Tanong ng mga Mambabasa
Bakit Hindi Gumagamit ng mga Imahen sa Kanilang Pagsamba ang mga Saksi ni Jehova?
Sa buong daigdig, itinuturing ng mga Hindu, Budista, Katoliko, at mga miyembro ng Simbahang Ortodokso na isang napakahalagang bahagi ng kanilang pagsamba ang paggamit ng mga idolo, imahen, o mga larawan. Sa mga lugar sa Aprika, ginagamit ng mga tao sa kanilang pagsamba ang mga inukit na kahoy o bato kung saan iniisip nilang tumatahan ang isang diyos o ang espiritu ng isang diyos.
Ibang-iba naman ang mga Saksi ni Jehova. Hindi sila gumagamit ng anumang anyo ng idolo o larawan sa kanilang pagsamba. Kung pupunta ka sa mga dako kung saan sila nagtitipon, na tinatawag na mga Kingdom Hall, wala kang masusumpungang larawan ng “mga santo” ni mga imahen ni Jesus o ni Maria.a Bakit wala? Pansinin kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paksang ito.
Ano ang Hiniling ng Diyos sa mga Israelita?
Pagkatapos palayain ang mga Israelita mula sa Ehipto, binigyan sila ng Diyos na Jehova ng maliwanag na tagubilin kung paano siya dapat sambahin. Sinasabi ng ikalawa sa tinatawag na Sampung Utos: “Huwag kang gagawa para sa iyo ng inukit na imahen o ng anyo na tulad ng anumang nasa langit sa itaas o nasa lupa sa ibaba o nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mong yuyukuran ang mga iyon ni maganyak ka man na paglingkuran ang mga iyon, sapagkat akong si Jehova na iyong Diyos ay Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.”—Exodo 20:4, 5.
Noon mismong ibinibigay ng Diyos ang mga utos na ito kay Moises, ang mga Israelita ay gumagawa ng ginintuang guya, malamang bilang pagtulad sa pagsamba sa hayop na ginagawa ng mga Ehipsiyo. Hindi nila tinawag ang imahen sa pangalan ng isang diyos ng mga Ehipsiyo. Sa halip, iniugnay nila ito sa pagsamba kay Jehova. (Exodo 32:5, 6) Ano ang naging reaksiyon ng Diyos? Nag-alab ang kaniyang galit sa mga sumamba sa idolo, at winasak ito ni Moises.—Exodo 32:9, 10, 19, 20.
Nang maglaon, may idinagdag na detalye ang Diyos na Jehova sa ikalawang utos. Sa pamamagitan ni Moises, ipinaalaala niya sa mga Israelita na huwag silang gagawa para sa kanilang sarili ng “isang inukit na imahen, na anyo ng anumang sagisag, na kawangis ng lalaki o babae, na kawangis ng anumang hayop na nasa lupa, na kawangis ng anumang may-pakpak na ibon na lumilipad sa langit, na kawangis ng anumang bagay na gumagala sa lupa, na kawangis ng anumang isda na nasa tubig sa ilalim ng lupa.” (Deuteronomio 4:15-18) Maliwanag, ang mga Israelita ay hindi dapat gumamit ng anumang hugis o anyo ng idolo sa kanilang pagsamba sa Diyos.
Gayunpaman, ang Israel ay nahulog sa idolatriya nang maglaon. Upang ituwid sila, nagsugo si Jehova ng mga propeta para babalaan sila tungkol sa dumarating na kaparusahan dahil sa kanilang pagsamba sa mga idolo. (Jeremias 19:3-5; Amos 2:8) Bilang isang bansa, winalang-bahala ng Israel ang mga babala ng Diyos. Kaya noong 607 B.C.E., pinahintulutan ni Jehova na wasakin ng mga Babilonyo ang Jerusalem at dalhing bihag ang bayan.—2 Cronica 36:20, 21; Jeremias 25:11, 12.
Ano ang Paniniwala ng Unang-Siglong mga Kristiyano?
Nang makumberte sa Kristiyanismo ang mga di-Judio noong unang siglo, hindi na sila gumamit ng mga idolo sa kanilang pagsamba sa Diyos. Pansinin ang sinabi ni Demetrio, isang panday-pilak na gumagawa ng mga idolo sa Efeso, tungkol sa pangangaral ni apostol Pablo: “Mga lalaki, nalalaman ninyong lubos na mula sa negosyong ito ay nagkakaroon tayo ng ating kasaganaan. Gayundin, nakikita ninyo at naririnig kung paanong hindi lamang sa Efeso kundi halos sa buong distrito ng Asia, ang Pablong ito ay nakapanghikayat ng isang malaking pulutong at ibinaling sila tungo sa ibang palagay, na sinasabing ang mga ginawa ng mga kamay ay hindi mga diyos.”—Gawa 19:25, 26.
Pinatunayan ng mismong pananalita ni Pablo ang bintang ni Demetrio. Nang magsalita si Pablo sa mga Griego sa Atenas, sinabi niya: “Hindi natin dapat akalain na ang Isa na Diyos ay tulad ng ginto o ng pilak o ng bato, tulad ng isang bagay na nililok ng sining at katha ng tao. Totoo, pinalagpas ng Diyos ang mga panahon ng gayong kawalang-alam, gayunma’y sinasabi niya ngayon sa sangkatauhan na silang lahat sa lahat ng dako ay dapat na magsisi.” (Gawa 17:29, 30) Hinggil din dito, sumulat si Pablo sa mga nasa Tesalonica at pinapurihan sila sa pagsasabi: “Bumaling [kayo] sa Diyos mula sa inyong mga idolo.”—1 Tesalonica 1:9.
Bukod kay Pablo, nagbabala rin si apostol Juan sa mga Kristiyano hinggil sa paggamit ng mga imahen sa kanilang pagsamba. Sa pagtatapos ng unang siglo, mariing sinabi sa kanila ni Juan: “Bantayan ninyo ang inyong sarili mula sa mga idolo.”—1 Juan 5:21.
Sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang malinaw na tagubilin ng Diyos na huwag gumamit ng anumang uri ng imahen sa kanilang pagsamba sa kaniya. Naniniwala sila sa sinasabi ng Diyos na Jehova: “Ako ay si Jehova. Iyan ang pangalan ko; at sa kaninuman ay hindi ko ibibigay ang aking kaluwalhatian, ni ang aking kapurihan man sa mga nililok na imahen.”—Isaias 42:8.
[Talababa]
a Sa ilang Kingdom Hall, may makikitang mga ipinintang larawan ng mga tauhan sa Bibliya. Gayunman, ang mga larawang ito ay pandekorasyon lamang at hindi sinasamba. Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nananalangin sa mga larawang ito, ni yumuyukod man sila sa mga ito.
[Blurb sa pahina 31]
“Ako ay si Jehova. Iyan ang pangalan ko; at sa kaninuman ay hindi ko ibibigay ang aking kaluwalhatian, ni ang aking kapurihan man sa mga nililok na imahen.”—Isaias 42:8