Maaalis ang Bandalismo
ANG bandalismo ng mga tin-edyer ay laging itinuturing na isang kapahayagan ng kawalang-galang at pakikipag-alit sa mga nasa hustong gulang at sa kanilang mga pamantayan,” paliwanag ng mga awtor na sina Jane Norman at Myron W. Harris. Bagaman naniniwala ang maraming kabataan na walang magagawa upang mabago ang situwasyon, “isa sa 3 ang nag-aakalang ang bandalismo ng mga tin-edyer ay masusugpo kung magbibigay ng higit na pansin ang mga magulang sa kanilang mga anak, at kung hindi lubhang nababagot ang mga tin-edyer,” ulat ng mga awtor. Bagaman ang pagiging abala ng mga kabataan at ang mas mahusay na pangangasiwa ng mga magulang ay makababawas sa bandalismo, ito ba sa ganang sarili ay makararating sa pinakaugat na mga sanhi?
Kapag nag-iisa, maraming kabataan ang hindi naman magugulo, gayunman kapag nasa isang grupo o kung may kasama, maaaring sikapin nilang makatawag ng pansin, anupat gumagawa ng hangal at masasamang bagay. Iyan ang kaso ni Nelson, na kapag nasa ilalim ng impluwensiya ng droga o alak ay kadalasang nagpapahayag ng kaniyang galit at pagkadiskontento sa pamamagitan ng mga gawa ng bandalismo. Nadama ni José, na napukaw ng mga sermon sa Simbahang Katoliko tungkol sa reporma sa lupa at mga karapatan sa paggawa, na dapat siyang makibahagi sa mga welga at magsaayos ng bandalismo bilang isang paraan ng protesta. Gayunman, nasumpungan kapuwa nina Nelson at José ang isang bagay na mas mainam kaysa sa mga kaguluhan o bandalismo.
Ilang Mas Malalim na mga Sanhi ng Bandalismo
Suriin nating mabuti kung bakit nagsasagawa ng bandalismo ang ilang kabataan. Maraming kabataan ang nalilito at “inilalarawan ang daigdig na isang dakong magulo at hibang, na punô ng mga taong hibang.” Gayunpaman, at taliwas sa paniniwala ng ilan, ganito ang sabi ng isang ulat: “Nababahala ang mga tin-edyer sa direksiyon ng kanilang buhay. Mas nababahala sila kaysa sa inaakala ng mga nasa hustong gulang.” Nalalaman man o hindi, maaaring sa ganito ipinahahayag ng isang kabataang sangkot sa bandalismo ang kaniyang malalim-ang-pagkakaugat na mga kabiguan, mga problemang di-malutas, o mga pangangailangang di-masapatan. Ayon sa isang pag-aaral na nabanggit sa pasimula, “wala isa man sa mga tinanong ang nagtanggol o nagbigay-katuwiran sa bandalismo, kahit na yaong nagsagawa nito.”
Maaaring bihirang marinig ng isang kabataan ang pagpapahalaga o pampatibay-loob. Yamang ang edukasyon ay nagiging higit at higit na mahalaga at mas maraming trabaho ang nangangailangan ng mataas na antas ng pantanging edukasyon o teknikal na kasanayan, baka mawalan siya ng pagtitiwala-sa-sarili. Bukod pa riyan, baka masyadong mapamintas at mapaghanap ang mga magulang, mga guro, o mga kasamahan, anupat binibigyan-diin kung ano ang nagagawa ng kabataan at hindi kung ano siya bilang isang tao. Marami ang nagrerebelde o gumagawa ng bandalismo dahil lamang sa sila’y bigo sa kanilang sarili. Hindi ba mababawasan nang malaki ang kabagabagang ito sa pamamagitan ng pag-ibig at pag-aasikaso ng mga magulang?
Maaaring nakita mo na bagaman ang ilang awtoridad ay waring huminto na sa pagsisikap na masawata ang graffiti at ang iba pang uri ng delingkuwensiya, ang nababahalang mga mamamayan sa pangkalahatan ay umaasa pa rin na masusupil ng mga guro at mga kawani sa paaralan ang bandalismo. Tungkol sa pagpapatupad ng batas, ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Ang bandalismo ay maparurusahan ng multa o pagkabilanggo. Ang ilang lokal na mga pamahalaan ay may mga batas na nagpapanagot sa mga magulang sa bandalismong nagawa ng kanilang mga anak. Subalit karamihan ng mga gawa ng bandalismo ay hindi naparurusahan. Mahirap ang pagpapatupad ng batas sa mga kasong ito, at ang halaga ng karamihan sa mga pinsala ay hindi naman gaanong malaki para maging sulit ang pagdedemanda.” Ipinakita ng isang ulat na 3 porsiyento lamang ng mga nagkasala ang kailanma’y nadakip.
Malamang na sasang-ayon ka na ang sapat na pangangasiwa ng mga magulang ang pinakamainam na paraan upang lutasin ang ugat na sanhi ng delingkuwensiya. Subalit kapag humina ang buhay pampamilya, magdurusa ang pamayanan. Sinabi ni Propesor Ana Luisa Vieira de Mattos, ng São Paulo University, sa Brazil, na ang ilang dahilan ng problema sa mga kabataan ay ang “mahinang superbisyon ng mga magulang, kawalan ng mga alituntunin, hindi pag-uusap, kapabayaan, kawalang-interes o pagwawalang-bahala.”
Tiyak na nakita na natin sa ating panahon ang katuparan ng mga salita ni Jesus: “Dahil sa paglago ng katampalasanan ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.” (Mateo 24:12) At sino ang magkakaila na natutupad ang mga salitang nakaulat sa 2 Timoteo 3:1-4? Sumulat si apostol Pablo: “Alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki sa pagmamapuri, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” Sa katunayan, ang pamumuhay lamang sa gitna ng mga taong may gayong mga katangian ay nagiging sanhi na ng delingkuwensiya. Gayunman, hindi tayo kailangang sumuko. Nabigo ang mga pamayanan sa pangkalahatan na alisin ang bandalismo, subalit makasusumpong tayo ng mga taong nagtagumpay sa pagbabago ng kanilang sariling istilo ng buhay, anupat hindi na sila walang-modo o iresponsable. Nasupil ang bandalismo sa kanilang mga kaso.
Matinong Patnubay Para sa mga Kabataan
Ano ang nakatulong sa mga gumagawa ng bandalismo at sa iba pa na magbago ng kanilang personalidad? Bagaman tila hindi kapani-paniwala sa ilang guro at mga magulang, ang Bibliya ay nagbibigay ng ekselente at napapanahong patnubay. Sa pamamagitan ng pagsunod dito, ang dating mga taong gumagawa ng bandalismo ay naudyukang sundin ang espesipikong batas ng Diyos: “Huwag kang susunod sa karamihan ukol sa masasamang pakay.” (Exodo 23:2) Marami ang naakit sa katotohanan mula sa Salita ng Diyos tungkol sa mga paniniwala at mga doktrina na hindi nila kailanman naunawaan noon, at naapektuhan sila sa ikabubuti ng kanilang natutuhan. Isaalang-alang ang karanasan ni José, isang kabataan sa São Paulo. Siya’y pinalaki na naniniwala sa paggamit ng mga imahen sa pagsamba. Nang malaman niya na may pangalan ang Diyos, si Jehova, at na hindi Niya sinasang-ayunan ang pagsamba sa imahen, gumawa ng mga pagbabago si José upang gawin kung ano ang nakalulugod sa paningin ng Diyos.—Exodo 20:4, 5; Awit 83:18; 1 Juan 5:21; Apocalipsis 4:11.
Sa halip na magkaroon ng sunud-sunod na nakasisiphayong karanasan sa mararahas na mga gang at mga welga, nasumpungan ni Nelson ang isang tunay na pag-asa sa hinaharap, at iyan ay nagbigay sa kaniya ng malaking ginhawa. Aniya: “Sa halip na itakwil ng aking pamilya dahil sa masasamang kasama at isang buhay bilang sugapa sa droga, ako ngayon ang isa na pinakaiginagalang sa bahay. Kadalasang hinihilingan ako ng aking tatay na payuhan ang aking nakatatandang mga kapatid na lalaki. Mula nang makipag-aral ako ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, nagkaroon ako ng kagalakan sapagkat may layunin na ngayon ang aking buhay.” At para sa isang kabataan sa lunsod na gaya ni Marco—na sanáy mamuhay sa isang marahas na kapaligiran—tunay na nakapagpapasigla sa puso ang pagkaalam na gagawin ng Kaharian ng Diyos ang lupa na isang paraiso.—Apocalipsis 21:3, 4.
Isaalang-alang din ang kaso ng isang dating miyembro ng gang, butangero, at gumagawa ng bandalismo. Palibhasa’y ulila na may napakalungkot na pagkabata, humanga si Valter na sa gitna ng isang tiwali at balakyot na sistema, ang Diyos ay may isang bayan. Taimtim nilang sinisikap na ikapit ang mga simulain ng Bibliya sa kanilang buhay, anupat nagpapakita ng pagkamadamayin, konsiderasyon, at kabaitan. Ganito ang paliwanag ni Valter: “Tapat sa pangako ni Jesus, mayroon ako ngayong isang malaking pamilya, ‘mga kapatid na lalaki at babae at mga ina at mga ama.’ Tungkol sa hinaharap, inaasam ko ang panahon na ang mga tao’y mamumuhay sa kaligayahan at pagkakaisa sa ilalim ng matuwid na pamahalaan ng Diyos.”—Marcos 10:29, 30; Awit 37:10, 11, 29.
Isang Bagay na Mas Mainam Kaysa sa Protesta
Bukod pa sa pagpapakita ng konsiderasyon at pag-ibig sa kanilang kapuwa-tao, natutuhan ng dating mga gumagawang ito ng bandalismo na “kapootan ang masama.” (Awit 97:10; Mateo 7:12) Kumusta ka naman? Kahit na isa ka lamang na dumaranas ng mga epekto ng malaganap na bandalismo, sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos, magiging tunay sa iyo si Jehova bilang isang maibiging makalangit na Ama na nagnanais na magmalasakit sa iyo. (1 Pedro 5:6, 7) Matutulungan ka ng Diyos na sumulong sa espirituwal, sa kabila ng personal na kahinaan o karalitaan. Iyan sa ganang sarili ay isang kamangha-manghang karanasan!
Talagang nais ni Jehova at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na ang lahat ng uri ng tao ay magkaroon ng pagkakataon na matuto ng katotohanan sa Bibliya. Higit pa ang magagawa ng Salita ng Diyos upang mapahinto ang mga indibiduwal sa pagsasagawa ng bandalismo ngayon mismo. Mapapakilos sila nito na gumawa ng higit pang pagsulong sa pagkakapit ng mga simulain ng Diyos. Bunga nito, sila’y nagiging mga miyembro ng isang internasyonal na kapatiran na kilala sa kalinisan at mabubuting ugali, ang pambuong-daigdig na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Kasuwato ng Efeso 4:24, ang taimtim na mga Kristiyanong ito ay ‘nagbihis na ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa totoong katuwiran at pagkamatapat.’ Di-magtatagal, ang daigdig ay mapupuno ng gayong mga tao sapagkat sila lamang ang makaliligtas at mabubuhay magpakailanman.—Ihambing ang Lucas 23:43.
Posible ang Isang Bagong Sanlibutang Walang Bandalismo
Naniniwala ka ba na talagang maaalis ang bandalismo? Kung gayon, paano mangyayari ang malaking pagbabagong ito? Malapit nang alisin ng Kaharian ng Diyos ang balakyot na sistemang ito. Ang mga nakatira sa lupa ay mananagot sa anumang kusang paglabag sa matuwid na mga batas ng Diyos. (Ihambing ang Isaias 24:5, 6.) Bagaman “ang mga mananalansang ay tiyak na pupuksaing sama-sama,” ililigtas naman yaong mga umiibig sa katuwiran. “Tutulungan sila ni Jehova at sasagipin sila. Sasagipin niya sila mula sa mga taong balakyot at ililigtas sila, sapagkat nanganganlong sila sa kaniya.”—Awit 37:38-40.
Tunay, ang mga sanhi ng bandalismo ay lubusang aalisin. At gayundin ang lahat ng krimen, paniniil, pagdurusa, at kabalakyutan. Sa halip, kapayapaan, tunay na katuwiran, katahimikan, at katiwasayan ang magiging buhay sa bagong sanlibutan. Inilalarawan ng Isaias 32:18 ang mangyayari sa literal na paraan: “Ang aking bayan ay mananahanan sa mapayapang tinatahanang dako at sa mga tahanang may lubos na kapanatagan at sa tahimik na mga pahingahang-dako.” Oo, isang maganda at pangglobong paraiso ang paninirahan ng mga taong nagpapakita ng pag-ibig at konsiderasyon sa iba.
Kasama ng angaw-angaw pa, ang dating mga gumagawa ng bandalismo ay nagtatamasa na ng matalik na kaugnayan sa Diyos na Jehova. Hindi na sila nakikibahagi sa mga gawa ng bandalismo. Hahayaan mo rin bang patnubayan ka ng Salita ng Diyos tungo sa buhay sa kaniyang bagong sanlibutan? Bakit hindi tularan ang sinaunang salmista na nag-ulat ng kapahayagan ni Jehova: “Pagkakalooban kita ng kaunawaan at tuturuan kita sa daan na dapat mong lakaran. Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.”—Awit 32:8.
[Larawan sa pahina 7]
Iingatan ng pag-aasikaso at pag-ibig ng magulang ang mga kabataan