Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 10/15 p. 25-29
  • Kapag Tumugon ang mga May Pusong Bato

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kapag Tumugon ang mga May Pusong Bato
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Pinasimulan ang Gawain
  • Mabisang Programa sa Edukasyon
  • Nagdudulot ng Kagalakan ang mga Pantanging Asamblea
  • Naganap ang Kahanga-hangang Pagbabago
  • Mga Panggigipit Mula sa mga Dating Kaibigan
  • Naging mga Nakaalay na Lingkod ng Diyos
  • Pagkilala Mula sa mga Awtoridad ng Bilangguan
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 10/15 p. 25-29

Kapag Tumugon ang mga May Pusong Bato

NOONG 1989, ANG MGA SAKSI NI JEHOVA SA POLAND ay legal na kinilala bilang isang relihiyosong organisasyon. Ang mga Saksing ibinilanggo dahil sa kanilang Kristiyanong neutralidad ay pinalaya bagaman hindi sabay-sabay, anupat naiwan sa kulungan ang mga bilanggong naghahangad na higit pang matuto ng Bibliya mula sa kanila. Narito ang isang kasaysayan kung paanong sa isa sa gayong bilangguan ay nagsikap ang mga Saksi ni Jehova na matulungan yaong minsan ay nagkaroon ng pusong bato na tumugon sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos.

SA WOŁÓW, isang bayan na may 12,000 mamamayan sa timog-kanlurang Poland, matatagpuan ang isang bilibid na 200 taon na ang edad at kinapipiitan ng ilan sa mga pusakal na kriminal sa Poland. Mula nang opisyal na kilalanin ang kanilang gawain, nagsikap na ang mga Saksi ni Jehova na madala ang mabuting balita ng Kaharian sa mga bilanggo roon, at ginawa nila ito taglay ang matinding kasiglahan.

Ang nagbukas ng daan ay ang liham na pinalabas ng Ministri ng Katarungan noong Pebrero 1990 para sa lahat ng direktor sa Poland. Isinaad sa liham na hindi sila dapat “magbigay ng problema” sa sinumang bilanggo na nais tumanggap ng mga publikasyon ng Watch Tower o makipagkita sa mga Saksi ni Jehova. Kilalang-kilala ng mga Saksi, na ang ilan ay gumugol ng mahahabang taon sa bilangguan ng Wołów, ang maraming pusakal na mga bilanggo roon. Gayunman, sila’y umasa kay Jehova na pagpapalain ang kanilang pagsisikap na mapalambot ng katotohanan sa Bibliya ang pusong bato ng ibang bilanggo.

Pinasimulan ang Gawain

“Nahirapan kaming pasimulan ang programa,” sabi ni Brother Czesław na tagalunsod ng Wrocław, mga 40 kilometro ang layo, na nabigyan ng awtoridad na dumalaw sa bilangguan sa Wołów. “Kinailangan ang maraming mahahabang pakikipag-usap sa mga opisyal ng bilangguan upang kumbinsihin sila na ang ating ‘relihiyosong paglilingkod’ ay kapaki-pakinabang sa mga bilanggo.”

Upang gawing komplikado ang mga bagay-bagay, nagunita ng kasama ni Czesław na si Paweł, “iginiit ng isang mataas na opisyal na ginagamit lamang na dahilan ng mga bilanggo ang relihiyosong paglilingkod upang makinabang sa materyal.” Subalit nang tatlo sa dating mapanganib na mga kriminal ang nagharap ng kanilang sarili upang pabautismo noong 1991, nagbago ang saloobin ng mga awtoridad sa bilangguan, at sumulong ang pakikipagtulungan.

“Nagsimula kami sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa mga bilanggo, sa kanilang mga pamilya na dumadalaw sa kanila sa bilangguan, gayundin sa mga tauhan ng bilibid,” paliwanag ni Czesław. “Pagkatapos ay pinahintulutan kaming mangaral ng mabuting balita sa bawat selda, isang napakapambihirang eksepsiyon. Sa wakas, nang makasumpong kami ng mga unang interesado, pinahintulutan kaming gamitin ang isang maliit na bulwagan na pagdarausan ng mga pag-aaral sa Bibliya at ng mga pulong Kristiyano.” Oo, binuksan ni Jehova ang daan patungo sa mga pusong bato ng mga bilanggo.

Mabisang Programa sa Edukasyon

Di-nagtagal at naging napakaliit na para sa amin ang maliit na bulwagang iyon. Palibhasa’y nakikibahagi sa gawaing pangangaral kapuwa ang mga bautisadong bilanggo at ang mga kapatid mula sa labas, umabot sa 50 bilanggo ang nagsimula nang dumalo sa mga pulong. “Sa loob ng mahigit na tatlong taon, ginaganap namin ang lahat ng pulong doon, at ang mga bilanggo ay regular na dumadalo sa lingguhang mga pulong,” paliwanag ng isa sa lokal na matatanda. Kaya noong Mayo 1995, ipinagamit sa kanila ang isang mas malaking bulwagan.

Paano pinagpapasiyahan ng mga responsableng kapatid kung sino ang maaaring dumalo sa mga pulong na ginaganap sa bilangguan? “May talaan kami ng mga bilanggong nagpapakita ng taimtim na interes sa katotohanan,” paliwanag nina Brother Czesław at Zdzisław. “Kapag ang isang bilanggo ay hindi sumusulong o kaya’y lumiliban sa mga pulong nang walang sapat na dahilan, sa gayo’y nagpapahiwatig ng kawalan ng pagpapahalaga sa gayong mga paglalaan, inaalis namin ang kaniyang pangalan sa talaan at ipinagbibigay-alam sa direktor ng bilangguan.”

Sa panahon ng kanilang pag-aaral sa Bibliya, itinuturo rin ng mga kapatid sa mga bilanggo ang mahusay na paraan ng paghahanda sa mga pulong at ang mabisang paggamit ng ating mga literatura. Kaya naman, kapag dumadalo ang mga bilanggo sa mga pulong, sila’y handang-handa at malayang nakikibahagi. Nagbibigay sila ng nakapagpapatibay na mga komento, buong-husay na ginagamit nila ang kanilang Bibliya, at ikinakapit ang payo sa kanilang sarili, anupat madalas na binabanggit nila sa kanilang mga komento ang mga obserbasyong gaya ng, ‘nauunawaan kong ganito o ganiyan nga ang dapat kong gawin.’

“Lahat-lahat, 20 pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos sa bilangguan ng Wołów. Walo sa mga ito ang pinangangasiwaan ng tatlong mamamahayag na bilanggo,” sabi ng sekretaryo ng kongregasyon. Mayroon din silang mabubuting bunga kapag nangangaral sa bawat selda at kapag sila’y namamasyal sa bakuran ng bilangguan. Halimbawa, sa loob ng sampung buwan, mula Setyembre 1993 hanggang Hunyo 1994, nakapamahagi sila ng 235 aklat, halos 300 brosyur, at 1,700 magasin. Kamakailan lamang, dalawa sa mga opisyal ng bilangguan ang humiling ng pag-aaral sa Bibliya.

Nagdudulot ng Kagalakan ang mga Pantanging Asamblea

Nang maglaon, isa pang bahagi ang idinagdag sa programa ng edukasyon sa bilangguang iyan, alalaong baga’y, mga pantanging asamblea. Ipinahahayag ng mga naglalakbay na tagapangasiwa at ng iba pang kuwalipikadong mga kapatid na lalaki ang mga pangunahing bahagi ng mga programa sa pansirkitong asamblea at isang-araw na pantanging asamblea sa gym ng bilangguan. Ang unang pantanging asamblea ay ginanap noong Oktubre 1993. Limampung bilanggo ang dumalo, at “pami-pamilya, kasali na ang mga babae at maliliit na bata, ang dumalo mula sa Wrocław,” ang iniulat ng pahayagang Słowo Polskie, anupat ang kabuuang dumalo ay 139. Ang intermisyon sa programa ng asamblea ay nagbigay ng pagkakataon para sa pagkaing inihanda ng mga kapatid na babae, at ng panahon para sa mainam na pakikipagsamahang Kristiyano.

Pito pang pantanging mga asamblea ang idinaos mula noon, at ang pakinabang ay umabot hindi lamang sa mga nasa bilangguan kundi pati sa mga nasa labas. Nang dumalaw ang isang babaing Saksi sa isang dating bilanggo sa Wołów na ngayo’y nakatira sa bayan, sa pasimula’y alinlangan ang bilanggo. Ngunit nang sabihin sa kaniya na may isang bilanggo na naging Saksi, hindi makapaniwala ang lalaki at napabulalas: “Saksi na ang mamamatay-taong iyon?” Dahil dito, tinanggap ng lalaki ang isang pag-aaral sa Bibliya.

Naganap ang Kahanga-hangang Pagbabago

Talaga nga bang napalambot ng malawakang programang ito sa edukasyon ang mga pusong bato ng mga bilanggo? Hayaan nating sila ang magkuwento.

“Hindi ko kailanman nakilala ang aking mga magulang sapagkat maliit pa ako’y iniwan na nila ako, at labis kong kinauhawan ang pagmamahal,” ang pagtatapat ni Zdzisław, isang lalaking likas na palaisip. “Sa aking kabataan, nasangkot ako sa krimen, hanggang sa ako’y makapatay. Dahil sa pang-uusig ng budhi, sumagi sa aking isip ang pagpapakamatay, at gayon na lamang ang paghahangad ko sa isang tunay na pag-asa. Hanggang sa noong 1987, nakakita ako ng magasing Ang Bantayan. Nabatid ko mula rito ang pag-asa ng pagkabuhay-muli at ng walang-hanggang buhay. Nang mapagtanto kong hindi pa huli ang lahat, inalis ko sa isip ko ang pagpapakamatay at aking pinasimulan ang pag-aaral ng Bibliya. Ngayon ay natutuhan ko ang kahulugan ng pag-ibig mula kay Jehova at sa mga kapatid.” Sapol noong 1993, ang dating mamamatay-taong ito ay isa nang ministeryal na lingkod at isang auxiliary pioneer, at noong isang taon ay naging isang regular pioneer.

Sa kabilang dako naman, agad na tinanggap ni Tomasz ang isang pag-aaral sa Bibliya. “Pero hindi ako seryoso noon,” pagtatapat niya. “Nakikipag-aral ako para lamang ipagyabang ang galing ko sa pagpapaliwanag ng mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova sa iba. Ngunit wala naman akong gaanong ginagawa hinggil sa mga katotohanan ng Bibliya. Isang araw, ipinasiya kong dumalo sa isang pulong Kristiyano. Malugod akong tinanggap ng mga bautisadong bilanggo. Napagtanto ko na sa halip na ipagyabang ko ang aking nalalaman, dapat ay palambutin ko ang aking pusong bato at baguhin ang aking pag-iisip.” Sinimulang ibihis ni Tomasz ang bagong Kristiyanong personalidad. (Efeso 4:22-​24) Sa ngayon, siya’y isa nang nag-alay at bautisadong Saksi at nalulugod sa pangangaral sa bawat selda.

Mga Panggigipit Mula sa mga Dating Kaibigan

Yaong mga natuto ng katotohanan sa Bibliya sa loob ng bilangguan ay dumanas ng matitinding panggigipit mula sa dating mga kaibigan sa selda at mula sa mga opisyal ng bilangguan. Nagunita ng isa sa kanila: “Palagi akong nililibak at nilalait. Pero lagi kong tinatandaan ang nakapagpapatibay na mga salita ng mga kapatid. ‘Lagi kang manalangin kay Jehova,’ sabi nila sa akin. ‘Basahin mo ang iyong Bibliya at makadarama ka ng kapayapaan ng kalooban.’ Tunay na nakatulong iyon.”

“Walang patumanggang nagbibitiw ng masasakit na salita ang aking mga kasamahang bilanggo,” sabi ni Ryszard, isang matipunong kapatid na bautisado. “Puwede kang dumalo sa mga pulong ninyo, pero huwag kang mag-astang akala mo kung sino at magkunwang mas magaling kaysa sa amin, naintindihan mo?’ iyan ang babala nila sa akin. Nang magbago ako ng pamumuhay dahil sa pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya, kinailangan kong pagdusahan ito. Ibinabaligtad nila ang aking higaan, ikinakalat ang aking mga literatura sa Bibliya, at dinurumhan ang aking lugar sa selda. Nanalangin ako kay Jehova para mapigil ko ang aking sarili at pagkatapos ay tahimik kong inayos ang aking lugar. Pagkaraan ng ilang panahon, tumigil na ang mga pag-atake.”

“Kapag nakikita ng kasamahan naming mga bilanggo na buo na ang aming pasiya na maglingkod kay Jehova,” pagkukuwento ng iba pang bautisadong mga bilanggo, “naiiba naman ang paraan ng panggigipit. Lagi nilang sinasabi, ‘Alalahanin ninyo, hindi na kayo dapat uminom, manigarilyo, o magsinungaling pa.’ Ang uring iyan ng panggigipit ay nakatulong upang masupil ng isa ang sarili, anupat madaling naiwaksi ang anumang bisyo o pagkasugapa. Nakatulong din ito para malinang ng isa ang mga bunga ng espiritu.”​—Galacia 5:22, 23.

Naging mga Nakaalay na Lingkod ng Diyos

Sa pahintulot ng mga awtoridad ng bilangguan, naganap ang unang bautismo sa gym noong tagsibol ng 1991. Si Zdzisław ang maligayang kandidato. Labindalawang bilanggo ang dumalo, at 21 kapatid na tagalabas ang dumating para sa okasyon. Ang pulong ay nagkaroon ng nakapagpapatibay na epekto sa mga bilanggo. Ang ilan sa kanila ay kahanga-hangang sumulong anupat dalawa pang bilanggo ang nabautismuhan nang taon ding iyon. Makalipas ang dalawang taon, noong 1993, dalawang ulit na nagkaroon ng pagbabautismo, at pito pang bilanggo ang nagsagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova!

Bilang pag-uulat sa bautismo na ginanap noong Disyembre, ganito ang sabi ng lokal na pahayagang Wieczór Wrocławia: “Patuloy na nagdaratingan ang mga tao sa bulwagan ng gym, nagbabatiang lahat at nagkakamayan sa isa’t isa. Walang estranghero rito. Sila’y bumubuo ng isang malaking pamilya, nagkakaisa sa pag-iisip, sa kanilang paraan ng pamumuhay, at sa paglilingkod sa iisang Diyos, si Jehova.” Ang “malaking pamilya[ng]” iyon ay binubuo noon ng 135 katao, kasali na ang 50 bilanggo. Kilalanin natin ang ilan sa kanila.

Si Jerzy, nabautismuhan noong Hunyo, ay nagkuwento: “Bagaman ilang taon ko nang naririnig ang katotohanan sa Bibliya, talagang taglay ko ang isang pusong bato. Pandaraya, pakikipagdiborsiyo sa aking unang asawa, bawal na pakikipagrelasyon kay Krystyna, isang anak sa pagkakasala, at labas-pasok sa bilangguan​—iyan ang naging buhay ko.” Nang makita niya kung paano naging Saksi ang mga pusakal na kriminal habang nasa loob ng bilangguan, nagsimula siyang magtanong sa kaniyang sarili, ‘May pag-asa rin kaya akong bumuti?’ Humiling siya ng isang pag-aaral sa Bibliya at nagsimulang dumalo sa mga pulong. Gayunman, naganap ang tunay na pagbabago nang malaman niya mula sa pampublikong tagausig na si Krystyna ay tatlong taon nang Saksi ni Jehova. “Gulat na gulat ako!” sabi ni Jerzy. “Naisip ko, ‘Paano naman ako? Ano ang ginagawa ko?’ Napagtanto ko na kailangan kong ayusin ang buhay ko upang sang-ayunan ako ni Jehova.” Bunga nito, isang maligayang pagkikitang-muli ang naganap sa loob ng bilangguan​—kapiling si Krystyna at ang kanilang 11-taóng-gulang na anak na babae, si Marzena. Hindi nagtagal, ginawa nilang legal ang kanilang pagsasama. Bagaman nakabilanggo pa rin at dumaranas pa rin ng tagumpay at pagkabigo, pinag-aralan ni Jerzy ang sign language kamakailan at ngayo’y natutulungan niya ang mga bilanggong bingi.

Nasa paaralang primarya pa lamang si Mirosław ay nasangkot na siya sa mga gawaing kriminal. Hangang-hanga siya sa mga ginagawa ng kaniyang mga kaibigan, kung kaya di-nagtagal ay gayon na rin ang kaniyang ginagawa. Marami na siyang ninakawan o binugbog. Pagkatapos ay bumagsak siya sa piitan. “Nang masumpungan ko ang aking sarili sa piitan, humingi ako ng tulong sa pari,” pagtatapat ni Mirosław. “Pero gayon na lamang ang aking pagkabigo. Kaya naipasiya kong magpatiwakal sa pamamagitan ng pag-inom ng lason.” Noong mismong araw na kikitlin na niya ang kaniyang buhay, siya’y inilipat sa ibang selda. Doon, nakita niya ang isang kopya ng Ang Bantayan na tumatalakay sa layunin ng buhay. “Ang simple at maliwanag na impormasyong naroon ang kailangan ko lamang pala,” dagdag niya. “Ngayon ay gusto ko nang mabuhay! Kaya nanalangin ako kay Jehova at humiling sa mga Saksi na pagdausan ako ng pag-aaral sa Bibliya.” Mabilis ang kaniyang pagsulong sa pag-aaral ng Bibliya at nabautismuhan siya noong 1991. Ngayon ay naglilingkod siya bilang isang auxiliary pioneer sa loob ng piitan, na may pribilehiyo na mangaral sa bawat selda.

Labinlimang bilanggo lahat-lahat ang nabautismuhan hanggang sa kasalukuyan. Ang pinagsama-samang sentensiya nila ay umaabot sa halos 260 taon. Ang ilan ay napalaya bago pa makumpleto ang kanilang sentensiya. Ang 25-taóng sentensiya ng isang bilanggo ay nabawasan ng 10 taon. At ang ilang nagpakita ng interes habang nasa bilangguan ay naging mga bautisadong Saksi matapos mapalaya. Bukod diyan, mayroon pang apat na bilanggo sa piitan na naghahanda nang pabautismo.

Pagkilala Mula sa mga Awtoridad ng Bilangguan

“Partikular na naging kapansin-pansin ang pagbabago sa paggawi ng mga bilanggo,” sabi ng isang ulat sa bilangguan. “Marami ang hindi na naninigarilyo, at pinananatili nilang malinis ang kanilang mga selda. Ang gayong mga pagbabago sa paggawi ay nakikita sa maraming bilanggo.”

Iniulat ng pahayagang Życie Warszawy na kinilala ng pangasiwaan ng bilibid sa Wołów na “ang mga nakumberte ay disiplinado; hindi sila nagdudulot ng problema sa mga tanod sa bilangguan.” Sinabi pa ng artikulo na yaong mga napalaya bago matapos ang kanilang sentensiya ay lubusang nakikisama sa grupo ng mga Saksi ni Jehova at hindi na muling nakikisangkot sa krimen.

At ano naman ang palagay ng direktor ng bilangguan? “Ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa bilibid na ito ay totoong kanais-nais at malaking tulong,” sabi niya. Inamin ng direktor na “habang ang mga bilanggo ay nakikipag-aral [sa mga Saksi], ang kanilang mga simulain at pamantayan ay nagbabago, anupat nagbibigay sa kanila ng panibagong lakas na pumapatnubay sa kanilang buhay. Ang kanilang paggawi ay napakahusay at napakagalang. Sila’y masipag magtrabaho, anupat halos hindi pinagmumulan ng problema.” Mangyari pa, ang gayong magagandang komento ng mga awtoridad ay nakapagpapataba ng puso ng mga Saksi na gumawang kasama ng mga bilanggo sa bilangguan ng Wołów.

Ganap na pinahahalagahan ng dumadalaw na mga Saksi ang mga salita ni Jesus: “Kilala ko ang aking mga tupa at ako ay kilala ng aking mga tupa. . . . Makikinig sila sa aking tinig, at sila ay magiging isang kawan, isang pastol.” (Juan 10:14, 16) Maging ang mga pader ng bilangguan ay hindi makahahadlang sa Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo, sa pagtitipon sa mga tulad-tupa. Nagpapasalamat ang mga Saksi sa Wołów dahil sa pagkakaroon nila ng pribilehiyo na makibahagi sa maligayang paglilingkod na ito. At sila’y umaasa kay Jehova para sa kaniyang patuloy na pagpapala sa pagtulong sa marami pang may pusong bato upang tumugon sa mabuting balita ng Kaharian bago dumating ang wakas.​—Mateo 24:14.

[Kahon sa pahina 27]

Ang Problema ng “Isang Animo’y Bata”

“Matapos manatili sa bilangguan sa mahabang panahon, madalas na nalilimutan na ng isang bilanggo kung paano mamuhay nang malaya, o nang sa ganang sarili,” napansin ng mga Saksing gumagawa sa bilibid sa Wołów. “Sa diwa ay nagkaroon kami ng problema ng ‘isang animo’y bata,’ isang taong hindi marunong mangalaga sa sarili matapos mapalaya sa bilangguan. Iyan ang dahilan kung kaya hindi lamang pagtuturo ng katotohanan mula sa Bibliya ang papel ng kongregasyon. Kailangan namin siyang ihanda na maging kabahagi ng komunidad, na pinaaalalahanan siya sa mga bagong panganib at tukso na maaaring makaharap niya. Bagaman nag-iingat na huwag magpakalabis sa paglalaan ng proteksiyon, dapat namin siyang tulungan sa pagsisimula ng panibagong buhay.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share