubhang nagpapasalamat si Martha kay Jehova sa pagiging bahagi ng maibiging kapatiran, yamang umaasa siya sa tulong ng mga kapatid na babae sa kongregasyon para makasakay at makababa sa asno. Buwan-buwan, gumugugol siya ng mahigit sa 15 oras sa ministeryo.
Sa nabubukod na mga lugar na ito, malimit na mapaharap ang mga Saksi ni Jehova sa panggigipit ng kanilang mga kapitbahay na makisama sa kanilang pagdiriwang ng mga relihiyosong kapistahan. Sa Tulcingo, isang nayon na mga 20 kilometro mula sa bulkan, isang lalaki ang naatasan na dalawin ang mga Saksi upang mangulekta ng mga abuloy para sa pagdiriwang. Matiyagang ipinaliwanag ng mga kapatid kung bakit hindi sila maaaring makibahagi sa gayong relihiyosong mga kapistahan. Gayon na lamang ang pagpupumilit ng lalaki na makakuha ng pondo sa mga kapatid anupat nagsimula siyang makisama sa kanila, na inaalam ang ilan sa kanilang mga paniniwala. Nasiyahan siyang masumpungan sa kaniyang sariling Bibliyang Katoliko ang mga sagot sa kaniyang mga tanong. Kasama ang kaniyang asawa at anak na babae, isang taon na siyang regular na dumadalo sa mga pulong at nagpahayag na ng kaniyang hangaring maging isang mamamahayag ng mabuting balita.
Paano Ka Magiging Handa?
Ang mga eksperto sa bulkan ay nagsasagawa ng kanilang mga pag-aaral at nagpapalabas ng opisyal na mga ulat tungkol sa mapanganib na Popocatépetl, pero walang sinuman ang talagang nakaaalam kung ano ang mangyayari o kung kailan. Ayon sa balita at sa mga taong nakatira sa di-kalayuan, maaaring pumutok ang bulkan anumang oras. Talagang may panganib. Mangyari pa, ang mga awtoridad ay lubhang nababahala at nagnanais na gawin ang lahat ng kanilang makakaya upang maging handa sakaling magkaroon ng kagipitan. Ngunit mauunawaan naman na kailangan nilang maging maingat sa paglalabas ng babala, yamang hindi nila ibig magsimula ang isang malawakang paglikas kung wala namang napipintong panganib. Ano, kung gayon, ang dapat gawin ng isa?
“Matalino ang isa na nakakakita ng kapahamakan at ikinukubli ang sarili, ngunit ang walang-karanasan ay dumaraan at dumaranas ng kaparusahan,” sabi ng isang kawikaan sa Bibliya. (Kawikaan 22:3) Samakatuwid, ang matalinong landasin ay ang gumawa ng kinakailangang mga hakbang upang tiyakin ang kaligtasan ng isa samantalang bukás pa ang pintuan ng pagkakataon, na huwag ‘dumaan’ na para bang walang anumang mangyayari, anupat nakikipagsapalaran sa gayong nakasisindak na puwersa ng kalikasan. Ganito ang pangmalas sa bagay na ito ng mga Saksi ni Jehova sa lugar na iyon.
Kamakailan, ang mga kinatawan ng tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower ay nakipagpulong sa mga naglalakbay na tagapangasiwa sa estado ng Puebla, na may malapit na pakikipag-ugnayan sa mga kongregasyon na nasa lugar ng panganib. Gumawa ng mga plano para dalawin ng mga naglalakbay na tagapangasiwa at ng mga miyembro ng komite sa pagtulong ang bawat pamilya na naninirahan sa loob ng distansiyang mga 25 kilometro mula sa bunganga ng bulkan. Tinulungan ang mga pamilyang ito na pag-isipan ang pag-alis sa lugar ng panganib bago magkaroon ng pagsabog. Nagsaayos ng masasakyan at matutuluyan upang mailipat ang 1,500 katao sa lunsod ng Puebla. Ang ilang pamilya ay lumipat upang makipanirahan sa mga kamag-anak sa ibang lunsod.
Isang Mas Malawakang Pagbibigay-babala
Ang usok, apoy, at mga dagundong mula sa Popocatépetl ay maliwanag na nagpapakitang malapit na ang pagputok. Lahat ng nagnanais makaligtas ay dapat makinig sa mga babalang ipinalabas ng mga awtoridad at gumawa ng angkop na hakbang. Ang mga Saksi ni Jehova na malapit sa bulkan ay palaging nagbabantay upang matiyak ang kanilang sariling kaligtasan gayundin upang matulungan ang iba na makita ang panganib at makakilos bago maging huli ang lahat.
Sa mas malawak na paraan, alisto rin ang mga Saksi ni Jehova sa mga pangyayari sa daigdig may kinalaman sa mga hula ng Bibliya. Ang mga digmaan, lindol, taggutom, sakit, at krimen ay makahulugan din kagaya ng mga nagaganap sa isang bulkan. Ang mga ito ay mga elemento ng isang kabuuang tanda na inihula ni Jesu-Kristo na siyang magiging palatandaan ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Bagaman walang sinuman ang eksaktong nakaaalam kung kailan darating ang wakas na iyon, walang alinlangan na ito’y darating at pagkalapit-lapit na.—Mateo 24:3, 7-14, 32-39.
Apurahan ngayon na dibdibin ng mga tao sa lahat ng lugar ang babala ni Jesus: “Bigyang-pansin ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi kailanman mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang ang araw na iyon ay kagyat na mapasa-inyo.” (Lucas 21:34) Maliwanag na ito ang matalinong landasin na dapat tahakin. Kung paanong hindi dapat maliitin ang mga babalang palatandaan ng bulkan, hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang pagdating ng Anak ng tao, si Jesu-Kristo, na nagpayo: “Dahil dito ay patunayan din ninyo ang inyong mga sarili na handa, sapagkat sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.”—Mateo 24:44.
[Talababa]
a Iniulat ng magasing Gumising! ng Marso 8, 1997, ang tungkol sa mapanganib na bulkang ito.
[Mga larawan sa pahina 23]
Si Martha (nakasakay sa asno) kasama ng iba pa ay nagpapatotoo sa anino ng Popocatépetl