Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 10/1 p. 10-15
  • Malapit na ang “Panahon Para sa Kapayapaan”!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Malapit na ang “Panahon Para sa Kapayapaan”!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Saligan ng Tunay na Kapayapaan
  • Bakit “Panahon Para sa Digmaan”?
  • Ngayon Na ang “Panahon ng Pagsasalita”
  • Yaong mga Nagsasabing “Kapayapaan, Gayong Wala Namang Kapayapaan”
  • Binasag ni Jehova ang Kaniyang Pagtahimik
  • Tunay na Kapayapaan—Saan Kaya Magmumula?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • “Ang Kapayapaan ng Diyos” ang Mag-ingat Nawa sa Inyong Puso
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Kapayapaan ng Diyos Para sa mga Tinuruan ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Kapayapaan Buhat sa Diyos—Kailan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 10/1 p. 10-15

Malapit na ang “Panahon Para sa Kapayapaan”!

“Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon, . . . panahon para sa digmaan at panahon para sa kapayapaan.”​—ECLESIASTES 3:1, 8.

1. Anong kakatwang kalagayan ang umiral nitong ika-20 siglo may kinalaman sa digmaan at kapayapaan?

ANG karamihan ng tao’y nananabik sa kapayapaan, na may mabuting dahilan. Naging mas mailap ang kapayapaan nitong ika-20 siglo kaysa alinmang siglo sa kasaysayan. Kakatwang magkagayon, sapagkat ngayon higit kailanman ay napakarami nang nagawa para makamit ang kapayapaan. Itinatag ang Liga ng mga Bansa noong 1920. Ang Kellogg-Briand Pact noong 1928, na tinawag ng isang akdang reperensiya na “ang pinakamalaki sa serye ng pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I,” ay sinuportahan ng “halos lahat ng bansa sa daigdig . . . na sumang-ayong itakwil ang digmaan bilang isang instrumento ng nasyonal na patakaran.” Pagkatapos, itinatag ang organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa noong 1945 upang ipalit sa nawala nang Liga ng mga Bansa.

2. Ano ang diumano’y tunguhin ng Nagkakaisang mga Bansa, at hanggang saan ang naging tagumpay nito?

2 Gaya ng Liga, ang diumano’y tunguhin ng Nagkakaisang mga Bansa ay ang makamit ang pandaigdig na kapayapaan. Subalit limitado lamang ang naging tagumpay nito. Oo nga’t wala nang nagaganap na digmaan saanman na kasinlaki ng dalawang digmaang pandaigdig. Gayunman, napakaraming maliliit na digmaan ang umaagaw pa rin sa kapayapaan ng isip ng daan-daang libo katao, ng kanilang mga ari-arian, at kadalasa’y ng kanilang buhay. Makapagbabakasakali kaya tayo na magagawa ng Nagkakaisang mga Bansa na gawing “panahon ng kapayapaan” ang ika-21 siglo?

Ang Saligan ng Tunay na Kapayapaan

3. Bakit hindi maaaring umiral ang tunay na kapayapaan kasabay ng pagkapoot?

3 Ang kapayapaan sa pagitan ng mga bayan at bansa ay humihiling ng higit pa sa basta pagpaparaya lamang. Posible kayang makipagpayapaan ang isa sa kaniyang kinapopootan? Hindi nga ayon sa 1 Juan 3:15: “Ang bawat isa na napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao.” Gaya ng pinatutunayan ng nakalipas na kasaysayan, ang matinding pagkapoot ay madaling humantong sa mga gawang karahasan.

4. Sino lamang ang makapagtatamasa ng kapayapaan, at bakit?

4 Yamang si Jehova “ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan,” ang kapayapaan ay matatamasa niyaon lamang mga taong umiibig sa Diyos at gumagalang sa kaniyang matuwid na mga simulain. Maliwanag, hindi lahat ay binibigyan ni Jehova ng kapayapaan. “ ‘Walang kapayapaan,’ ang sabi ng aking Diyos, ‘para sa mga balakyot.’ ” Ito ay sapagkat tumatanggi ang balakyot na sila’y patnubayan ng banal na espiritu ng Diyos, na ang isang bunga ay kapayapaan.​—Roma 15:33; Isaias 57:21; Galacia 5:22.

5. Ano ang hindi naiisip ng tunay na mga Kristiyano?

5 Ang pakikidigma sa kapuwa tao​—gaya ng madalas na ginagawa ng diumano’y mga Kristiyano, lalo na ngayong ika-20 siglo​—ay hindi naiisip ng tunay na mga Kristiyano. (Santiago 4:1-4) Totoo, sila’y nakikipagdigma laban sa mga turo na nagpaparatang sa Diyos, subalit ang pakikidigmang ito ay nilayon upang tulungan ang mga indibiduwal, hindi upang saktan sila. Ang pag-usigin ang iba dahil sa pagkakaiba ng relihiyon o manakit sa pisikal dahil sa nasyonalistikong kadahilanan ay salungat na salungat sa tunay na Kristiyanismo. “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo,” tagubilin ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma, “makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”​—Roma 12:17-19; 2 Timoteo 2:24, 25.

6. Saan lamang masusumpungan ang tunay na kapayapaan sa ngayon?

6 Sa ngayon, ang bigay-Diyos na kapayapaan ay masusumpungan lamang sa gitna ng tunay na mga mananamba ng Diyos na Jehova. (Awit 119:165; Isaias 48:18) Walang pulitikal na pagkakasalungatan ang makasisira sa kanilang pagkakaisa, palibhasa neutral sila sa pulitika kahit saan. (Juan 15:19; 17:14) Dahil sa sila’y ‘lubos na nagkakaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan,’ hindi maisasapanganib ng anumang relihiyosong pagkakasalungatan ang kanilang kapayapaan. (1 Corinto 1:10) Ang kapayapaang tinatamasa ng mga Saksi ni Jehova ay isang modernong-panahong himala, isa na pinangyari ng Diyos kasuwato ng kaniyang pangako: “Aatasan ko ang kapayapaan bilang iyong mga tagapangasiwa at ang katuwiran bilang iyong mga tagapagbigay-atas.”​—Isaias 60:17; Hebreo 8:10.

Bakit “Panahon Para sa Digmaan”?

7, 8. (a) Sa kabila ng kanilang paninindigan sa kapayapaan, paano minamalas ng mga Saksi ni Jehova ang kasalukuyang panahon? (b) Ano ang pangunahing sandata ng isang Kristiyanong pakikidigma?

7 Sa kabila ng kanilang paninindigan sa kapayapaan, itinuturing ng mga Saksi ni Jehova na nangingibabaw pa rin sa kasalukuyan ang “panahon para sa digmaan.” Mangyari pa, hindi literal na pakikidigma, yamang kung ipipilit sa iba ang mensahe ng Bibliya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng sandata, magiging salungat ito sa paanyaya ng Diyos na “ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Apocalipsis 22:17) Walang sapilitang pangungumberte rito! Ang pakikidigma ng mga Saksi ni Jehova ay bukod-tanging pang-espirituwal lamang. Sumulat si Pablo: “Ang mga sandata ng aming pakikidigma ay hindi makalaman, kundi makapangyarihan sa pamamagitan ng Diyos para sa pagtitiwarik ng mga bagay na matibay ang pagkakatatag.”​—2 Corinto 10:4; 1 Timoteo 1:18.

8 Ang pangunahin sa “mga sandata ng aming pakikidigma” ay “ang tabak ng espiritu, alalaong baga, ang salita ng Diyos.” (Efeso 6:17) Makapangyarihan ang tabak na ito. “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas at mas matalas kaysa anumang dalawang-talim na tabak at tumatagos maging hanggang sa paghahati ng kaluluwa at espiritu, at ng mga kasukasuan at ng utak sa buto, at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (Hebreo 4:12) Sa paggamit ng tabak na ito, naititiwarik ng mga Kristiyano “ang mga pangangatuwiran at bawat matayog na bagay na naibangon laban sa kaalaman sa Diyos.” (2 Corinto 10:5) Nagbibigay ito sa kanila ng kakayahang mailantad ang mga maling doktrina, nakapipinsalang gawain, at mga pilosopiyang nagpapaaninag ng karunungan mula sa tao sa halip na mula sa Diyos.​—1 Corinto 2:6-8; Efeso 6:11-13.

9. Bakit hindi dapat huminto ang ating pakikidigma laban sa makasalanang laman?

9 Ang isa pang espirituwal na pakikidigma ay ang pakikipaglaban sa makasalanang laman. Sinusunod ng mga Kristiyano ang halimbawa ni Pablo, na umamin: “Binubugbog ko ang aking katawan at ginagawa itong alipin, upang, pagkapangaral ko sa iba, ako mismo ay huwag maging di-sinang-ayunan sa paanuman.” (1 Corinto 9:27) Ang mga Kristiyano sa Colosas ay pinayuhan na patayin ang kanilang “mga sangkap ng . . . katawan na nasa ibabaw ng lupa na may kinalaman sa pakikiapid, kawalang-kalinisan, seksuwal na pagnanasa, nakasasakit na nasa, at kaimbutan, na siyang idolatriya.” (Colosas 3:5) At masidhing pinayuhan ng manunulat ng Bibliya na si Judas ang mga Kristiyano na “makipaglaban nang puspusan ukol sa pananampalataya na ibinigay nang minsanan sa mga banal.” (Judas 3) Bakit dapat nating gawin ito? Sumagot si Pablo: “Kung nabubuhay kayo ayon sa laman kayo ay tiyak na mamamatay; ngunit kung papatayin ninyo ang mga gawa ng katawan sa pamamagitan ng espiritu, kayo ay mabubuhay.” (Roma 8:13) Dahil sa maliwanag na pangungusap na ito, hindi dapat huminto ang ating pakikidigma laban sa masasamang hilig.

10. Ano ang naganap noong 1914, na hahantong sa ano sa malapit na hinaharap?

10 Ang isa pang dahilan kung bakit ang kasalukuyan ay maaaring malasin bilang panahon para sa digmaan ay sapagkat “ang araw ng paghihiganti sa bahagi ng ating Diyos” ay napipinto na. (Isaias 61:1, 2) Noong 1914, dumating na ang itinakdang panahon ni Jehova upang itatag ang Mesiyanikong Kaharian at upang bigyan ito ng awtoridad na makidigma nang husto laban sa sistema ni Satanas. Ang inilaang yugto ng panahon para subukin ng tao ang gawang-taong pamamahala nang walang pakikialam ang Diyos ay natapos na noon. Sa halip na tanggapin ang Mesiyanikong Tagapamahala ng Diyos, patuloy siyang tinatanggihan ng maraming tao, gaya ng ginawa ng karamihan noong unang siglo. (Gawa 28:27) Kaya nga, dahil sa pagsalansang sa Kaharian, napilitan si Kristo na “manupil . . . sa gitna ng [kaniyang] mga kaaway.” (Awit 110:2) Nakatutuwa naman, nangangako ang Apocalipsis 6:2 na ‘lulubusin niya ang kaniyang pananaig.’ Ito ay gagawin niya “sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat . . . , na sa Hebreo ay tinatawag na Har–Magedon.”​—Apocalipsis 16:14, 16.

Ngayon Na ang “Panahon ng Pagsasalita”

11. Bakit naging napakamatiisin ni Jehova, subalit ano sa wakas ang mangyayari?

11 Walumpu’t limang taon na ang nakalipas sapol ng maganap ang malaking pagbabago noong 1914 sa mga pangyayari sa buhay ng tao. Si Jehova ay naging napakamatiisin sa sangkatauhan. Pinangyari niya na lubusang mabatid ng kaniyang mga Saksi ang pagkaapurahan ng kalagayan. Milyun-milyong buhay ang nakataya. Kailangang babalaan ang pulutong na ito sapagkat “hindi . . . nais [ni Jehova] na ang sinuman ay mapuksa kundi nagnanais na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Gayunman, malapit nang dumating ang “pagkakasiwalat sa Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel.” Pagkatapos, lahat ng kusang tumatanggi sa mensahe ng Kaharian ng Diyos ay daranas ng “paghihiganti” na pasasapitin ni Jesus “doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.”​—2 Tesalonica 1:6-9.

12. (a) Bakit hindi mahalaga ang pagtantiya kung kailan magsisimula ang malaking kapighatian? (b) Sa anong panganib hinggil dito nagbabala si Jesus?

12 Hanggang kailan kaya masasagad ang pagtitiis ni Jehova? Anumang pagtantiya hinggil sa kung kailan magsisimula ang “malaking kapighatian” ay hindi mahalaga. Maliwanag na sinabi ni Jesus: “May kinalaman sa araw at sa oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam.” Sa kabilang dako naman, nagpayo siya: “Manatili kayong mapagbantay, kung gayon, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon. . . . Patunayan din ninyo ang inyong mga sarili na handa, sapagkat sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.” (Mateo 24:21, 36, 42, 44) Sa simpleng pananalita, nangangahulugan ito na dapat tayong manatiling nagbabantay araw-araw sa mga nangyayari sa daigdig at isaisip ang pagsiklab ng malaking kapighatian. (1 Tesalonica 5:1-5) Napakapanganib kung isasaisip na maaari pa tayong magpahinay-hinay, mamuhay sa diumano’y normal na paraan, na naghihintay na lamang kung ano ang mangyayari! Sabi nga ni Jesus: “Bigyang-pansin ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi kailanman mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang ang araw na iyon ay kagyat na mapasa-inyo gaya ng silo.” (Lucas 21:34, 35) Dito’y makatitiyak tayo: Ang mapangwasak na “apat na hangin” na sa kasalukuyan ay pinipigil ng “apat na anghel” ni Jehova ay hindi habang-panahong pipigilin.​—Apocalipsis 7:1-3.

13. Ano ang batid na ng halos anim na milyon katao?

13 Sa mabilis na dumarating na araw na ito ng pagtutuos, ang mga salita ni Solomon hinggil sa pagkakaroon ng “panahon ng pagsasalita” ay may pantanging kahulugan. (Eclesiastes 3:7) Palibhasa’y batid na nilang ngayon na nga ang panahon ng pagsasalita, halos anim na milyong Saksi ni Jehova ang masigasig na nagsasalita hinggil sa kaluwalhatian ng pagkahari ng Diyos at nagbababala hinggil sa araw ng kaniyang paghihiganti. Kusang-loob nilang inihahandog ang kanilang sarili sa araw na ito ng hukbong militar ni Kristo.​—Awit 110:3; 145:10-12.

Yaong mga Nagsasabing “Kapayapaan, Gayong Wala Namang Kapayapaan”

14. Sinong mga bulaang propeta ang lumitaw noong ikapitong siglo B.C.E.?

14 Noong ikapitong siglo B.C.E., ang mga propeta ng Diyos na sina Jeremias at Ezekiel ay naghatid ng banal na mga mensahe ng kahatulan laban sa Jerusalem dahil sa likong landasin nito ng pagsuway sa Diyos. Ang inihula nilang pagpuksa ay naganap noong 607 B.C.E., sa kabila ng pagkontra ng mga prominente at maiimpluwensiyang lider ng relihiyon sa mga mensahero ng Diyos. Ang mga kontrabidang ito ay napatunayang ‘mga propetang hangal [na] . . . nagligaw sa bayan [ng Diyos], na sinasabi, ‘May kapayapaan!’ gayong wala namang kapayapaan!’​—Ezekiel 13:1-16; Jeremias 6:14, 15; 8:8-12.

15. May umiiral bang ganitong bulaang mga propeta sa ngayon? Ipaliwanag.

15 Gaya ng “mga propetang hangal” noon, hindi rin nagbababala sa mga tao ang karamihan sa mga lider ng relihiyon ngayon hinggil sa nalalapit na araw ng paghatol ng Diyos. Sa halip, gumuguhit sila ng isang masayang tanawin na sa wakas ay matatamo na rin diumano ng makapulitikang mga grupo ang kapayapaan at katiwasayan. Palibhasa’y mas gusto nilang palugdan ang mga tao kaysa sa Diyos, sinasabi nila sa kanilang mga miyembro yaong gustong marinig ng mga ito sa halip na ipaliwanag na naitatag na ang Kaharian ng Diyos at na malapit nang lubusin ng Mesiyanikong Hari ang kaniyang pananaig. (Daniel 2:44; 2 Timoteo 4:3, 4; Apocalipsis 6:2) Bilang mga bulaang propeta, sila man ay nagsasabi ng “kapayapaan, gayong wala namang kapayapaan.” Subalit ang kanilang pananalig ay malapit nang mauwi sa biglang pagkatakot kapag kinailangan na nilang humarap sa mainit na galit ng Isa na pinasamâ nila at na ang pangalan ay labis nilang dinungisan. Ang mga lider ng pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, na inilarawan sa Bibliya bilang isang imoral na babae, ay masasakal sa kanilang sariling mapanlinlang na paghiyaw ng kapayapaan.​—Apocalipsis 18:7, 8.

16. (a) Sa ano nakilala ang mga Saksi ni Jehova? (b) Paano sila naiiba sa mga humihiyaw ng “kapayapaan, gayong wala namang kapayapaan”?

16 Ang patuloy na paninindigan ng karamihan sa mga prominente at maiimpluwensiyang lider hinggil sa kanilang pakunwaring pangako ng kapayapaan ay hindi nakatigatig sa pagtitiwala niyaong mga nananampalataya sa pangako ng Diyos hinggil sa tunay na kapayapaan. Sa mahigit na isang siglo, kilala na ang mga Saksi ni Jehova bilang matatapat na tagapagtanggol ng Salita ng Diyos, malalakas-ang-loob na kalaban ng huwad na relihiyon, at walang-takot na mga tagasuporta ng Kaharian ng Diyos. Sa halip na ipaghele ang mga tao hanggang sa makatulog sa pamamagitan ng matatamis na kasabihan hinggil sa kapayapaan, buong-sikap nilang ginigising sila sa katotohanang ngayon ay panahon na para sa digmaan.​—Isaias 56:10-12; Roma 13:11, 12; 1 Tesalonica 5:6.

Binasag ni Jehova ang Kaniyang Pagtahimik

17. Ano ang kahulugan ng malapit nang pagbasag ni Jehova sa kanilang pagtahimik?

17 Sinabi rin ni Solomon: “Hahatulan ng tunay na Diyos kapuwa ang matuwid at ang balakyot, sapagkat may panahon para sa bawat pangyayari.” (Eclesiastes 3:17) Oo, si Jehova ay may takdang panahon para sa pagpapataw ng kahatulan sa huwad na relihiyon at sa “mga hari sa lupa [na] tumitindig . . . laban kay Jehova at laban sa kaniyang pinahiran.” (Awit 2:1-6; Apocalipsis 16:13-16) Kapag sumapit na ang panahong iyon, ang mga araw ng “pagtahimik” ni Jehova ay matatapos na. (Awit 83:1; Isaias 62:1; Jeremias 47:6, 7) Sa pamamagitan ng kaniyang nakaluklok na Mesiyanikong Hari, si Jesu-Kristo, ‘magsasalita’ siya sa tanging wika na madaling maintindihan ng kaniyang mga mananalansang: “Si Jehova ay lalabas na gaya ng isang makapangyarihang lalaki. Siya ay pupukaw ng sigasig na gaya ng isang mandirigma. Sisigaw siya, oo, isisigaw niya ang hiyaw ng digmaan; sa kaniyang mga kaaway ay ipakikita niyang mas malakas siya. ‘Ako ay nanahimik nang mahabang panahon. Nanatili akong walang imik. Ako ay nagpigil ng sarili. Tulad ng babaing nanganganak, ako ay dadaing, hihingal, at sisinghap nang magkakasabay. Ako ay magwawasak ng mga bundok at mga burol, at ang lahat ng kanilang pananim ay tutuyuin ko. At ang mga ilog ay gagawin kong mga pulo, at ang mga matambong lawa ay tutuyuin ko. At ang mga bulag ay palalakarin ko sa daan na hindi pa nila alam; sa landas na hindi pa nila alam ay padadaanin ko sila. Gagawin kong liwanag ang madilim na dako sa harap nila, at patag na lupain ang baku-bakong kalupaan. Ito ang mga bagay na gagawin ko para sa kanila, at hindi ko sila iiwan.’ ”​—Isaias 42:13-16.

18. Sa anong paraan malapit nang ‘tumahimik’ ang bayan ng Diyos?

18 Kapag ‘nagsalita’ na si Jehova upang ipagtanggol ang kaniyang pagka-Diyos, hindi na kailangang magsalita pa ang kaniyang bayan upang ipagtanggol ang kanilang sarili. Sila naman ngayon ang ‘tatahimik.’ Gaya ng sa mga lingkod ng Diyos noon, ang mga salitang ito ay kakapit din sa kanila: “Hindi ninyo kakailanganing lumaban sa pagkakataong ito. Lumagay kayo sa inyong dako, manatili kayong nakatayo at tingnan ninyo ang pagliligtas ni Jehova para sa inyo.”​—2 Cronica 20:17.

19. Anong pribilehiyo ang malapit nang matamo ng mga espirituwal na kapatid ni Kristo?

19 Isa nga itong nakadudurog na paglupig para kay Satanas at sa kaniyang organisasyon! Ang niluwalhating mga kapatid ni Kristo ay makikibahagi sa pagwawagi ng isang pambihirang tagumpay ukol sa katuwiran, na kasuwato ng pangako: “Sa ganang kaniya, ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan ay dudurog kay Satanas sa ilalim ng inyong mga paa sa di-kalaunan.” (Roma 16:20) Sa wakas ay malapit na rin ang malaon nang hinihintay na panahon para sa kapayapaan.

20. Malapit nang maging panahon iyon ng ano?

20 Isa ngang malaking pagpapala sa buhay ng lahat ng nasa lupa na makaliligtas sa dakilang pagpapamalas na ito ng kapangyarihan ni Jehova! Di-magtatagal pagkatapos nito ay sasamahan sila ng mga sinaunang tapat na mga lalaki at babae yamang dumating na ang takdang panahon ng pagbuhay-muli sa kanila. Ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo ay tunay na magiging “panahon ng pagtatanim . . . , panahon ng pagpapagaling . . . , panahon ng pagtatayo . . . , panahon ng pagtawa . . . , panahon ng pagluksu-lukso . . . , panahon ng pagyakap . . . , panahon ng pag-ibig.” Oo, at iyon ay magiging “panahon para sa kapayapaan” magpakailanman!​—Eclesiastes 3:1-8; Awit 29:11; 37:11; 72:7.

Ano ang Sagot Mo?

◻ Ano ang saligan ng namamalaging kapayapaan?

◻ Bakit itinuturing ng mga Saksi ni Jehova ang kasalukuyan bilang “panahon para sa digmaan”?

◻ Kailan dapat ‘magsalita’ ang bayan ng Diyos, at kailan sila dapat ‘tumahimik’?

◻ Paano at kailan babasagin ni Jehova ang kaniyang pagtahimik?

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 13]

Si Jehova ay May Takdang Panahon Para sa

◻ pag-akay kay Gog upang salakayin ang bayan ng Diyos.​—Ezekiel 38:3, 4, 10-12

◻ paglalagay sa puso ng mga pinunong tao na wasakin ang Babilonyang Dakila.​—Apocalipsis 17:15-17; 19:2

◻ pagsasagawa ng kasal ng Kordero.​—Apocalipsis 19:6, 7

◻ pagsisimula ng digmaan ng Har–Magedon.​—Apocalipsis 19:11-16, 19-21

◻ paggapos kay Satanas upang pasimulan ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesus.​—Apocalipsis 20:1-3

Ang mga kaganapang ito ay sunud-sunod na itinala lamang ayon sa pagkakatukoy ng Kasulatan. Makatitiyak tayo na ang lahat ng limang kaganapang ito ay mangyayari ayon sa pagkakasunud-sunod na itinakda ni Jehova at ayon sa eksaktong panahon ng kaniyang pagtatakda.

[Mga larawan sa pahina 15]

Ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo ay tunay na magiging panahon . . .

ng pagtawa . . .

ng pagyakap . . .

ng pag-ibig . . .

ng pagtatanim . . .

ng pagluksu-lukso . . .

ng pagtatayo . . .

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share