Natatandaan Mo Ba?
Nasiyahan ka ba sa iyong pagbabasa sa katatapos na mga isyu ng Ang Bantayan? Kung oo, mawiwili kang gunitain ang mga sumusunod:
◻ Bakit tayo makapagtitiwala sa mga pinili ni Jehova upang pumatnubay sa kaniyang bayan?
inipili ni Jehova para sa ilang pananagutan ang mga indibiduwal na may partikular na mga katangiang kailangan upang patnubayan ang kaniyang bayan sa daang ibig niyang tahakin nila sa partikular na panahon.—8/15, pahina 14.
◻ Ano ang matututuhan natin sa karanasan ni Jonas?
Masyadong inisip ni Jonas ang kaniyang sarili at hindi ang iba. Matututo tayo kay Jonas sa pamamagitan ng paglalagay ng ating sarili at ng ating personal na damdamin sa pangalawahing dako.—8/15, pahina 19.
◻ Sa paanong paraan masasabing “ang pangalan ni Jehova ay isang matibay na moog”? (Kawikaan 18:10)
Ang panganganlong sa pangalan ng Diyos ay nagpapakita na nagtitiwala tayo kay Jehova mismo. (Awit 20:1; 122:4) Nangangahulugan ito ng pagtangkilik sa kaniyang soberanya, pagtataguyod sa kaniyang mga batas at simulain, pananampalataya sa kaniyang mga pangako, at pag-uukol sa kaniya ng bukod-tanging debosyon. (Isaias 50:10; Hebreo 11:6)—9/1, pahina 10.
◻ Paano naglalaan sa atin ng halimbawa ang paraan ni Pablo ng pagpapatotoo sa mga dignitaryo?
Sa pakikipag-usap kay Haring Agripa, naging maingat si Pablo, anupat idiniin niya ang mga punto na pinagkakasunduan nila ni Agripa. Gayundin naman, dapat nating idiin ang mga positibong bahagi ng mabuting balita, na itinatampok ang pag-asang taglay nating lahat. (1 Corinto 9:22)—9/1, pahina 31.
◻ Sino ang nakikinabang sa pagtitiis ni Jehova?
Dahil sa pagtitiis ni Jehova, milyun-milyon pa ang nabibigyan ng pagkakataong makaligtas sa dumarating na “araw ni Jehova.” (2 Pedro 3:9-15) Ang kaniyang pagtitiis ay nagbibigay rin ng pagkakataon sa bawat isa sa atin na ‘patuloy na isagawa ang ating sariling kaligtasan nang may takot at panginginig.’ (Filipos 2:12)—9/15, pahina 20.
◻ Gaano kahalaga ang saling Septuagint ng Bibliya?
Ang saling ito ay gumanap ng malaking bahagi sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Kaharian, na si Jesu-Kristo ang Hari. Sa pamamagitan ng Septuagint, nailatag ang mahalagang pundasyon para sa mga Judio at Gentil na nagsasalita ng Griego noong unang siglo upang tanggapin ang mabuting balita ng Kaharian.—9/15, pahina 30.
◻ Ano ang itinuturo sa atin ng talinghaga ng alibughang anak tungkol sa Diyos?
Una, na si Jehova ay “maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-awa at katotohanan.” (Exodo 34:6) Ikalawa, na siya’y “handang magpatawad,” kapag ang pagbabago ng puso ay naglalaan ng isang saligan para kaawaan. (Awit 86:5)—10/1, pahina 12, 13.
◻ Kailan kaya matutupad ang mapayapang kalagayan na ipinangako sa Isaias 65:21-25?
Bilang nagkakaisang mananamba ni Jehova sa espirituwal na paraiso sa ngayon, ang mga pinahiran at yaong kabilang sa “ibang mga tupa” ay nagtatamasa na ngayon ng bigay-Diyos na kapayapaan. (Juan 10:16) At ang kapayapaang iyan ay aabot hanggang sa pisikal na Paraiso, kapag “ang kalooban ng Diyos ay mangyayari sa buong lupa kung paano sa langit.’ Lubusang matutupad sa panahong iyan ang mga salita ng propetang si Isaias. (Mateo 6:10)—10/15, pahina 24.
◻ Bakit ang mga Kristiyano ay nagdiriwang ng mga anibersaryo ng kasal ngunit hindi ng mga kaarawan?
Hindi minamasama ng Bibliya ang pag-aasawa. Kung marapatin man ng mga Kristiyano na tandaan ang anibersaryo ng kasal, anupat muling sinasariwa ang kagalakan ng okasyong iyon at ang kanilang determinasyon na gawing matagumpay ang kanilang pagsasama, iyon ay sarili na nilang desisyon. Gayunman, ang tanging pagdiriwang ng kaarawan na nakaulat sa Bibliya ay yaong sa mga pagano, at ang mga ito’y iniugnay sa mga gawang kalupitan.—10/15, pahina 30, 31.
◻ Sa ilustrasyon ni Pablo sa 1 Corinto 3:12, 13, saan kumakatawan ang “apoy,” at saan dapat mag-ingat ang lahat ng Kristiyano?
May isang apoy na kinakaharap nating lahat sa buhay—ang mga pagsubok sa ating pananampalataya. (Juan 15:20; Santiago 1:2, 3) Ang lahat ng tinuturuan natin ng katotohanan ay susubukin. Kung mahina ang pagtuturo natin, baka nakalulungkot ang ibunga, gaya ng babala ni Pablo. (1 Corinto 3:15)—11/1, pahina 11.
◻ Paanong si Noe ay ‘lumakad kasama ng tunay na Diyos’? (Genesis 6:9)
Si Noe ay lumakad na kasama ng Diyos sa bagay na ginawa niya ang iniutos ng Diyos sa kaniya. Dahil sa iniukol niya ang kaniyang buhay sa paggawa ng kalooban ng Diyos, nagtamasa si Noe ng magiliw at matalik na kaugnayan sa Diyos.—11/15, pahina 10.
◻ Anu-anong pagkakataon ang nakabukas sa atin dahil sa hindi natin pagkaalam ng eksaktong panahon ng paghihiganti ng Diyos sa masasama?
Ito’y nagbibigay sa atin ng pagkakataong patunayan na talagang iniibig natin si Jehova at nais nating lumakad sa kaniyang mga daan magpakailanman. Ipinakikita rin nito na tayo ay matapat sa Diyos at nagtitiwala sa kaniyang paraan ng paglutas ng mga bagay-bagay. Isa pa, ito’y tumutulong sa atin na manatiling mapagbantay at gising sa espirituwal. (Mateo 24:42-44)—11/15, pahina 18.
◻ Ano ang ibig sabihin ng manampalataya “sa pangalan ng Anak ng Diyos”? (1 Juan 5:13)
Nangangahulugan ito ng pagsunod sa lahat ng mga utos ni Kristo, pati na ang kaniyang utos na “ibigin ang isa’t isa.” (Juan 15:14, 17) Sinisikap ng pag-ibig na gumawa ng mabuti sa iba. Inaalis nito ang lahat ng pagtatangi dahil sa lahi, relihiyon, at lipunan.—12/1, pahina 7.
◻ Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay “tudlaan ng pagkapoot”? (Mateo 10:22)
Ang mga Saksi ni Jehova ay walang-katuwirang kinapootan sa katulad na dahilan ng pag-uusig sa mga naunang Kristiyano. Una, ang mga Saksi ni Jehova ay kumikilos ayon sa kanilang relihiyosong paniniwala sa mga paraang nagiging dahilan upang sila’y kainisan ng ilan. Ikalawa, sila ang puntirya ng mga maling paratang—tahasang kasinungalingan at pagpilipit sa kanilang mga paniniwala.—12/1, pahina 14.