Ang Mabungang Lupain ng Venda
SA NAKALIPAS na sampung taon, kaming mag-asawa ay gumawa bilang buong-panahong mga ebanghelisador sa Venda. Ang Venda ay nasa timog ng Ilog Limpopo sa gawing hilaga ng Timog Aprika, at ang kanilang bansa ay binubuo ng maraming tribo na tumawid sa Limpopo noong nakalipas na mga dantaon. Sinasabi ng ilang taga-Venda na ang kanilang mga ninuno ay nanirahan dito mahigit na 1,000 taon na ang nakalipas.
Tunay, ang rehiyong ito ay dating bahagi ng isang matandang sibilisasyon na tinatawag na Kaharian ng Mapungubwe. Ito ang unang malaking paninirahan sa bayan sa Timog Aprika, at ito ang nangasiwa sa malawak na libis ng Ilog Limpopo, mula sa Botswana sa kanluran hanggang sa Mozambique sa silangan. Mula noong mga 900 C.E. hanggang 1100 C.E., ang Mapungubwe ang naglaan ng garing, sungay ng rhino, balat ng hayop, tanso, at ginto pa nga sa mga mangangalakal na Arabe. Nahukay ang mga bagay na mahusay ang pagkakalilok na may ohas na ginto sa isang maharlikang libingang buról na tinatawag na Mapungubwe. Kabilang ito sa “pinakaunang pahiwatig ng pagmimina ng ginto sa gawing timog ng Aprika,” ang sabi ng isang ensayklopidiya.
Hindi na nagmimina ng ginto rito. Ngayon, ang lupain ng Venda ay kilala sa pagiging mabunga nito. Nasa timog ng Bundok ng Soutpansberg ang mayabong na libis, kung saan saganang tumutubo ang mga prutas na gaya ng mga abokado, saging, mangga, at bayabas. Bukod pa sa mga nuwes na gaya ng pecan at macadamia, mayroon ding saganang ani ng mga gulay. Kabilang dito ang ligaw na muroho, na lasang espinaka at gustung-gusto ng mga tao roon.
Ang Venda ay isang mapayapa at mapagpatuloy na bansa. Karaniwan na sa ulo ng sambahayan na magpaluto ng manok para sa isang di-inaasahang bisita. Ito’y kinakain kasama ng vhuswa, ang pangunahing pagkain, na mula sa mais. Pagkatapos ng dalaw, sasamahan ng ulo ng sambahayan ang kaniyang bisita sa di-kalayuan. Ito ang tradisyunal na paraan ng pagpapakita ng paggalang sa isang bisita. Ang mga anak ay tinuturuang bumati sa mga bisita sa marangal na paraan sa pamamagitan ng pagyuko at paghaplos ng magkabilang palad. Makikita mo sa pahinang ito ang dalawang babaing taga-Venda na nagbabatian sa kaugaliang ito.
Isang Mahirap na Wika
Ang wikang Venda ay hindi madaling matutuhan ng mga taong mula sa Europa. Ang isang problema ay na maraming salita ang magkakatulad ang baybay subalit binibigkas nang magkakaiba. Samantalang nagbibigay ng isang pahayag sa Bibliya sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Venda isang araw, sinikap kong himukin ang mga tagapakinig na magsalita sa bawat tao. Hindi mapigil ng isa na nakikinig ang tumawa sapagkat ang sinabi ko ay sa “bawat daliri” sa halip na sa “bawat tao.”
Nang una akong magsalita ng Venda sa pangmadlang gawaing pagpapatotoo, isang babaing taga-Venda ang sumagot: “Hindi ako nagsasalita ng Ingles.” Akala ko’y mahusay na ang pagsasalita ko ng Venda, subalit akala niya ito ay Ingles! Habang papalapit ako sa isang bahay noong minsan, hiniling ko sa isang kabataan na tawagin ang ulo ng pamilya. Ang salitang Venda para sa ulo ng pamilya ay thoʹho. Nagkamali ako at ang nasabi ko’y thohoʹ, na humiling na makausap ang unggoy sa bahay! Ang mga pagkakamaling gaya nito ay nakapanghihinang-loob sa akin, subalit sa pamamagitan ng pagtitiyaga, kaming mag-asawa ngayon ay nakapagsasalita na nang may kahusayan sa Venda.
Espirituwal na Bunga
Ang lupain ng Venda ay napatutunayang mabunga sa espirituwal na paraan. Noong mga taon ng 1950, isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ang nabuo sa mga dayuhan na galing sa kalapit na mga bansa upang magtrabaho sa minahan ng tanso sa bayan ng Messina. Ipinakilala ng kanilang masigasig na gawain sa maraming taga-Venda ang mga katotohanan ng Bibliya. Pagkalipas ng isang dekada, isang pangkat ng mga Saksing Venda ang nagdaraos ng mga pulong sa isang pribadong tahanan sa bayan ng Sibasa.
Upang mapabilis ang pagsulong, nagsugo ang sangay ng Samahang Watch Tower sa Timog Aprika ng mga buong-panahong ebanghelisador sa mabungang larangang ito. Di-nagtagal at ang grupo sa Sibasa ay lumaki tungo sa isang malaking kongregasyon. Ang mga pulong Kristiyano ay idinaraos sa isang silid-aralan noong panahong iyon. Gayunman, sa tulong ng mga Saksi ni Jehova sa lugar ng Pietersburg, mga 160 kilometro sa timog, isang Kingdom Hall ang naitayo sa Thohoyandou, isang kalapit na bayan.
Ang populasyong nagsasalita ng Venda sa gawing hilaga ng Timog Aprika ay may bilang na 500,000. Walang Saksing Venda noong magsimula ang gawaing pangangaral ng Kaharian dito noong mga taon ng 1950. Ngayon ay may mahigit na 150. Subalit marami pa ring hindi nagagawang dako at malaki pa ang kailangang gawin. Sinimulan naming dalawin ang bayan ng Venda na tinatawag na Hamutsha noong 1989. Isa lamang Saksi ang nakatira roon noong panahong iyon. Ngayon ay mahigit nang 40 tagapaghayag ng Kaharian ang nakatira sa nayon na iyon. Dahil sa tulong muli ng mga Saksi sa mga kongregasyon sa Pietersburg at sa pinansiyal na abuloy ng mga kapatid sa mas mayayamang bansa, abala kami sa pagtatapos ng aming Kingdom Hall.
Nakatira kami sa isang caravan (maliit na treyler) sa isang bukid. Sa pagpapanatiling simple ng aming buhay, mayroon kaming higit na panahon upang maparating sa mga tao roon ang mabuting balita. (Marcos 13:10) Bunga nito, kami’y saganang pinagpala ng pribilehiyo na pagtulong sa marami na ialay ang kanilang buhay sa Diyos na Jehova. Isang halimbawa ang lalaking nagngangalang Michael, na nakita ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay sa Paraiso sa Lupa sa bahay ng isang kaibigan.a Sinimulan niyang basahin ito at agad niyang nakilala ang katotohanan. Kaya sumulat siya sa Samahang Watch Tower para sa higit pang literatura sa Bibliya. Ipinaliwanag ni Michael sa kaniyang liham na siya’y nabautismuhan kamakailan lamang bilang isang miyembro ng simbahang Apostoliko roon. “Natuklasan ko,” patuloy pa niya, “na ako’y nasa maling daan patungo sa Kaharian ng Diyos. Nagpasiya akong maging isa sa inyong mga miyembro, subalit hindi ko alam kung paano ito gagawin.” Saka niya ibinigay ang kaniyang direksiyon at hiniling niya na magpadala ng isang Saksi ni Jehova upang tulungan siya. Natagpuan ko si Michael at nasimulan ang isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa kaniya. Ngayon, siya’y isa nang bautisadong Saksi at matapat na naglilingkod kay Jehova.
Noong Disyembre 1997, dumalo kami sa “Pananampalataya sa Salita ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na ginanap sa isang isports istadyum sa Thohoyandou. May dumalo na 634, at 12 bagong mga indibiduwal ang nabautismuhan. Nagkapribilehiyo akong magbigay ng dalawang pahayag sa Venda. Tunay na ito’y isang mahalagang pangyayari sa aming maligayang dekada na ginugol sa mabungang lupaing ito!—Isinulat.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.