Ang Pag-akyat ni Kristo at ang mga Kapakinabangan Natin Dito
ANG pag-akyat ni Jesus ay naganap sa Bundok ng mga Olibo (Gawa 1:9, 12), malapit sa bayan ng Betania (Lucas 24:50), ang bayan na matatagpuan sa silangang panig ng Bundok ng mga Olibo. Ang nakasaksi sa pag-akyat na iyon ay isa lamang maliit na grupo, ang kaniyang tapat na mga apostol. (Gawa 1:2, 11-13) Sinasabi ng ulat na “habang sila ay nakatingin, siya ay itinaas at isang ulap ang kumuha sa kaniya mula sa kanilang paningin.” Sila’y patuloy na nakatingin sa langit hanggang sa sila’y patigilin ng mga anghel, na nagsabi sa kanila: “Ang Jesus na ito na tinanggap sa himpapawid mula sa inyo ay darating sa gayunding paraan kung paanong nakita ninyo siyang pumaparoon sa himpapawid.”—Gawa 1:9-11.
Dapat pansinin na tinukoy ng mga anghel ang “paraan” (Griego, troʹpos) hindi ang anyo (Griego, mor·pheʹ) ng paglisan ni Jesus. Nang kunin siya ng ulap, hindi na siya nakita ng mga mata ng tao. Ipinakikita ng ulat ng Mga Gawa na ang kaniyang pag-akyat ay hindi marangya o maingay, anupat nakita lamang ng ilang tapat na mga tagasunod at tanging ang unang bahagi lamang ng pag-akyat. Ang paraan ng kaniyang pag-akyat ay nagpangyari sa mga apostol na maging kuwalipikado bilang mga saksi sa bagay na iyon, kung paanong saksi rin sila sa pagkabuhay-muli ni Jesus. (Gawa 1:3) Kaya naman, hindi siya basta ‘nawala’ sa harapan nila, gaya ng naunang ginawa niya sa dalawang alagad sa Emaus, o gaya ng anghel na nagpakita kay Gideon na “naglaho sa kaniyang paningin.” (Lucas 24:31; Hukom 6:21, 22) Sa isang paraan, ang kaniyang pag-akyat ay higit na nakakatulad niyaong sa anghel na nagpakita kay Manoa at sa kaniyang kabiyak. Pinapaghanda niya sila ng isang hain, at “habang pumapailanlang sa langit ang apoy mula sa altar, nang magkagayo’y pumailanlang ang anghel ni Jehova sa apoy ng altar samantalang nakatingin si Manoa at ang kaniyang kabiyak.”—Hukom 13:20.
Yamang ipinakikita ng Gawa 1:3-9 na ang pag-akyat ni Jesus ay naganap 40 araw mula nang buhayin siyang muli, may panahong nagdaan sa pagitan ng pangyayari na nakaulat sa Lucas 24:1-49 na naganap noong buhaying muli si Jesus at ang pag-akyat ni Jesus na inilarawan sa talata 51 ng kabanata ring iyon. Maaari ring pansinin na ang mga salitang “at nagpasimulang madalang paakyat sa langit,” na lumilitaw sa talatang iyon, ay wala sa ilang matatandang manuskrito kung kaya’t inalis sa ilang makabagong mga salin (NE, AT). Gayunman, ang mga ito ay makikita sa Bodmer Papyrus (P75), sa Alexandrine Manuscript, sa Vatican Manuscript No. 1209, at sa iba pang manuskrito.
Epekto sa mga Alagad
Hanggang noong araw ng pag-akyat ni Jesus, lumilitaw na inaakala pa rin ng mga alagad na isang makalupang kaharian ang pamamahalaan niya, gaya ng makikita sa kanilang pananalita sa Gawa 1:6. Sa pamamagitan ng pagpapakita sa pasimula ng kaniyang pag-akyat at sa pagpapahintulot sa kaniyang alagad na masaksihan ang panimulang bahagi nito, maliwanag na ipinakita ni Jesus sa kanila na ang kaniyang Kaharian ay makalangit at, di-tulad ni David na ‘hindi umakyat sa mga langit,’ ang magiging kinaroroonan ni Jesus mula sa panahong iyon ay sa ‘kanang kamay ng Diyos,’ gaya ng may-katapangang pinatotohanan ni Pedro noong araw ng Pentecostes.—Gawa 2:32-36.
Ang gayong pagkilos ay magpapaalaala rin sa kanila tungkol sa maraming pananalita ni Jesus noong una na tumutukoy sa gayong makalangit na posisyon at tutulong sa kaniyang mga alagad na maunawaan ang mga ito. Nagitla ang ilan dahil sa kaniyang sinabi: “Ano, kung gayon, kapag inyong namasdan ang Anak ng tao na umaakyat sa dati niyang kinaroroonan?” (Juan 6:62); at sinabi niya sa mga Judio: “Kayo ay mula sa mga dako sa ibaba; ako ay mula sa mga dako sa itaas.” (Juan 8:23) Noong gabi ng kaniyang huling pakikipagpulong sa kaniyang mga apostol, sinabi niya sa kanila na ‘siya ay paroroon sa Ama upang maghanda ng dako para sa kanila’ (Juan 14:2, 28); samantalang kasama nila noong huling gabi ng kaniyang buhay bilang isang tao, sinabi niya sa kaniyang Ama na ‘natapos niya ang gawain sa lupa’ na iniatas sa kaniya at nanalangin siya, na sinasabi: “Luwalhatiin mo ako sa iyong piling ng kaluwalhatiang tinaglay ko sa iyong piling bago pa ang sanlibutan,” at sinabi rin niya, “ako ay paroroon sa iyo.” (Juan 17:4, 5, 11) Nang siya’y arestuhin, nagpahiwatig din siya ng gayon sa harap ng Sanedrin. (Mateo 26:64) Pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli, sinabi niya kay Maria Magdalena: “Tumigil ka sa pagkapit sa akin. Sapagkat hindi pa ako umaakyat sa Ama. Ngunit pumaroon ka sa aking mga kapatid at sabihin sa kanila, ‘Ako ay aakyat sa aking Ama at inyong Ama at sa aking Diyos at inyong Diyos.’ ” (Juan 20:17) Gayunman, sa kabila ng lahat ng ito, maliwanag na ang kahulugan ng lahat ng pananalitang ito ay naunawaan lamang ng mga alagad noong maganap ang pag-akyat. Di-nagtagal, si Esteban ay binigyan ng pangitain tungkol kay Jesus na nasa kanang kamay ng Diyos (Gawa 7:55, 56), at naranasan ni Pablo ang epekto ng makalangit na kaluwalhatian ni Jesus.—Gawa 9:3-5.
Ang Pagpapasinaya sa Isang ‘Bago at Buháy na Daan’
Bagaman sinimulan ni Jesus ang kaniyang pag-akyat sa anyong pisikal, sa gayo’y nakita ng kaniyang nagmamasid na mga alagad, walang saligan para ipalagay na nagpatuloy siyang nasa anyong pisikal matapos siyang takpan ng ulap. Sinabi ni apostol Pedro na si Jesus ay namatay sa laman ngunit binuhay “sa espiritu.” (1 Pedro 3:18) Ipinahayag ni Pablo ang tuntunin na “ang laman at dugo ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 15:50; ihambing din ang pananalita ni Jesus sa Juan 12:23, 24 sa 1 Corinto 15:35-45.) Itinulad ni Pablo ang pag-akyat ni Jesus sa langit sa harapan ng Diyos sa pagpasok ng mataas na saserdote sa Kabanal-banalang dako ng tabernakulo sa Araw ng Pagbabayad-sala at binanggit na sa pagkakataong iyon ay dala lamang ng mataas na saserdote ang dugo (hindi ang laman) ng handog na inihain. (Hebreo 9:7, 11, 12, 24-26) Pagkatapos ay inihalintulad ni Pablo ang kurtina, na naghihiwalay sa unang silid mula sa Kabanal-banalang silid, sa laman ni Kristo. Sa pagpasok sa Kabanal-banalang dako, sa loob ng tipikong kinaroroonan ng Diyos, hindi dinala ng mataas na saserdote ang kurtina kundi dinaanan lamang ang hadlang na iyon at nilampasan iyon, anupat ito’y napalagay sa kaniyang likuran. Kaya naman, sinabi ni Pablo na “tayo ay may katapangan para sa daan ng pagpasok sa banal na dako sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, na kaniyang pinasinayaan para sa atin bilang isang bago at buháy na daan sa pamamagitan ng kurtina, alalaong baga, ang kaniyang laman.”—Hebreo 9:3, 24; 10:10, 19, 20; ihambing ang Juan 6:51; Hebreo 6:19, 20.
Ang pag-akyat ni Jesus sa langit upang iharap kay Jehova ang tumutubos na halaga ng kaniyang dugo ay nagpasinaya sa “isang bago at buháy na daan” ng paglapit sa Diyos sa panalangin. Na binuksan din nito ang daan tungo sa makalangit na buhay ay nakakatugma ng sariling pananalita ni Jesus sa bagay na, bago iyon, “walang tao na umakyat sa langit kundi siya na bumaba mula sa langit, ang Anak ng tao.” (Juan 3:13) Samakatuwid, hindi pinasinayaan ni Enoc o ni Elias ang daan na ito, maging ni David. (Genesis 5:24; 2 Hari 2:11; Gawa 2:34) Gaya ng sinabi ni Pablo: “Ginagawang malinaw ng banal na espiritu na ang daan patungo sa banal na dako ay hindi pa naihahayag habang ang unang tolda ay nakatayo.”—Hebreo 9:8.
Kung Bakit Kailangan
Ang pag-akyat ni Jesus sa makalangit na dako ay kailangan para sa ilang dahilan o layunin. Sinabi niya na kailangan ‘siyang umalis’ upang maisugo niya ang banal na espiritu ng Diyos bilang katulong ng kaniyang mga alagad. (Juan 16:7-14) Ang pagbubuhos ni Jesus ng gayong espiritu sa araw ng Pentecostes ay isang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan sa mga alagad na si Jesus ay nasa harapan na ng Diyos at naiharap na niya sa Kaniya ang halaga ng kaniyang haing pantubos. (Gawa 2:33, 38) Kinailangan din ang gayong pag-akyat dahil sa paghaharap na ito ng halaga ng kaniyang dugo, sapagkat hindi iyon gagawin sa lupa, sa Kabanal-banalang dako ng templo sa Jerusalem, kundi tangi lamang sa “langit mismo . . . sa harap ng persona ng Diyos.” (Hebreo 9:24) Kinailangan din ito yamang si Jesus ay hinirang at niluwalhati bilang ang “dakilang mataas na saserdote na pumasok sa mga langit.” (Hebreo 4:14; 5:1-6) Ipinaliwanag ni Pablo na “ngayon, kung siya ay nasa lupa, siya ay hindi magiging isang saserdote,” subalit yamang “siya ay umupo sa kanang kamay ng trono ng Karingalan sa mga langit,” si Jesus ngayon ay “nagtamo ng isang higit na napakagaling na pangmadlang paglilingkod, anupat siya rin ang tagapamagitan ng isang katumbas na lalong mabuting tipan.” (Hebreo 8:1-6) Dahil dito, ang mga Kristiyano na alipin ng minanang kasalanan ay naaaliw sa pagkaalam na sila ay “may katulong sa Ama, si Jesu-Kristo, isa na matuwid.”—1 Juan 2:1; Roma 8:34; Hebreo 7:25.
Kahuli-hulihan, ang pag-akyat ay kailangan para sa pangangasiwa ni Jesus sa Kaharian na kaniyang namana, anupat “ang mga anghel at ang mga awtoridad at ang mga kapangyarihan ay ipinasakop sa kaniya.” (1 Pedro 3:22; Filipos 2:6-11; 1 Corinto 15:25; Hebreo 10:12, 13; ihambing ang Daniel 7:14.) Palibhasa’y ‘dinaig ang sanlibutan’ (Juan 16:33), nakibahagi si Jesus sa pagsasakatuparan ng hula sa Awit 68:18, “umakyat siya sa itaas at nagdala siya ng mga bihag,” na ang kahulugan nito ay ipinaliliwanag ni Pablo sa Efeso 4:8-12.