Marami ang Nag-aangking Nananampalataya
“KAHANGA-HANGA si Jesus! Talagang kamangha-mangha siya!” ang bulalas ng isang relihiyosang babae sa Brazil. Tunay, hindi maikakaila ang kapangyarihan ng pangalan ni Jesus. Sa buong kasaysayan, handang magdusa at mamatay ang mga tao alang-alang sa kaniya.
Nangaral ang mga apostol na sina Pedro at Juan ‘salig sa pangalan ni Jesus’ sa Jerusalem. Sa paggawa nito, sila’y dinakip at hinampas. Gayunman sila’y “humayo mula sa harapan ng Sanedrin, na nagsasaya sapagkat ibinilang silang karapat-dapat na walaing-dangal alang-alang sa kaniyang pangalan.”—Gawa 5:28, 41.
Si Antipas ay isa pang Kristiyano noong unang siglo na nagpahalaga sa pangalan ni Jesus. Sa huling aklat ng Bibliya, ang Apocalipsis, tinukoy siya ni Jesus bilang “ang aking saksi, ang isa na tapat, na pinatay sa inyong tabi, kung saan si Satanas ay tumatahan.” (Apocalipsis 2:13) Kasama ng iba pang mga Kristiyano sa Pergamo, hindi ikinaila ni Antipas ang pananampalataya niya kay Kristo. Nanghawakang matatag si Antipas sa pangalan ni Jesus kahit na ito’y mangahulugan ng kaniya mismong buhay!
Pagkaraan ng mga kalahating siglo, noong 155 C.E., isang nag-aangking Kristiyanong nagngangalang Polycarp ang napaharap sa gayunding pagsubok nang siya’y pag-utusang laitin si Kristo. Ang tugon niya ay: “Walumpu’t anim na taon akong naglingkod sa Kaniya, at wala Siyang ginawang masama sa akin. Paano ko nga malalapastangan ang aking Hari na nagligtas sa akin?” Dahil sa kaniyang pagtangging ikaila si Kristo, si Polycarp ay sinunog sa tulos.
Handang patunayan ng mga apostol, ni Antipas, at ng iba pa ang kanilang pagpapatotoo kay Kristo sa pamamagitan ng kamatayan! Kumusta naman ang mga tao sa ngayon?
Ang Pangalan ni Jesus Ngayon
Pumupukaw pa rin ng matinding damdamin ang pangalan ni Jesus. Sa Latin Amerika, ang bilis ng pagdami ng mga simbahang nag-aangking naniniwala kay Jesus ay pinakamataas sa kalilipas na mga dekada. May simbahang Pentecostal kahit sa mga baryo. Kasabay nito, lumalaki ang pulitikal na impluwensiya ng mga simbahang ito. Halimbawa, 31 upuan sa Kongreso at Senado sa Brazil ang okupado ng mga miyembro ng mga simbahang ito.
Si Jesus din ang sentro ng isang bagong kilusang relihiyoso sa Estados Unidos. Promise Keepers ang tawag ng mga tagasunod nito sa kanilang sarili. Iniulat ng magasing Time noong 1997 na ang dumadalo sa kanilang mga pulong ay dumami mula sa 4,200 noong 1991 tungo sa 1.1 milyon noong 1996. Ganito ang sabi ng isa sa mga himno nito: “O tagumpay kay Jesus, ang aking Tagapagligtas magpakailanman.”
Gayunman, hindi lahat ng damdaming pinukaw ng pangalan ni Jesus ay marangal. Ang bandila ng digmaan ay madalas na iwinawagayway sa kaniyang pangalan. Minasaker ang mga Judio, pinatay ang mga pagano, pinahirapan, pinutol, at sinunog sa tulos ang mga tumututol—pawang sa pangalan ni Jesus. At kamakailan lamang, napabantog ang pangangalakal ng ebanghelismo. Ang lahat ng ito’y lisya at nakasusuklam na maling paggamit sa pangalan ni Jesus at sa tunay na kahulugan nito!
Bukod pa riyan, nagbabangon ito ng ilang kaugnay na mga katanungan: Ano ba ang nasasangkot sa paglalagak ng pananampalataya sa pangalan ni Jesus? At ano ba ang pangmalas ng mga Saksi ni Jehova sa paksang ito? Sasagutin ng susunod na artikulo ang mga tanong na ito.