Kapag ang Pangangaral ay Lalo Nang Hindi Malilimutan
“Matindi ang sikat ng araw. Ang daan sa bundok ay tila walang katapusan. Pagkatapos mapagtagumpayan ang maraming hadlang, sa wakas ay naabot din namin ang aming tunguhin: ang pinakamalayong nayon. Ang pagod ay nauwi sa kagalakan nang kami ay kumatok sa unang pinto at malugod na tinanggap. Sa katapusan ng araw, naipasakamay namin ang lahat ng dala naming literatura at nakapagpasimula ng ilang pag-aaral sa Bibliya. Ang mga tao ay sabik na matuto. Kailangan na kaming umalis, subalit kami ay nangakong babalik.”
ANG gayong mga karanasan ay pangkaraniwan sa isang grupo ng mga ministrong payunir sa Mexico. Desidido ang mga ito na masigasig na makibahagi sa pagtupad sa atas na ibinigay ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad: “Kayo ay magiging mga saksi ko . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Sa Mexico, ang pantanging mga kampanya sa pangangaral—na tinatawag na mga ruta ng payunir—ay inorganisa upang maabot ang mga teritoryo na hindi naiatas sa kongregasyon, at samakatuwid ay hindi regular na napangangaralan ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Karaniwan na, ang mga ito ay liblib o mahirap maabot na mga teritoryo. Binibigyan din ng tulong ang nakabukod na mga kongregasyong may napakalawak na teritoryong kinukubrehan.
Upang matiyak kung anong mga lugar sa bansa ang masasaklaw ng mga ruta ng payunir, sinusuri ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova ang mga pangangailangan ng teritoryo.a Kapag naisagawa na ito, ang mga grupo ng special pioneer ay inaatasan upang kubrehan ang teritoryo. Pinaglalaanan sila ng mga sasakyang angkop sa baku-bako at di-sementadong mga daan. Ang mga sasakyan ay nagsisilbi ring imbakan ng mga literatura at silid-tulugan kung kinakailangan.
Tumutugon Agad
Mula noong Oktubre 1996, ipinaabot ang mga paanyaya sa iba pang mangangaral ng mabuting balita upang makibahagi sa gawaing ito, na sinasamahan ang mga special pioneer. Ang mga mamamahayag ng Kaharian at ang mga regular pioneer na nagnanais maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan ay sumasama sa kampanya sa iba’t ibang yugto nito. Ang ilan ay inatasan sa mga kongregasyong nasasakupan ng ruta upang magawa ang teritoryong ito at malinang ang nasumpungang interes. Maraming kabataang mamamahayag at payunir ang tumanggap sa mga paanyayang ito at talagang nagtamo ng lubhang nakapagpapatibay na mga karanasan.
Halimbawa, si Abimael, isang kabataang Kristiyano na may trabahong mataas ang suweldo sa isang kompanya ng mobile phone, ang nagpasiyang makibahagi sa gawaing pangangaral sa liblib na mga lugar na iyon. Nang malaman ng kaniyang pinagtatrabahuhan na aalis na siya sa kaniyang trabaho, inalok nila siya ng promosyon at mas mataas na suweldo. Ginipit siya ng kaniyang mga katrabaho, anupat iginigiit na iyon ay isang pambihirang pagkakataon at magiging kamangmangan na tanggihan niya iyon. Gayunman, desidido si Abimael na suportahan ang pantanging kampanya ng pangangaral sa loob ng tatlong buwan. Pagkatapos tamasahin ang kasiyahan sa paglilingkod na ito, nagpasiya si Abimael na manatili nang mahabang panahon sa isang nabubukod na kongregasyon kung saan malaki ang pangangailangan para sa mga mamamahayag ng Kaharian. Ngayon ay mayroon na siyang trabaho na katamtaman ang sahod at natutuhan niyang gawing simple ang kaniyang buhay.
Sa isa pang kaso, si Julissa ay kailangang maglakbay nang 22 oras sa pamamagitan ng bus upang makarating sa kaniyang atas. Sa huling yugto ng kaniyang paglalakbay, hindi siya nakasakay sa huling bus ng araw na iyon. Gayunman, may isang pickup truck doon na naghahatid ng mga manggagawa. Nag-ipon si Julissa ng lakas ng loob at nakiusap sa kanila na pasakayin siya. Mauunawaan naman, nangangamba siya palibhasa’y siya lamang ang babae na kasama ng maraming lalaki. Nang siya ay magsimulang mangaral sa isang kabataang lalaki, nalaman niya na ito pala ay isang Saksi ni Jehova! “Bukod dito,” gunita pa ni Julissa, “ang drayber ng pickup ay isa palang matanda sa kongregasyong pinag-atasan sa akin!”
Nakikibahagi ang mga May-edad
Gayunman, ang atas na ito ay hindi lamang para sa mga kabataan. Si Adela, isang may-edad nang kapatid na babae, ay palaging nagnanais na mag-ukol ng higit na panahon sa gawaing pangangaral. Nagkaroon siya ng pagkakataon nang siya’y anyayahang makibahagi sa pantanging gawaing ito ng pangangaral. Sinabi niya: “Lubha akong nasiyahan sa aking atas anupat hiniling ko sa matatanda sa kongregasyon na pahintulutan akong manatili na lamang doon nang mahabang panahon. Maligaya ako sapagkat kahit na may-edad na ako, napapakinabangan pa rin ako ni Jehova.”
Gayundin, dahil sa pagpapahalaga kay Jehova at pag-ibig sa kapuwa-tao, ang 60-taóng-gulang na si Martha ay nagkusang makibahagi sa kampanya. Palibhasa’y napansin niyang nakahahadlang sa kaniyang grupo ang layo at ang mahirap na daan ng teritoryo upang maabot ang lahat ng tao, bumili siya ng sasakyan para magamit ng mga payunir. Dahil sa kontribusyong ito ng kapatid na babae, naging posible na makubrehan ang mas maraming teritoryo at maibahagi ang katotohanan ng Bibliya sa mas maraming tao.
Nakapagpapasiglang Pagtugon
Ang tunguhin niyaong mga nakikibahagi sa pantanging mga kampanyang ito ng pangangaral ay upang “gumawa ng mga alagad.” Hinggil dito, napakahusay ng naging mga bunga nito. Ang mga tao sa nabubukod na mga lugar ay nakatatanggap ng nagbibigay-buhay na mga katotohanan mula sa Bibliya. (Mateo 28:19, 20) Maraming pag-aaral sa Bibliya ang naitatag. Ang mga ito ay idinaraos ng mga mamamahayag sa lugar na iyon o ng mga ebanghelisador na nanatili sa teritoryo. Sa ilang pagkakataon, naorganisa ang mga grupo ng mga mamamahayag, at sa iba namang pagkakataon, naitatag pa nga ang maliliit na kongregasyon.
Si Magdaleno at ang kaniyang mga kasamahan ay sumasakay sa pampublikong transportasyon upang makarating sa nabubukod na teritoryo na iniatas sa kanila. Habang nasa daan, sinamantala nila ang pagkakataong mangaral sa drayber. “Sinabi sa amin ng lalaking ito na noong nakaraang linggo, nagpunta ang ilang Saksi sa kaniyang tahanan nang wala siya. Noong makauwi siya, inulit sa kaniya ng kaniyang pamilya kung ano ang kanilang narinig. Sinabi namin sa kaniya na hindi kami tagaroon kundi nagmula sa iba’t ibang estado ng bansa upang suportahan ang pantanging kampanyang ito ng pangangaral, at na kaming lahat ang bumalikat ng aming mga gastusin. Palibhasa’y humanga rito, sinabi ng drayber na magsisimula na siyang mag-aral ng Bibliya kasama ng kaniyang pamilya sa linggo ring iyon. Sinuportahan pa nga niya ang gawain sa pamamagitan ng paglilibre sa aming pamasahe.”
Hangang-hanga rin si Magdaleno sa pagtugon ng mga tao sa kabundukan ng Chiapas. “Naranasan naming mag-asawa na ibahagi ang mensahe ng Kaharian sa isang grupo ng 26 na kabataan na dumadalo sa Simbahang Presbiteryano. Silang lahat ay matamang nakinig sa loob ng 30 minuto. Inilabas nila ang kanilang mga Bibliya, at nakapagbigay kami sa kanila ng lubusang patotoo tungkol sa mga layunin ni Jehova. Karamihan sa mga tao ay may sariling Bibliya sa wikang Tzeltal.” Maraming progresibong pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan.
Nabawasan ang Pagsalansang
Isang komunidad sa Chiapas ang hindi nadadalaw taglay ang mensahe ng Bibliya sa loob ng mahigit na dalawang taon dahil sa pagsalansang ng ilang tao. Napansin ni Teresa, isang buong-panahong ebanghelisador, na ang ilang Saksi ay nangangambang mangaral sa nayong iyon. “Laking gulat ng lahat, ang mga tao ay handang makinig. Pagkatapos naming mangaral, nagsimulang umulan nang napakalakas. Sa paghahanap ng masisilungan, napuntahan namin ang tahanan ng isang mapagpatuloy na tao na nagngangalang Sebastián, na nagpapasok sa amin upang makasilong kami. Nang nasa loob na kami, tinanong ko siya kung may nakadalaw na sa kaniya. Nang sabihin niyang wala pa, sinimulan kong magpatotoo sa kaniya at pinasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya na ginagamit ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan.b Nang matapos kami, may-luhang nagmakaawa si Sebastián na sana’y bumalik kami upang makipag-aral sa kaniya.”
Isa pang grupo ng mga payunir na dumalaw sa Chiapas ang nag-ulat: “Sa tulong ni Jehova, nagkaroon kami ng mabubuting resulta. Noong unang linggo, nakapagpasimula kami ng 27 pag-aaral; noong ikalawa, inanyayahan namin ang mga tao na panoorin ang ating video na The Bible—Its Power in Your Life. Animnapu ang dumalo. Tuwang-tuwa ang lahat. Sa katapusan, nagmungkahi kami na pasimulan ang isang grupo ng pag-aaral sa Bibliya. Nakagugulat na dalawang grupo ng pag-aaral ang naitatag sa nayong ito.
“Nang magawa na namin ang iniatas na mga teritoryo, bumalik kami upang dalawin ang nayon para mapatibay ang mga interesado at makita kung ano na ang nangyayari sa organisadong mga grupo ng pag-aaral sa Bibliya. Inanyayahan namin sila sa pahayag pangmadla at sa Pag-aaral sa Bantayan. Gayunman, walang sapat na lugar upang mapagdausan ng mga pulong. Itinuro ng tao na nag-alok ng kaniyang tahanan para sa pag-aaral ng grupo ang bakuran ng kaniyang bahay at sinabi: ‘Maaaring idaos ang mga pulong sa bakuran.’ ”
Sa dulo ng sanlinggong iyon, ang dumadalaw na mga payunir at ang mga taong interesado ay masiglang tumulong sa paghahanda ng bakuran upang iyon ay magamit para sa mga pulong. May 103 katao ang dumalo sa unang pulong. Ngayon ay 40 pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos sa nayong iyon.
“Isang Kamangha-manghang Karanasan”
Bukod sa pagkakaroon ng mahuhusay na resulta sa gawaing pangangaral, nakinabang nang malaki yaon mismong mga nakibahagi sa gawaing ito ng pag-eebanghelyo. Si María, isang kabataang payunir na nakibahagi sa isa sa mga kampanyang ito, ang nagpahayag ng kaniyang nadama sa ganitong paraan: “Iyon ay isang kamangha-manghang karanasan sa dalawang kadahilanan. Ang kagalakan ko sa gawaing pangangaral ay sumidhi, at ang aking kaugnayan kay Jehova ay naging mas malapít. Minsan, nang umaakyat kami sa isang bundok, nakadama kami ng pagod. Pagkatapos humingi kay Jehova ng tulong, naranasan namin ang sinasabi sa Isaias 40:29-31: ‘Yaong mga umaasa kay Jehova ay magpapanibagong-lakas.’ Kaya nakarating kami roon sa aming paroroonan at nakapagdaos ng mga pag-aaral sa mga tao na magiliw na tumanggap sa amin.”
Isa pang kabataang payunir, ang 17-taóng-gulang na si Claudia, ay nagsabi sa amin: “Ako ay nakinabang nang malaki. Natutuhan kong maging lalong bihasa sa ministeryo, na nagbigay sa akin ng malaking kagalakan, at umakay ito sa pagtatakda ko ng espirituwal na mga tunguhin. Ako ay gumulang din sa espirituwal. Sa bahay, ang ina ko ang gumagawa ng lahat para sa akin. Ngayon, taglay ang higit na karanasan, naging lalo akong responsable. Halimbawa, ako ay dating napakapihikan sa aking kinakain. Subalit ngayon na kailangan kong makibagay sa iba’t ibang kalagayan, hindi na ako nagrereklamo tungkol sa pagkain. Ang anyong ito ng paglilingkod ay nakatulong sa akin na malinang ang napakainam na mga pakikipagkaibigan. Ibinabahagi namin sa isa’t isa ang lahat ng taglay namin at tinutulungan namin ang isa’t isa.”
Isang Masayang Pag-aani
Ano ang naging mga resulta ng pantanging pagsisikap na ito? Sa pasimula ng 2002, mga 28,300 payunir ang nakibahagi sa mga ruta ng payunir. Sila ay nakapagdaos ng mahigit sa 140,000 pag-aaral sa Bibliya at gumugol ng mahigit sa dalawang milyong oras sa gawaing pangangaral. Upang tulungan ang mga tao na matutuhan ang katotohanan sa Bibliya, sila ay nagpasakamay ng halos 121,000 aklat at halos 730,000 magasin. Karaniwan na para sa ilang payunir na magdaos ng 20 o higit pang mga pag-aaral sa Bibliya.
Ang mga tumanggap ng kabaitang ito ay lubos na nagpapasalamat sa isinagawang karagdagang pagsisikap upang mapaabutan sila ng mensahe ng Bibliya. Sa kabila ng kanilang kahirapan, ipinagpilitan ng marami na tanggapin ng mga mamamahayag ang mga donasyon. Isang nagdarahop na 70-taóng-gulang na babae ang laging nagbibigay ng anumang bagay sa mga payunir na dumadalaw sa kaniya. Kapag tumanggi silang tanggapin iyon, siya’y umiiyak. Isang mahirap na pamilya naman ang nagsabi sa buong-panahong mga ebanghelisador na ang kanilang manok ay pantanging nangitlog para sa kanila, at hinimok silang kunin ang mga itlog.
Higit na mahalaga, ang taimtim na mga taong iyon ay nagpapakita ng tunay na pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay. Halimbawa, isang kabataang babae ang mag-isang naglalakad nang tatlo at kalahating oras upang makadalo sa Kristiyanong mga pagpupulong, na walang nalilibanan sa mga ito. Sa kabila ng mga suliranin niya sa kaniyang mga tuhod, isang may-edad nang babaing interesado ang naglakbay nang dalawang oras upang tumanggap ng tagubilin mula sa Bibliya sa panahon ng dalaw ng naglalakbay na tagapangasiwa. Ang ilan na hindi nakapag-aral ay nagnanais na matutong bumasa at sumulat upang higit silang makinabang sa edukasyon mula sa Bibliya. Ang kanilang mga pagsisikap ay saganang pinagpapala.
Sa aklat ng Mga Gawa, inilarawan ni Lucas ang isang pangitaing nakita ni apostol Pablo: “Isang lalaking taga-Macedonia ang nakatayo at namamanhik sa kaniya at nagsasabi: ‘Tumawid ka sa Macedonia at tulungan mo kami.’ ” Tinanggap ni Pablo ang paanyaya. Sa ngayon, sa liblib na mga lugar ng Mexico, marami ang tumutugon taglay ang gayunding espiritu, na handang gamitin ang sarili upang ipahayag ang mabuting balita “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”—Gawa 1:8; 16:9, 10.
[Mga talababa]
a Sa isang nakalipas na taon kamakailan, mahigit sa 8 porsiyento ng teritoryo sa Mexico ang hindi nakukubrehan nang palagian ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ito ay nangangahulugan na mahigit sa 8,200,000 katao ang nakatira sa nakabukod na mga lugar na hindi masyadong napangangaralan.
b Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 9]
Maraming Saksing Mexicano ang nakibahagi sa pantanging mga kampanya sa pangangaral